Uploaded by Twinkle Dela Cruz

Mga babasahin sa Pagsasalin (1)

advertisement
KATANGIAN NG TAGASALIN
 Ayon kina Savory (1959) at Nida (1969)
1. Sapat na kaalaman sa dalawang wikang kasangkot sa pagsasalin
2. Sapat na kaalaman sa gramatika ng dalawang wikang kasangkot sa pagsasalin
3. Sapat na kakayahan sa pampanitikang paraan ng pagpapahayag
4. Sapat na kaalaman sa paksang isasalin
5. Sapat na kaalaman sa kultura ng dalawang bansang kaugnay sa pagsasalin
 Ayon kay Jose Villa Panganiban
1. Kailangan ng nagsasalin sa Tagalog ang mabutin pang-unawa sa mga kahulugang
Tagalog at mga katangian sa pagpapahayag sa wikang ito.
2. Kailangan din ang kahusayan sa balarila at retorika upang ang mga pangungusap ay
maging maluwag at magaang basahin o bigkasin.
3. Dapat ding sundi ang tuntunin ng malayang pagsasallin sapagkat sa ganitong paraan
lamang makukuha ang tunay na kahulugan ng orihinal.
4. Dapat ding dumaan ang nagsasalin sa literal na paraan bago iayos ang salin upang
makita muna ang di-wastong ayos sa Tagalog, sapagkat ang bentaha ng ganitong
pamamaraan ay nakikita muna ang mga kaugnayang nararapat ituwid.
 Ayon kay Etienne Dolet:
1. May ganap na pagkaunawa sa nilalaman at intensyon ng awtor ng akdang isinasalin.
2. May ganap na kaalaman sa wikang isinasalin at may kahusayan din sa pag-alam sa
wikang pinagsasalinan.
3. Nakaiiwas magsalin nang salita sa salita sapagkat nakasisira sa orihinal at
nakalalamat sa kagandahan ng pahayag.
4. Makabubuo ng pangkalahatang bisa at angkop na himig.
 Ayon kay Ponciano Pineda:
1. Isinasaalang-alang ang mga salita ng batayang wika kung nagkakaroon ng katiyakan
at kalinawan ng salin sa Filipino.
2. Maaaring humiram sa iba pang katutubong wika kung wala sa batayang wika.
3. Maaring hiramin ang bahagi ng salita o pariralang banyaga at baybayin sa
ortograpiyang Filipino.
4. Maaaring hiramin nang buung-buo ang salita o pariralang banyaga nang hindi
nagbabago ang baybay.
5. Maaaring gamitin pansamantala ang mga likhang salita na ginagamit na hanggang
lalong lumaganap at maging palasak.
 MGA TUNGKULIN NG TAGASALIN: (Almario, et.al. Patnubay sa Pagsasalin, NCAA)
1. Kailangan niyang magkaroon ng kadalubhasaan sa dalawang wikang kasangkot sa
pagsasalin.
2. Tungkulin din niyang basahing mabuti ang tekstong isasalin at unawain ito.
3. Kasunod na tungkulin ng tagasalin ang paghahanap ng tumpak na anyo upang muli itong
maipahayag sa tunguhang lenggwahe.
4. Kailangan din niyang magkaroon ng sapat na kaalaman sa paksa o nilalaman ng tekstong
isasalin.
5. Tungkulin din niyang isaalang-alang ang kanyang mga mambabasa – ang tradisyon,
kultura, at kasalukuyang kalagayan ng lipunang tatanggap sa kanyang salin.
6. Tungkulin niyang magkaroon ng kamalayan sa anumang naganap at nagaganap na
pagbabago sa kanyang wikang ginagamit.
7. Kailangang igalang ng mga tagasalin ang orihinal at iwasan ang mga pagputol o
pagbabago maliban kung ang mga naturang pagpapalit ay may pahintulot ng mga
sumulat o ng kanilang awtorisadong mga kinatawan.
 MGA KATANGIANG DAPAT TAGLAYIN NG TAGASALIN: (Nasa Kabanata IV ni Santiago,
Alfonso pp. 49-54)
1. Sapat na kaalaman sa dalawang wikang kasangkot sa pagsasalin
2. Sapat na kaalaman sa gramatika ng dalawang wikang kasangkot sa pagsasalin
3. Sapat na kakayahan sa pampanitikang paraan ng pagpapahayag
4. Sapat na kaalaman sa kultura ng dalawang bansang kaugnay sa pagsasalin
 KATANGIAN NG MABUTING SALIN:
1. Kailangang katulad na katulad ng orihinal sa diwa, ang estilo at paraan ng pagsulat ay
katulad ng sa orihinal at taglay ang “luwag” at “dulas” ng pananalitang tulad ng sa
orihinal upang hangga’t maaari ay magparaang orihinal. (Santiago, 1976)
2. Kailangang matagumpay na natamo ang layuning maipahatid ito sa kinauukulang target
(Nida, 1976).
