MONTEALTO, SARAH Y. BSCE – 2B FILIPINO 3 – MIDTERM TANAGA Ang tanaga ay isang katutubong anyo ng tula na binubuo ng pitong pantig kada taludtod, apat na taludtod kada saknong na may isahang tugmaan. Halimbawa: Sa gubat na madawag Tula’y mababanaag. PALAY Ildefonso Santos Iyon ang tanging hangad, Palay siyang matino, Buhay ma’y igagawad. Nang humangi’y yumuko - Bannie Pearl Mas Ngunit muling tumayo Nagkabunga ng ginto. DALIT Ang dalit ay isang katutubong anyo ng tula na binubuo ng walong pantig kada taludtod, apat na taludtod kada saknong at may isahang tugmaan. Halimbawa: Nag-aral siyang pilit, Sa Diyos natin ialay Upang karangala’y makamit. Kaluluwang namatay; Buong buhay siyang nagtiis, Parawari’t kaawaan Makapagtapos ang nais. Sa nagawag kasalanan. - Zoren Mercurcio DIONA Ang diona ay isang isang katutubong anyo ng tula na binubuo ng pitong pantig kada taludtod, tatlong talutod kada saknong at may isahang tugmaan. Halimbawa: Ang payong ko’y si Inay Tingkad ng puting Bulaklak Sa liblib ng Dalisdis. Kapote ko si Itay Alab ang halimuyak Sa maulan kong buhay - Raymond Pambit - Rosal, Ed Romano Labao TULA Ang Tula o “poem” sa ingles ay isang uri sining o panitikan na kilala dahil sa malayang paggamit ng wika sa iba’t ibang anyo at estilo. Ito ay isang uri ng panitikan na nag bibigay diin sa ritmo at nag papahayag ng damdamin. Halimbawa: Inang Wika DAYUHAN: Kunin mo ang ibig kunin sa dampa ko, Palay, bigas, lusong, at halong pambayó, Kung inaakalang ililigaya mo, Laban man sa puso’y handog ko sa iyo… Anak ko ma’y hubdan ng suot na damit, Sampun ng baro kong lampot at gulanit, Ibibigay ko rin maluwag sa dibdib, Kami ma’y lamunin ng init at lamig… Datapwa’t huwag mong biruin si Ina! Huwag mong isiping sapagka’t api na, Ang Ina ko’y iyong masasamantala… Si Ina ang aking mutyang minamahal, Si Ina ang tanging buhay ko’t katawan; Siya, pag kinuha, ikaw’t ako’y… patay! Teodoro E. Gener Dugo at Laya Tanging lalaki kang nagmahal sa bayan Na ang sinandata’y panitik na tangan… Nang ikaw’y barilin ng mga kaaway Dugo mo ang siyang sa laya’y umilaw! Sa dalawang mahal na laman ng isip, Na Irog at Bayang kapwa mo inibig… Bayan ang piniling mabigyan ng langit Kahit ang puso mo ay sakdal ng hapis. Namatay ka upang mabigyan ng laya Ang sinilangan mo na lahi at lupa… Sa tulog na isip ng liping mahina Dugo mo ang siyang nagbigay ng diwa. Nabubo sa lupa ang mahal mong dugo Ang galit ng bayan naman ay kumulo… Kaya’t nang mabutas ang mahal mong bungo, Ay laya ng lahi naman ang nabuo! Nemesio E. Caravan MAIKLING KWENTO Impeng Negro by Rogelio Sicat "BAKA makikipag-away ka na naman, Impen." Tinig iyon ng kanyang ina. Nangangaral na naman. Mula sa kinatatalungkuang giray na batalan, saglit siyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay. "Hindi ho," paungol niyang tugon. "Hindi ho...," ginagad siya ng ina. "Bayaan mo na nga sila. Kung papansinin mo'y lagi ka ngang mababasag-ulo." May iba pang sinasabi ang kanyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na niya ang mga iyon. Paulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kanyang tainga. Isinaboy niya ang tubig na nasa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay, pinagkiskis ang mga palad at pagkaraa'y naghilamos. "Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo," narinig niyang bilin ng ina. "Wala nang gatas si Boy. Eto ang pambili." Tumindig na siya. Nanghihinamad at naghihikab na iniunat ang mahahabang kamay. Inaantok pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok na kanyang higaan. Ngunit kailangang lumakad na siya. Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa pagsahod. Umingit ang sahig ng kanilang barungbarong nang siya'y pumasok. "Nariyan sa kahon ang kamiseta mo." Sa sulok ng kanyang kaliwang mata'y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo ito, taas ang kaliwang paa, sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang ulo sa tagpiang dingding. Nakalugay ang buhok. Bukas ang kupasing damit na giris, nakahantad ang laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang kanyang kapatid na bunso. Pinasususo. "Mamaya,aka umuwi ka namang...basag ang mukha." Bahagya na niyang maulinigan ang ina. Nakatitig siya sa tatlo pa niyang kapatid. Sunud-sunod na nakatalungko ang mga ito sa isa pang bangkong nas atagiliran ng nanggigimalmal na mesang kainan. nagsisikain pa. Matagal na napako ang kanyang tingin kay Kano, ang sumunod sa kanya. Maputi si Kano, kaya ganito ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano ang iba pa niyang kapatid. Marurusing ngunit mapuputi. May pitong taon na si Kano. Siya nama'y maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahahaba ang kanyang biyas. Hinalungkat na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama ang mga damit nila nina Kano, Boyet at Diding. Sa may ilalim, nakuha niya ang kulay-lumot niyang kamiseta. Hinawakan niya iyon sa magkabilang tirante. Itinaas. Sinipat. "Yan na'ng isuot mo." Parang nahulaan ng kanyang ina ang kanyang iniisip. Isinuot niya ang kamiseta. Lapat na lapat sa kanya ang kamisetang iyon noong bagong bili ngunit ngayo'y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsik-beho kapag suot iyon ngunit wala naman siyang maraming kamisetang maisusuot. Mahina ang kita ng kanyang ina sa paglalabada; mahina rin ang kanyang kita sa pag-aagwador. Nagbalik siya sa batalan. Nang siya'y lumabas, pasan na niya ang kargahan. Tuluytuloy niyang tinungo ang hagdan. "Si Ogor, Impen," pahabol na bilin ng kanyang ina. "Huwag mo nang papansinin." Naulinigan niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa siya, muntik na siyang madapa nang matalisod sa nakausling bato sa may paanan ng kanilang hagdan. Tuwing umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahanan siya ng ina. Huwag daw siyang makikipagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor. Talaga raw gayon ito: basagulero. Lagi niyang isinasaisip ang mga biling ito ngunit sadya yatang hindi siya makapagtitimpi kapag naririnig niya ang masasakit na panunuksyo sa kanya sa gripo, lalung-lalo na mula kay Ogor. Si Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kanya, ang malimit magsisimula ng panunukso: "Ang itim mo, Impen!" itutukso nito. "Kapatid mo ba si Kano?" isasabad ng isa sa mga nasa gripo. "Sino ba talaga ang tatay mo?" "Sino pa," isisingit ni Ogor, "di si Dikyam!" Sasambulat na ang nakabibinging tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni Ogor. Si Ogor ang kinikilalang hari sa gripo. Noong una, sinasagot niya ang mga panunuksong ito: "Eh ano kung maitim?" isasagot niya. Nanunuri ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Pagkuwa'y bigla na lamang nitong kakayurin ng hintuturo ang balat sa kanyang batok. "Negrung-negro ka nga, Negro," tila nandidiring sasabihin ni Ogor. Magsusunuran nang manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon: Tingnan mo ang buhok. Kulot na kulot! Tingnan mo ang ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso...Namamalirong! Sa katagalan, natanggap na niya ang panunuksong ito. Iyon ang totoo, sinasabi niya sa sarili. Negro nga siya. Ano kung Negro? Ngunit napapikit siya. Ang tatay niya'y isang sundalong Negro na nang maging anak siya'y biglang nawala sa Pilipinas. Ang panunuksong hindi niya matanggap, at siya ngang pinagmulan ng nakaraan nilang pagbababag ni Ogor, ay ang sinabi nito tungkol sa kanyang ina. (Gayon nga kaya kasama ang kanyang ina?) "Sarisari ang magiging kapatid ni Negro," sinabi