Ang Alamat ng Marinduque Noo’y bago pa lamang kapapadpad sa ating dalampasigan ng mga Kastila. Sa balangay ng Batangan, ngayo’y Batangas, ay kalakip ang Mindoro at mga lupalop ng timog-kanluran ng Laguna hanggang Kamarines. Si Batumbakal ay kilalang datu ng Batangan at mga balangay sa karatig nito. Sila’y mayaman at makapangyarihan. Tampok ng Katagalugan ang kanyang kaisa-isang anak na si Mutya Marin. Si Mutya Marin ay maganda, mahinhin at halos ang lahat ng katangian ng dalagang Silangan ay napisan sa kanya. Siya’y kayumangging kaligatan. Alun-alon ang buhok na hinabi ng hatinggabi. Mapungay ang mga mata, matangos ang ilong, linalik ang baba at may gatla sa leeg. Siya’y may nunal sa batok. Balangkinitan ang katawan. Katamtaman ang taas. Ang baywang ay hugis hantik. Manipis ang alak-alakang nagbabadyang siya ay masipag, ayon sa matandang kasabihan. Maraming tagahanga si Mutya Marin at kabilang dito ay si Datu Bagal na ubod ng yaman. Ang kaharian niya’y kilala sa tawag na Mindoro (Mina de Oro). Sina Datu Sagwil ng Laguna at Datu Kawili ng Kamarines ay mga tagahanga rin subali’t ang nagpatangi sa lahat kay Marin ay isang dukhang mang-aawit, si Garduque, manghahabi ng tula at tagahanga ng kalikasan. Siya’y taga-Taal at isang mandaragat sa lawang Bunbon. Isang araw, nagpabalita na magkakaroon ng palaro sa palasyo bilang parangal sa mga anito. Ang mga manlalaro ng iba’t ibang kaharian ay nagsidalo. Dumating ang palarong pinakahihintay. Natipong lahat ang mga pambato ng sari-saring palakasan. Ang unang laban ay pagbinit ng palaso. Ang nakatamo ng gantimpala ay bantog na Mangyan ng Mindoro na si Balindada. Ang ikalawang paligsahan ay palayuan ng pagbato sa ibayong ilog. Ang nagkamit ng karangalan ay Igorot na kinatawan ng Bulu-bundukin. Ang karera sa kabayo ay isinunod at sinalihan ng mga prinsipe. Sinumang makatalo kay Mutya Marin ay siya niyang paka-kasalan. Subali’t lahat ay nabigo. Sa bilis, si Mutya Marin ay kawangis ng limbas. Kaya napahiyang lahat ng kanyang tagasuyo. Sa huli, si Marin ay itinanghal na reyna ng paligsahan at siya’y pinutungan ng korona ng karangalan. Ang nagkapalad magputong ng korona ay walang iba kundi ang makatang kasintahan. Natapos ang parangal sa mga anito at nagsialis ang mga panauhin. Nagbalik sa kaharian ang mga araw na katulad ng dati. Dahil sa sina Datu Bagal, Sagwil at Kawili ay mga kapalagayang-loob ng ama ni Marin, sa loob at labas ng kaharian ay nakapaghahandog sila ng pag-ibig sa mutyang dalaga. Sa kabilang dako naman, ang binatang makata ay di-mamakailang pinagbawalan ni Datu Batumbakal na huwag makipagkita sa kanyang butihing anak. “Bakit ka pumapasok sa loob ng aking kaharian nang wala akong pahintulot?” ang minsa’y tuligsa sa kaawa-awang makata. “Ako po’y sumusunod lamang sa utos ng iyong anak.” “Mula ngayo’y di ko gustong makita ang pagmumukhang iyan, pangahas,” ang pagbabala ng datu. “Hindi po ako pangahas. Hindi ko po masuway si Mutya Marin. Ako po’y pinabibigkas ng mga tulang kanyang kinagigiliwan.” “Magtigil ka, walang-turing!” Umalis ang makatang ang mukha’y nasa talampakan. Hindi na matiis ni Mutya ang paglait ng kanyang ama sa minamahal. Kaya minsa’y ipinagtanggol ni Marin ang binata. “Hari kong Ama, utang na loob! Huwag ninyong hamakin ang aking kasintahan. Siya ang tumutugon sa aking mga saligan sa buhay.” Hindi pa nakatapos si Marin sapagka’t si Datu