3. Kailangang kumakatawan ito sa orihinal nang hindi nilalapastangan ang wikang
kinasalinan (Medina, 1988).
4. Kailangang meaning-based na nangangahulugang dapat itong magpahayag ng tamang
kahulugan o diwa ng orihinal sa tunay na porma ng pokus ng wika (Larson, 1984).
5. Kailangang may sensibilidad, naipapahayag ang nilalaman at paraan ng orihinal, may
natural at madulas na ekspresyon at tumutugon sa pagtanggap na tulad ng orihinal
(Nida, 1964).
ANG KULTURAL NA SALIK SA PAGSASALIN
 Ang pagsasalin ay hindi lamang pagsasaling wika kundi isa ring pagsasaling kultura.
a. Pagtatapatan ng mga salita ng Simulaang Lenggwahe (SL) at ng Tunguhang
Lenggwahe (TL)
b. Paglilipat/Pagtutumbas ng karanasang nakapaloob sa SL
 Sa pagsasaalang-alang ng kultural na salik, magiging tapat ba ang salin sa SLO o
aangkop ang salin sa TL?
a. Ang unang prinsipyo ay nakatuon sa pagdadala ng tagasalin sa kanyang mga
kababayan ng tunay at malinaw na larawan ng isang banyagang realidad sa
pamamagitan ng pagiging tapat sa SL. (Tinatawag itong formal equivalence ni Nida
at transference analysis naman ni Newmark.)

1.
2.
3.
b. Ang ikalawang prinsipyo ay ang pagtingin sa isang banyagang akda bilang sariling
materyal ng tagasalin na nagiging tapat sa TL na nagmumukhang orihinal ang akda.
(Tinatawag itong dynamic equivalence ni Nida at componential analysis naman ni
Newmark.)
MGA METODO O PARAAN NG PAGSASALIN
Pinangkat ni Newmark sa dalawa ang 8 metodo sa pagsasalin. Ang unang
pangkat ay nagbibigay diin sa pinagmulang wika (SL). Ang ikalawang pangkat ay
nakatuon sa pinagsasalinang wika (TL).
SL
TL
Salita-sa-salita
Adaptasyon
Literal
Malaya
Matapat
Idyomatiko
Semantiko
Komunikatibo
Salita-sa-salita. Word-for-word translation ang tawag dito sa Ingles at katumbas ito ng
sinabi ni Savory (1968) na : A translation must give the words of the original.
Halimbawa:
John gave
me
an
apple.
Juan nagbigay
akin isa
mansanas.
Literal. Sa metodong ito, ang estruktura ng SL ang sinusundan ng tagasalin, hindi ang
natural at madulas na daloy ng TL, at kadalasan ding ang pangunahing katuturan ng
salita ang ibinibigay na panumbas, hindi ang salitang may pinakamalapit na kahulugan sa
orihinal. Ang nagiging bunga ay salin na mas mahaba ngunit asiwa at hindi kawiliwiling basahin dahil hindi madulas ang daloy at nakabibikig sa lalamunan para sa mga
taal na gumagamit ng TL.
Halimbawa: My father was a fox farmer.
Ang tatay ko ay isang magsasaka ng lobo. (Kapag inayos ito, ito ay
magiging “Ang aking ama ay isang tagapag-alaga ng lobo.”)
Adaptasyon. Ito ang itinuturing na pinakamalayang anyo ng salin dahil may pagkakataon
na malayo na ito sa orihinal. Karaniwang ginagamit ito sa salin ng awit, tula, at dula.
Halimbawa:
Que sera sera!
Whatever will be will be
The future’s not ours to see
Que sera sera!
Ay sirang-sira!
Ano ang mangyayari
Di makikita ang bukas
Ay sirang-sira!
4. Malaya. Ayon kina Almario, et.al. ito ay malaya at walang kontrol at parang hindi na
isang salin.
Halimbawa: “For the last twenty years since he burrowed into this one-room
apartment near Baclaran church, Francisco Buda often strolled to the seawall and down
the stone breakwater which stretched from a sandy bar into the murky and oil-tinted
bay.” (mula sa “The Drowning” ni F. Sionil Jose)
Mayroon nang dalawampung taon siyang tumira sa isang apartment na malapit
sa simbahan ng Baclaran. Si Francisco Buda ay mahilig maglibang sa breakwater na
mabungahin at malangis.
5. Matapat. Tinatawag itong matapat dahil sinisikap ibigay ang eksaktong kahulugan ng
orihinal habang sinusundan naman ang estrukturang gramatikal ng SL. Kung paano
inihanay ang mga salita sa SL, gayon din ang ginagawang paghahanay ng mga salita sa
TL. Dahil dito ay nagkakaroon ng problema sa madulas na daloy ng salin.
