Bago natin pag-usapan ang kalagayan ng wika sa kasalukuyan, kailangan muna natin malaman ang kasaysayan ng ating bayan na siyang dahilan kung bakit naging ganito ang sitwasyong ng ating wika. Hindi natin maikakaila na ang kultura at tradisyon ng bansang Pilipinas ay epekto na ng daang taong pananakop sa atin ng mga dayuhang bansa tulad ng Espanya at Amerika. Ang ating relihiyon, pamahalaan, pamumuhay, at maging ang ating wika ay ang epekto ng kolonyalismo. Ngunit, bagamat may magandang epekto ang kolonyalismo sa ating bansa tulad na lang ng ating relihiyon, mayroon pa ring masamang epekto ang pananakop sa atin na hanggang ngayon ay hindi matanggal-tanggal sa mga Pilipino. Tila nakatatak na sa pagkatao ng mga Pilipino ang bakas ng pagiging isang bansang kolonyal. Dahil dito, iniisip natin na mas superior ang mga dayuhan kung ikukumpara sa atin. Kaya upang ipakita ang pagiging superior ng mga elitista sa mga mahihirap, sila ay gumagamit ng wikang Ingles. PAtuloy na lang lumalawak ang pagitan ng mga mahihirap sa mga mayayaman. Ayon nga kay Claro (2012), ang paggamit ng wikang Ingles ay manantili bilang isa sa mga mahahalagang kaalaman na dapat matutuhan ng mga edukadong Pilipino. Malalaman mo ang iyong Karapatan kapag marunong kang makaintindi ng ating batas sa wikang Ingles. Gayundin, hindi ka mahihirapan sa paghahanap ng trabaho. Ngunit bakit hindi wikang Filipino ang basehan sa pagkakaroon ng magandang buhay? Bakit wikang Ingles pa rin ang dominante? Dito natin makikita na hanggang ngayon, hindi pa rin nawawala ang tatak ng mga mananakop. Nakaukit pa rin ito sa ating identidad. Hanggat hindi natin tatanggalin sa ating Sistema ang epekto ng kolonyalismo, hinding hindi natin matatamo ang intelektwalisasyon. Key Points: • • • • • • • Kultura at tradisyon ay epekto ng pananakop May maganda at masamang epekto ang kolonyalismo Nakatatak pa rin ang impluwensya ng mga dayuhan Iniisip natin na superior ang mga mananakop Ngunit, bakit hindi wikang Filipino? Hindi mawawala ang epekto ng kolonyalismo Mahirap matamo ang intelektwalisayon Sanggunian: Claro, Jose. (2012, Nob. 20). “The Problem with English-Speaking Filipinos.” Nakuha noong Agosto 21, 2020 mula sa www.philstar.com/lifestyle/health-and-family/2012/11/20/868631/problem-englishspeaking-filipinos.