ANG PAGTANGGAP SA MGA KUPAS NA LARAWAN (Pictorial Essay) Sa buhay, hindi maiiwasan ang mga taong mapanghusga. Kahit saan ka tumingin, kahit saan ka pang lugar pumunta, may mga tao talagang hindi kayang tanggapin ang mga kapwa nila. Gaya ng mga hindi ganoong kagandahan ang mukha, walang maayos na kalagayan, may nakakahawang sakit, mga taong may kapansanan, wala sa sariling pag-iisip, at mga taong hindi tanggap ng ilan na tinatawag pa nilang salot sa lipunan. At ilan lamang ang mga ito sa problema na kinakaharap ng ating mundong mapamintas. Ang tanong ko, bakit hindi niyo kayang tanggapin ang mga tulad nila? Bakit hindi niyo kayang unawain ang mga sitwasyong tinatayuan nila? Bakit niyo ginagawang biro ang seryosong kinakaharap nila? Bakit hindi niyo kayang magmahalan upang wala nang problema? At bakit kung makapagsabi kayo ng mga masasakit na salita, parang hindi sila taong kagaya rin ninyo? Bakit? ‘Yong tinatawag niyong bobo? Ngayon nadi-depress na para lang manguna sa klase nila. Gabi-gabi, nagpupuyat siya para lang mag-aral at para lang hindi siya muling masabihang walang alam. ‘Yang matabang babaeng kain lang ng kain sa kung saan? Ginugutom ngayon ‘yong sarili niya para sa inyo. ‘Yong isa naman, nabalitaan niyo na bang nagpakamatay dahil sinabihan niyo siyang sumama nalang sa mga namayapa na niyang mga magulang dahil wala nang nagmamahal sa kaniya. Hindi niyo alam na napakraming taong nakapaligid at nagmamahal pa sa kaniya. ‘Yong sinabihan niyong pokpok sa kanto dahil sa may anak na siya sa gano’ng edad? Ibinasura na ‘yong anak niya dahil sa kaiisip sa mga salitang itinarak niyo sa puso’t isipan niya. ‘Yong lalaking tinulak-tulak niyo kanina at hindi lumalaban? Hindi niyo alam na nakakaranas ‘yan ng pambubugbog ng tatay niya sa bahay nila. Ito namang batang nilait-lait niyo lang dahil sa mahirap sila? Wala kayong alam na araw-araw naghahakot ‘yan ng basura para lang may pangkain ang mga kapatid niya dahil sa ulila na sila. ‘Yong babae namang pinagbubulungan ninyo dahil sa kulay niya? Sinira niyo ang pangarap niyang magkapamilya dahil nawalan na siya ng kumpyansa sa sarili na baka wala nang taong magmahal pa sa kaniya. ‘Yong lalaking tinatawanan at sinabihan niyong mahina dahil umiiyak? Alam niyo bang nasa ospital ngayon ‘yong babaeng nag-aruga at nagluwal sa kaniya. At ‘yon namang pinintasan niyo dahil iba ang kilos niya sa dapat niyong makita! Nakaratay na ngayon kahit hindi niyo alam kung gaano niya pinapasaya ang lahat ng tao at ginagawa ang lahat para lang sa matanggap niyo siya. Wala kayong karapatang manghusga dahil wala kayong alam simula pa lang nung una. Hindi niyo alam kung gaano niyo unti-unting binabago ang mga pananaw nila sa buhay. Anong pakiramdam? Anong pakiramdam na dahil sa mga salitang sinasabi niyo, kayo na rin mismo ang pumapatay sa mga kagaya niyong tao lang? Tao rin sila. May nararamdaman at nasasaktan din sila. Wala silang kasalanan kung bakit hindi sila normal na inaasahan ng lahat. At alam niyo ba kung anong mas malaking problema na nakakahiya? Kayo. Kayong mga dapat umuunawa at nagbibigay ng kalinga sa kanila. Kayo na hindi matanggap ang kung anomang katauhan meron sila. At kayo na may pinag-aralan sa lahat na wala namang ibang ginawa, kundi paninliitan sila ng mata at talakan ng mga nakakahiwang mga salita. Bago sana kayo manghusga, bakit hindi niyo muna subukang tumapak at isuot ang sirang sapatos na tinatapakan ng mga taong ‘yon simula palang? Para naman malaman at maranasan din ninyo kung gaano kahirap ng ilang taong pagiging gano’n nila. Minsan marahil, daig pa ng walang pinag-aralan ang mga taong may pinag-aralan; minsan din, mas lalaki pa nga sa lalaki ang bakla; oo, may kapansanan sila, pero daig ka nila dahil minsan, mas marami pa silang talento kumpara sa ‘yo; yung mga taong may seryosong sakit na tinatawanan mo lang? Mas pursigido pa ngang mabuhay kaysa sa ‘yong sinasayang lang sa walang katuturang bagay ang mga araw niya; at oo, ‘halimaw siya’ o ‘maitim’, pero alam nila ang tamang pag-asta at kung paano gagamitin ang salita upang ‘di makasakit ng iba. Kaya sana, magbago ka na habang maaga pa. Habang hindi mo pa nararanasan ang pait ng buhay. Habang nakatawa ka pa at walang nararanasang iba. At mag-uumpisa ang lahat ng mga magagandang bagay... sa ‘yo. Kung uumpisan mong magbago, maraming darating sa ‘yo na hindi mo inaasahan. Alamin mo kung paano gamitin ang puso’t