Halimbawa: When Miss Emily Grierson died, our whole town went to her funeral: the
men through a sort of respectful affection for a fallen monument, the women mostly out
of curiosity to see the inside of her house, which no one save an old manservant – a
combined gardener and cook – had seen in at least ten years. (mula sa “A Rose for
Emily”)
Nang mamatay si Bb. Grierson, ang buong bayan ay pumunta sa kanyang libing:
ang mga kalalakihan, upang magpakita ng isang uri ng magalang na pagmamahal sa
isang nabuwal na monumento, ang kababaihan, dahil sa pag-uusyoso upang makita ang
loob ng kanyang bahay, na walang ibang nakakita kundi isang matandang utusang lalaki
– na hardinero-kusinero – sa nakalipas na di kukulangin sa sampung taon.
6. Idyomatiko. Idyomatiko ang salin kung ang mensahe ng orihinal ay isinasalin sa paraang
madulas at natural na daloy ng TL. Ginagamit dito ang idyoma ng TL at sadyang nagiging
iba ang porma ng pahayag ngunit ipinapahayag ang mensahe sa paraang kawili-wiling
basahin. Sa idyomatikong salin, hinahanap ang idyomatikong katumbas sa TL ng
pahayag sa SL.
Halimbawa: The boy had running nose.
Tumutulo ang sipon ng bata. (hindi ‘tumatakbo’)
still wet behind the ears
may gatas pa sa labi
7. Semantiko. Pinagtutuunan ditong higit ang aesthetic value o kahalagahang estetiko,
gaya ng maganda at natural na tunog, at iniiwasan ang anumang masakit sa taingang
pag-uulit ng salita o pantig.
Nagtatangkang ilipat sa salin ang eksaktong kahulugang kontekstwal ng orihinal
gamit ang estrukturang pansemantika at sintaktik ng SL.
Halimbawa:
O Divine Master,
Grant that I may not so much seek,
To be understood as to understand:
To be loved as to love. (Prayer of St. Francis of Assissi)
O Bathalang Panginoon
Itulot mong naisin ko pa ang umaliw kaysa aliwin
Umunawa kaysa unawain;
Magmahal kaysa mahalin. (Salin ni Rufino Alejandro)
8. Komunikatibo. Nagtatangka itong maisalin ang eksaktong kontekstuwal na kahulugan
ng orihinal sa wikang katanggap-tanggap at madaling maunawaan ng mga mambabasa
nito.
Halimbawa: All things bright and beautiful
All creatures great and small
All things wise and wonderful
The Lord God made them all.
Ang lahat ng bagay, maganda’t makinang
Lahat ng nilikhang dakila’t hamak man
May angking talino at dapat hangaan
Lahat ay nilikha ng Poong Maykapal.
 Mga Teknik sa Pagsasalin ni Newmark
Bukod sa mga teoryang naihanay at naipaliwanag na sa mga naunang pahina,
naniniwala ang mananaliksik na kailangan ding mapatnubayan siya ng iba’t ibang teknik sa
pagsasalin na maaari niyang sandigan sa mga pagkakataong mahaharap siya sa ilang
suliraning pampagsasalin. Narito ang 18 teknik na inilahad ni Newmark (1988):
1. Transference (Adapsyon)
Nangangahulugan ito ng paglilipat o panghihiram ng mga salita mula sa
simulaang lenggwahe nang hindi na binabago ang ispeling. Ginagawa ito lalo na kung
ang nabanggit na mga salita ay masyadong katangi-tangi sa simulaang lenggwahe.
Halimbawa:
pizza - pizza
2. One-to-one Translation (Isahang Pagtutumbas)
Halos literal ang pagkakasalin sa teknik na ito na kung saan nagaganap ang isaisang tumbasan.
Halimbawa:
un beau jardin (French) - isang magandang hardin
3. Through Translation (Saling Hiram)
Partikular na ginagamit ito sa pagsasalin ng mga collocation na binubuo ng
dalawa o higit pang salitang pinagsasama.
Halimbawa:
brainwashing - paghuhugas-isip
4. Naturalisation (Naturalisasyon)
Sa teknik na ito, pinagbabatayan ang bigkas ng salita at saka binabaybay base sa
ortograpiya ng tunguhang lenggwahe.
Halimbawa:
computer – kompyuter
5. Lexical Synonymy (Leksikal na Sinonim)
Hinahanapan sa tunguhang lenggwahe ng pinakaangkop na katapat ang salita
mula simulaang lenggwahe.
Halimbawa:
old house - lumang bahay
6. Transposition (Transposisyon)
Sa sandaling gamitin ito sa mga ispisipikong pagkakataon, karaniwan nang
nagkakaroon ng “pagpapalit” ng posisyon ang mga salita mula sa simulaang lenggwahe
patungo sa tunguhang lenggwahe.
Halimbawa:
stone mill - gilingang-bato (nagpalit ng posisyon)
7. Modulation (Modulasyon)
Isinasaalang-alang ang konteksto ng pagkakagamit ng salita na nasa simulaang
lenggwahe bago ito bigyan ng katapat na salin.
