IMPORMAL NA SEKTOR NG EKONOMIYA ESCALANTE | DARUCA | MADRID| PORPAYAS | SAYSON | UBA Sa inilahad na economic development model ni W. Arthur Lewis sinasabing nagmula ang paggamit ng konsepto ng impormal na sektor. Inilarawan niya ito bilang uri ng hanapbuhay na kabilang sa mga bansang papaunlad pa lamang (developing countries). Partikular sa mga ito ang uri ng trabahong hindi bahagi ng makabagong sektor ng industriya. Subalit, ang pormal na pagsisimula ng mga ekonomista at iskolar sa paggamit ng konseptong ito ay nagsimula noong 1970’s dahil sa isinagawang pag-aaral ni Keith Hart, isang antropolohistang Ingles na nagsuri ng mga gawaing pangekonomiya ng mga taong naninirahan sa Acrra, Ghana. Ginamit ni Hart ang konseptong ito upang ilarawan ang uri ng hanapbuhay ng mga tao rito. Ito ay sinang-ayunan ng International Labour Organization (ILO) batay sa kanilang isinagawang First ILO World Employment Mission sa Kenya, Africa noong 1972. Batay sa resulta ng kanilang misyon, nalaman nilang marami ang mga may hanapbuhay na nasa labas ng regular na industriya o ng itinakda ng batas. Kaugnay nito, ang International Labor Organization (ILO) ay gumawa ng resolusyon upang magkaroon ng pandaigdigang batayan sa paglalarawan ng impormal na sektor. Sa isinagawang 15th International Conference of Labor Statisticians noong Enero 19-28, 1993 sa Geneva, Switzerland, ayon sa ILO, ang impormal na sektor ay nagtataglay ng malawak na katangian. Ito ay binubuo ng mga yunit na nagsasagawa ng pagbuo ng produkto at serbisyo na may layuning makalikha ng empleyo o trabaho at magdulot ng kita sa taong lumalahok dito. Ang mga gawain dito ay naisasagawa dulot ng mababang antas ng organisasyon, hindi pagsunod sa itinatakdang kapital at pamantayan, at napakaliit na antas ng produksiyon. Ang mga kasapi sa pagsasagawa ng mga gawain sa produksiyon sa ilalim nito ay kadalasang mga kamag-anak o malalapit na kaibigan. Ito ay walang pormal na pagsunod sa mga patakarang itinakda ng pamahalaan Kaugnay nito, noong 2008 ,nagsagawa ang National Statistics Office (NSO) ng Informal Sector Survey (ISS). Ito ang kaunaunahang pambansang sarbey tungkol sa impormal na sektor sa Pilipinas. Batay rito, lumabas na mayroong halos 10.5 milyong tao ang kabilang sa impormal na sektor. Ang tinatawag na selfemployed ay humigit-kumulang 9.1 milyong katao at ang mga employers ay nasa 1.3 milyong katao. Maliban pa rito, sa isinagawang Labor Force Survey (LFS) ng taong ding iyon (Abril 2008), lumabas na mayroong 36.4 milyong tao ang kabilang sa lakas-paggawa at 30% nito ay kabilang sa mga informal sector operator. Sa kabuuang bilang na ito, 2/3 ay mga kalalakihan at, kung ibabatay naman sa edad o gulang, ¾ o 75% ay nasa 35 gulang pataas. Ayon sa papel ni Cleofe S. Pastrana, isang kawani ng National Economic and Development Authority (NEDA), na pinamagatang “The Informal Sector and Non-Regular Employment in the Philippines”, sa isang kumperensiya sa Tokyo, Japan noong Disyembre 15-17, 2009, kaniyang binigyang-diing ang impormal na sektor ay nakatutulong sapagkat nakapagbibigay ito ng empleyo o trabaho sa mga mamamayan. Ito ay nagdudulot din ng pagkakalikha ng mga produkto at serbisyong tutugon sa ating mga pangangailangan. Ang kita ng impormal na sektor ay hindi naisasama sa kabuuang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa subalit tinataya na ang halaga ng produkto at serbisyo mula rito ay nasa 30%. Ito ay mabisang maipapaliwanag gamit ang talahanayan sa ibaba na mula sa ulat ng Congressional Planning and Budget Department (House of Representatives) noong