utak mo upang hindi makasira ng kapwa. Bagkus ay pasiyahin nalang sila. Dahil ang mga ngiti sa labi nila ay babaunin mo balang-araw na siyang magpapaligaya at ipagmamalaki mo sa iba. Sa mga taong hindi tanggap ng iba ay parang isang larawan. Sa paglipas ng panahon sa isang mundong mapamintas, unti-unti silang kumukupas. Unti-unting tinatapakan at pinagtatabuyan ng mga tao, hanggang sarili na nila mismo ang sumira sa kanilang pagka-tao. Mahal Ko Siya... Pero Tama Na (Replektibong Sanaysay) Pa’no na nga ba umabot sa ganito ang lahat? Umabot sa puntong hindi na kami nagpapansinan, nagkikibuan, at lumalabas kapag nagkayayaan ang barkada? Hindi ko na yata maalala. Pero ang natatandaan ko, magkaibigan kami. Magkaibigan kami, hanggang sa hindi ko inaasahang mahulog sa kaniya. Nag-umpisa ang lahat ilang taon na rin ang nakakalipas bago kami maging ganap na magkaibigan. Magkaklase pa kami no’n, laging magkatabi, nag-kakantyawan, nagbabatuhan ng kung anu-ano, nagtutulungan, at higit sa lahat nagko-kopyahan. Masaya lang kami no’n, laging naka-tawa, walang paki-alam sa problema. Naaalala ko pa rin ‘yong araw na lagi kaming sabay naglalakad pauwi kasama ang iba pa sa barkada. Mauuna siyang magpapaalam kaya maiiwan kami. Pero tuloy pa rin ang kulitan gabigabi, gamit ang social media para makapag-usap. Isang araw din na ‘di malilimutan ay noong ginawan ko siya ng proyekto sa isang asignatura. Oras ko ang tinaya roon, makapagpasa lang siya dahil nga sa wala nang oras para gumawa pa siya. Bilang pasasalamat, ini-libre niya ako sa isang turo-turo kinahapunan. Kahit ano, puwede kong bilhin. Kaya sinagad ko na ang pagkakataong ‘yon, kumuha ng marami, para lang makasama’t makausap ko siya ng matagalan. Sa mga pagkakataong gaya no’n, sa mga panahong lagi kaming nagsasama, nag-uusap, at mga oras na inilalaan ko para lang makasama siya, hindi ko alam, pero unti-unti na pala akong nahuhulog sa kaniya ng hindi ko namamalayan. Dahan-dahan ko na pala siyang minamahal ng hindi niya nararamdaman at ako lang ang siyang nakaka-alam. Unrequited Love, mga salita sa ingles na kung isasalin ay ang pag-ibig na hindi nasusuklian. ‘Yan ang estadong kinalalag’yan ko ngayon. Wala naman akong magawa dahil hindi ko ‘yon kayang aminin sa kaniya. Hindi ko magawang umamin dahil alam kong malaki ang mawawala. Sa paglipas pa ng taon, napapa-isip na lang ako sa sarili ko na nakakapagod din palang magmahal mag-isa? Ang sakit palang magmahal ng isang tao ng palihim. Dahil kapag nasasaktan ka tuwing may kasama siyang iba, kikimkimin mo na lang ‘yon at iisiping wala lang ‘yon. ‘Yong tipong kapag nakita mo siyang sumasaya sa piling ng iba, kailangan nakangiti ka. Kailangan mong ipakitang masaya ka rin para sa kaniya kahit ang totoo, durog na durog ka na. At kailangan mo na lang tanggapin na balang araw, may ibang tao na rin siyang mamahalin higit pa sa relasyong meron kayo at napakasakit dahil alam mong hindi ikaw ang taong ‘yon. Dalawang taon bago ko ‘yon natanggap. Sa pagitan ng taong ‘yon, paunti-unti nang lumalayo ang loob ko sa kaniya. Hindi na ako masyadong nakikipag-usap na parang wala kaming pinagsamahan. Hindi na rin ako masyadong sumasama sa barkada kapag kasama siya. Dahil sa dalawang taon na ‘yon, nahanap ko na ang pangaral na nakapag-pabago sa pananaw ko. Napagtanto ko na mali pala ang ginagawa ko sa ilang taong ‘pagiging torpe. Mali pala na ipagsiksikan at ipagpilitan ang sarili mo sa lugar na hindi ka naman kasama. Nalaman ko na na hindi lahat ng bagay nasusuklian. Hindi lahat, makukuha mo ng ganun-ganun na lang. Dahil may mga bagay na kahit gawin mo pa ang lahat, kung hindi ka niya mahal, hindi ka niya mahal. Isa pang natutunan ko, kung kaibigan ka lang, hanggang doon na lang sana. Huwag nang lalampas. Dahil mahirap mahulog sa isang bagay na wala kang kasiguraduhan kung sasaluhin ka ba o pupulutin ka para ibasura. Na mahirap tumaya sa isang sugal na wala namang katiyakan kung mananalo ka ba o hindi. Maling umibig sa isang kaibigan dahil puwedeng mawala ang lahat, sa isang iglap lang. Sa mga oras na ‘yon, naaalala ko pa rin ang mga memoryang pinagsaluhan naming dalawa. Naaalala ko ‘yong pagkakataong mahal ko pa siya na hanggang ngayon ay umaasa pa rin akong magiging kami. Sabihin na nating oo, may kaunting pagtingin pa rin ako sa kaniya. Pero ayoko nang masaktan pa. Sabihin na nating mahal ko pa siya, pero sa pagkakataong ito, tama na. Ayoko na.