Paunang Salita Sa aking sarili, Ilang beses ko ng pinilit na talikuran ang pagsusulat dahil habang binabaybay ko ang mga salita na nais bumitaw sa aking pagkatao lagi itong bumabalik sayo. Bawat kahulugan ng lahat patungkol sa pag-ibig, nakakainis dahil laging ikaw. Nangako ako na kakalimutan ko ang mga tula dahil mas madalas itong bumisita kaysa sayo. Nagsilbing himpilan ko ng mga pinakatatagong salita. Ngunit, Kung ang pagbabalik mo ay ang muli kong pagkawasak pakiusap huwag mo ng ituloy. Hindi ako natatakot na maging pira-piraso, pero sana hindi sa parehong kutsilyong nakabaon dito. Hayaan mo naman akong mailabas sa silid ng ibang tao na hindi takot bumitbit ng katulad ko, hindi yung kung kailan lang magmumukhang maganda o sasakto sa porma. Hayaan mo sanang may makatagpo sa akin sa huling lugar kung saan mo ako iniwan. 'Wag mo sana akong pigilan kahit alam kong imahinasyon ang maaaring paghigit mo ng pabalik. Pakiusap. 'Wag ka ng muling lumingon. Kahit ano sanang kamusta ko huwag mo ng sagutin ng "ayos lang" dahil baka masundan ko ng "may iba ka na ba?" Dahil naiinggit ako. Marahil taliwas sa sagot mo, ang gusto kong marinig "tayo na lang ulit" na baka sa likod ng hinulma mong mundo may espasyo pa rin ako. Na katulad ko, naghihintay ang mga puso sa muling pagbabalik. At sa huling pagkakataon hindi pagbabalik o pagpapatawad ang hihingin ko kung hindi ang pakiusap. Pakiusap. Sa panahon na maaalala mo ako 'wag kang gagawa ng tula dahil sa tuwing binabasa ko ang bawat taludtod hinihila ako ng mga letra pabalik sayo. Pakiusap, huwag kang dadaan sa mga lugar kung saan madalas akong mamahinga. Hindi ko pa kayang makita ang paghakbang mo lalo ng palayo. Natatakot pa din ako na baka sa susunod na araw magkasalubong tayo at sumunod sa’yo. Ngunit, sa lahat ng pakiusap isa ang hindi ko na ulit gagawin — ang pakiusap ako na lang ulit. Binibining pinipili ang sarili, Claudia