ni Ogor. "Baka makatatlo pa ang kanyang nanay ngayon!" Noong kabuntisan ng kanyang ina sa kapatid niyang bunso ay iniwan ito ng asawa. Hindi malaman kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging hamak sila sa pagtingin ng lahat. Matagal-tagal ding hindi naglabada ang kanyang ina, nahihiyang lumabas sa kanilang barungbarong. Siya ang nagpatuloy sa pag-aagwador. At siya ang napagtuunan ng sarisaring panunukso. Natandaan niya ang mga panunuksong iyon. At mula noon, nagsimula nang umalimpuyo sa kanyang dibdib ang dati'y binhi lamang ng isang paghihimagsik: nagsusumigaw na paghihimagsik sa pook na iyong ayaw magbigay sa kanila ng pagkakataong makagitaw at mabuhay nang payapa. Sariwa pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni Impen habang tinatalunton niya ang mabatong daan patungo sa gripo. Mula sa bintana ng mga barungbarong, nakikita niyang nagsusulputan ang ulo ng mga bata. Itinuturo siya ng mga iyon. Sa kanya rin napapatingin ang matatanda. Walang sinasabi ang mga ito, ngunit sa mga mata, sa galaw ng mga labi nababasa nya ang isinisigaw ng mga paslit: Negro! Napapatungo na laamang siya. Natatanaw na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang sikat ng araw, nakikita na niya ang langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon ang mga ito. Nagkakatuwaan. Naghaharutan. Sa langkay na iyon ay kilalang-kilala niya ang anyo ni Ogor. Paano niya malilimutan si Ogor? Sa mula't mula pa, itinuring na siya nitong kaaway, di kailanman binigyan ng pagkakataong maging kaibigan. Halos kassingulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan nito. Malakas si Ogor. Tuwid ang tindig nito at halos hindi yumuyuko kahit may pasang balde ng tubig; tila sino mang masasalubong sa daan ay kayang-kayang sagasaan. Nang marating niya ang gripo ay tungo ang ulog tinungo niya ang hulihan ng pila. Marahan niyang inalis sa pagkakakawit ang mga balde. Sa sarili, nausal niyang sana'y huwag siya ang maging paksa ng paghaharutan at pagkakatuwaan ng mga agwador. Nakakaanim na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang kumakalansing sa bulsa ng kutod niyang maong. May isa pang nagpapaigib sa kanya. Diyes sentimos na naman. Kapag tag-araw ay malaki-laki rin ang kinikita ng mga agwador. Mahina ang tulo ng tubig sa kanilang pook. At bihira ang may poso. Tanghali na akong makauuwi nito, nausal niya habang binibilang sa mata ang mga nakapilang balde. Maluwag ang parisukat na sementong kinatitirikan ng gripo at ang dulo ng pila'y nasa labas pa niyon. Di-kalayuan sa gripo ay may isang tindahan. Sa kalawanging medya-agwa niyon ay nakasilong ang iba pang agwador. May naghubad na ng damit at isinampay na lamang sa balikat. May nagpapaypay May kumakain ng halu-halo. Sa pangkat na iyon ay kay Ogor agad natutok ang kanyang tingin. Pnilit niyang supilin ang hangaring makasilong. Naroon sa tindahan si Ogor. Hubad-baro at ngumingisi. Mauupo na lamang siya sa kanyang balde. Mabuti pa roon, kahit nakabilad sa init. Pasasaan ba't di iikli ang pila? naisip niya. Makasasahod din ako. Kasalukuyan siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang siga mula sa tindahan: "Hoy, Negro, sumilong ka. Baka ka pumuti!" Si Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si Ogor. Nakangisi at nanunukso na naman. "Negro," muli niyang narinig, "sumilong ka sabi, e. Baka ka masunog!" Malakas ang narinig niyang tawanan. Hindi pa rin siya lumilingon. Tila wala siyang naririnig. Nakatingin siya sa nakasahod na balde ngunit ang naiisip niya'y ang bilin ng ina, na huwag na niyang papansinin si Ogor. Bakit nga ba niya papansinin si Ogor? Tinigilan naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa kinauupuang balde. At habang umiisod ang