Nickole V. Mompil MAF616 Natatanging Paksa PAGBUO NG REJISTRI SA FILIPINO NG PANGKALAHATANG SIKOLOHIYA BILANG AMBAG SA INTELEKTWALISASYON NG WIKANG FILIPINO Kaya po ito ang naisip kong mungkahing paksa dahil unang una, kasunod ito sa disiplinang Filipinolohiya ni Bayani Abadilla na naglalayong iangkop ang wikang Filipino sa iba’t ibang larangan upang maiangat ang talino ng bayan. Ang sikolohiya ay kabilang din sa mga controlling domains na binanggit ni Bonifacio Sibayan na kailangang mapasok ng wikang Filipino para maituring itong intelektwalisado. Dahil kung magiging intelektwalisado ang wika, aangat ang talino ng mga gumagamit ng wikang ito. Panghuli, mahalaga rin na maisalin ang pangkalahatang sikolohiya sa wikang Filipino dahil nasa loob ng larang na ito ang mga isyung kabilang sa kalusugang mental. Ngayong may nangyayaring pandemya, marami ang nakakaranas ng mga problema sa kalusugang mental, nandyan ang depresyon, pagkabalisa, at marami pang iba na kung minsan ay humahantong sa pagpapatiwakal. Kung nasa wikang Filipino ang sikolohiya, madali nating mapapadaloy ang mga kaalaman at mga dapat gawin upang matulungan ang isang taong may nararanasang problema sa kalusugang mental. Kaya mahalagang maisalin sa Filipino ang sikolohiya at bilang unang hakbang, at kung sakali ay maging ambag, ninanais kong maisalin o makabuo ng isang rejistri ng sikolohiya na naka-Filipino.