Ang pagpatay ng estado sa ating wika, salita, at panitikan ay pagpatay din sa ating diwang makabayan. Sa pag-aaral ng mga nobela ni Jose Rizal natin unang natutunan ang pagpapahalaga sa wikang Filipino at sa ating bansa. Para sa kaniya, ang wika ang nagsisilbing armas laban sa panggigipit ng Espanya sa mga Pilipino. Hanggang ngayon, maituturing pa rin itong isang realidad. Sa panahong ginigipit naman tayo ng estado at mga imperyalistang bansa, ang wika ay maaari pa ring magsilbing armas ng mga progresibo, makabayan, at kritikal na mga Pilipino laban sa kanila. Makikita sa maraming taon ng pakikibaka natin para sa tunay na kalayaan ang kahalagahan ng wikang Filipino. Ito ang wika ng paglaban at ito ang wikang ating ipinaglalaban. Sa puspusang pananaliksik, pag iintelektwalisa, at pagpapahalaga ng wikang atin, mapapagtibay ang diwang makabayan ng bawat mamamayang Pilipino. Noong Mayo 2019, inaprubahan ng Korte Suprema ang Memorandum Order No. 20, series of 2013 ng Commission on Higher Education (CHED) o ang pagpapatanggal ng Filipino at Panitikan bilang mga ubod na asignatura sa kolehiyo. Napatunayan ng panukalang ito ang pagkakaroon natin ng edukasyong nakabatay lamang sa pandaigdigang komersyo imbis na sa tunay na pangangailangan ng bansa. Sa pakikipagtulungan ng CHED at ng taksil nating gobyernong pinamumunuan ni Duterte, ang pagpapatupad ng mga polisiyang pangwika na pinapabilis at pinapaluwag ang daluyan ng pananamantala ng mga dayuhang bansa sa atin. Ang patuloy na pananatili ng asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo ay tunay na kinakailangan para sa patuloy na paglinang at pagpapataas sa antas ng kasanayan at kakayahan ng mga mag-aaral. Masasabi na ang patuloy na pagsulong ng pag-alis ng asignaturang Filipino sa antas tersyarya ay magdudulot ng malaking dagok sa mga guro at mag-aaral; at upang makapaglulunsad ng makabayang edukasyon sa gitna ng globalisasyon. Bilang mga estudyante, tayo’y magtulungan at magkaisa sa pagpapalakas ng panawagan natin na ibasura ang CHED Memo 20, ipagtanggol ang ating sariling wika at panitikan.