Batumbakal ay nagsalita. “Ikaw ay nabubulagan. Ipagpaliban natin ang hinggil sa bagay na iyan. Sa iba nang araw natin pag-usapan.” Napipi si Marin at siya’y hindi na nakaimik kaputok man. Maluwat ding panahon ang lumipas na di pumapasok ang mang-aawit sa palasyo. Likha palibhasa ng di-matingkalang kapangyarihan ng pag-ibig, si Mutya Marin ay sadyang nagliwaliw sa kaparangan sa pagbabaka-sakaling matagpuan doon ang abang makata. Nakarating siya sa matulaing Hog Pansipit. Napadako si Mutya sa panig ng baybaying ilog na mapanganib. Dito’y maraming mga buwaya na sumisila ng tao. Nang sisilain na lamang at sukat si Marin ng isang mabangis na buwaya, ay siya namang pagdating ng makatang kasintahan. Sa kabutihang-palad kapag karaka’y buminit ang binata sa palaso. Natudla and buwaya kaya nasagip si Marin sa nakaumang na sakuna. “Salamat, Mahal! ipinag-aadya pa ako ng ating mga anito!” “Bakit ka nangahas maglibot sa kagubatan? Di mo ba alam na ikaw ay kagigiliwan ng nuno sa punso? Kung magkagayon, hindi ka namakababalik sa palasyo.” “Ewan ko ba! Hindi ako mapalagay kung hindi kita makita. Maluwat nang hindi mo ako sinisipot. Kay dali mong makalimot!” ang pagtatampo ng dalaga. “May babala sa akin ang iyong ama.” “Kung talagang tapat sa akin, kung tunay ang iyong pagmamahal, hahamakin ang lahat. Kahit kamataya’y iyong susuungin kung dahil sa akin.” “Marin, tunay nga bang ako’y iyong minamahal? Ako’y isang dukha, kumain dili. Bakit mo ako itatangi? Si Datu Bagal ay mayaman. Si Datu Sagwil ay makapangyarihan. Si Datu Kawili ay marahas. Bakit ako ang pag-uukulan ng iyong kalinga?” “Ang puso ko’y iyong sinusugatan,” pakli ng dalaga. “Sundin mo ang iyong mahal na ama. Ang datu ay ayaw sa akin. Ano nga naman ang iyong mapapala sa isang mang-aawit na tulad ko? Maaari ka bang pakainin lamang ng aking mga tula?” “Hindi ang pagkain lamang ang nakabubuhay sa tao. Banal ang iyong kaluluwa.” “Salamat, Marin. Nalalaman mo bang ang pakikipagkita mong ito sa aki’y ipinagbabawal ng datu?” “Oo.” “Nalalaman mo bang ang pakikipagtagpo mo sa aki’y nanga-ngahulugan ng pagtagpas sa aking ulo? Baka pati ikaw ay maparamay.” “Nababatid ko. Ako’y nakipagtagpo sa iyo upang minsan pa nating sariwain ang sumpaang sa ating dalawa ay walang mamamagitan kundi kamatayan!” “Isinusumpa ko. Kita’y mamahalin hanggang langit.” “Magmamahalan tayo hangga’t may daigdig. Magsadya ka mamayang gabi sa palasyo, sa halamanang dati nating tagpuan. Mayroon akong ipagtatapat.” “Umalis ka na at baka hanapin ka ng iyong ama.” “Siya nga. Isa lamang aliping dalaga ang kasama.” Inihatid ng binata ang dalaga hanggang sa tabi ng kabayanan. Nang kinahapuna’y ipinatawag si Marin ng ama. “Bakit kaba nakikipagtagpo nang lihim sa dukha mong kasintahan? Ito’y sinsay sa aking mga kautusan at kaugalian ng balangay. Ang maharlika ay sa maharlika at ang alipi’y sa alipin. Bukas na bukas din aking papupugutan ang iyong kasintahan.” Hindi nakuhang makapagmatuwid ang dalaga. Alam niya ang bawa’t sabihin ng ama’y masusunod. Napakasungit ng datu! Pinasusian si Mutya Marin sa itaas ng tore. Nang dumating ang tipanang oras ay walang makitang Marin sa halamanan. Hinanap ng binata ang dalaga. Nakita niyang maliwanag ang tore kaya sinapantahang naroon ang hinahanap. Sumagi sa kanyang hinala na namalayan ng datu ang pakana nilang pagtatagpo. Ang mang-aawit ay nagpunta sa paanan ng