Halimbawa:
reinforcement - karagdagang lakas (kung ukol sa military ang gamit ng
reinforcement)
pagpapatupad (kung ukol sa batas ang tinutukoy)
8. Cultural Equivalent (Kultural na Katumbas)
Hinahanapan ng kultural na salita sa tunguhang lenggwahe ang isa ring kultural
na termino mula sa simulaang lenggwahe.
Halimbawa:
tea break - merienda
9. Functional Equivalent (Panksyunal na Katumbas)
Sa teknik na ito, itinutumbas ang mas katanggap-tanggap na salin sa tunguhang
lenggwahe para sa kultural ding salita. Sa pagsasagawa nito, nagaganap ang
dekulturisasyon ng kultural na salita mula sa simulaang lenggwahe.
Halimbawa:
uncooked peanuts - hilaw na mani (sa halip na hindi pa lutong mani)
10. Descriptive Equivalent (Amplipikasyon)
Gumagamit ito ng deskriptibong katumbas para sa salitang nagmula sa
simulaang lenggwahe. Karaniwang natutumbasan ito gamit ang pariralang pangngalan o
sugnay na pang-uri sa tunguhang lenggwahe.
Halimbawa:
kueh - isang uri ng kakanin (mula sa “Doubt”)
11. Recognized Translation (Kinikilalang Salin)
Ginagamit ito sa kaso ng mga institusyonal na termino na kung saan ang
ginagamit na panumbas ay ang kinikilalang salin ng karamihan.
Halimbawa:
mayor - mayor o meyor (bihira ang punung-bayan)
12. Addition/Expansion (Pagdaragdag)
Sa teknik na ito, karaniwang nagdadagdag ng salita o mga salita sa salin para
mapalinaw ang nais ihatid na mensahe.
Halimbawa:
No money? Oh, I have, I have. (mula sa “Doubt”)
Walang pera? May pera ‘ko. May pera ‘ko.
13. Reduction/Contraction (Pagpapaikli)
Kahit na paikliin o bawasan ng mga salita, naroroon pa rin ang gustong
paratinging mensahe.
Halimbawa:
I’ll take them along tomorrow. (mula sa “Doubt”)
Babaunin ko ‘yon bukas.
14. Componential Analysis (Komponensyal na Analisis)
Sa teknik namang ito, nagkakaroon ng segmentasyon ang mga makabuluhang
yunit ng pahayag.
Halimbawa:
The beautiful/ rubber doll/ lying/ on the floor/ belongs to/ Selma
Ang magandang/ gomang/ manyika/ na nakahiga/ ay kay/ Selma.
15. Paraphrase (Hawig)
Karaniwan nang humahaba ang salin kaysa sa orihinal na teksto dahil sa
nagaganap na malayang pagpapaliwanag ng ilang bahagi.
Halimbawa:
Decades have passed since Filipino historians felt that the initial impulse to
rewrite Philippine history from the point of view of the Filipino. (Mula sa Chapter I ng
“The Philippines, A Past Revisited ni Renato Constantino)
Marami nang taon at matagal na ring panahon simula ng ang mga historyador na
Pilipino ay maramdaman ang pangangailangan na simulan nang isulat na muli ang
kasaysayan ng Pilipinas. Ito raw ay kailangang isulat batay sa pananaw o pagtingin ng
mga Pilipino.
16. Compensation (Kompensasyon)
Kung minsan, may naaalis na salita o bahagi kapag isinalin na ang partikular na
pahayag ng simulaang lenggwahe sa tunguhang lenggwahe. Sa kaso ng teknik na ito,
ang naalis na bahagi ay tinutumbasan ng naidagdag na ibang bahagi. Ginagawa ito kapag
ang kahulugan ng nawalang bahagi ay naipahayag na sa mga naunang pahayag.
17. Improvement (Pagpapabuti)
May pagkakataong may makikitang mali ang tagasalin sa orihinal na teksto. Sa
ganitong sitwasyon, maaari niyang itama ang gramatikal o taypograpikal na
pagkakamali.
Halimbawa:
…because experience told her that her mother was wont to scold people at such
moments.
…dahil alam niyang magagalit ang kanyang ina kapag may mga gayong
pangyayari.
18. Couplets (Kuplets)
Napagtatambal ang gamit ng dalawa o higit pang teknik sa pagsasalin kapag
inilipat ang mensahe mula sa simulaang lenggwahe patungo sa tunguhang lenggwahe.
Halimbawa:
Noel is not here. He went to John’s birthday.
Wala dito si Noel. Nagpunta siya sa bertdey ni John. (Gumamit ng transposisyon
at naturalisasyon.)
 Ilang Teknik sa Pagsasalin nina Enriquez at Marcelino (kulang pa ito)
Inisa-isa nina Antonio at Iniego, Jr. (2006) ang mga paraan nina Enriquez at
Marcelino ng pagpapaunlad ng wika kaugnay ng angkop na pagsasalin ng mga salita.
