Document Code No. SURIGAO STATE COLLEGE OF TECHNOLOGY Revision No. Effective Date Page No. FM-SSCT-ACAD-004 00 01 January 2019 1 of 2 GAWAIN 2 Pangalan: Mark Denver Jusuah M. Ruiz Kurso, Taon at Pangkat: BSED-FILIPINO 3C Iskor: ______ Petsa: Ika- 25 ng Nobyembre 2020 Panuto: Magsulat ng tig-iisang sanaysay na tatalakay sa sumusunod na paksain: 1. Bilang guro balang araw, gaano kahalaga ang edukasyon sa gitna ng pandemya na nararanasan natin ngayon? E-dukasyon: COVID-19 ang kalaban, hindi ako Simula nang dumating ang pandemyang dulot ng sakit na COVID-19, marami sa atin ang nahihirapan. Nariyan na ang kawalan ng trabaho, pagtutustos sa pangangailangan, kagutuman at pakikipagpatintero ng mga sangay ng gobyerno para sa ating buhay. Nang dahil sa pandemya, marami ring establisyemento ang nagsara at kasama na rito ang mga eskuwelahan. Sabi nga sa isang napakatanyag na kasabihan, “Ang edukasyon ay siyang susi sa tagumpay.” Ngunit, base sa ating mga nakikita sa lipunan ngayong may krisis dala ng pandemya ay ‘tila ang edukasyon pa mismo ang mas naging pasanin ng bawat magulang, lalong-lalo na ng mga mag-aaral. Ito ay dahil sa kakulangan ng mga mahahalagang kagamitan para sa online class. Aminin man natin o hindi, kahit ang mga guro na mayroong sweldo ay kapos rin sa mga kagamitan at kaalaman sa online na pagtuturo at ito ay pilit nilang sinisikap aralin. Kabilang na rito, ang mga guro na ang tanging alam nila ay ang tradisyunal o ang nakagawian na pagtuturo. Sa kabilang banda, ang mga kinauukulan sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ay inaming masyado rin silang naapektuhan ng pandemya. Matindi ang kanilang pinagdaanan mula sa biglaang pagbago ng kurikulum (curriculum shift) upang mai-angkop ang sistema ng ating edukasyon sa panahon kung saan bawal lumabas ang lahat. Kasama na rito, ang biglaang pagkakaroon ng mga pagpupulong sa mga karatig bansa ukol sa mas mainam na pagtugon sa mga problemang kinakaharap ng nasabing sistema. Sa madaling salita, lahat ay apektado at ni isa ay hindi ginusto ang mga nangyayari sa mundo. Bagama’t, samu’t saring mga batikos at puna ang inani ng nasabing mga kinauukulan dahil diumano mas dapat nating unahin ang kalusugan ng bawat isa, dahil makakahintay naman ang edukasyon. Na mas dapat daw nating unahin na may mailatag na pagkain sa hapag-kainan kaysa pagbili ng load, at ng mga gadgets. Ito nga naman ay mahalagang pagtuunan ng pansin sapagkat kasabay ng pagsara ng mga eskwelahan ay bumagsak din ang ating ekonomiya kung kaya tayo ay hirap humanap ng mapagkakakitaan. Ngunit, ang edukasyon at ang ekonomiya ay magkaibang aspekto. Huwag nating kalilimutan na ang kahirapan ay hindi kailanman hadlang sa tagumpay. Wala namang sinumang tao ang nagsabing hindi mahirap ang kalagayan ng ating mga kababayan ngayon. Gayunpaman, wala rin dapat makakahinto sa mabuting adhikain ng edukasyon dahil dito nagmumula ang ating karunungan, na siyang tanging kayamanan na hindi mananakaw ninuman. Isipin niyo, sayang ang panahon na dapat ay magkakaroon na tayo ng mga bagong graduate at mga bagong henyo na tutulong sa pag-unlad ng ating bansa. Kung ako man ay magiging guro balang araw, ipapabatid ko sa aking mga mag-aaral na ang edukasyon ay mas higit pa sa kahit anumang halaga, kahit ang ginto at pilak ay hindi kayang tumbasan ito. Kagaya ng mga frontliner nating mga doktor, habang sila ay gumagamot ng may sakit, ang mga guro naman ay hindi susuko na gamutin at sugpuin ang kamangmangan ng lipunan na magdudulot sa mas magandang kinabukasan sa bawat mag-aaral. Haharapin natin ang ‘bagong normal’ ng may kahabagan, sensibilidad, at pagiging makabayan upang ang paraan ng pag-aaral ay hindi maging isang pasanin para sa mga magulang, mga anak at guro ngunit isang pag-asa sa gitna ng krisis. Inihanda ni: GERALDINE A. SERDAN, MA Assistant Professor II Document Code No. SURIGAO STATE COLLEGE