pila, nararamdaman niyang lalong umiinit ang sikat ng araw. Sa paligid ng balde, nakikia niya ang kanyang anino. Tumingala siya ngunit siya'y nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog ang kanyang balat. Tila ibig nang matuklap ang balat sa kanyang batok, likod at balikat. Namumuo ang pawis sa kanyang anit at sa ibabaw ng kanyang nguso. may butil na rin ng pawis sa kanyang ilong. Itinaas niya ang tirante ng kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis na dibdib. Di natagalan, isinawak niya ang kamay sa nalalabing tubig sa balde. Una niyang binasa ang batok---kaylamig at kaysarap ng tubig sa kanyang batok. Malamig. Binasa niya ang ulo. Kinuskos niya ang kanyang buhok at nabasa pati ang kanyang anit. Binasa niya ang balikat, ang mga bisig. May nadama siyang ginhawa ngunit pansamantala lamang iyon. Di nagtagal, muli niyang naramdaman na tila nangangalirang na naman ang kanyang balat. Kay hapdi ng kanyang batok at balikat. "Negro!" Napauwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran lamang niya ang nagsalita. Si Ogor. "Huwag ka nanag magbibilad. Doon ka sa lamig." Pagkakataon na ni Ogor upang sumahod. At habang itinatapat nito ang balde sa gripo, muli niyang nakita na nginingisihan siya nito. Napakatagal sa kanya ang pagkapuno ng mga balde ni ogor. Napabuntong-hininga siya nang makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa wakas, aalis na si Ogor, naisip niya. Aalis na si Ogor. Huwag na sana siyang bumalik. May galak na sumusuno sa kanyang dibdib habang pinagmamasdan ang pagkapuno ng sinundang balde. Susunod na siya. Makaka sahod na siya. Makakasahod na rin ako, sabi niya sa sarili. pagkaraan ng kargang iyon ay uuwi na siya. Daraan pa nga pala siya kay Taba. Bibili ng gatas. Datapwa, pagkaalis ng hinihintay niyang mapunong balde, at isasahod na lamang ang sa kanya, ay isang mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang pumatong sa kanyang balikat. Si Ogor ang kanyang natingala. Malapit lamang pala ang pinaghatidan nito ng tubig. "Gutom na ako, Negro," sabi ni Ogor. "Ako muna." Pautos iyon. Iginitgit ni Ogor ang bitbit na balde at kumalantog ang kanilang mga balde. Iginitgit din niya ang sa kanya, bahagya nga lamang at takot na paggitgit. "Kadarating mo pa lamang, Ogor, nais niyang itutol. Kangina pa ako nakapila rito, a. Ako muna sabi, e," giit ni Ogor. Bantulot niyang binawi ang balde, nakatingin pa rin kay Ogor. Itinaob niya ang kaunting nasahod na balde at ang tubig ay gumapang sa semento at umabog sa kanilang mga paa ni Ogor. Uuwi na ako, bulong niya sa sarili. Uuwi na ako. Mamaya na lang ako iigib uli. Nakatingin sa araw, humakbang siya upang kunin ang pingga ngunit sa paghakbang na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor. "Ano pa ba ang ibinubulong mo?" Hindi n a niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanan niyang pisngi sa labi ng nabiawang balde. Napasigaw siya. Malakas. Napaluhod siya sa madulas na semento. Kagyat na bumaha ang nakaliliyong dilim sa kanyang utak. Habang nakaluhod, dalawang kamay niyang tinutop ang pisngi. Takot, nanginginig ang kanyang mga daliri. Dahan-dahan niyang iniangat iyon. Basa...Mapula...Dugo! Nanghilakbot siya. Sa loob ng isang saglit, hindi niya maulit na salatin ang biyak na pisngi. Mangiyak-ngiyak siya. "O-ogor...O-ogor..." Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom ang mga palad. Kumikinig ang kanyang ulo at nangangalit ang kanyang ngipin. "Ogor!" sa wakas ay naisigaw niya. Hindi minabuti ni Ogor ang kanyang pagsigaw. Sinipa siya nito. Gumulong siya. Buwal ang lahat ng baldeng nalalabi sa pila. Nagkalugkugan. Nakarinig siya ng tawanan. At samantalang nakadapa, unti-unting nabuo sa walang malamang sulingan niyang mga mata ang mga paang alikabukin. Paparami iyon at pumapaligid sa kanya. Bigla siyang bumaligtad. nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni Ogor. Nakaakma ang mga bisig. "O-ogor..." Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal at nakangangang napapikit siya. Pumuslit ang luha sa sulok ng kanyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan nang bigla niyang maramdaman ang isang ubos-lakas na sipa sa kanyang pigi. Napasigaw iya. Umiiyak siyang gumuglong sa basa at madulas na semento. Namimilipit siya. Tangan ang sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat niyang mukha'y larawan ng matinding sakit. Matagal din bago napawi ang paninigas ng kanyang pigi. Humihingal siya. Malikot ang kanyang mga mata nang siya'y bumangon at itukod ang mga kamay sa semento. Si ogor...Sa mula't mula pa'y itinuring na siya nitong kaaway...Bakit siya ginaganoon ni Ogor? Kumikinig ang kanyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang makita niyang muling aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli ay tila nauulol na asong sinunggaban niya iyon at niyakap at kinagat. Bumagsak ang nawalan ng panimbang na si Ogor. nagyakap sila. Pagulung-gulong. Hindi siya bumibitiw. Nang siya'y mapaibabaw, sinunud-ssunod niya: dagok, dagok, dagok... pahalipaw... papaluka...papatay. Sa pook na iyon, sa nakaririmarim na pook na iyon, aba ang pagtingin sa kanila. Marumi ng babae ang kanyang ina. Sarisari ang anak. At siya isang maitim, hamak na Negro! Papatayin niya si Ogor. papatayin. Papatayinnn! Dagok, dagok, dagok...Nag-uumigting ang kanyang mga ugat. Tila asong nagpipilit makapaibabaw si Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang iglap siya naman ang napailalim. Dagok, dagok. Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Muling matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor. Nasisilaw siya sa araw. Napipikit siya. Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa. Ngunit wala siyang nararamdaman sakit. Wala siyang nararamdamang sakit! Kakatatlo ng asawa si Inay. Si Kano...si Boyet...si Diding...At siya...Negro. Negro. Negro! Sa mga dagok ni ogor, tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla, ubos-lakas at nag-uumiri siyang umigtad. napailalim si Ogor. Nahantad ang mukha ni Ogor. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo, dagok...Kahit saan. Sa dibdib. Sa mukha. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, dagok, dagok... Mahina na si ogor. Lupaypay na. Nalalaglag na ang nagsasanggang kamay. Humihingal na rin siya, humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot sa kanyang mga mata. Dagok. Papaluka. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok... Gumagalaw-galaw ang sabog na labi ni Ogor. "Impen..." Muli niyang itinaas ang kamay. "I-Impen..." Halos hindi niya narinig ang halingling ni Ogor. "I-Impen...s-suko n-na...aako...s-suko...n-na...a-ako!" Naibaba niya ang nakataas na kamay. Napasuko niya si Ogor! Napatingala siya Abutabot ang pahingal. makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot siyang tumindig, nakatuon ang mga mata kay Ogor. Wasak ang kanyang kamiseta at duguan ang kanyang likod. May basa ng dugo't lupa ang kanyang nguso. Marmaing sandaling walang nangahas magsalita. Walang makakibo sa mga agwador. Hindi makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kanya. Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya. Walang pagtutol sa mga mata ng mga ito. Ang nababakas niya'y paghanga. Ang nakita niya'y pangingimi. Pinangingimian siya! May luha siya sa mata ngunit may galak siyang nadama. Luwalhati. Hinagud-hagod niya ang mga kamao. nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang tibay. Ang tatag. Ang kapangyarihan. Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si Ogor. Pagkaraa'y nakapikit at buka ang labing nag-angat siya ng mukha. Sa matinding sikat ng araw, tila sya ang mandirigmang sugatan, ngunit matatag na nakatindig sa pinagwagihang larangan. “Si Lino At Ang Kanyang Matalik Na Kaibigang Si Tomas” Anonymous Simula noong nasa unang baitang pa lamang sila sa elementarya ay magkaklase na sina Lino at Tomas hanggang ngayong nasa ikalawang taon na sila sa sekondarya. Sa kabila ng kanilang pagkakaiba ay matalik silang magkaibigan. Si Lino ay anak ng isang hardinero sa paaralan na pinapasukan nila. Ang ina naman niya ay nagtitinda sa kantina. Ang mga magulang ni Tomas ay isang guro at isang OFW. Parehong masayahing bata sina Lino at Tomas. Pareho rin silang aktibo sa klase at sa mga patimpalak. Kahit matumal ang kita ng mga magulang ni Lino ay ni minsan hindi ito nagutom o nawalan ng pambayad sa proyekto dahil nandiyan si Tomas. Mapagbigay talaga si Tomas hindi lang kay Lino pati na rin sa iba nilang mga kaklase. Sa murang edad, may sariling kotse na ito na bigay ng ama niya noong nagtapos siya sa elementarya. Subalit, nagbago ang lahat noong naghiwalay ang mga magulang ni Tomas. Ang dating masayahin at aktibong mag-aaral ay naging tamad sa klase. Palagi siyang pinupuntahan ni Lino sa bahay nila upang yayain pumasok pero ayaw niya. Si Lino naman ay patuloy sa pag-aaral. Sumali rin siya sa basketbol team ng paaralan at naging abala siya roon. Nagkaroon siya ng mga bagong kaibigan na sina Francis, Stanley, at Jacob. Lumipas ang isang linggo ng hindi nagkikita sina Lino at Tomas. Dahil sa dami ng mga nangyayari sa buhay niya, nakalimutan ni Lino na may pinagdadaanan ang matalik niyang kaibigan. Isang gabi, tinawagan ni Tomas si Lino. Kinumusta niya ito at nagpasalamat rin siya sa kanilang pagkakaibigan. “Tol, maraming salamat rin sa lahat ng iyong kabutihan sa akin at sa pamilya ko pero bakit parang ang senti mo talaga ngayon,” tanong ni Lino sa kaibigan. Hindi umimik si Tomas. Niyaya niya ulit si Lino na lumabas sila at susunduin niya ito. “Pasensya na tol maaga pa kasi ako bukas. Ang kulit kasi nina Jacob niyaya nila akong sumama sa outing nila ng mga kaklase niya,” pagtanggi ni Lino sa kaibigan. Hindi ipinahalata ni Tomas na sabik na siyang makausap ang kaibigan. Masaya siya at maganda ang takbo ng buhay ni Lino. Kinabukasan, nagising si Lino sa malakas na katok ng ina niya. Sumisigaw ito habang kumakatok sa pintuan ng kwarto ng anak. “Lino! Nak! Gising! May nangyari kay Tomas! Nak! Buksan mo ang pinto,” sigaw ni Aling Susan. Nagulat at natulala ng saglit si Lino sa mga narinig niya. Noong mahimasmasan na ito ay lumapit siya sa pintuan at binuksan niya ang pinto. “Nak wala na si Tomas! Na-aksidente raw siya kagabi dahil sa sobrang kalasingan,” sabi ni Aling Susan sa anak habang niyayakap ito. Hindi namalayan ni Lino na tumutulo na ang mga luha mula sa mga mata niya. Wala na ang kanyang matalik na kaibigan na parang kapatid na niya. “Sana sinamahan ko na lang siya noong nag-aya siya kagab-i. Baka hindi pa nangyari ‘yon,” sabi ng binata. Pumunta si Lino at ang pamilya niya sa lamay ni Tomas. Nandoon ang mama at papa niya. Umuwi ang ama ng binata mula China upang maihatid ang anak sa huling hantungan nito. “Tomas, tol patawad. Patawarin mo ko at hindi kita nabigyan ng oras. Patawad dahil wala ako noong kailangan na kailangan mo ako,” sabi ni Lino sa harap ng kabaong ng yumaong kaibigan. Masakit para kay Lino ang nangyari kay Tomas. Araw-araw, hindi niya maiwasan na sisihin ang sarili niya sa mga pagkukulang niya bilang isang kaibigan. Subalit, umaasa ang binata na isang araw ay mapatawad niya rin ng lubusan ang sarili niya. SANAYSAY May Panahon Pa Kaibigan Eisa Rene Batallones y