Kabanata 1 Suliranin at Sanligan nito Panimula Ang wika ang nagbibigay ng identidad sa kultura’t kasaysayan ng isang lugar na kinabibilangan ng mga tao. Wika ang nagsisilbing instrument sa pang-araw araw na komunikasyon. Kung wala ang wika, walang kaisahan ang mga tao. Ayon kay Dr. Constantino, isang dalubwikang Pilipino, nasa higit isandaang (100) wikain ang matatagpuan sa Pilipinas. Ang mga pangunahing wika ay ang mga sumusunod: Tagalog, Waray, Ilokano, Kapampangan, Cebuano, Hiligaynon, Bicolano, at Pangasinense. Ang wikang Ilokano ang pagtutuonan ng pansin ng pag-aaral na ito. Ito ang Lingua Franca ng halos kabuuan ng Hilagang Luzon, lalo na sa rehiyon ng Ilocos, Lambak ng Cagayan, at sa bahagi ng Abra at Pangasinan. Sa loob ng libu-libong taon, sinasabi ng mga eksperto na ang wikang Ilokano ay may kompletong bokabularyo ay gramatika bago pa man dumating ang mga dayuhan, ngunit ito’y naglaho sapagkat mas makapangyarihan parin ang mga wikang banyaga. Hindi na gumanap pa ng opisyal na papel sa larangan ng edukasyon ang nasabing wika kung kaya’t hindi na ito napagaralan pa. Pokus ng pag-aaral na ito ang sintaksis ng Ilokano. Ang sintaksis ay ang pag-aaral sa paguugnay ng mga salita upang makabuo ng isang pangungusap. Sa pag-susuring ito nararapat lamang na magkaroon ng sapat na kaalaman ang mananaliksik hinggil sa nasabing wika. Balangkas Teoritikal Ang pag-aaral na ito ay nakaangkla sa teoryang kognitibo. Ayon sa pananaw ng teoryang ito, ang pagkatuto ng wika ay isang prosesong dinamiko kung saan ang nag-aaral ng wika ay nangangailangang mag-isip at gawing may saysay ang bagong tanggap na impormasyon, alamin ang pumapailalim na tuntunin at mailapat ang mga ito upang makabuo ng orihinal na pangungusap. Ipinapaliwanag ng teoryang ito kung paano nabubuo ang mga pangungusap ng wikang Ilokano. Balangkas Konseptwal Nangyayari ang pagbabago sa lahat ng lebel ng wika: lebel ng tunog, sa mga salita, sa pagbuo ng mga pangungusap at sa kahulugan. Kung gayon, layunin ng papel na ito na suriin ang sintaksis ng wikang Ilokano at susubukang ihambing sa sintaksis ng wikang Filipino. Makikita sa konseptwal na paradaym ng pag-aaral ang larawan na nabuong konsepto ng kasalukuyang pag-aaral. Napaloob dito ang sintaksis ng Ilokano gayundin ang sintaksis ng wikang Filipino. Makikita rin ang kaibahan ng sintaksis ng wikang Ilokano sa wikang Filipino.