Uploaded by gonzalesfatima296

Kasaysayan ng Alfabeto at Ortograpiyang Filipino

advertisement
C. KASAYSAYAN NG ALFABETO AT ORTOGRAFIYANG FILIPINO
Ang salita nati’y huwad din sa iba
Na may alfabeto at sariling letra
Na kaya nawala’y dinatnan ng sigwa
Ang lunday sa lawa noong dakong una.
“Sa Aking mga Kabata”
Dr. Jose P. Rizal
CALAMBA, 1869
Ang mga mananaliksik ay nangagkakaisa na ang ating mga ninuno’y may sarili nang
kalinangan at sivilisasyon bago pa man dumating ang mga Kastila. Bukod sa pagkakaroon na ng
Sistema ng pamamahala at kalakalan, sila ay maalam nang sumulat at bumasa. Samakatwid,
mayroon na silang Alibata, ito ay binubuo ng labimpitong titik: Tatlong patinig at labing-apat na
katinig.
Kapag ang isang katinig ay may tuldok sa ibabaw, binibigkas iyon nang may kasamang
tunog na /e/ o /i/; halimbawa ang simbolong ba ay magiging /be/ o /bi/. Kung ang tuldok naman
ay nasa ilalim, ang kasamang patinig ng katinig ay /o/ o /u/; halimbawa: ang simbolong ba ay
magiging /bo/ o /bu/. Ang direksyon ng pagsulat ay isa pa ring suliraninsapagkat walang iskolar
ang makapaglahad ng di-mapag-aalinlanganang katunayan o katibayan na makapagpapatotoo ng
hinggil dito. Gayon man, ipinapalagay na malamang na tama ang teorya ni Padre Chirino na ang
mga sinaunang Pilipino ay sumusulat nang pavertikal mula taas paibaba at pahorizontal mula
kaliwa pakanan.
Sumusulat sila sa mga kahoy at kawayan, sa malalaking dahon, sa lupa at mga bato gamit
ang kanilang balaraw o anumang matutulis na bagay bilang panulat at dagta ng mga puno at
halaman bilang tinta. Mangilan-ngilan lamang sa mga ito ang umiiral pa sa kasalukuyan at
matatagpuan sa mga museo sa ilang lugar. Bunga ito ng mapanirang gawain ng mga unang
misyonaryong Kastila na dumating sa ating kapuluan dahil ipinalagay nilang ang mga iyon ay
gawa ng demonyo. Ang ibang piraso ng literaturang pre-kolonyal ay naipasa sa ibang henerasyon
sa pamamagitan ng pasalitang paraan na lamang.
Sa pagdating ng mga Kastila napalitan ang lumang alibata ng alfabetong Romano.
Itinuturing ngang isa sa pinakamahalagang influwensya sa atin ng mga Kastila ang mga
romanizasyon ng ating alfabetong. Tinuruan ng mga Kastila ang mga Pilipino sa paggamit ng
alfabetong Romano. Ang mga titik ay tinawag nang pa-kastila alalaong bagay nakilala sa tawag
na Abecedario.
Ngunit hindi lahat ng Pilipino ay yumakap na lamang nang ganap sa bagong sistema ng
pagsulat. May mangilang- ngilang matalinong bagama’t gumagamit ng Abecedario ay nagpasyang
mag salamin ng tatak-Pilipino sa pagsulat. Isa sa kanila ay ang ating pambansang bayaning si Dr.
Jose Rizal.
Sa kabila ng edukasyong Europeo at kaalaman ng iba’t ibang wika ni Rizal, minahal niya
ang kanyang sariling wika. Malinaw itong mababakas sa tula niyang Sa Aking mga Kababata na
sinulat niya sa murang gulang lamang. Una si Rizal sa kampanya ng Pilipinizasyon ng ortografiya.
Halimbawa, ang mga Tagalog na titik na k at w, ‘aniya, ay dapat gamitin sa halip na mga Kastilang
c at o. Halimbawa, ang kinastilang Tagalog na salita tulad ng salacot ay dapat umanong baybayin
ng salakot. Gayon din ang salitang arao na dapat isinulat nang araw.
