Kwento ng plano, hamon at mga sakripisyo ng gurong ALS Maria Cecilia R. San Jose Morong National High School -SHS Itinuturing ng marami na ang pagtuturo ay isang propesyon, isang bokasyon, isang misyon “‘Alam ko ang aking mga plano para sa inyo, ang mga planong kayo’y paunlarin at hindi ipahamak, ang mga planong kayo’y bigyan ng pag-asa at kinabukasan,” mula sa Jeremias 29:11 ng Bibliya. Naniniwala si Gng. Ma. Elena R. Javier, guro sa Alternatibong Sistema ng Pag-aaral (ALS) sa Distrito 1 ng Binangonan, Rizal na ang kanyang pagtuturo ay isang plano ng Panginoong ipinagkatiwala sa kanya upang ang mga out-of school youth (OSY), mga katutubo, mga may edad na hindi nakapag-aral,mga preso at iba pang sektor ng lipunan na hindi kayang abutin ang tradisyunal na sistema ng edukasyon ay kanyang mapaglingkuran at mabigyan ng ikalawang pagkakataon na mabago ang kanilang buhay mula sa kanilang mga pagkakadapa. Tinatawag na Ma’am Elena at Momi Elen naman sa iba, ay nagtapos ng kursong Bachelor in Secondary Education major ng English sa University of Rizal System at may 42 units sa kursong Masteral sa parehong paaralan. Naging kalahok din siya sa 2014 Guronasyon, isang proyektong nagbibigay ng pagkilala sa mga natatanging guro ng Dibisyon ng Rizal. “Taong 2009 ako ng magsimula bilang mobile teacher ng ALS na noong una’y tinanggihan ko dahil nang tawagaan ako upang magturo ay apat na buwan pa lamang akong nakakapanganak. Idagdag pa ‘yung sinabing ako’y magpupunta sa iba’t ibang barangay upang turuan yung mga out-of-school-youth na wala namang problema dahil akoy isang lider ng kabataan ngunit kapapanganak lamang” kwento ni Ma’m Elena. Ganoon pa man tinanggap nya ang kanyang gawain ay isang biyaya dahil nakakasalamuha sya ng iba’t ibang uri ng mag-aaral, naging bahagi sya ng mga programang tulad ng Basic Education Literacy Program (BLP), isang akreditasyong programa para sa mga Elementarya at Sekundarya ng ALS sa didtrito 1 ng Binangonan Rizal. Sa loob ng isang dekada, pumupunta siya sa mga barangay ng Binangonan, Rizal. Nakikipag-ugnayan sa mga kapitan upang mapuntahan at maipaalam ang programa ng ALS. Sakay ng serbis ng barangay at may hawak ng isang megaphone. May mga pagkakataon din na pumupunta sila sa mga kabahayan noong wala pa ang COVID-19 upang manghikayat na magtuloy ng pag-aaral sa pamamagitan ng ALS. “Nung wala pang covid ,nagtuturo kami sa jail na kung saan nakasalamuha ang ating mga kapatid na inmates. Nagturo po kami sa BJMP, mga kakosa po,”pahayag ni Ma’m Javier. Naikwento rin na nagtuturo sila sa isang kubo at maging sa sa ilalim ng mga puno, na kung saan may mga istudyante at malayo sa mga paaralan ay kanilang inaabot. Naniniwala si Ma’am Elena na totoong masarap ang maging mobile teacher kasi ibang klase fulfillment ang kanyang nararamdaman kapag nabago ang buhay ng mga kanyang mga studyante sa kabila na sila’y dalawa lamang na guro ng ALS sa kanilang lugar na humahawak sa 217 na mag-aaral at iba’t iba ang iskedyul dahil karamihan ay mga nagtatrabaho na at talagang isinisingit na lamang ang pag-aaral “Madalas may klase ako hanggang 9:30 ng gabi para sa mga wala talagang oras. Dalawang guro po kami na may three sets of learners. May tinatawag po tayong Basic, o mga kinder level, meron ding po tayong elementary, lower at higher elementary . Meron ding lower at advance secondary . ‘Yan po ang buhay ng ALS.,” aniya pa. Nilinaw din nya na nag mga mag-aaral ng ALS ay hindi iniwan ng DepEd dahil ang kanilang mga mag-aaral ay nakakasali sa iba’ibang gawain at patimpalak tulad ng tree planting, paglilinis sa komunidad, nakakasali i sa mga quiz bee, isports at Festival of Talents na kung saan ang kanilang mag-aaral ay nagwagi ng ikalawang pwesto nang nakaraang taon at wala pang pandemya. Samantala, hindi katulad ng isang tradisyonal na Sistema ng pag-aaral, sila ang lumalapit sa pamayanan, sila ang humahanap sa kanilang mga mag-aaral na ayaw nang magpatuloy sa kanilang pag-aaral dahil sa iba’t ibang rason. “Ikaw ang uunawa, ang mag-aadjust sa mga ugali, sa lugar kung saan gaganapin ang pag-aaral at sa mga kagamitan na kakailanganin sa kanilang klase. May pagkakataon na may magsasabi na wala silang bigas, pamasahe o anu pa man. Ang problema nila ay nagiging problema mo dahil tila naging isang pamilya na kami,” aniya pa. Ibinahagi din niya na. dahil isa siyang Born Again Christian at bahagi ng kaniyang pagtuturo ay talagang naipapakilala niya sa kanila si Lord. “Sabi ko nga po hindi coincidence na andito kayo sa ALS, may plano sa inyo ang Panginoon. Ipinapaunawa ko sa kanila na bumagsak man sila sa dating buhay nila pero may second chance sila sa Panginoon at mahal sila ng Panginoon.kasi kapag narealized nila na mahal sila ng Panginoon, mamahalin nila ang kanilang sarili.,” madamdamin nyang kwento. Upang magpatuloy ang pag-aaral sa ALS at magpatuloy ang programa kahit may pandemya, online na ang kanilang pagrerehistro. Nagpost sila sa facebook ng mga success story ng kanilang mga naging istudyante upang makahikayat na muling magaral. Hindi na mabilang ang mga mag-aaral na nabago ang buhay dahil sa ALS at dahil sa isang Ma’am Ma. Elena R. Javier na hindi bumitiw para ang isang isang basurero at mangangalakal ay matutong bumasa at sumalat, na ang isang dating isnatser, ngayo’y katuwang na ng ALS, ang dating tapos lamang ng elementarya ay isang ganap ng pulis, ang iba’y naging guro,at may mga nagtatrabaho na sa ibang bansa, Iba’t ibang personalidad, iba’t ibang istorya ng buhay, may kani-kaniyang problemang hinarap ngunit iisa ang namutawi sa mga mag-aaral na ito, isang pasasalamat sa gurong naging bahagi ng kanilang buhay Sa huli isang pangako ang kanyang binitiwan, “ Hindi nagkamali si Lord sa paglalagay nila sa akin sa ALS. Hindi po ako aalis sa ALS. Hanggat kaya ko pang magtuturo aabot at abot ako ng mga kabataan at mga matatanda na gustong mag-aral.” Patunay na ang mga guro sa daan, ay syang naging tulay upang muling mabuhay ang isang pangarap, mabuo ang kanilang sarili at mabigyan ng pagkakataong mabago ang kanilang pamumuhay ng kanilang mag-aaral sa ikalawa nilang pagkakataon.