Noon ay may dalawang magkapatid na Gamugamo, si maliit at si malaki. Katulad ng ibang gamugamo, sila ay mahilig at naaakit sa liwanag. Kapag nakakakita sila ng maliliwanag agad nila itong nilalapitan. Isang gabi, may nasilayan sila na liwanag. Tuwang-tuwa si maliit na gamugamo kaya agad nya itong nilapitan, at sabi nya, "kay ganda ng apoy ng kandila." "Pag-ingatan mo ang iyong sarili maliit." Paalala ni malaking gamugamo. "Ikaw ay lumayo at baka mamaya lang ika'y mahagip pa ng silab ng apoy. Maganda ang apoy ng kandila, subalit ito ay mapalinlang. Kung mapapadikit ka sa apoy, baka matupok ang iyong pakpak at hindi ka na makalipad." "Ay hindi po, hindi po ako natatakot." Sagot naman ni maliit na gamugamo. Hindi pinansin at binalewala lang ni maliit ang babala ni malaking gamugamo. Lalo pa syang lumipad palapit sa kandila upang doon maglaro. Paikot-ikot at pasayaw-sayaw pa si maliit nga gamugamo sa liwanag. "kay sarap ng pakiramdam kapag naglalaro ako malapit sa apoy ng kandila! Kay liwanag at kay init." Habang naglalaro si maliit na gamugamo ay hindi nya namalayan na siya ay napapalapit na sa Ninas ng kandila. Nasunog ang kanyang pakpak at nalaglag siya sa Mesa. "sinasabi ko na sayo maliit." Malungkot na pahayag ne malaking gamugamo. "Ngayon ay hindi ka na makakalipad."