Nobyembre 2008. Ito ay nagsasaad ng Informal Sectors Share in Selected Asian Countries sa loob ng mga taong 2001-2006 ayon sa datos ng BLES NSO 2007. Place your screenshot here Samantala, ayon naman sa IBON Foundation, isang nongovernment organization (NGO), na nagsasaliksik tungkol sa mga usaping sosyal, politikal, at ekonomiko ng bansa, ang impormal na sektor ay paraan ng mga mamamayan lalo na ang kabilang sa tinatawag na “isang kahig, isang tuka” upang magkaroon ng kabuhayan lalo na sa tuwing panahon ng pangangailangan at kagipitan. Maliban pa dito, inilalarawan din nito ang pag-iral ng kawalan ng hanapbuhay at ang kahirapan ang siyang nagtutulak sa tao na pumasok sa ganitong uri ng sitwasyon. Maliban pa rito, ayon sa artikulo ni Cielito Habito sa Philippine Daily Inquirer (PDI) noong Enero 21, 2013, kaniyang sinabi na ang tinatayang kabuuang bahagdan ng impormal na sektor sa GDP ay 40%. Tinawag niya rin ang impormal na sektor bilang underground economy o hidden economy. Ilan sa mga halimbawa ng mga taong kabilang sa sector na ito ay ang mga nagtitinda sa kalsada (sidewalk vendor), pedicab driver, karpintero, at mga hindi rehistradong operasyon ng mga pampublikong sasakyan (colorum). Kabilang din sa sektor na ito ang mga gawaing ipinagbabawal ng batas tulad ng prostitusyon, ilegal na pasugalan, pamimirata (piracy) ng mga optical media gaya ng compact disc (CD) at digital video disc (DVD). Place your screenshot here Place your screenshot here Place your screenshot here Kaugnay nito, ang sumusunod ay mga karaniwang katangian ng impormal na sektor: Hindi nakarehistro sa pamahalaan; Hindi nagbabayad ng buwis mula sa kinikita; Hindi nakapaloob sa legal at pormal na balangkas na inilatag ng pamahalaan para sa pagnenegosyo. Sa pangkalahatan, hindi lamang sa ating bansa mayroong impormal na sektor. Ito ay nagaganap kahit sa iba pang bansa sa daigdig. Ayon nga kay Hedayet Ullah Chowdhury, Assistant Professor, Kazakhstan Institute of Management, Economics, and Strategic Research, sa kaniyang papel na nailathala sa Philippine Journal of Development, ang paglaganap ng impormal na sektor ay isang global phenomenon. Ang pag-iral nito sa iba’t ibang bansa ay kakikitaan lamang ng pagkakaiba-iba nito ayon sa lawak, dami, at pangkalahatang sistema ng operasyon. Gayumpaman, hindi maikakaila ang kontribusyon nito sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa, partikular na sa pagbibigay ng empleyo o hanapbuhay sa mga mamamayan. DAHILAN AT EPEKTO NG IMPORMAL NA SEKTOR NG EKONOMIYA Maraming mga magkakaugnay na salik ang itinuturong dahilan kung bakit patuloy na lumalaganap ang impormal na sektor sa iba’t ibang bansa. Sa pangkalahatan, sinasalamin ng pag-iral ng impormal na sektor ang hindi pantay na pag-unlad ng mga sektor ng ekonomiya. Maliban pa rito, ang kakulangan ng sapat na hanapbuhay o kung hindi naman ay ang tamang pagpapatupad ng batas tungkol sa paggawa ay ilan sa dahilan sa pag-iral ng impormal na sektor. + Samantala, ayon sa aklat na “Ekonomiks: Mga Konsepto at Aplikasyon” (2012) nina Balitao et al., ang sumusunod ay ilan sa pinaniniwalaang kadahilanan kung bakit pumapasok ang mga mamamayaan sa impormal na sektor: • Makaligtas sa pagbabayad ng buwis sa pamahalaan; • Makaiwas sa masyadong mahaba at masalimuot na proseso ng pakikipagtransaksiyon sa pamahalaan o ang tinatawag na bureaucratic red tape. Sa aspektong ito ay pumapasok ang labis na regulasyon ng pamahalaan; • Kawalan ng regulasyon mula sa pamahalaan na kung saan ang mga batas at programa ay hindi naipapatupad nang maayos; • Makapaghanapbuhay