Malaki ang paniniwala ng mananaliksik na magagamit niya ang mga ito sa gagawin
niyang teknikal na pagsasalin. Binubuo ito ng mga sumusunod:
1. Saling-angkat. Ang pamamaraang ito ay nauukol sa paggamit ng mga termino ayon sa
orihinal nitong kahulugan at ispeling.
Halimbawa:
moron – moron
inflation rate – inflation rate
May ilang pagkakataon na medyo nagbabago ang baybay ng mga salita lalo na
kung matagal nang nakasanayang gamitin ang pagbabago sa ispeling.
Halimbawa:
persepsyon – persepsyon
amnesya - amnesia
2. Saling paimbabaw. Ginagamit ito ayon sa orihinal nitong teknikal na gamit batay sa
isang pananaw at ayon sa bago nitong kahulugan kapag nalagyan ng panlapi.
Halimbawa:
reimporsment – reinforcement
iskima - schema
3. Saling panggramatika. Kapag sinuri ang uri ng saling ito, mapapansin na may pagbabago
rin sa ispeling subalit bukod dito, maaari ring magbago ang diin ng salita sa katagalan ng
panahon.
Halimbawa:
interaksyong sosyal – social interaction
Noong una, ang terminong Ingles ay isinalin sa Filipino bilang sosyal inter-aksyon.
Sinasabing halos pareho ang bigkas nito sa salitang social interaction kaya’t maririnig
dati na ang istres ay nasa “ak”. Subalit nang naging “interaksyong sosyal” ang salin,
nalipat sa “syon” ang diin.
4. Saling hiram. May kinalaman ito sa paghahanap ng akmang salin para sa partikular na
termino.
Halimbawa:
paghuhugas-isip – brainwashing
bakas ng gunita – memory trace
5.
6.
7.
8.
Dati, ginamit ang paghuhugas-utak bilang unang salin ng brainwashing.
Pagkalipas ng ilang panahon, ito ay naging paghuhugas ng isipan pero sa kalaunan, mas
tinanggap ang saling paghuhugas-isip.
Saling daglat. Naging palasak din ang paggamit ng mga daglat, kontraksyon, akronim at
iba pang paraan ng pagpapaikli ng salita.
Halimbawa:
S-R – stimulus-response
IQ – intelligence quotient
Saling tapat.
Ito ay kontekstwalisado at katutubong paraan ng pag-iisip na
nagpapayaman sa wika.
Halimbawa:
pakikisalamuha – social interaction
paniniwala - belief
Bagamat nagagamit ang interaksyong sosyal, nagagamit din ang salitang
pakikisalamuha bilang katutubong katumbas ng social interaction.
Saling angkop – Ito ay ang paghahanap ng katumbas sa pinagsasalinang wika na mas
makabuluhan kaysa sa tahasang pagsasalin na tapat sa orihinal.
Halimbawa:
Pakikipagkapwa sa halip na interaksyong sosyal
Pamamangka sa dalawang ilog (extramarital relations)
Saling likha – paglikha at pagbuo ng bagong salita
Halimbawa:
Sarigawa (masturbation)
 Mga Simulain sa Pagsasalin
1. Bawat wika ay nakaugat sa kultura ng mga taong likas na gumagamit nito.
Halimbawa: Her heart is as white as snow.
Busilak sa kaputian ang kanyang puso.
2. Bawat wika ay may kanya-kanyang natatanging kakanyahan.
a. Sa Ingles, ang simuno ng pangungusap ay laging nauuna sa panaguri. Sa Filipino,
karaniwang-karaniwan ang dalawang ayos ng pangungusap.
b. Kailangang maging maingat ang tagasalin sa paggamit ng panlapi tulad ng um at
mag-.
Halimbawa: Lilia bought a book.
Mali: Nagbili ng aklat si Lilia.
Tama: Bumili ng aklat si Lilia.
3. Hindi kailangang ilipat sa pinagsasalinang wika ang kakanyahan ng wikang isasalin.
Halimbawa: Sine ang pinanood ni Pedro.
Mali: A movie saw Pedro.
4. Ang isang salin upang maituring na mabuting salin ay kailangang tanggapin ng pinaguukulang pangkat na gagamit nito.
5. Bigyan ng pagpapahalaga ang uri ng Filipino na angkop na gamitin sa pagsasalin. Maynila
Filipino? UP Filipino? Bulacan Filipino? Ilocano Filipino?
6. Ang mga daglat, akronim, pormyula na masasabing establisado o unibersal na ang gamit
ay hindi na isinasalin.
Halimbawa: DepEd
7. Kung may pagkakataon na higit sa isa ang matatanggap na panumbas sa isang salita ng
isinasaling teksto, gamitin ang alinman sa mga iyon at pagkatapos ay maaaring ilagay sa
talababa ang iba bilang mga kahulugan.
8. Laging isaisip ang pagtitipid ng mga salita.
Halimbawa: Tell their children to return to their seats.
Mali: Sabihin mo sa mga bata na bumalik sa kanilang upuan.
