Noong mga panahong iyon na ang nayong ito ay hindi pa nararating ng mga kastila dahil tunay na malayo sa bayan. Ito ay matatagpuan sa paanan ng bulubundukin ng Bulakan. Malawak ang mga parang na kung saan gumagala ang iba’t ibang hayop, tulad ng usa, baboy-ramo, alamid at musang. Samantalang sa himpapawid ay nagliliparan ang iba’t-ibang uri ng ibon na may iba’t-ibang kulay. Mga ibong tulad ng lawin, uwak, bato-bato, kulyawan, kalaw at maya. Matataas ang mga punong kahoy at sagana rin sa mga punong kawayan at buho. Umiindayog ito sa saliw ng umiihip na hangin. Sa ibang panig ng parang ay maririnig ang aliw-iw ng agos ng mga ilog, batis at sapa. Masasabi raw na ang lugar na ito ay isang mala-langit na pook. Tahimik, malinis at maaliwalas ang buong kapaligiran." Nang magtanong kami ukol sa mga ikinabubuhay ng mga tao, ay naging mabilis ang kanyang kasagutan. Pagsasaka at pagtatanim ng iba’t-ibang gulay ang siyang pinagkukunan ng mga ikinabubuhay ng tao. Lubha raw mataba ang mga bukid kung kaya laging sagana ang mga ani ng magsasaka. Hinambing niya ang tao noon sa mga kasalakuyang mamamayan. Noon, hindi raw nagugutom ang tao dahil masisipag magsipagtanim. Ngayon ang sabi niya lagi na lang umaasa sa suweldo ang tao, paano kung walang hanapbuhay. Ipinagpatuloy niya ang kanyang kuwento. Wala pang makabagong pamamaraan sa buhay, ang mga tao ay sumasalok at umiigib ng tubig sa malalayong balon, batis at sapa. Kung kaya ang mga magsasaka at magbubukid nakaisip ng mga paraan para magkaroon ng pangsalok ng tubig. Dahil sagana ang nayon sa mga naglalakihang kawayan na may mahahabang biyas kung kaya ito ang kanilang pinutol at ginawang pang-igib. Ang bawat isa ay pumuputol ng mga biyas ayon sa kanilang kakayahang dalhin. Nilalagyan nila ito ng taling abaka upang gamiting sakbat sa balikat. Naging mabisa ang paraang ito. Subalit ng magtagal ang mga tao ay nagpaligsahan na sa pag-gawa ng bumbong. Nilalagyan nila ng mga palamuti ang kanilang pangsalok upang makilala ang mga may-ari ng bumbong. Di na nagtagal ang mga misyonaryo ng simbahan ay nakarating sa Nayong ito. Ang misyon palaganapin ang pananampalataya sa krus at sa simbahang katoliko. Ang mga ito ay tinatawag ng mga magbubukid na “among” na di mapaliwanag ang dahilan. Subalit wala pa ring pangalan ang nayon. Hanggang isang araw samantalang pauwi na ang isang magsasaka na may dalang putol na bumbong ay nasalubong ng dalawang prayle. “Buenas Tardes” ang sabi ng pari. Sapagkat hindi naiintindihan ng magsasaka ang sinabi ng pari, siya ay tumigil at inalis ang balanggot sa ulo at yumukod ng bahagya. Nagtanong ang pari “como tellama esta”. Sabay turo sa lupa na ang nais na malaman ay kung ano ang pangalan ng lugar. Sa pag-aakala ng magsasaka na ang tinatanong ay kung ano itong dala niya, sinabi “Ah ito – Bagong Bumbong” “Ah si Bagumbong” marahil dahil kastila iniisip ng magsasaka na marahil hindi lang mabigkas ang salitang Bagong Bumbong kung kaya hindi na siya kumibo. Mula noon naging Bagumbong ang tawag sa Nayong ito. Isang bahagi ngayon ng lungsod ng Caloocan na noon kung tawagan ay bukid area, subalit ngayon ay kilala na sa katawagang Caloocan North.