nang hindi nangangailangan ng malaking kapital o puhunan; at • Mapangibabawan ang matinding kahirapan. Maliban pa rito, ang migrasyon ng mga tao mula sa kanayunan patungo sa Metro Manila at iba pang malalaking lungsod ay isa ding dahilan kung bakit patuloy na lumalaki ang impormal na sektor. Gayumpaman, masasabi rin nating ang paglaganap ng impormal na sektor ay nagpapakita ng pagkakaroon ng ugaling mapamaraan ng mga Pilipino upang mapaglabanan ang hamon ng kahirapan. Ipinapakita rin nito ang pagiging matatag laban sa mga suliraning pangkabuhayan, gaya ng mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng trabaho, maliit na pasahod, at mababang antas ng edukasyon. Sa kabilang dako, ang pag-iral ng impormal na sektor ay nagdudulot ng sumusunod na epekto sa ekonomiya: Pagbaba ng halaga ng nalilikom na buwis – Dahil ang mga kabilang sa impormal na sektor ay hindi nakarehistro, hindi rin sila nagbabayad ng buwis mula sa kanilang kinikita o operasyon. Ito ay nangangahulugan ng malaking pagbawas sa kabuuang koleksiyon o maaaring kitain ng pamahalaan sa pangongolekta ng buwis. Banta sa kapakanan ng mga mamimili – Dahil ang mga bumubuo sa impormal na sektor ay hindi rehistrado at hindi sumusunod ayon sa itinatalaga ng batas tungkol sa kanilang operasyon, maaaring ang mga produkto o serbisyo ay hindi pasado sa quality control o standards ayon sa itinakda ng Consumer Act of the Philippines, kung kaya’t ang mga mamimiling tumatangkilik dito ay maaaring mapahamak, maabuso, o mapagsamantalahan. Paglaganap ng mga ilegal na gawain – Dahil sa kagustuhan na kumita nang mabilisan, ang mga tao ay nauudyok na pumasok sa impormal na sektor na kung minsan ay mga gawaing ilegal o labag sa batas. Halimbawa ng mga gawaing labag sa batas ay ang prostitusyon, pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot, at ang pagkakaroon ng mga ilegal na pasugalan. Isa sa pinakamaiinit na isyu ngayon ay ang pamimirata partikular na ang software piracy. Ayon sa Microsoft Corporation, ang software piracy ay tumutukoy sa ilegal o walang permisong pangongopya ng mga computer software na kung saan nilalabag ng isang tao ang karapatang pagmamay-ari ng lumikha o orihinal na nagmamay-ari nito (Intellectual Property Rights---IPR). Mga Batas, Programa, at Patakarang PangEkonomiya Kaugnay sa Impormal na Sektor REPUBLIC ACT 8425 Ang batas na ito ay kilala din bilang Social Reform and Poverty Alleviation Act of 1997. Ito ay nilagdaan noong Disyembre 11, 1997 at pormal na ipinatupad noong Hunyo 3, 1998. Itinatadhana ng batas na ito ang pagkilala sa impormal na sektor bilang isa sa mga disadvantaged sector ng lipunang Pilipino na nangangailangan ng tulong sa pamahalaan sa aspektong panlipunan, pang-ekonomiko, pamamahala, at maging ekolohikal. Isinulong ng batas na ito ang tinatawag na Social Reform Agenda (SRA) na naglalayong iahon sa kahirapan ang mga Pilipinong kabilang sa impormal na sektor. Upang maisakatuparan ang mga probisyon ng batas na ito ay itinatag ang National Anti-Poverty Commission (NAPC) bilang ahensiyang tagapag-ugnay at tagapayo tungkol sa mga usaping may kinalaman sa mga bumubuo sa impormal na sektor. Isa sa mga kasapi ng NAPC ay mula sa sektor ng mga kababaihan bilang pagkilala sa kanilang ambag sa ekonomiya ng bansa. Maliban pa rito, ayon sa Seksyon 3 ng R.A. 842,5 ang mga bumubuo sa basic at disadvantaged sectors ng lipunang Pilipino ay ang sumusunod; magsasaka, mangingisda, manggagawa sa pormal na sektor, migrant workers (OFW), kababaihan, senior citizens, kabataan at mga mag-aaral (1530 taong gulang), mga