Pananaliksik Essay Questions Sagutin ang mga tanong. 1. Bakit mahalaga ang pananaliksik bago bumuo at magbahagi ng pahayag ng kaalaman sa isang tiyak na sitwasyong pangkomunikasyon? Ang pananaliksik ay ang pagtuklas at pagsubok ng isang teorya upang lutasin ang problema o hadlang sa buhay ng isang suliranin na nangangailangan na bigyan ng solusyon. Ito ay ginagamit para maghanap ng solusyon sa isang suliranin, makatuklas ng bagong kaalaman, konsepto, at makapangalap ng mga impormasyon. Ginagawa ito bago bumuo ng isang pahayag upang makapagbahagi tayo ngmaaasahan at makabuluhang impormasyon. Napakahalaga ng pananaliksik bago bumuo at magbahagi ng pahayag ng kaalaman sa isang tiyak na sitwasyong pangkomunikasyon dahil nakadaragdag ito ng impormasyon at mga ideyang maaaring magamit kapag ang isang tao ay nagpapahayag o di kaya ay nakikipag palitan ng nalalaman sa isang argumento. Sa ating pananaliksik, lumalawak ang sakop ngating kaalaman, na nakakatulong naman upang masiguro na bawat anggulo ng pinag-uusapanay nabibigyang pansin at nabibigyang linaw. Sa paraang ito, makakapagpalitan ng ideya angbawat indibidwal at makabubuo ng isang pahayag na may saysay. Kapag hindi sapat ang kaalaman mo sa isang bagay at kulang ka sa pananaliksik, maaring makabuo ng tanong ang iyong kausap at maging dahilan para ikaw ang tuluyang maubusan ng ideya. Ayon nga sa isang kasabihan, "mas lamang ang may alam". 2. Tumukoy ng isang napapanahong isyu sa bansa kaugnay ng iyong larangan o disiplima. Kung ikaw ay magpoprodyus ng poster tungkol sa isyung ito anu- anong batis ng impormasyon ang iyong bibigyang prayoridad? Bakit? Isa sa mga napapanahong isyu kaugnay ng inhinyeryang kemikal ay ang mga ganap ng mga inhinyero sa larangang ito sa pagsugpo ng virus na nagbibigaypahirap sa kasalukuyan sa bawat aspeto ng buhay ng mga Pilipino, ang COVID19. Bilang kasapi ng komunidad ng agham at may sapat na kaalaman dito, inaasahan na magkaroon din ng kontribusyon ang mga inhinyero sa nasabing larangan upang mas madaling makabuo ng bakuna o gamut sa nasabing virus. Sa pagpoprodyus ng isang makasaysayang poster, kinakailangan na ito’y hindi lamang siksik sa impormasyon ngunit dapat din na malinaw at madaling intindihin ang mga nakapaloob dito. Sa nasabing isyu, maaaring bigyan ko ng prayoridad kung ano ang panganib na dala ng COVID-19 sa bawat tao at kung gaano kahalaga ang pagsugpo dito ng mga taong mas may kaalaman sa agham. Maaari ring mailagay dito ang paghikayat sa iba pang miyembro ng komunidad ng agham na makisama sa pagtuklas ng iba pang solusyon upang mawakasan ang pandemya. Ang mga paalala kung paano makaiiwas sa virus ay maaari ring isama base na rin sa mga protocol na pangkalusugan na ipinatupad ng pamahalaan. Mahalaga na bigyang prayoridad at isama ang mga bagay na ito sapagkat mabibigyang tulong ng mga ito ang mga taong makakabasa o makakakita ng poster kung ito ay magagawa man. Sabi nga nila, ay “lamang at ligtas ang may alam”. 3. Ikaw ay naimbitahang magbigay ng talumpati sa isang online na pagpupulong ng isang organisasyon ng mga kabataan tungkol sa kalagayan ng edukasyon sa ating bansa ngayon. Paano ka mangangalap ng impormasyon na gagawin mong saligan ng iyong talumpati? Ang pagkakaroon ng pagkakataong makapagbigay ng isang talumpati sa harap ng mga kapwa ko kabataan ay isang pribiliheyo para sa akin kahit pa ito’y online. Di waglit sa kaalaman ng karamihan na nagkaroon ng napakalaking pagbabago sa kalagayan ng edukasyon at karamihan sa mga nakakapagpatuloy ng pagpasok ay iyong may mga kaya sa buhay sapagkat kinakailangan ngayon ng mga gadgets atbp. upang makasabay sa mga aralin. Sa paggawa ng isang talumpati lalo na at ang layunin nito ay makapagbigay ng impormasyon, marapat lamang na magsaliksik ng maayos at piliin ang mga tamang saligan ng mga datos na ipapaloob dito. Sa panahon ngayon ay napakarami nang impormasyon ang madali nating makukuha o