tore nguni’t paano niya maaakyat iyon? Wala siyang mahagilap na lubid o anumang tali. Siya’y naupo at nag-isip. Namataan niya na may aninong gumagalaw sa bintana at ilang saglit pa’y may naglawit ng lampara. Napag-alaman niyang si Marin ay gising. Nahinuha niyang batid ni Marin na siya’y nasa paanan ng tore at naghihintay. "Dapat sana siyang mag-ingat sa paglalawit ng ilaw sapagka’t baka mahalatang bantay,” ang bulong ng makata sa sarili. Samantalang ang binata ay nasa ganitong pagmumuni-muni, bigla siyang namangha nang makita si Marin sa kanyang harapan. Ang dalaga pala’y naghugos sa tore sa pamamagitan ng lubid at mga piraso ng damit napinagbuhol-buhol. “Giliw,” ang simula ni Marin, “bukas ay papupugutan ka.” “Ako’y nakahanda. Pumapayag ka ba?” “Hindi maaari. Tayo ay magtanan habang may panahon. Mayroon akong kinasabuwat na mga alipin na gagaod sa ating bangka. Sa Wawa tayo hinihintay.” “Saan tayo tutungo?” “Tayo’y tatakas. Tayo’y pasasatimog… saan man… doon sa walang amang makapanghihimasok sa pag-ibig ng anak.” Ang dalawa’y nagtanan. Magdamag silang naglayag sa lawak ng karagatan. Nag-umaga. Nang mag-aalmusal na, siyang pagkapansin ng datu na si Marin ay wala na. May nakapagsumbong na siya’y tumakas. Inihanda at iniutos ng datung habulin ng mabilis na batil pandigma ang magkasintahang tumalikod sa kaugalian ng balangay. Nagpabalita si Datu Batumbakal sa tatlong datung tagasuyo ni Mutya Marin. Si Datu Sagwil ay madaling tumugon. Sa mga nagsihabol ay kasama si Datu Kawili na siyang gusting pagpakasalan kay Marin. Si Datu Bagal ay sumama rin nang magdaan sa Mindoro ang mga humahabol. Anong magagawa ng munting sasakyang kinalululanan ng magkasintahan? Walang pagsalang sila’y aabutin! Lima lamang oras ang nakalipas matapos makapag-almusal ang datu nang abutin ng dambuhalang sasakyang humahabol ang mga nagsitakas. Binuo ng magkasintahan sa kanilang sarili na sila’y di pabibihag nang buhay, kaya sinabi na mangyari na ang dapat mangyari. Bilang pagmamatigas ng binata ay pinagkaisahan nilang magpatihulog sa karagatan. Pinagtali ang dalawang kamay ng matibay na lubid at ito’y ikinabit sa mabigat na bato upang sila’y magtuloy-tuloy sa kailaliman ng dagat. Ganito nga ang nangyari. Nang iilan na lamang dipa ang agwat ng maliit na sasakyan sa malaking sasakyang humahabol, ay magkayapos na tumalon sina Marin at ang binata. Tuloy-tuloy sa kailaliman ng tubig dahil sa mabigat na pataw na nagsilbing sangkap ng kamatayan. “Paalam, Batumbakal,” ang sabi ni Garduque. “Paalam, Amang,” ang sabay ni Marin. Hindi matagpuan ang magkasintahan. Para manding bulang hinigop ng buhawi. Kinaumagahan, anong pagtataka ng mga nagsisihanap nang makita ang isang malaking pulo sa dakong tinalunan ng magsinggiliw. Mula noon ay pinangalanan ang pulo na MARINDUQUE, galing kina Marin at Duque. Nagsisi si Datu Batumbakal nguni’t huli na. Bilang pagtitika sa kanyang nagawang pagmamalupit, siya’y nagpakatino. Siya’y naging mapagmahalsa kanyang mga sakop. Ang mga alipin ay kanyang pinag-ukulan ng pagtingin na higit sa rati. Binago niya ang mga batas na pinaiiral sa balangay. Ang mga alipin at mga maharlika ay naging pantaypantay sa dambana ng mga anito tungkol sa pag-ibig at suliranin sa puso. Ang Marinduque ngayon ay isang pulong may magaganda at matulaing tanawin. Pinilas ang ganda kay Marin at hiniram ang tula sa dakilang mang-aawit.