Sa ating kapita - pitagang tagapapamanihala ng mga paaralan, dito sa Lungsod ng Santa Rosa, Dr. Manuela S. Tolentino, sa ating masigasig na ikalawang tagapapamanihala, Dr. Ernesto Lindo, sa ating masipag na tagamasid pampurok, G. Sammy Empleo, sa ating mapagmahal at mapagkalingang punongguro, Dr. Catherine M. Laza, mga guro ng SRES Central 3, mga magulang, mga kapwa ko magsisipagtapos, at sa lahat ng mga saksi sa espesyal na araw na ito, isang masaya at mapagpalang araw po sa ating lahat! Parang kailan lang ng nabuksan ang unang pahina ng ating buhay pagaaral, ang antas ng elementarya. Ngayon nandito tayo hindi upang tapusin kundi buksan ang panibagong pinto sa larangan ng pagkatuto. Sa araw na ito, iba’t – ibang emosyon ang aking nararamdaman. Malungkot sapagkat ating pansamantalang iiwanan ang ating sintang paaralan, sa kabilang banda ay masaya dahil natapos natin ang ating elementarya. Alam niyo ba? Isang karangalan na ang isang katulad ko na kilala ng karamihan na mahiyain or timid sabi nga nila sa ingles, ay nandito sa inyong harapan upang magbigay ng mensahe ng pagbati at pagtanggap. Ito ay itinuturing ko na isang napakaganda at pambihirang pagkakataon. Kaya naman lubos akong nagpapasalamat sa ating Poong Maykapal sa biyaya ng karunungan at talento na kaniyang kaloob. Maging sa ating mga guro mula sa mababang level hanggang sa ika – anim na baitang. Gayundin sa ating punongguro at lalo sa ating mga magulang. Hindi natin lubos maisip na ang pagkakataong ito ay mairaraos natin. Ang araw ng ating pagtatapos, kung saan maituturing natin na isang malaking hamon sa ating lahat. Mahigit 2 taon na rin ng magsimula ang pandemya ng covid 19 na magpahanggang sa ngayon ay nagpapatuloy, na may kaakibat na iba’t-ibang bagay na nagiging banta sa ating kalusugan. Kung aking babalikan, lahat ay tayo ay nanibago sa naging takbo ng edukasyon at maging sa uri ng ating pamumuhay. Marami tayong naranasan na pagsubok, hadlang at kung anu – ano pa. Sa kabila ng lahat ng ito, naranasan natin paano naging mapagkalinga sa atin ang Kagawaran ng Edukasyon. Nag-isip sila ng mga paraan upang maipagpatuloy ang ating pag-aaral. Hindi lamang iyan. Nandiyan din ang hindi kawasang pagsisikap at pagtitiis ng ating mga guro. Saludo po kami sa inyo mga ma’am at sir. Hindi po lingid sa amin ang inyong mga paghihirap upang mairaos ang taong panuruan na ito sa gitna ng pandemya. Na kahit kayo ay may mga mahal sa buhay na itinataguyod, minsan mas higit pa ang oras na ibinibigay niyo sa amin. Nandiyan lagi ang inyong pang-unawa at pagpapasensiya. Kaya naman ang araw na ito ng pagkilala sa amin, sa lahat ng aming nakamit at sa aming pagtatapos ay hindi lamang para sa amin kundi para din po sa inyo. At siyempre sa lahat ng mga magulang lalo na sa aking ama at ina, maraming salamat po sa lahat ng suporta at sa hindi mapapantayang pagmamahal. Kung hindi po dahil sa inyo, hindi naman ito makakamit. Kaya naman po, sa lahat ng mga kapwa ko magsisipagtapos, damhin natin at pahalagahan ang mensahe ng temang hatid sa atin sa araw na ito. Gradweyt ng K to 12: Masigasig sa mga Pangarap at Matatag sa mga Pagsubok. Magsilbing hamon nawa ito sa atin na sa pagbubukas ng panibagong kabanata ng edukasyon sa bawat isa, huwag tayong bumitaw sa mga bagay na magsisilbing sagwil sa ating mga dadaanan. Gawin nating ilawan ang mga aral na ating natutunan at gawin nating sandata ang mga pangaral ng ating mga guro at magulang. Higit sa lahat lagi tayong manalig sa nakatataas. Matibay tayong mga batang Central -III. Hindi lang tayo sa larangan ng akademiko kundi maging sa lahat ng aspeto. Ako po si Zyrah Mae Ragel mula sa pangkat SRC, na nagagalak upang kayo ay tanggapin sa isang napakamahalagang araw na ito, ANG PAGTATAPOS 2022. Iiwanan ko po ang isang mensahe mula kay Winston Churchill "Success is not final; failure is not fatal: It is the courage to continue that counts." Isang maligayang pagtatapos at pagpalain po tayong lahat!