Modernong Bayanihan: Gabay Aral Tutor at BRB4 Paminggalan sa panahon ng pandemya. Isinulat ni Maria Cecilia R. San Jose Morong National High School-SHS Mahigit isang taon na ang nakalipas mula ng maranasan ng buong mundo ang pandemyang dala ng COVID 19. Nagkaroon ng mga bagong normal na pamamaraan ng pamumuhay lalo na sa larangan ng edukasyon. Malaking hamon ang naranasan ng kagawaran sa patuloy na pag-arangkada ng bagong normal na edukasyon sa ilalim ng iba’t ibang learning modalities. Adbokasya ng Dibisyon ng Rizal na maitaas ang antas ng karunungan sa pagbabasa ng mga batang Rizaleno kung kaya’t inilunsad ang ‘Barangayan Para sa Bawat Bata Bumabasa (BRB4) kaagapay ang mga boluntaryong mamamayan na “Gabay Aral Tutor’ na tutulong sa pagpapabasa ng mga kabataang Rizaleno. Simbolo ng pag-asa ang mga asul na banderitas na nakakabit sa piling lugar ng ating kumunidad. Ito ay nangahulugang mayroong gabay aral guro o tutor sa kanilang lugar na handang magbigay ng oras at serbisyo para matulungan ang mga batang RizalenĚo. Kabilang sa nagbigay ng kanyang pagsuporta si Dea Gavas Solayao, 33 taong gulang, may asawa at apat na anak na nag-aaral sa Maybancal Elementary School (MES) sa Morong, Rizal. Tawag Ng Pagtulong Ang pagtulong ay mahalagang konsepto at kultura ng mga Pilipino. Isang kawanggawa na hindi naghahangad ng kapalit at nanggagaling sa puso. Bago pa magkaroon ng COVID 19, madalas nang makita si Dea na nagtuturo ng kaniyang mga anak at sa mga pagkakataong ito’y sumasali ang mga kalaro ng mga ito. Kaya nang ilunsad ang BR-B4 at alukin siya ni Bb. Melanie Ticaro, koordineytor ng BRB4 ng MES. Ayon kay Solayao, binigyan siya ng oryentasyon tungkol sa programa ng pagbasa, kung ano-ano ang mga gagawin at matapos noon ay pinapirma siya ng kasunduan ng boluntaryong paglahok sa nasabing proyekto. “Pangarap kong maging guro ngunit kahit hindi ko ito natapos at dahil sa pagiging Gabay Aral Tutor ko, nabigyan ako ng pagkakataong matupad ito kahit ako po ay simpleng maybahay lamang. Isa pong karangalan para sakin na mapabilang sa ganitong programa,” masayang wika ni Solayao. Gamit ang mga modyul na binigay ng paaralan tinuturuan niyang magbasa ang mga bata sa kanilang looban na nagsimula lamang sa walong mga bata. Pusong Gabay Aral Tutor Ang paglilingkod sa pamayanan ay gawaing kahanga-hanga. Hindi lahat ay kayang maglaan ng kanyang oras, pagod at minsan ay may kasama pang pinansyal. Malayang kagustuhan na makatulong sa kapwa o maging bahagi ng isang gawain tulad ng pagiging Gabay Aral Tutor na malaking bagay sa panahon na patuloy nan a nakikipagbuno ang lahat sa epekto ng pandemya. “Nang magsimula po ako sa pagtuturo halos walong bata lang sila . Dahil maliit lang ang aming lugar, sa bakanteng lote ko tinuturuuan ang mga bata. Pinagdala ko sila ng sarili nilang mga upuan dahil hindi sapat ang silya naming upang ipagamit sa kanila. Pinagdala ko rin sila ng papel,bolpen at kailangang may suot na facemask at faceshield” Ayon pa kay Mam Dea, may mga batang ang dala lamang ay balde na itinataob para maging upuan nito habang tinuturuan niya. “Tuwang-tuwa ang mga magulang ng mga bata na ang iba ay aking mga kapitbahay ko dahil nagiging abala ang mga anak nila, natututo at nalalayo sa madalas na