Saturno Libong taon na ang lumipas, nakintal sa isipan ng lahing kayumanggi ang mga hagupit at matinding dagok dala ng mga mananakop sa lahing kayumanggi. Naglaho na ang mga kanyon, at ang mga gatilyo ng baril na pumatay sa daang libong Filipino na nakipaglaban sa kalayaan ng bayan ay tuluyan ng nagwakas na kalabitin at ngayon ay isa na lamang itong ala-ala ng panahong lumipas. Nakamit na ang minimithing kasarinlan ng bansang inanod ng agos ang mga adhikain at simulain na siya sanang uugit sa mga kabataan tungo sa matagumpay na hinaharap. At muli itong inumpisahang balangkasin ng matino, maipagmamalaki at higit sa lahat ay may angking tapang na maipatupad ito ng mga pinunong nilayon ay pangkalahatang tagumpay. Subalit, tila yata hindi pa ganap ang sinasabing kalayaan. Ano nga ba ang kalayaan? Kalayaan bang matatawag na magkaroon ng sariling batas na ipinatutupad? Kalayaan bang mamuhay sa bansa kung naglipana sa bawat sulok nito ang mga taong nagpapahirap sa sambayanang Filipino? Ang kalayaang inaasam ay tila isang mwtaporika lamang ng kaganapang naroon na at nakamit na ang kalayaan. Nilamon ng progresibong kabishanan ang noo’y ayak na pamumuhay. Ang mga paragos at kariton na batak ng mga kalabaw ay madalang ng nasisilayan. Ang mga karitela na hila ng kabayo ay mahirap mo ng masumpungan. Ang noo’y tahimik na kapaligiran ay inalingawngawan ng mga busina ng makabagong sasakyang naggaling sa mga bansang dumaluhong at nagwasak sa angking kariktan ng luntiang kapaligiran na tila baga winasak ng isang malakas na delubyo. Ang silangan at ang kanluran na hinahasikan ng gintong palay ay untiunting ninakaw ng progresibong pagsulong sa inaakalang ito ang mabisang paraan upang masawata ang kahirapang tinatagalay. Subalit lingid sa matalinong kapasyahan ang mga ito ay patibong ng makabagong kabihasnan na kitilin ang kagandahan, payak at matahimik na pamumuhay. Madalang na ang araro, at isa na lamang itong palamuti sa taklab ng magsasakang bumungkal ng lupang tinalo na ang lakas ng panahong lumipas. Bumulaga sa ating mga mata ang mga nagtataasan at naggagandahang gusali na nakatanim kapalit ang luntiang palay na nagbibigay ng gintong butil na isang biyayang matatawag. Mayroon pa ba tayong ninanais? Hindi pa ba sapat ang tagumpay na ating nakamit? Hindi pa ba sapat ang kaalamang nakuha natin sa mga dayuhang pilit nating yinakap ang kanilang kakanyahan tungo sa pagpapaunlad ng kinabukasan ng bawat mamamayan? Alin pa at ano pa ang kulang sa atin? Bakit walang pagsulong? Bakit nananatiling maraming naghihirap kahit ang kaunlaran ng bansa ay ating nang namamalas? Bakit patuloy ang kawalang katarungan lalo’t higit sa mga taong mahihirap? Ako’y nagtataka, nagugulumihanan sa kasalukuyang takbo ng politika sa bayan. Ang wangis ng isang taong maprensipyo’y isang dalagang may angking alindog na niluray at pinagsamantalahan ang angkin nitong yumi at kaandahan, di sin sanay ang patas at makatuwirang laban ang ipairal, ipakita ang maginoon laban, hindi sa buhong at may ganid na pagnanasa sa kaban ng bayan na pinagyaman ng mga taong ang hangarin ay para sa pangkalahatan, hindi sa iisang tao lamang. Lawitan mo ng pag-asa na mabago ang kalakaran, gamitin ng wasto ang aking talino mo’t isipan upang mapagtagumpayan ang sinusuong na pakikiba sa mga taong dala ay kapahamakan. Hasikan mo ng pataba ang mga punlang isinurak sa matabang lupa, patabang manggagaling sa utak ng kamalayan at masaganang kaalamang natutunan sa mga naunang taong nakibaka na ipaglaban ang karapatang kalayaang mamuhay. Ang pamumuhay ng patas, tahimik at malayang naisasakatuparan ang minimithing pangarap sa buhay ng may katiwasayan. Hamo't mangyaring aking idalangin sa Diyos na Maawain at Mahabagin na ikaw ay pagpalain. Hindi pa