Noon pa mang 1886, habang siya ay nasa Leipzig, ginamit ni Rizal ang isina-Pilipinong
ortografiya sa pagsasalin sa Tagalog ng William Tell ni Schiller at Fairy Tales ni Anderson. Muli
niya iyong ginamit sa pagsulat ng kanyang unang novelang Noli Me Tangere sa Berlin noong
1887.
Habang siya’y naglalakbay sa Brussels, nalathala sa La Solidaridad noong Abril 15,1890
ang artikulo niyang Sobre la Nueva Ortografiya de la Lengua Tagala (Hinggil sa Bagong
Ortografiya ng Wikang Tagalog). Sa artikulong iyon, inilahad ni Rizal ang mga tuntunin ng
bagong ortografiyang Tagalog at, nang may pagpapakumbaba at katapatan, ibinigay niya ang
kredit ng adapsyon ng bagong ortografiya kay Dr. Trinidad H. Pardo de Tavera, may-akda ng El
Sanskrito en la Lengua Tagala (Ang Sanskrito sa Wikang Tagalog) na nalathala sa Paris noong
1884.
Para sa record, isinulat ni Rizal, nang kapag inugat ang kasaysayan ng ortografiyang ito
na siya nang ginagamit ng mga mulat na Tagalista, ay maibigay kay Caesar ang kay Caesar. Ang
inovasyong ito ay bunga ng mga pag-aaral sa Tagalismo ni Dr. Pardo de Tavera. Ako ay isa
lamang sa mga masigasig niyong propagandista (Zaide & Zaide, 199:169-170).
Bunga ng pagpapahintulot ng pagpapalimbag ng diksyunaryo at aklat sa gramatika ng
Wikang Pambansa at ng pagpapasimula ng pagtuturo ng Wikang Pambansa sa mga paaralan noong
1940, binalangkas ni Lope K. Santos ang bagong alfabeto na nakilala sa tawag na Abakada dahil
sa tawag sa unang apat na titik niyon. Ang abakada ay binubuo ng dalawampung titik: labinlimang
katinig at limang patinig, na kumakatawan sa isang makahulugang tunog bawat isa.
Noong 1971, nadama ang di-kasapatan ng dating Abakada sa malawakang panghihiram ng
mga salita at sa pagbaybay ng mga pantanging ngalan. Bunga nito, nilikha ang Surian ng Wikang
Pambansa ang Lupong Sangguinian na siyang nagsagawa ng ga pag-aaral. Nagkaroon din ng ilang
public hearings ang Lupon sa Pambansang Wika ng Kunvensyong Konstitusyunal. Makalipas ang
tatlong buwan, inilahad ng Lupong Sanggunian ang kanilang pasyang dagdagan ng labing-isang
titik ang dating Abakada. Iminungkahi nilang idagdag ang mga sumusunod: C, CH, F, J, Ñ, LL,
Q, RR,V, X, at Z na gagamitin sa pagbaybay ng mga salitang hiram at mga pantanging ngalan.
Ang ilan sa mga naging problema ng mungkahing alfabetong ito ay ang magiging
katawagan ng bawat titik at ang magiging kaayusan o order ng mga ito sa alfabeto. May ilang mga
mungkahi ang ikinonsider kaugnay nito. Una sa mga ito ay ng sumusunod:
Narito naman ang isa pang mungkahi:
Hindi pa mang ganap na nalilinaw ang mga tanong na kaugnay ng mungkahi ng Lupong
Sanggunian, inilathala ng Sanggunian ng Surian ng Wikang Pambansa ang tuntunin sa
palabaybayang Pilipino noong Abril 1, 1976. Kahugnay nito, ipinalabas ng Kagawaran ng
Edukasyon at Kultura noong Hulyo 30,1976 ang Memorandum Pangkagawaran Blg. 194 upang
pagtibayin ang nasabing tuntunin.
Ngunit marami ang tumutol sa pinagyamang Abakada at sa tuntunin ng palabaybayin nito.
