Mary Ellenea P. Cortez !2- St. James the Less Sa araw-araw na pamumuhay, ano nga ba ang mga bagay na hindi nakikita ng mga mata? Paano kung isang araw ay hindi ka na makakita, magbabago ba ang ikot ng iyong mundo? O makakakita ka ng taong babaguhin ang pagtingin mo sa mundo? Sa pamamagitan ng kaniyang pagsulat at paggawa ng isang pelikula, binigyan ni Sigrid Bernardo ang mga salitang “Kita kita” ng mas malalim na kahulugan. Ang kwento ng pelikula ay umikot sa buhay ni Lea, isang Pinay na nagtatrabaho sa Sapporo, Hokkaido, Japan bilang isang tourist guide. Ngunit dahil sa panlolokong ginawa ng kaniyang nobyo, siya ay nakaranas ng pansamantalang pagkabulag. At dahil dito, nakita ni Lea ang isang lalakeng si Tonyo sa paraang hindi kayang makita ng kaniyang mga mata. Habang pinapanood ang pelikula, mistulang ginawang bulag ni Sigrid Bernardo ang kaniyang manonood. Dahil lingid sa kaalaman ng lahat, sa mga panahong walang-wala si Tonyo, si Lea ang nagbigay ng panibagong direksyon sa kaniya. Dagdag pa rito, si Lea ang naging puso sa isang saging na si Tonyo. Ang mga kahulugan ng bawat maliliit na detalye sa kwento ay nabigyang liwanag lamang ng direktor sa dulo ng pelikula. Halimbawa, ang pagdadamit ni Lea bilang isang puso ay may koneksyon sa mahinang puso ni Tonyo. Bukod pa dito, ang pagiging tourist guide ni Lea ay may koneksyon sa pagbibigay niya ng panibagong direksyon sa buhay ni Tonyo. Inilahad ni Sigrid Bernardo ang pelikula sa paraan na kung gaano karami ang tawa mo habang pinapanood ang pelikula, ganon din ang dami ng luhang ipapatak mo kapag nakita mo nang buo ang storya. Dahil dito, maihahalintulad ang “Kita kita” sa pelikulang “Our times” ng bansang Taiwan. Dahil kagaya ng pelikula, maraming pangyayari ang nakatago sa bida at sa mga manonood ng pelikula. Kung sikat ang katagang “nakakabulag ang magmahal”, pinakita naman ng pelikulang “Kita kita” kung bakit minsan ay kailangan mong mabulag para makita ang mga taong nagmamahal at nakakakita sa iyong halaga nang tunay. Tatawa ka, Luluha ka at higit sa lahat tatatak sa iyo ang pelikula sa paraang hindi mo inaakala.