Basura na marahil ang pinakang-pamilyar tayong mga tao sa araw-araw nating pamumuhay. Ang mga basurang tulad nang sa mga kanal ay maaaring pagmulan ng mga sakit sa balat mangyaring magkalat sa kung saan-saan.Ayon sa pag-aaral ni Oliveira at mga kasama , ang Pilipinas ay nakalikha ng 39,422 tonelada ng basura kada araw noong taong 2015. Halos 25% ng mga basura ng Pilipinas ay nanggagaling sa Metro Manila kung saan ang isang tao ay nakalilikha ng 0.7 kilong basura araw-araw. Mas mataas ito ng 130% kaysa sa world average ayon sa National Solid Waste Management taong 2016. Ang malaking bahagdan ng itinatapong basura ng mga Pilipino ay mula sa mga tahanan na mayroong 56.7%. Samantalang pinakamalaki naman sa uri ng tinatapong basura ay iyong tinatawag na bio-degradable na may 52.31% ayon pa rin sa nabanggit na administrasyon taong 2015. Mayroong iba’t ibang dahilan kung bakit may problema ang Pilipinas sa basura. Isa na rito ang kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura. Tinatayang 1500 tonelada ng basura ang itinatapon sa mga ilog, estero, kalsada, bakanteng lote, at sa Manila Bay na lalong nagpapalala sa pagbaha at paglaganap ng mga insekto na nagdudulot naman ng iba’t ibang sakit. Bagama’t ipinagbabawal, madami pa rin ang nagsusunog ng basura na nakadaragdag sa polusyon sa hangin. Nadaragdagan din ang trabaho ng mga tagakolekta ng basura dahil kailangan nilang magsagawa ng paghihiwalay ng basura bago dalhin ang mga nakolektang basura sa dumpsite, problemang maaari sanang maiwasan kung mahigpit na ipinatutupad sa mga kabahayan at mga pampublikong lugar ang paghihiwalay ng basura.Samantala, ang mga dumpsite sa Pilipinas, partikular sa Metro Manila, ay nagdudulot din ng panganib sa mga naninirahan dito. Sa ulat na pinamagatang The Garbage Book mula sa Asian Development Bank taong 2004, ang leachate o katas ng basura mula sa Rodriguez at Payatas dumpsite na dumadaloy patungo sa ilog ng Marikina at Ilog Pasig hanggang sa Manila Bay ay nagtataglay ng lead at arsenic na mapanganib sa kalusugan ng tao. Panganib din ang dulot ng pamumulot ng basura sa kalusugan at buhay ng halos 4,300 na tagakuha ng basura sa mga dumpsite sa Metro Manila at sa maraming iba pa na pakalat-kalat at nagkakalkal sa mga tambak ng basura. Matatandaan na ipinasara ang Payatas dumpsite matapos ang trahedya na naganap noong Hulyo 2000 kung saan maraming bahay ang natabunan nang gumuho ang bundok ng basura dahil sa walang tigil na ulan. Nasundan pa ito ng sunog na ikinamatay ng 205 katao. Ang mga nabanggit na suliranin sa basura ay pinagtutulungang solusyunan ng iba’t ibang sektor. Ipinatupad ng pamahalaan ang Republic Act 9003 o kilala bilang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 upang magkaroon ng legal na batayan sa iba’t ibang desisyon at proseso ng pamamahala ng basura sa bansa ayon sa Official Gazette taong 2000. Isa sa mga naging resulta ng batas ay ang pagtatayo ng mga Materials Recovery Facility kung saan isasagawa ang paghihiwalay ng basura bago dalhin ang nakolektang basura sa mga dumpsite. Maraming barangay ang tumugon sa kautusang ito, sa katanuyan mula sa 2,438 noong 2008 ay tumaas ang bilang ng MRF sa 8,656 noong taong 2014 ayon sa National Solid Waste Management Status Report. Iniulat din ng National Solid Waste Management Commission ang ilan sa best practices ng mga Local Government Units sa pamamahala sa solid waste. Isa na dito ang 'No segregation, no collection' ng Sto. Tomas, Davao del Norte. Mayroon ding suporta na nanggagaling sa mga NGO upang mabawasan ang suliranin basura sa Pilipinas. Tulad ng Mother Earth Foundation na tumutulong sa pagtatayo ng MRF sa mga barangay. Bilang isang kabataan na nababatid ang suliraning ito, iminumungkahi ko ang aming proyekto na aming naisakatuparan noong nasa ikasampung baitang kami taong 2018, Oktubre 18 sa pamamahala ni Ginang Reyna E. Alpay, sa paaralang Alabat Island National High School. Ang titulo ng aming proyekto ay 'Biogas from Anaerobic Digestion of Discarded Wastes' na kung saan ang iniisip nating basura lang ay nagawan namin ng paraan upang ito ay magkaroon ng silbi at pakinabang. Ang Anaerobic digestion ay isang bayolohikal na proseso kung saan ang mga maliliit na organismo ang tumatrabaho sa mga basurang naimpok sa isang sisidlan nang walang anumang hangin na pumapasok. Sa pamamagitan nito, mabubuo ang Biogas o ang nababagong pinagmulang ng enerhiya tulad ng pagpapainit, elektrisidad at maaari rin itong gamiting gasolina sa mga sasakyan.Sa kabila ng mga nabanggit na batas at programa ay nananatili pa rin ang mga suliranin sa basura sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, ang pinakamalaking hamon ay ang pagpapatupad ng batas at pagbabago ng pag-uugali ng mga Pilipino sa pagtatapon ng basura. Nangangailangan pa nang mas malawak na suporta at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor upang tuluyang mabigyan ng solusyon ang suliraning ito dahil ang patuloy na paglala nito ay lalong magpapabigat sa iba pang suliraning pangkapaligiran na ating nararanasan.