OF TECHNOLOGY Revision No. Effective Date Page No. FM-SSCT-ACAD-004 00 01 January 2019 2 of 2 2. Kung ikaw ang guro, paano ka magtuturo sa gitna ng pandemya ngayon? Gurong Aktibo, E-dukalidad ay Sigurado Unang-una sa lahat, hindi biro ang maging isang guro. Ito ay kailangan ng matibay na pananalig na mapagtagumpayan niya na ang bawat mag-aaral na kanyang tuturuan ay matututo. Dagdag pa rito, kailangan rin ang mahabang pasensya dahil bukas ang paaralan sa iba’t ibang klase ng mag-aaral mula sa kanilang kultura, relihiyon, at kaugalian. Ayon pa kay Matias (2018), ang pagiging guro at ang pagtuturo ay parang paghahanap ng karayom sa gitna ng talahiban sa mga pagkakataong ito. Suntok sa buwan ang pagsasakatuparan ng misyon, sapagkat ang balakid ay distansya. Tunay nga, distansya ang naghihiwalay sa pagkakabuo ng koneksyon sa iyo bilang guro at ng iyong mga papastuling mga bataź· ang koneksyon ng kalidad na edukasyon. Ngayong panahon ng pandemya, mas lalo pa itong humirap. Ang pagbibigay ng kalidad na edukasyon ay pahirapan dahil hindi kailanman nasusukat ang iyong galing sa pagtuturo sa pamamagitan ng pagtipa lamang ng mga teksto sa keyboard, o sa paggamit ng mga iba’t ibang online applications. Hindi kagaya sa loob ng silid-aralan na masisiguro mong naibigay mo nang mahusay ang mga paksa sa mga mag-aaral. Hindi natin masisiguro na naihahatid talaga natin ang karunungan gamit lamang ang mga maliit na elektronikong kahong tanging pinag-uugnay ng mga hindi makitang wave signal. Isang napakalaking hamon ito dahil ang sinseridad ng mga magaaral ay hindi natin matutukoy kung sa bawat pasulit na ibibigay natin ay hindi sila manghihingi ng mga sagot sa kanilang mga kaklase sa pamamagitan ng online messaging apps. Samantala, hindi lamang dito nagtatapos ang ating misyon. Bilang isang guro, kailangan din nating isipin ang pisikal, sikolohikal, at intelektwal na aspekto ng bawat mag-aaral dahil hindi lahat ay kayang aralin ang mga paksa ng mag-isa sa kani-kanilang mga bahay. Kung kaya ay sinisikap pa rin na magkakaroon ng isang beses na pagkikita sa Zoom, o Google Meet para sa diskusyon nang sa gayon ay nagagabayan pa rin natin sila. Sasalubungin ang bawat talakayan ng matingkad na ngiti, at sinsero pagbati at pangungumusta sa kanilang kalagayan. Bilang isang guro, sisikapin kong mas pagtitibayin pa ang koneksyon ko sa bawat mag-aaral dahil higit kailanman mas kailangan natin ngayon ng pag-unawa sa bawat isa. Iintindihin ko kung ang alinmang matibay na dahilan kung kaya ang isang mag-aaral ay nahuli sa pagpasa ng kanilang mga gawain, basta ay sila rin ay nabibigay nang mahusay ang kanilang responsibilidad bilang isang mag-aaral, at kasama na rin dito ang respeto sa bawat mga desisyon, at takbo ng ating sistema. Ang pandemyang ito ay pilit na sumubok sa atin. Naipakita nito ang pagiging makatao ng ating lipunan, pero isiniwalat din ang kahinaan ng ating pamahalaan. Bilang mga guro, isang basgay na hindi dapat makalimutan ay ang kakayahan nating malampasan ang mga sitwasyong dinudurog ang ating kaluluwa. Sa kabila ng mga hamon na tatahakin, sisiguraduhin natin na magkakaroon ng balanse sa pagitan ng pagbibigay ng kalidad ng edukasyon at pag-aaruga sa bawat isa. Sabay-sabay nating lampasan ang bawat suliranin. Kung sabagay, tayong mga guro ay itinuturing nang pangalawang magulang ng mga estudyanteng hawak natin. Ano’t-ano pa man, kinakailangan nating lumaban at suungin ang hampas ng mga along sumasalubong sa atin sa kasalukuyan upang maitawid at maiparanas sa mga mag-aaral ang pagtuturong mayroong kalidad at kalinangan. Kung kaya, kung ako ay tatanungin kung paano maging guro sa panahon ng pandemya, magiging aktibo, pagiging positibo sa buhay, upang kahit papaano ay maihatid nang mahusay kahit sa online na pagtuturo ang tunay na kalidad na edukasyon. Inihanda ni: GERALDINE A. SERDAN, MA Assistant Professor II