Tama: Paupuin mo ang mga bata.
9. Nagkakaroon lamang ng tiyak na kahulugan ang isang salita kapag ito’y nagiging bahagi
ng parirala o pangungusap.
Halimbawa: He ate a cup of rice. (kanin)
The farmers harvested rice. (palay)
10. Isaalang-alang ang kaisahan ng mga magkakaugnay na salitang hiram sa Ingles.
Halimbawa: solid and liquid
Mali: solido at likwid
Tama: solido at likido; solid at likwid
 Mga Prinsipyo sa Pagsasalin
1. Prinsipyo ng Katumpakan (Accuracy). Ito ay tumutukoy sa pagiging tama, tunay, totoo
ng salin. “Accuracy is one of the most important principles in translation especially when
translating scientific articles.”
Halimbawa: He is learned.
Siya ay marunong.
2. Adaptasyon. Itinuturing itong pinakamalayang anyo ng salin dahil may pagkakataon na
malayo na ito sa orihinal. Karaniwang ginagamit sa pagsasalin ng awit, tula, at dula.
Halimbawa: Yung kantang “Que sera sera”
3. Baryasyong Gramatikal sa Pagsasalin. Ang prinsipyong ito sa pagsasalin ay may
kaugnayan sa pagsasaalang-alang sa katotohanang ang bawat wikang kasangkot sa
pagsasalin ay may kanya-kanyang gramatikal na anyo. Halimbawa, karaniwan sa Ingles
ang mauna ang simuno kaysa sa panaguri samantalang sa Filipino, nasa anyong
karaniwan naman ang pangungusap na nauuna ang panaguri.
4. Prinsipyo ng Idyomatikong Pagpapahayag. May ilang bagay na kailangang ikonsidera
ang tagasalin sa pagsasalin ng mga idyomatikong pahayag: Una, kailangang ihanap ng
katapat na idyoma sa TL ang idyoma mula sa SL (Halimbawa: light-fingered person –
malikot ang kamay); Ibigay ang kahulugan ng idyoma (Halimbawa: laconic speech –
matipid na pananalita); at Tumbasan ang kahulugan sa paraang idyomatiko (Halimbawa:
starve to death – mamatay sa gutom (hindi: nagutom hanggang mamatay)
5. Prinsipyo ng Estilo – Usapin ito kung estilo ba ng awtor ang pipiliting palutangin sa salin
o estilo ng tagasalin ang makikita dito? Ang isang tagapagsalin, kahit magpilit na
pumaloob sa katauhan ng kanyang awtor, ay hindi namamalayang kumakawala siya sa
kanyang ‘bilangguan’ at pinaiiral ang kanyang sariling estilo. Halimbawa, ang isang salita
sa tekstong Ingles ay maaaring tumbasan ng iba’t ibang salita sa wikang pinagsasalinan.
Maaari niyang gamitin ang mga katutubong salita at maaari rin namang manghiram siya
sa Kastila o sa Ingles. At kung gugustuhin niya ay maaari pa siyang lumikha ng salita.
Kaya nga’t sa pagpili ng tagapagsalin sa kung aling salita ang kanyang gagamitin ay
lumilitaw nang hindi niya namamalayan ang kanyang sariling kakanyahan.
Gayunpaman, ayon kay Santiago (1974), dapat manatili sa salin ang estilo ng awtor. Di
umano, walang karapatan ang tagapagsalin na pagitawin niya ang kanyang sariling
estilo. Kung may mangilan-ngilan mang pagkakataong hindi namamalayan ng tagasalin
na siya ay ‘kumakawala’ na sa estilo ng awtor at pumapasok na ang kanyang sariling
estilo ang gayon ay hindi na marahil maisisisi sa kanya, lalo na kung ang kanyang layunin
ay maging magkatulad ang reaksyon ng mambabasa sa orihinal na teksto at ng
mambabasa ng kanyang salin.
6. Prinsipyo ng Kaganapan (Completeness) –
 Mga Hakbang sa Pagsasalin
1. Basahin muna nang buo ang isasalin upang maunawaan ang pangkalahatang diwa nito
bago magsimula sa pagsasalin.
2. Isagawa ang unang borador ng salin.
3. Editin o pakinisin ang salin. Tingnan ang sumusunod sa pag-edit.
a. Kung may mga pangungusap na ang kayarian o balangkas ay literal ang salin sa halip
na natural o idyomatiko
b. Kung may mga pangungusap na malabo ang diwa
c. Kung may mga salitang hindi angkop sa antas ng pinag-uukulan ng salin
d. Kung konsistent sa mga salitang itinumbas sa banyagang salita gayundin sa ispeling
nito
e. Kung madulas ang pagkakasalin at hindi masyadong mahaba ang pangungusap o
kaya naman ay kabaligtaran nito
4. Ipabasa nang malakas ang salin sa tatlo o apat na taong pinag-uukulan ng salin.
5. Rebisahin ang salin at ipaedit sa iba. Ipabasang muli sa pinag-uukulang pangkat.
 Ebalwasyon ng Salin
1. Paghahambing ng salin sa orihinal
Ang layunin nito ay upang tingnan kung pareho ang nilalamang impormasyon ng
dalawa upang matiyak na ang lahat ng impormasyon ay nailipat sa salin. Dapat tandaan
na ang layunin ay hindi ipareho ang salin sa forms ng SL. Ang forms na tinutukoy ay ang
paimbabaw na istruktura (surface structure) o ang mga aktwal na salita, parirala,
sugnay, pangungusap na sinasalita o sinusulat.
