“Kabataan sa Kasalukuyang Panahon” Ika nga ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal, “Kabataan ang pag-asa ng bayan”, ngunit pag-asa pa rin bang maituturing ang mga kabataang maagang nabubuntis? Sa ating kasalukuyang panahon na ginagalawan ay marami tayong naririnig na isyung pumapatungkol sa maagang pagbubuntis ng mga kabataan. Sa napakamurang edad pa lamang ay mapapansing may karga-karga na silang mga anak o ‘di kaya’y sapo-sapo ang papaumbok na tiyan. Ang maagang pagbubuntis ay hindi dapat gawing normal lalo na sa mga kabataan. Ayon sa nasyonal na estadistika ng bansa, humigit kumulang 200,000 ang kaso ng teenage pregnancy sa Pilipinas. Ang maagang pagbubuntis ay maraming masamang epekto hindi lamang sa kabataan, kundi pati sa kanilang mga magulang, at maging ng buong komunidad. Ito ay maaaring makaapekto sa kanilang pag-aaral. Gayundin ang pagdagdag ng kaso ng mga mahihirap at walang trabaho sa ating bansa. Bukod pa sa mga ito ay ang kanilang mga magulang ang labis na mahihirapan. Alam nating lahat na ang edukasyon ay isa sa mga pinakamahalagang aspeto ng buhay nating mga tao lalong lalo na sa mga kabataang naturingang “pag-asa ng bayan”. Ngunit sa kabilang banda, kung ang mga kabataang ito ay maagang nagkakaroon ng responsibilidad ay may posibilidad na huminto sila sa kanilang pagaaral. Bukod pa dito ay ang pagbubuntis ng maaga ay nakakaapekto sa patuloy na pagtaas ng ating populasyon dahil ayon sa pag-aaral, isa ang Pilipinas sa mga bansang kabilang sa ASEAN member states na may pinakamataas na kaso ng maagang pagbubuntis ng mga kabataan . Dumarami ang mga walang trabaho dahil karamihan sa mga nabubuntis ng maaga ay hindi na nakakatapos ng kanilang pagaaral. Liban pa dito ay kung iyong papansinin, ang mga magulang ang siyang nagaalaga sa kanilang mga apo. Sila ang nagtatrabaho upang mapakain maging ang nakabuntis sa kanilang mga anak kung kaya’t doble doble ang kanilang pagod. Ang usaping ito ay kailangang bigyang-pansin ng mga nakatataas dahil kung patuloy ang pagtaas ng kasong ganito ay lalo lamang tataas ang populasyon at lalong maghihirap ang bansa. Imbes na mag-aral at makatapos ang mga kabataan ay nagaalaga sila ng kanilang mga anak sa murang edad. Hindi ito dapat gawing normal sapagkat nakakaapekto ito sa edukasyon ng bata, nakakadagdag sa problema ng magulang, at nakakapagpahirap sa bansa. Sa unahan ng teksto ay binanggit ko ang kataga ni Rizal na “kabataan ang pag-asa ng bayan”, nais ko sanang itama ang pahayag niyang iyon ng, “Ang kabataang nag-aaral ng mabuti, ang siyang tunay na pag-asa ng bayan”.