Ilan sa kanilang mga argumento ay ang mga sumusunod:
1. Hindi malinaw kung paano tatawagin ang mga letra at kung paano ito pagsusunud-sunurin.
2. Ang pagsasama ng digrafikong CH, LL, RR, at NG, gayundin ng mga may kilay na N ay
isang paraang di-matipid. Ang mga wika sa daigdig na may titik-Romano ay unti-unting
nagbabawas ng kanilang mga digrafo upang makapagtipid at upang maging praktikal na
rin. Ang pagdaragdag ng mga diagrafo, kung gayon, ay isang hakbang na paurong. Kung
pagtuturo ng pagbaybay ang pag-uusapan, kapag naisulat na ng isang mag-aaral ang C at
H nang hiwalay, maisusulat na rin niya ang digrafong CH. Gayundin ang letrang LL, RR,
at NG. Ang letrang Ñ naman ay may kilay lamang na N.
3. Mismomh Malakanyang, sa isang liham sa Direktor ng SWP noong Enero 11, 1973, ay
tumanggi sa pagsasama ng mga digrafong CH, LL, RR, at NG at iminungkahing
dalawampu’t pitong letralamang ang gamitin.
4. Hindi rin maayos gamitin sa enumerasyon o sa pagbabalangkas ang alfabetong may
digrafo.
Bunga ng mga pagtutol at pag-aalalang ang mga ganitong pagbabago ay magbubunga lamang
ng kalituhan lalo na ssa mga batang nagsisimula pa lamang matutong sumulat at bumasa sa
mga paaralang primarya, ang mga mungkahing pagbabago ay hindi tinanggap nga taongbayan. Ito ang dahilankung bakit ang dating Abakada pa rin ang ginamit nga taong-bayan at
ng midya at itinuro sa mga paaralan magng hanggang unang pitong buwan ng 1987.
Nagkaroon lamang ng malawakang pagtanggap sa mga pagbabago sa alfabeto noong mga
huling buwan ng 1987 nang ipalabas ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas ang Kautusang
Pangkagawaran Blg. 81 noong Agosto 6, 1987, na may pamagat na Ang Alpabeto at Patnubay
sa Ispeling ng Wikang Filipino.
Simula noon, ang ating alfabeto ay nagkaroon na ng dalawampu’t walong titik na tinatawag
nang pa-Ingles maliban sa Ñ at may pagkakasunod-sunod na ganito:
Samakatwid, ang pasalitang pagbaybay ng mga sumusunod na salita ay ganito: ibon= /ay
bi o en/ at hindi / I ba on na/, kintin= /key ay en ti ay en/ at hindi na /ka i na ta i na/, bote= /bi
o ti i/ at hindi na /ba o ta e/, U.P. = /yu pi/ at hindi /u pa/, M.L.Q.U.= /em el kyu yu/ at hindi
/ma la kyu u/.
Mapapansing ang mga titik ng Baong Alfabeto ay mula sa dalawampung titik sa dating
Abakada na dinagdagan lamang ng walong bagong titk na gagamitin sa pagbaybay ng mga
pangngalang pantangi, salitang hiram, salitang pang-agham, at teknikal, salitang may
inconsistent na baybay at mga simbolong pang-agham. Mapapansin ding ang walong dagdag
na letra ay mula naman sa labing-isang iminungkahing idagdag noong 1971. Hindi na lamangh
isinama ang mga digrafong CH, LL, at RR para sa ekonomiya o pagtitipid. Pinanatili naman
ang digrafong NG dahil ito ay tatak na ng ating katutubong alfabeto.
Kamakailan, lumikha ng isang teknikal na panel ang Komisyon ng Wikang Filipino na
siyang lumikha ng 2001 Revisyon sa alfabetong Filipino at Patnubay sa Ispeling ng Wikang
Filipino. Walang pagbabago sa komposisyon at tawag ng mga letra sa revisyong ito.
Pinalalawak lamang nito ang gamit ng mga dagdag na letra na nilimitahan ng patnubay sa
ispeling noong 1987. Ang mga dagdag na titik na pinalawak ang gamit ay ang F, J, V, at Z.
Sa Kabanata VII ng aklat na ito, tinalakay nang detalyado at komprehensivo ang kalikasan
at tuntunin ng pinakahuling revision sa ating ortografiya.
Download