2. Balik-salin (Back translation)
Isang taong bilinggwal sa mga wikang kasangkot sa pagsasalin ang nagsasagawa
nito. Kailangan ay hindi niya nabasa ang source text o tekstong isasalin. Sa balik-salin o
back translation, mayroon munang literal rendering ng salin. May isa-sa-isang tumbasan
upang maipakita ang kayarian o structure ng salin. Pero ang mga pangungusap sa baliksalin ay nasa karaniwang anyo ng gramatika ng wikang isinasalin.
3. Pagsubok sa Pag-unawa (Comprehension Test or Check)
Ang layunin ng pagsubok na ito ay upang malaman kung ang salin ay
naiintindihan nang wasto o hindi ng mga katutubong nagsasalita ng wikang
pinagsalinan. Layunin din nito na malaman kung ano ang ibig iparating ng salin sa mga
taong kinauukulan.
Sa pagsubok na ito ay kailangan ng tester at mga respondent. Higit na mabuti
kung ang tester ay ibang tao at hindi ang nagsalin.
Ang respondent naman ay dapat nagnanais talagang tumulong sa pagpapabuti ng
salin. Dapat na sabihan ang mga respondent na hindi sila ang sinusubok kundi ang salin.
Habang isinasagawa ang pagsubok sa pag-unawa, itinatala ng tester ang lahat ng
mga sagot ng respondent. Maaaring gumamit ng cassette recorder subalit dapat din
siyang magtala. Pagkatapos ay magsasagawa ng ebalwasyon ang tester at ang tagsalin.
May sinusunod na hakbang sa paraang tinatalakay. Ang unang hakbang ay para
sa overview. Ipinasasalaysay sa respondent ang materyal na binasa. Ang layunin nito ay
upang matiyak na ang pangunahing pangyayari o ang paksang-diwa ay maliwanag. Hindi
dapat sumabat ang tester habang nagsasalita ang responden kundi dapat lamang siyang
magtala o magrekord
Ang ikalawang hakbang ay pagtatanong tungkol sa salin. Ang mga katanungan
ay dapat nakahanda na upang mapag-isipan at mabuo nang maayos ng tester ang mga
dapat niyang itanong tungkol sa pagkaunawa ng respondent at sa nais niyang subukin.
Ayon pa rin kay Larson, mayroong iba’t ibang uri ng tanong, ang bawat isa ay
may iba’t ibang layunin. Ang mga tanong ay maaari upang makapagbigay ng
impormasyon sa istilo ng diskurso, o sa tema ng teksto, o maaaring ito ay mga tanong na
nauukol sa detalye ng akda o teksto.
4. Pagsubok sa Pagiging Natural ng Wikang Ginamit sa Salin (Naturalness Test)
Ang layunin ng pagsubok na ito ay upang matiyak na ang anyo ng salin ay natural
at nababagay ang estilo. Natural ang salin kung ito ay madaling basahin at malinaw ang
mensahe. Ang ganitong pagsubok ay ginagawa ng mga reviewer. Ang mga maaaring
reviewer ay mga manunulat (skilled writers) ng wikang pagsasalinan (receptor language)
at mga bilinggwal. Dapat ay marunong din sila ng mga simulain sa pagsasalin. Sila ay
handang mag-ukol ng panahon sa pagbabasa ng salin at magbigay ng puna at mungkahi
upang mapaganda ang salin. Narito ang paraan ng pagsasagawa nito:
a. Babasahin ng reviewer ang buong salin upang tingnan ang daloy ng salin at
ang pangkalahatang kahulugan ng teksto.
b. Mamarkahan ng reviewer ang mga bahaging mahirap basahin o ang mga
bahaging hindi malinaw.
c. Pagkatapos basahin ang buong teksto, babalikan niya ang mga bahaging
minarkahan niya.
d. Magbibigay siya ng mga mungkahi sa nagsalin gaya ng pagpili ng tamang
salita, wastong gramatika, atbp.
5. Pagsubok sa Gaan ng Pagbasa (Readability Test)
Ang pagsubok na ito ay isinasagawa ng mga nagsalin o tester sa pamamagitan ng
pagbasa ng isang tagabasa sa isang bahagi. Itinatala ng mga tester ang alinmang bahagi
na hindi nabasa nang maayos. Maaari itong isagawa anumang oras na may bumasa sa
salin hindi sa mga pormal na sesyon lamang.
