Uploaded by Nickole Mompil

MAF616 MOMPIL.Lagom01

advertisement
MOMPIL, Nickole V.
Natatanging Paksa – MAF 616
Ang Wikang Filipino sa Edukasyonal na mga Isyu sa Globalisasyon. Lagom-Suri
Ang may akda ng Ang Wikang Filipino sa Edukasyonal na mga Isyu sa
Globalisasyon ay si Dr. Wilfrido V. Villacorta. Nagtapos siya ng kanyang undergrad sa
Unibersidad ng Pilipinas sa kursong AB Political Science, masterado sa politics, medyor
sa Public International Law and International Relations, at doktorado sa politics sa
kaparehas na medyor sa Catholic University of America. Sinimulan ni Villacorta ang
kanyang akda sa paglilinaw na malawak ang usapin ng wikang Filipino sa edukasyon,
kaya naman binanggit niya na dapat linawin ang layunin ng pormal na edukasyon upang
matugunan ang ekspektasyon ng mambabasa. Kailangan umanong malaman kung ano
ba ang dapat naisin na gampanan ng edukasyon sa paghuhugis ng ating mga
mamamayan. At sa palagay ni Villacorta, marapat na ang mithiin ng edukasyon ay
magpaabot sa mga mag-aaral ng mga kaalaman, kakayahan, at kaugaliang magtuturo
sa kanilang mag-ambag sa kaunlaran ng lipunang kanilang ginagalawan. Binanggit din
niya na kung sang-ayon tayo sa ganitong dapat na gampanin ng edukasyon, ay
masasagot natin ang kahalagahan ng wikang Filipino sa edukasyon.
Ang Kabuluhan ng Wikang Filipino
Batay sa binanggit ni Villacorta na laganap noon pang 2001 ang maling paniniwala
na ang wikang Ingles ang siyang makapagpapaangat sa kalidad ng mga mag-aaral, kaya
marapat na Ingles ang gamitin sa edukasyon. Dahil ito umano ang wikang
makapagbibigay ng oportunidad sa mga Pilipino na magkaroon ng kakayahang
makipagsabayan o lumahok sa pandaigdigang paligsahan sa ekonomiya. Binabanggit na
ng marami ang mga salitang ito o ang paniniwalang ito noong 2001, at maging sa
kasalukuyan ay pinaniniwalaan pa rin ito ng iilan. Halimbawa na lamang ang CHED
Memo 20 series of 2013 na nagsasaad ng mungkahing kurikulum ng CHED na nag-aalis
sa mga asignaturang may kinalaman sa Filipino at panitikan sa kolehiyo. Binanggit nga
ni Guillermo (2019) sa isang interbyu sa kanya ng Now You Know PH na napakaraming
bansa na mas angat o mas kompetitibo kaysa sa Pilipinas pagdating sa globalisasyon
ngunit hindi naman nila ginagamit ang Ingles bilang wikang panturo sa basikong antas
ng edukasyon. Mas pinagtutuunan ng mga bansang binanggit ni Guillero ang paggamit
ng kanilang sariling wika sa pagpapalaganap at pagbabahagi ng kaalaman sa kanilang
mga mag-aaral. Dahil dito, mas kompetitibo at mas may kakayahan ang mga bansang ito
na makipagsabayan sa globalisasyon sa pamamagitan ng kanilang mga sariling
industriya. Ang ibig sabihin ni Guillermo dito, mas natututo ang mga mag-aaral ng ibang
mga bansa dahil sariling wika nila ang ginagamit nila. Na maaari din naman nating ikabit
sa sinabi ni Villacorta, na bukod sa mas madaling mauunawaan ng mga mag-aaral ang
mga aralin kung ito ay itinuturo sa wikang Filipino, mapagbubuklod-buklod din nito o
mapag-iisa ang mga Pilipino. Dahil ani Villacorta, mahirap sumabay sa global na
kompetisyon kung hindi tayo iisa.
