a. b. c. d. Ano ang depinisyon ng wika at kultura? Ano ang malinaw na pagkakaiba ng wika at diyalekto? Bakit hindi maaring paghiwalayin ang wika at kultura? Ano ang katutubong kaalaman at ang kaugnayan nito sa wika at kultura ng komunidad? e. Sumasang-ayon ka ba na ang wikang Filipino ay sumasalamin sa bawat wikang mayroon ang bansa? Ipaliwanag. Ang wika ang naging instrumento ang nagbigay daan upang ang isang kultura ay umiral at magkaroon ng kakayahang gumawa at lumikha. Isa itong tulay upang makipagugnayan sa iyong kapwa. Sa kabilang dulo naman, ang kultura ay isang kolektibong katangian ng tradisyon, pag-uugali, at paniniwala. Ang kultura ng isang indibidwal ay isang salik sa pamamaraan at manipestasyon ng paggamit ng kanyang wika. Bukod dito, ang wika ay ang pinaglalagyan ng kaisipan at impukan-kuhanan ng isang kultura. Sinasabing magkakambal, magkasalikop, magkahugpong o magkabuhol ang wika at kultura. Ibig sabihin lamang nito ay hindi mapaghihiwalay ang wika at kultura sapagkat sila ay magkaakibat sa isa’t isa. Sa dahilan na tayo ay multilingguwal na bansa, tayo rin ay multikultural. Ang bawat kultura ay umusbong sa naaayon nitong wika. Kung ang wika ay unti-unting nawawala, ang kultura rin ay unti-unting ding namamatay. Ang Pilipinas ay mayroong 180 na buhay na wika. Ang pinagkaiba ng wika at dialekto ay habang ang wika ay ang mga sinasalita sa isang lugar na kinikilala ng buong bansa bilang isang opisyal na wika, ang dialekto naman ay isang barayti ng wika. Ang wika ang sumasalamin sa pagkatao ng isang indibidwal at ang kinalakihan nilang wika. Sa kabilang dako, ang dialekto ay nagpapakita lamang ng pagkakaiba ng gamit ng isang wika. Halibawa, si Juan ay nakatira sa Davao at si Pedro ay nakatira sa Cebu ngunit pareho silang nagsasalita ng wikang Bisaya. Ang naging dialekto rito ay ang pagkakaiba ng tunog at intonasyon na gamit ng dalawang indibidwal sapagkat ito ang naging barayti ng wika. Hindi naapektuhan ang pagkakaintindi nila sa isa’t isa sapagkat maliit lamang ang pinagkaiba, at halos parehas pa rin ang kahulugan ng mga salitang kanilang ginagamit. Sa madaling sabi, ang mga wika ay ang mga uri ng mga salitang ginagamit sa isang kaukulang lugar, habang ang dialekto ay tungkol sa paggamit ng parehong wika na mayroong maliliit na pagkakaiba. Ang katutubong kaalaman, o lokal na kaalaman, ay ang maunlad na sistema ng kaalaman na ginagamit at panauunlad ng tao batay sa mahabang interaksyon sa kanyang paligid. Ito ang karunungan na ating nakukuha dahil sa pang-araw-araw natin na karanasan at pamumuhay. Matatagurian itong natatangi para sa isang lugar o pook at sumasalamin sa mahabang kasaysayan ng mga tao. Ang wika at kultura ang naging paraan sa manipestasyon ng katutubong kaalaman. Kung ano ang madalas na kasanayan ng mga komunidad sa isang pook ay lalagyan nila nito ng naaayon na salita. Halimbawa na lamang nito ay ang mga katutubong pangalan, gaya ng julongan, mabungug, at bangaan, na mayroon ang ibang mga lugar sa Ifugao na kung saan nagpapakita ito ng malawak na kaalaman at pamanang intelektwal. Nalalaman sa mga salitang ito ang mga pook kung saan madalas magkaroon ng soil erosion at landslide. Sa aking opinyon ay hindi sumasalamin ang Filipino sa bawat wika mayroon ang bansa sapagkat ay mayroon pa ring mga iilan na tumitingin sa wikang Filipino bilang nakasentro sa Tagalog. Maaring nahinuha ito dahil ang Filipino ay nagmula sa wikang Tagalog, kahit na maraming mga Pilipino ang hindi nakakaintindi ng wikang iyon. Dulot nito, nagkakaroon tayo ng limitasyon sa pagiging multikultural at multilingguwal. Ngunit, kung ang wikang Filipino ay matagumpay sa pag-ugnay sa iba’t ibang etnikong lingguwistiko sa Pilipinas ay ginagampanan nito ang kanyang tungkulin. Hindi kinakailangan na mawala ang wikang katutubo upang sumunod lamang sa isang pamantayan. Habang linilinang natin ang ating wika, pinapayaman din natin ang ating kultura.