6. Pagsubok sa Konsistensi (Consistency Checks)
Mayroong iba’t ibang uri ng mga pagsubok sa konsistensi. Ang iba ay may
kinalaman sa nilalaman ng salin at ang iba ay may kinalaman sa teknikal na detalye ng
presentasyon, gayundin ang paggamit ng pananalita.
Kung mahaba ang dokumentong isinalin sa loob ng mahabang panahon,
maaaring hindi na naging konsistent ang tagasalin sa paggamit ng mga leksikal na
katumbas para sa ilang mga key term, kaya kailangang tingnan ang mga ito sa wakas ng
proyektong pagsasalin. Ito ay totoo sa mga dokumentong teknikal, pampulitika, o
panrelihiyon.
 Pagsasaling Pampanitikan at Pagsasaling Teknikal
 Pagsasaling Pampanitikan – Kabilang sa uring ito ang pagsasalin ng mga tula, maikling
kuwento, nobela, dula, at sanaysay. Sa kabuuan, nasasangkot sa pagsasaling ito ang
pagsasalin ng paksa, estilo, at epekto ng gamit ng salita.
-
Ang pagsasaling pampanitikan ay pag-aangkop ng akdang pampanitikan sa
panibagong kalagayang pampanitikan na nagtataglay rin ng mga katangian,
estilo, at himig ng akdang pampanitikan. Hindi ito basta paglilipat ng
nilalaman mula SL patungong TL.
 Pagsasaling Teknikal – Tuwiran itong may kinalaman sa mga siyensiya, pangkalikasan
man o panlipunan, at sa mga disiplinang akademiko na nangangailangan ng angkop na
espesyalisadong wika. Ang espesyalisadong wika ay tungkol sa mga tiyak na larangan ng
karunungan gaya ng matematika, siyensyang pangkalikasan, teknolohiya, medisina,
administrasyong publiko, batas, komersiyo, isports, pagtaya ng panahon, sining at
relihiyon. Ang mga tiyak na halimbawa ng mga tekstong teknikal ay mga teksbuk, gabay
o manwal, encyclopedia, mga artikulong siyentipiko at akademiko, mga patakaran o
pamamaraan, mga dokumentong legal, teknikal na ulat, brochure, mga liham, mga
katitikan ng pulong, mga taunang ulat, manuskrito ng mga talumpati at panayam, survey
forms.
- Katulad ng nasabi na, gumagamit ng espesyalisadong wika ang pagsasaling
teknikal. May mga pagkakataong hindi maiiwasan ang manghiram ng mga
salitang banyaga, na karamihan ngayon ay kinukuha sa Ingles.
- Karaniwang informative ang anyo ng mga teknikal na teksto.
Mga Prinsipyo ng Teknikal na Pagsasalin (Buban, 2014)
1. Hindi lamang pagsasalin ng nilalaman at impormasyon ang inaasahan sa anumang
pagsasaling teknikal; mahalaga rin ang kakawing nitong tungkuling
pangkomunikasyon na may pagsasaalang-alang sa konteksto at intensiyon ng salin,
nagpapasalin, at target na mambabasa ng salin sapagkat ang mga salik na ito ang
magbibigay-pahiwatig sa magsasalin kung ano ang lenggwaheng kanyang gagamitin
sa kanyang salin;
2. Hindi lamang suliranin sa pagtutumbas sa mga terminolohiya at kaalaman sa mga
wikang kasangkot sa pagsasalin ang maituturing na suliranin sa pagsasalin; mahalaga
ring mabigyan ng karampatang atensyon at pagpapahalaga ang mga usapin sa
kawastuang pansemantika, kabisaan ng estilo ng mga pangungusap, at
pagpapahayag na gagamitin sa salin, kahalagahan ng teksto bilang materyal na
isinasalin, at mga kaakibat na daynamiks ng mga sitwasyong pangkomunikasyon
nito;
3. Walang iisa o tiyak na estilo ng pagsasalin o lengguwahe ng pagsasalin ang
makapagbibigay-garantiya sa pagsasaling teknikal; sapagkat ang isang materyal ay
maaaring mabago, madagdagan, batay sa kahingian ng pag-aangkop sa sitwasyong
pangkomunikasyon ng mga target na mambabasa; ang pagsasaling teknikal ay hindi
usapin ng tekstong teknikal; kundi usapin ito ng paggamit ng lengguwaheng teknikal;
4. Tulad ng pagsasaling pampanitikan, maituturing ding isang malikhaing gawain ang
pagsasaling teknikal. Mahalaga ang kakayahang pangwika subalit mahalaga rin ang
kahusayan o kompetensi ng isang tagasalin sa paghanap ng iba’t ibang pamamaraan
ng pagpapaliwanag sa kahulugan, pagtitiyak ng layunin sa pagpapakahulugan,
pagtutumbas sa mga terminolohiya, at pahayag na kultural.
Download