Maaari din nating ikabit ang tunguhin ng Filipinolohiya rito ni Abadilla (2002) na
gamitin ang wikang Filipino sa iba’t ibang mga larangan upang maiangat ang talino ng
bayan. Kailangan natin, at napakamakabuluhan ng wikang Filipino sa edukasyon dahil
batay nga kay Abadilla, ito ang makapag-aangat ng talino ng bayan. Kakabit nito,
pinatutunayan ng artikulo ni Villacorta ang pahayag na ito ni Abadilla. Maaaring hindi niya
binaggit na direkta si Abadilla, ngunit nabanggit ni Villacorta na sa maraming mga
pananaliksik na kanyang sinuri noon, napatunayan na higit na mabilis ang pagkatuto ng
mga mag-aaral kung ang gamit na wikang panturo ay Filipino kumpara sa mga mag-aaral
na Ingles ang gamit. Bukod pa rito, bihasa na ang mga Pilipino sa Filipino kaya mas
madali talagang dumaloy ang karunungan o ang talakayan kung Filipino ang gamit, tulad
ng sinabi ni Villacorta. Higit ding naipahihiwatig ng mga Pilipino ang kanilang mga nais
sabihin kung ang kanilang gamit na wika ay Filipino.
Wikang Filipino at Globalisasyon
Ang huling tinalakay ni Villacorta ay ang globalisasyon. Binanggit niya na upang
makamit ang pag-angat ng ekonomiya, kailangan nating mag-eksport nang mag-eksport
ng mga produktong lokal. E ano ang gampanin ng Filipino rito? Pinaliwanag ni Villacorta
na mas tataas ang produktibidad ng Pilipinas kung ang pagpapadaloy o pagpapaliwanag
sa mga kaalamang mahalaga sa pagpapalago ng ekonomiyo ay ituturo sa pamamagitan
ng wikang Filipino, mas madali ang daloy ng komunikasyon at mas madaling
mauunawaan ng mga Pilipino ang mga bagay-bagay at ang resulta nito ay mas mahusay
na produktibidad. Hindi tayo dapat na umasa lang sa OFW para iangat ang ating
ekonomiya. Ngunit sinabi ni Guillermo (2019) sa kanyang panayam na kaya lang naman
umano tayo tinuturuang mag-ingles dahil mas madaling mag-eskport ng manggagawa
kaysa magpatatag ng industriya. Kaya pilit tayong pinag-iingles, para madali tayong
maipadala sa ibang bansa upang maging mga manggagawa na magpapadala ng mga
remittances at mag-aambag sa ating ekonomiya.
Sa lahat ng nabanggit, kung nanaisin lang talaga natin, lahat tayo, na umangat,
sumabay sa globalisasyon, sa kompetisyon sa produksyon para sa ekonomiya, kailangan
natin ang Filipino. Katulad ng pinatunayan ni Villacorta sa kanyang artikulo, na noon pang
2001 isinulat at hanggang ngayon ay mailalapat pa rin natin sa kasalukuyan. Mahalaga
ang Filipino, at ito ang pinatunayan ni Villacorta, kakabit ng tunguhin ng Filipinolohiya ni
Abadilla. Kung ang wikang Filipino ay gagamitin sa iba’t ibang mga larangan, aangat ang
talino ng bayan, kakabit nito, dahil ang bayan ang siyang nagpapakilos sa ekonomiya,
aangat ang ekonomiya, at makakasabay tayo sa antas ng global na kompetisyon.
Sadyang tamad lang ang gobyerno at gusto nila ng mas madalian ngunit hindi
pangmatagalang solusyon.
Sanggunian
Abadilla, B. (2002). Wisyo ng Konseptong Filipinolohiya. Manila: Politeknikong
Unibersidad ng Pilipinas.
Guillermo, R. (2019, Hulyo 16). VIEWPOINT: Dr. Ramon Guillermo on CHED Memo 20
& Globalization. https://www.youtube.com/watch?v=ThOiSz_ETGQ
Download