huli kaibigan, may panahon ka pang mag-isip ng tama. May panahon pa! May panahon pa… kaibigan! Ang Hiwaga ng Pagyabong Anonymous Naaalala mo pa ba ang mga panahon noong ikaw ay isang buto pa lamang? Ang ibig kong sabihin ay buto ng isang halaman. Ikaw ay maselan, mahina at marupok. Nagpapadala ka saan ka man tangayin ng ihip ng hangin. Walang direksyon ang iyong buhay. Dahil dito ay wala kang laban. Hindi mo alam kung saang lupa ka mapapadpad. Lumipas ang mga panahon at ikaw ay lumabas sa loob ng buto at unti-unti’y nasilayan mo ang liwanag ng kapaligiran. Sumulpot ang mga dahon at lumago ang iyong mga sanga. Unti-unti mong naiintindihan ang kulay ng iyong buhay.Minamalas mo na ngayon ang mga hiwagang bumabalot dito. Natuto ka ng kumilatis at mag-isip. Malalim na ang iyong mga pananaw. Kasabay ng pagbabagong ito ay ang pagtanda at paglipas ng panahon na sumasabay rin sa iyong pagyabong. Bawat araw ay may katumbas na pagasa ng bagong pagsibol. Ang proseso ng iyong buhay ay dumaan sa iba’t-ibang pamamaraan. May mga pagkakataong nagiging marupok ang iba mong mga sanga at gayon din ay nangangahulog ang iyong mga dahon. Ngunit patuloy ka sa paglago at pagyabong. Bawat nalalagas na dahon at sanga ay napapalitan nga bagong sibol sa bawat umaga. Iyan ang buhay laging may pag-asa. Maraming unos ang sa iyo ay dumaan ngunit nagpatuloy ka sa pagiging matatag. Hinarap mo ang mga ito ng buong tatag. Nang malampasan mo ay labis ang kaligayahang iyong nadama. Nakamit mo ang tagumpay na iyong ninanasa at ito ay dahil sa determinasyong iyong ipinakita. Dahil din sa mga pangyayaring ito ay naalala at nagunita mo sa iyong pagmumunimuni na ang pawis, luha at dugo na inalay mo upang makamit ang iyong minimithi ay hindi nasayang sapagkat angat ka na sa iba. Pinanindigan mo ang sarili mong prinsipyo. Sariling dungis ng iyong mukha ang pinunasan mo at pinuna. Ang hirap ay hindi mo inalintana maging ang mga pang-aalipusta. Nagbanat ka ng buto, nagsunog ng kilay at nagpakumbaba. Nagpakatotoo ka sa iyong sarili. Higit sa lahat ay hindi ka nakalimot sa Poong Maykapal na siyang naging tangi mong sandigan sa oras ng iyong mga kawalan.Busilak ang iyong naging mga hangarin. Ngayon nakayakap ka na sa ulap ng iyong tagumpay. Naabot mo na ang iyong mga bituin at nalipad mo na rin ang buong kalawakan ng iyong isipan. Ang pagyabong ay nagpapahiwatig ng maraming pagbabago. Maaring ang mga pagbabagong ito ay masama o maaari ring mabuti. Ito ay maari ring isang hamon ng buhay o dili kaya’y magdadala ng bagong pag-asa. Ngunit nararapat nating tandaan na sa patuloy na pag-inog ng mundo ang pagtanda ay sumusunod rin dito. Sinasabing walang permanenteng bagay na nananatili sa mundo. Ang lahat ay may wakas, katapusan o limitasyon, maliban na lamang sa ating Banal na Manlilikha.Darating ang panahon na titigil ang paglago at pagyabong ng iyong mga sanga at sa muli ay babalik ka sa pagiging marupok, mahina at maselan. Kailangan mo na ngayong mamaalam. Sa iyong pamamaalam ay nararapat na mag-iwan ka ng isang kayamanang kailanman ay magiging tatak ng iyong pagkatao. Isang ala-alang para sa kinabukasan ng susunod pang mga buto na sa muli ay dadaan sa prosesong iyo ring pinagdaanan. Bigyang laya mo ang iyong sarili na gawin ang mga bagay na nararapat mong gammpanan. Bilang mag-aaral payabungin mo pa ang iyong kaalaman, bilang isang anak maging lalo ka pang mapagmahal at masunurin sa iyong mga magulang at bilang isang nilalang matuto kang magbigay, magpakumbaba at gumalang. Kailangang ang pagyabong ay mismong sa sarili mo magmumula. Sa kaibuturan ng iyong pusong malaya. Kung nais mong makamtan ang tunay na ligaya at pag-asa, hubugin mo ng husto ang iyong sarili, ang pagyabong mo ay nakasalalay sa iyong mga kamay.