paggamit na kanilang mga cellphone, “ kwento pa ni Solayao. Naniniwala siya na kung pano niya sinusuportahan ang kanyang mga anak kasama ng mga batang kaniyang tinuturuan, ganun din ang suportang gagawin ng mga ito balang araw sa kanilang magiging mga anak at sa kanilang kapwa. Sa kabila ng kaabalahan sa gawaing bahay, pag-aalaga ng kaniyang mga anak, paggabay sa pagsasagot ng mga modyul ng mga ito at pagtitinda nagagawa pa rin niyang magturo sa mga bata araw-araw bilang Gabay Aral Tutor . BR-B4 Paminggalan ng Komunidad at ang pagbasa Pagtulong sa kapwa ang naging inspirasyon ni Patreng Non sa kanyang Maginhawa Community Pantry na sa wikang Filipino ay “Paminggalan ng Komunidad”. Hindi man bago ang konsepto ng Community Pantry, nangingibabaw ang pagtulong at pagbibigay sa kapwa sa panahon ng pangangailanganng kaya mahigit sa 200 na community pantry ang naitayo sa iba’t ibang bahagi ng bansa "Magbigay ayon sa kakahayan, kumuha batay sa pangangailangan," yan ang mensahe sa bawat community pantry sa buong bansa Samantala, kabilang sa naantig ng ganitong gawain si Solayao. Nagbuo din siya ng kaniyang sariling community pantry sa kanilang lugar at iniuunay niya ito sa kanyang gawain bilang BR-B4 Gabay Aral Tutor. “Upang mas marami akong mahikayat na sumali sa aming pagbabasa, nagbibigay ako ng mga kendi, biskwit at juice pagkatapos naming mag-aral magbasa,” sabi ni Solayao. Inamin niyang hindi nya kayang tustusan ang ganito lalo’t araw-araw dati ang kanyang pagtuturo, kaya may pagkakataong nangangalakal siya upang may maibili ng kanyang pamigay sa mga batang tinuturuan niya. “Naging epektibo naman ang aking ginawa dahil mula sa walo ay umabot ito ng 20 na bata. May mga bata pa na mula sa ibang barangay ang gusting sumali sa amin ngunit tinanggihan ko muna bilang pag-iingat sa COVID-19,” ani ni Mam Dea. Pumukaw sa marami ang kanyang islogang "Bumasa ayon sa kakayahan at kumuha ayon sa gantimpalang nakalaan batay sa kakayahang bumasa." Kung kaya’t may mga napapadala na ng tulong sa kaniya kabilang na ang MES sa pamumuno ni Gng. Corina DJ. Condez,principal ng paaralan. Pag-asam Magkakaiba man ang mga pananaw, paniniwala at pamamaraan kung paaanong maipagpapatuloy ang buhay sa kabila ng pandemya, ang pagkakaisa ng bawat Filipino sa mga gawaing katulad ng mga paminggalang pangkomunidad at pagiging BR-B4 Gabay Aral Tutor ay nagpapasigla ng modernong bayanihan sa pamayanan. Nangingibabaw ang pagtulong at pagbibigay sa kapwa sa panahon ng pangangailangan. “Naniniwala po ako na balang araw wala ng bata sa Rizal ang hindi marunong bumasa at ang ganitong gawain ay magpapatuloy kahit wala na ang pandemya" Dagdag pa ni Solayao na mas lumawak pa ito, mas dumami ang mga taong magiging katuwang ng paaralan sa pagpapabasa upang walang batang maiiwan sa pagbasa at pag-unawa sa kaniyang binasa. Dumami pa ang mga taong patuloy na susuporta upang maitawid ang mga pangangailangan ng kaniyang community pantry at higit sa lahat mas maraming bata ang magkaroon ng motibasyon na matutong bumasa. Lahat ay may kakayanang tumulong at magbahagi ng kaniyang kakayahan. Malayang desisyong na sana lahat ay magkaroon upang ang modernong bayanihan ng community pantry at BR-B4 Gabay Aral Tutor ay mas maging matagumpay.