Uploaded by clintmeteor

MATA SA TAKIPSILIM

advertisement
MATA SA TAKIPSILIM
By: CLINT M. BELLOSILLO
Napakalinaw na lahat tayo ay binago ng krisis na ito.
Laganap na sa buong bansa ang malubhang takot na dala ng Corona Virus Disease
2019 (COVID-19). Labis ang dulot nito sa mga taong madaling makapitan ng virus dahil
sa nagbabadyang banta nito sa buhay. Hindi matatawaran ang hamon para sa mga
positibong pasyente na harapin ang panganib na ito sapagkat patuloy na bumibigat ang
kanilang problemang dala-dala dahil sa paglawak ng pwersa ng diskriminasyong
natatamo nila mula sa kanilang kapwa. Bakit umuusbong ang lupon ng hindi pagrespeto
at kakulangan ng pag-unawa sa gitna ng krisis na ito? Bakit nakakakuha sila ng
pagkamuhi dahil ang tanging nais nila’y yumakap ng lakas at pagmamahal mula sa iba?
Inabangan ng lahat ang panayam ng isang radyo sa unang positibong pasyente ng
COVID-19 sa probinsya ng Capiz. Inantabayan ng mga taga-Capiz ang kabuuang
detalye ng pasyente upang magkaroon ng kaalaman at kamalayan tungkol sa kaniya.
Sa interbyu, isiniwalat niya ang lahat ng mga impormasyon tungkol sa kung paano niya
nakuha ang virus, saan siya huling pumunta, sino ang mga taong nakasalamuha niya at
mas higit sa lahat - ang diskriminasyong natanggap niya sa kaniyang lugar lalong lalo
na sa social media. Labis ang kaniyang kalungkutan dahil sa pagsulputan ng kaliwa’t
kanang ‘fake news’ tungkol sa kaniya. Dahil dito, inalis niya na raw ang kaniyang social
media accounts upang mabawasan ang matinding kahihiyan mula sa mga tao.
Naaawa ako sa kaniya dahil hindi siya dapat nakakatanggap ng kaapihan at galit mula
sa iba. Nalulungkot ako dahil sa kawalan ng simpatiya ng bawat isa. Sino ba ang
masasayahan na tratuhin kang parang hindi tao? Sino ba ang maliligayahan kung
pinapalibutan ka ng mga negatibong usapin? Binibigyan siya natin ng rason upang hindi
lumaban. Hinahatak natin siya pababa at nilalayo sa maliwanag na daan. Hindi ko lubos
maisip kung nasaan na ang diwa ng walang iwanan sa lahat ng pagkakataon. Akala ko
ba na sa bawat hamon ay pamilya tayong lahat?
Matindi ang pinagdadaanan ng mga positibong pasyente kagaya ng pagharap sa
tunggalian sa pagitan ng kanilang kalusugan laban sa virus gayundin ang pagkawalay
nila sa kanilang pamilya dahil sa inilathalang patakaran ng isolation at quarantine ng
Department of Health (DOH). Hindi mabilang na araw ang kanilang pananatili sa mga
ospital upang maging malakas at gumaling mula sa sakit. At ang mas masaklap pa ay
hindi sila pwedeng bisitahin ng kanilang pamilya sapagkat sumasailim na rin sila sa
quarantine. Dito sumisibol ang kalungkutan, lumbay at pananabik ng mga pasyente.
Nangangailangan sila ng suporta at pagmamahal kay dapat iwaksi natin ang
masamang kaugalian at palawakin ang kaisipan upang maging liwanag ng
pagmamahal.
Hinikayat naman ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang
mga local government units (LGU) na magpatupad ng ordinansa kagaya ng Manila na
ibinida ang Anti-COVID-19 Discrimination Ordinance of 2020 na may layong ipagbawal
ang ano mang uri ng dikriminasyon sa mga biktima ng COVID-19. Sa ilalim ng
ordinansa, ang lalabag ay paparusahan ng Php 5000 o pagkakulong hanggang anim na
buwan.
Malaki ang ambag ng ordinasang ito sa bawat sektor ng ating bansa upang maiwasan
ang mapinsalang ‘stereotype’. Ibig sabihin, ang mga tao ay nahahatulan ng tatak,
pagkakahiwalay sa iba at pagkakaranas ng kawalan ng katayuan sa buhay dahil sa
potensiyal na negatibong kauganayan sa sakit. Iwinawaksi rin nitong ordinansa ang
‘stigma’ sa bawat tao dahil ito’y tumutulong upang ikubli ang karamdaman upang
iwasan ang diskriminasyon gayundin hadlangan ang tao sa pagkonsulta ng agarang
solusyon at panghinaan ng loob na gumawa ng ‘healthy behaviors’.
Kilala ang mga Pilipino bilang maaalahanin sa kapwa. Naging tanyag na tawag ito sa
bawat isa. Hindi natin maikakaila ang serbisyong inaalay ng bawat isa kagaya ng
pagbibigay ng munting tulong sa kapwa at pagkawang-gawa. Kaniya-kaniyang paandar
ang itinataguyod upang pasiklabin ang pag-asa sa panahon ng krisis. Subalit hindi
lubusang ginagawang armas ang pagiging maalahanin. Minsan nagiging mailap pa ito.
Nilalamon pa rin tayo ng takot upang hindi maiwasiwas ang pagmamahal at pag-unawa
sa kapwa. Nakakulong pa rin tayo sa mundo ng karagatan ng sana at ulap ng bakit.
Likas sa atin ang pagiging mabusisi, may kaalaman at may boses. Lumaki tayo ng may
samu’t saring paninindigan at prinsipyo sa buhay. Kaya maging boses ng katotohanan.
Maging mata ng pagbabago. Buksan ang bibig na angkop sa sitwasyon. Idilat ang mga
mata sa totoong nangyayari. Gamitin ang bibig at mata bilang instrumento ng
pagbandila ng tama at wasto. Palaging pakatatandaan na nilagay ng Diyos na mas
mataas ang mata kaysa bibig upang unahin itong gamitin sa ating buhay. Bago ibuka
ang bibig, palawakin ang mata. Maging mata sa takipsilim.
Klaro at malinaw na binago tayo ng krisis na ito. Kaya mga kaibigan, may isang tanong
ako para sa inyo. Tanong na tatapos sa artikulong ito. Tanong na sana’y patuloy niyong
bigyang kasagutan araw-araw. Papayag ba kayo na tuluyan tayong babaguhin ng krisis
na ito? Nasa sa inyo ang mahalagang desisyon.
Download