Ang Mundo sa Paningin ng Isang… - Rogelio L. Ordoñez I. Buod Ang akda ay umikot sa buhay ni Miguel Reigo de Dios na anak ng taga-Andalucia na si Don Segismundo Regio de Dios na nakipag sapalaran sa Ilocos at napangasawa ang isang dalagang India at debotong Katoliko na kamakailan lamang ay nakamana ng dalawang libong ektarya ng lupain. Nang pumanaw ang mga magulang ni Miguel, sa edad na 24 ay siya na ang namahala sa kanilang taniman ng tabako. Ito ay napalakad niya ng maayos na siyang dahilan upang lumago ang kaniyang negosyo at makilala siya bilang Don Miguel. Sa kabila ng karangyaan, hindi naging magandang ehemplo ang nasabing Don. Madalas itong magtungo sa mga bahay aliwan upang magpalipas oras at pagdating naman sa pakikitungo sa kanyang mga empleyado, tila isang batong walang puso at masahol pa buwaya na ganid sa kapangyarihan na ang tanging hangad ay sariling kabutihan lamang. Isang umaga, nag-welga ang mga dahil sa hindi makatarungang pagpapasahod ni Don Miguel. Pilit na nagmatigas ang mga manggagawa at binarikadahan ang labas ng pabrika. Dito na nagsimula ang tensyon, nagka-engkwentro ang mga pulis at mga raliyista kung saan walang habas na binatuta ang mga welgista pati mga babae, at napilitang ipagtanggol ng mga nagwewelga ang kanilang hanay hanggang sa magkahambalusan, magpangbuno, magkabatuhan at, sa isang iglap, ilang sunud-sunod na putok ng baril ang nangibabaw sa kaguluhan. Agad itong nalaman ni Don Miguel at walang ginawa kundi manatili lamang sa kanyang mansion sa Forbes Park. Kinaumagahan, agad itong nagbihis at ipinahanda ang kanyang sasakyan at sinabihan ang tsuper na dadaan muna sa pabrika bago tumungo sa Manila Hotel. Nang palabas na sa Forbes Park ang koste, tatlong lalaking nakamotorsiklo ang biglang sumulpot na agad hinarangan ang koste. Ilang sandal lamang ay umalingaw-ngaw na ang sunod-sunod na putok ng baril. Bumulwak ang dugo sa ulo ni Don Miguel habang kanyang pinipisil ang dibdib na tinamaan din ng bala. II. Kahulugan ng Pamagat Ang kahulugan ng pamagat ng akdang “Ang Mundo sa Paningin ng Isang..” ukol sa iba’t ibang mukha o estado ng pamumuhay ng tao sa ating mundong ginagalawan. May mga itinuturing na mababang uri na tila nakatakda na maging maninilbihan sa mga taong nakakataas sa lipunan. Samantalang, ang mga taong ito na mataas ang estado ng pamumuhay kadalasan ay umaabuso sa kapangyarihan na animo’y panginoong kinokontrol ang buhay ng mga tao sa ilalim ng kanilang kapangyarihan. Kung kaya’t ang mundo sa panigin ng isang alta sosyedad ay isang napakagandang mundo na kung saan ay kaya niyang gawin ang lahat ng kanyang naisin. Samantalang para sa paningin ng ordinaryong mamamayan, ito ay isang mundong puno ng pagsubok na kung minsan ay nagpapamiserable sa kanilang pamumuhay. III. Teoryang Pampanitikan Ang istilo ni Rogelio L. Ordoñez sa pagpapahayag ng mensahe niya sa kanyang akda ay ang paggamit ng konotasyon upang mabigyan ng ibang kahulugan ang mga salitang ginamit niya.Gumamit siya ng teoryang realismo kung saan ipinapakita lamang niya ang nasaksihan niya saating lipunan. Higit sa lahat gumamit siya ng teoryang marxismo kung saan ipinapakita na angtao o sumasagisag sa tao ay may sariling kakayahan na umangat buhat sa pagdurusang dulot ngpang-ekonomiyang kahirapan at suliraning panlipunan at pampulitika. Ang mga paraan ng pag-ahon mula sa kalugmukan sa akda ay nagsisilbing modelo para sa mga mambabasa. IV. Implikasyon Marahil marami sa atin ang makakaugnay matapos basahin ang akda ni Rogelio L. Ordoñez sapagkat sinasalamin nito ang tunay na kalagayan ng mga uring manggagawa sa ilalim ng pamumuno ng mga taong makapangyarihan sa ating lipunan. Gaya na lamang ng mga pang-aabuso, hindi makatarungang pasahod sa mga manggagawa at paggamit ng kapangyarihan para sa sariling kapakinabangan. V. Bisang Pampanitikan Bilang isang mag-aaral na kabilang sa mga ordinaryong mamamayan ng lipunan, mahalaga na aking nabasa at naunawaan ang akdang ito dahil ito ay sumasalamin sa kasalukuyang antas hindi lamang ng aking estado sa lipunan kundi maging ang estado ng maraming mamamayan sa kabuuan. At ito rin ang nagmumulat sa akin sa kung gaano kahalaga sa isang tao ang kanyang karapatan na dahil sa mga mapang-abusong tila hari ng lipunan ay unti-unti nang nawawala sa mga taong kabilang sa mababang uri. Malungkot ang naging damdamin ng kwento sa mga di makatarungang sinapit ng mga manggagawa. Gayunpaman, malinaw ang nais iparating ng mga pangyayaring ito at ito ay upang imulat sa atin ang reyalidad ng buhay at iwaksi ang kalapastanganan na dinaranas ialaalipin ng mga taong makapangyarihan. “Wag mong gagawin sa iba ang ayaw mong mangyari sa iyo” ito ang ating mahinuha sa kabuuan ng kwento na bagaman taglay ni Don Miguel ang kariwasaan ng pamumuhay, dahil sa kanyang di – makataong gawi, ang lahat ng ito ay pinagbayaran niya sa huli. Malaki ang maiaambag ng akdang ito upang ang mga hinaing ng mamamayan ay mabigyang-pansin at upang mawakasan na ang labis na pag – abuso ng mga taong nakakaangat ang antas sa lipunan sa mga ordinaryong mamamayan.