bata (minors - 18 taong gulang pababa), urban poor (mga taong naninirahan sa mga lungsod na ang kita ay lubhang mababa), mga manggagawa sa impormal na sektor, mga katutubo, mga may kapansanan (differently-abled persons), non-governmental organizations (NGO’s), at mga kooperatiba. REPUBLIC ACT 9710 Ang batas na ito ay nilagdaan noong Agosto 14, 2009 at kinilala bilang Magna Carta of Women. Ayon sa batas na ito, ang National Commission on the Role of Filipino Women (NCRFW) ay naging Philippine Commission on Women (PCW). Ito ay isinabatas bilang pandaigdigang pakikiisa ng ating bansa para sa layunin ng United Nations (UN) para sa Convention on the Elimination of all Forms of Discrimination Against Women’s (CEDAW). Kumikilala ito sa ambag at kakayahan ng kababaihan para itaguyod ang pambansang kaunlaran. Sa ilalim ng batas na ito ay inaalis ang lahat o anumang uri ng diskriminasyon laban sa kababaihan, kinikilala at pinangangalagaan ang kanilang karapatang sibil, politikal, at pang-ekonomiko gaya na lamang ng karapatan para makapaghanapbuhay at maging bahagi ng lakas-paggawa, katiyakan para sa kasapatan ng pagkain at mga pinagkukunang-yaman, abot-kayang pabahay, pagpapanatili ng kaugalian at pagkakakilanlang kultural (cultural identity) at iba pang panlipunang aspekto. Ang batas na ito ay malaking tulong sa impormal na sektor sapagkat ayon sa datos na inilabas ng National Statistics Office (NSO), halos kalahati ng mga bumubuo sa sektor na ito ay kababaihan. PRESIDENTIAL DECREE 442 Ito ay mas kilala bilang Philippine Labor Code na naisabatas noong Mayo 1, 1974. Itinuturing ito bilang pangunahing batas ng bansa para sa mga manggagawa. Ito ay naglalaman ng mga probisyon para sa “espesyal na manggagawa”---kabilang ang mga industrial homeworker, kasambahay, batang manggagawa, at kababaihan---na kabilang sa impormal na sektor. Batay sa Book 2, Title II of the Labor Code, ito ay may probisyon tungkol sa pagsasanay na dapat ipagkaloob sa mga manggagawa upang mapaghusay pa ang kanilang mga kasanayan. REPUBLIC ACT 7796 Ito ay ang Technical Education and Skills Development Act of 1994 na nilagdaan bilang batas noong Agosto 25, 1994. Layunin ng batas na ito na hikayatin ang kabuuang partisipasyon at pakikiisa ng iba’t ibang sektor ng lipunan gaya ng industriya, paggawa, lokal na pamahalaan, teknikal, at bokasyonal na mga institusyon upang mapaghusay ang mga kasanayan para sa pagpapataas o pagpapaibayo ng kalidad ng yamang tao ng ating bansa. Sa ilalim din nito ay itinalaga ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) bilang ahensiya ng pamahalaang itinatag upang makapagbigay ng edukasyong teknikal. REPUBLIC ACT 8282 Ito ay tinatawag din bilang Social Security Act of 1997. Itinatadhana ng batas na ito na tungkulin ng estado na paunlarin, pangalagaan, at itaguyod ang kagalingang panlipunan at seguridad ng mga manggagawa. Higit sa lahat kung sila ay dumanas ng pagkakasakit, kapansanan, panganganak, pagsapit sa katandaan (old age), at kamatayan. Upang maisakatuparan ito ipinag-utos na lahat ng mga manggagawa sa pribadong sektor maging ang kabilang sa impormal na sektor ay maging bahagi ng Social Security System (SSS) bilang ahensiya ng pamahalaan na may tungkulin para itaguyod ang Panseguruhan ng Kapanatagang Panlipunan ng mga Pilipino. Sa pamamagitan ng mga personal na kontribusyon ng mga manggagawa ito ay magsisilbi nilang pondo at maaaring magamit sa oras ng kanilang pangangailangan. REPUBLIC ACT 7875 Ito ay naging batas noong Pebrero 7, 1995 at kinilala bilang National Heath Insurance Act of 1995. Sa