magagamit sa internet ngunit dapat ay mag-ingat tayo sa paggamit ng mga ito sapagkat may ilan na hindi wasto o hindi totoo. Kung ang hinahanap natin ay impormasyong walang opinion ay maaaring sa primaryang batis tayo kumuha o magsaliksik tulad ng mga disertasyon, sarbey, at mga artikulo at balita. Pwede rin akong kumuha ng impormasyon base sa mga panayam sa iba pang nakakaranas ng pagbabago sa sistema ng ating edukasyon (sekundaryang batis) at ibahagi sa mga kasama sa pagpupulong. Maaari ring maging saligan ang aking sarili sa paglalagay ng aking sariling opinyon at karanasan sa kalagayan ng edukasyon sa ating bansa ngayon. 4. Sa iyong karanasan ng pananaliksik sa hayskul, paano pinag-uugnay-ugnay ang mga impormasyon na galing sa iba’t-ibang batis? Paano naman ginagawan ng buod ang mga pinag-ugnayugnay na impormasyon? Base sa mga nakaraang pananaliksik at sa aking mga karanasan sa paggawa ng mga disertasyon o tesis, pinag-uugnay-ugnay ang mga impormasyon ayon sa napiling paksa. Isa sa mahalagang bahagi ng pananaliksik ay ang mga kaugnay ng pag-aaral at literatura na tumutukoy sa mga pag-aaral o mga babasahin na kaugnay ng paksa ng pananaliksik. Dito ay tinutukoy din ang mga may-akda ng mga kaugnay na pag-aaral o literatura sa kasalukuyang pananaliksik. Ang bahaging ito ay naglalaman ng pagkaka-ugnay-ugnay ng mga naunang pag-aaral sa bawat isa at sa kasalukuyang pag-aaral. Ikinukumpara ang mga nilalaman at pinagtutulad ang mga prosesong ginamit o di kaya’y ang mga paksa ng bawat isa. Pag-ugnay-ugnayin ang mga ideyang ito upang mabuo ang pinakapunto o tesis. Ang mga kinalabasan ng interbyu, sarbey, o mga eksperimento ay ikinokonekta sa mga datos sa literatura at iba pang pag-aaral upang magkaroon ng malinaw na kasagutan. Sa pag-uugnay-ugnay ng mga impormasyon, marapat lamang na suriin kung sa iisang paksa lamang ito pumapatungkol at alisin kung wala namang ugnayan sa isa’t isa. Huwag gumamit ng mga salita o pangungusap mula sa teksto. Hindi rin inirerekomenda na tularin mismo ang mga salita sa mga batis ng impormasyon sapagkat ito ay magiging isang paraan ng plagiarism kaya’t dapat ay ideya lamang ang kunin at isali sa iyong pananaliksik. Pagkatapos ng pag-uugnay-ugnay ng mga impormasyon ay maaari nang sulatin ang buod at dapat ay tiyakin ang organisasyon ng teksto. Sa pagbubuod ng impormasyon, pinapalitaw ang pangunahing puntong nakukuha sa nga pinag ugnay-ugnay at tinatahi-tahing impormasyon. Una, basahin nang mabuti ang teksto bago tukuyin ang mga susing salita, paksang pangungusap at pinakatema. Sunod ay kahingian sa ilang uri ng material ang angkop na elemento at estruktura ng buod. Sa pagbubuod ng teksto mula sa panayam, talakayan at iba pang etnograpikong pamamaraan ng pangangalap ng datos, ang coding ay isang mabisang paraan. Iwasan rin ang mapanlahat na pahayag kung kaunti lang ang bilang ng kalahok o tinanong (Jimenez, 1982). 5. Bakit mahalagang gamitin ang wikang Filipino sa pagpoproseso ng impormasyon para sa komunikasyon, mula sa pagpili ng paksang sisiyasatin hanggang sa pagbuo ng pahayag ng kaalaman? Mahalaga na gamitin ang ating sariling wika na wikang Filipino sa pagproseso ng impormasyon para sa komunikasyon upang mas lalong magkaunawaan at magkaintindihan ang taong nag-uusap. Bilang ito ang mas alam gamitin at mas madaling unawain ng mga Pilipino, mas madaling maiintindihan ng masa kung ano ang nais nating ipabatid sa mga impormasyong ating sinasaliksik at ipinapakalap. Kung sariling wika ang gagamitin natin sa pagpapahayag ng impormasyon mas magiging matagumpay ang komunikasyon sapagkat naayon at angkop ito sa wikang nakagisnan at nakamulatan. Ito ang magiging daan sa pagkakaroon ng maayos na ugnayan sa ating kapwa. Ang paggamit ng sariling wika ang magiging daan upang mapaunlad ang kaalaman at kakayanan, mas mapapabilis ang pagtuklas sa mga bagong kaalaman at mas magiging positibo ang magiging pananaw ng tao.