pamamagitan nito ay naitatag ang Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na naglalayong mapagkalooban ang lahat ng mga mamamayang Pilipino ng isang maayos at sistematikong kaseguruhang pangkalusugan. Nakapaloob sa programang ito na ang pamahalaan ay magkakaloob ng subsidy sa mga mamamayan na walang sapat na kakayahang pinansiyal sa oras na sila ay magkaroon ng pangangailangang medikal at pangkalusugan gaya na lamang ng operasyon at hospitalization program. Maliban pa sa mga nabanggit na batas, may iba pang ipinatutupad para sa mga partikular na sektor ng manggagawang Pilipino tulad ng Magna Carta for Small Farmers (R.A. 7607), Magna Carta for Small Enterprises (R.A. 6977), at Barangay Microbusiness Enterprises Act (R.A. 9178). Samantala, ang sumusunod ay ilan sa mga programa at proyekto ng pamahalaan para sa mga mamamayan na bumubuo sa impormal na sektor: DOLE INTEGRATED LIVELIHOOD PROGRAM (DILP) Ang programang ito ay ipinatutupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nauukol sa pangkabuhayang pangkaunlaran sa pamamagitan ng mga pagsasanay ng mga mamamayan partikular na para sa mga self-employed at mga walang sapat na hanapbuhay. SELF-EMPLOYMENT ASSISTANCE KAUNLARAN PROGRAM (SEA-K) Isa sa mga pangkabuhayang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagbibigay ng mga gawain at pagsasanay upang mapaunlad ng mga mahihirap na pamilya ang kanilang mga kasanayan at makapagsimula ng sariling negosyong pangkabuhayan at pagtatayo ng mga samahang panlipunan na maaaring magpautang sa mga kasapi gaya ng Self-Employment Kaunlaran Associations (SKA’s). INTEGRATED SERVICES FOR LIVELIHOOD ADVANCEMENT OF THE FISHERFOLKS (ISLA) Ang proyektong ito ay para sa mga munisipalidad o bayan na ang pangunahing ikinabubuhay ay pangingisda. Tinutulungan ng pamahalaan ang mga mangingisda sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga pagsasanay upang mas mapaghusay pa nila ang kanilang hanapbuhay. Maliban pa rito, nagtatayo ng mga training center para sa mga mangingisda at kanilang pamilya upang sanayin sa iba pang alternatibong mga gawaing pangkabuhayan na maaari nilang pagkunan ng karagdagang kita. CASH-FOR-WORK PROGRAM (CWP) Ito ay programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na kung saan sa ilalim nito, ang mga biktima ng kalamidad o mga evacuee ay bibigyan ng kabayaran kapalit ng serbisyong kanilang isasagawa o pagtulong sa panahon ng rehabilitasyon at rekonstruksiyon ng mga nasalantang lugar. Ang programang ito ay ipinatutupad ng pamahalaan bilang pansamantala o alternatibong mapagkukunan ng kabuhayan o kita ng mga taong nawalan ng hanapbuhay dulot ng mga nabanggit na sitwasyon. Tunay ngang maganda ang mga batas, programa, at proyekto ng pamahalaan para sa impormal na sektor. Ngunit, ang kaukulang implementasyon nito para sa kapakanan ng mga mamamayan at kabuuan ng ekonomiya ng bansa ang kinakailangang mabigyan ng kasiguraduhan. Kinakailangan ang pagtutulungan ng pamahalaan at mga mamamayan upang makamit natin ang minimithing pambansang kaunlaran. Gayumpaman, hindi rin natin masisi ang mga tao kung sila ay maging bahagi ng impormal na sektor sapagkat ayon nga kay Bernardo Villegas, isang kilalang ekonomistang Pilipino, “Gugustuhin pa ng mga tao ang lumabag sa batas kaysa magutom o mamamatay”. Kung kaya’t, upang maiwasan ito, marapat lamang na ang mga mamamayan at pamahalaan ay magkaisa para sa implementasyon ng mga magagandang batas, programa, at patakarang pang-ekonomiya para sa kabutihan ng lahat. NAWA’Y MAY NATUTUNAN KAYO SA AMING INULAT. MARAMING SALAMAT SA PAKIKINIG!