79th Araw ng Kagitingan and Phiippine Veterans Week ORATORICAL PIECE Tema: “Kagitingan ay gawing gabay,pandemya ay mapagtatagumpayan”. Sa mga panauhing pandangal, sa mga walang kapagurang kagalang-galang na mga hurado, kapita-pitagang mga Inang Kalahi, mga kapwa ko mananalumpati, mamarapatin kong batiin kayo ng isang matiwasay at kaaya-ayang umaga. Lubos ang kagalakang aking nadarama ngayon na mabigyan ng pagkakataon na makapagsalita sa inyong harapan. Pitumpu’t siyam na taon na ang nakalipas nang walang takot at buong tapang na ipinagtanggol ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo ang kalayaan ng sambayanang Pilipino. Libo-libo sa kanila ang nagbuwis ng buhay patunay ng kanilang kagitingan, na kahit pa kamatayan ang kapalit ay handa sila sa ngalan ng kanilang bayan at kalayaan. Kaya sa tuwing sasapit ang ika-siyam ng Abril ang buong bansa ay magbaliktanaw at bigyang-pugay ang kabayanihan ng mga beteranong Pilipino at Amerikano sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Tunay ngang nagpaalala sa atin ang Dambana ng Kagitingan sa Samat, Bataan di lamang sa tayog ng kadakilaang inihandog ng ating mga kawal kundi, sa lalim at lawak ng kanilang sakripisyo sa ngalan ng kanilang kapwa at bayan. Rizal, Bonifacio, Mabini, Aguinaldo, Del Pilar. Iilan lamang sila sa mga kilalang bayaning Pilipinong gigunita natin. Magkakaiba man ang kanilang mga pananaw at adhikain sa buhay. Magkakasalungat man ang mga paraang ginagamit nila sa pagtatanggol sa Inang Bayan, subalit magkaganoon man ay iisa lang ang kanilang hangarin, kalayaan at kaunlaran ng bayang minamahal. Marami pang mga Pilipino ang sumunod sa kanilang mga yapak, mga Pilipinong nagtanggol sa simulain at adhikain ng isang bansang magsasarili at may hangaring umunlad, ng bansang nangarap makawala sa mga pagsubok at sakuna. Lahat nang ito’y maliwanang na nakatala sa dahon ng ating kasaysayan. Matapos ang halos isang siglo, nanatiling matingkad ang itinuro sa atin ng nagdaang panahon. Batid natin na kailanman ay hindi matutumbasan ng magarbong seremonya o pag-aalay ng mga bulaklak ang tunay na halaga ng ginawa ng ating mga beterano. Kaya naman kasabay sa pagbabalik-tanaw sa kabayanihan ng mga Pilipinong nagmalasakit at patuloy na nagmalasakit sa bansa ay pagtitingala at pagsasaludo sa kanilang kagitingan ang nararapat nating ibigay. Binigyan nila ng inspirasyon ang bawat Pilipino na isapuso ang tunay na kabuluhan ng kagitingan. Kasabay sa paggunita ng mga magigiting na bayani ay ang pagdiriwang ng Philippine Veterans Week kung saan ay kasalukuyang nakatutok sa pagpapatupad ng batas. Ito ay ang Filipino Veteran’s Equity Compensation Law. Ang batas na ito ay lubos na nakatuon sa kalusugan at kapakanan ng ating mga beterano. Ito ay mga inisyatibong nakakabit sa pagtanaw ng utang na loob sa di matatawarang pag-aalay ng sarili ng ating mga beterano. Sa ating pagbibigay-pugay sa kanila ay gawin nating patnubay ang kanilang mga mabubuting halimbawa. Ganitong katapangan ang hinihingi sa atin ng pagkakataon ngayon. Nahaharap tayo ngayon sa isang pandaigdigang krisis dahil sa pandemyang Covid-19, ngunit hindi ito hadlang upang ipakita ang diwa ng malayang sambayanan ang patuloy na pagbibigay ng pag-asa. Tulad ng Bataan noon, nababalot tayo ng kadiliman ngayon dahil sa banta ng Covid19. Marami sa atin ang nagsakripisyo, nagdusa ang nawalan. Alalahanin natin ang katapangan ng ating mga beterano sa Bataan. Magsisindi ito ng panibagong pag-asa, pag-asa na matatagumpayan natin ang giyera para sa ligtas na kinabukasan para sa lahat. Na mapanalunan natin ang laban na ito upang magkaroon ng malayang bansa, isang malayang Pilipinas mula sa sakit na dulot ng Covid-19. Huwag din nating iwaglit sa ating isipan ang kabayanihan ng ating mga frontliners at healthworkers sa panahong ito na walang sawa at higit pa ang ibinibigay na paglilingkod mabigyan lamang ng tamang aruga ang mga maysakit. Kasama rin sa kuwento ng katapangan ang mga volunteers na abot ang tulong sa mga nangangailangan. Maaring ihalintulad natin ang kanilang katapangan sa mga kawal na Pilipinong nagtanggol ng kalayaan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang tagumpay na makakamit ng sambayanan sa hinaharap laban sa pandemya ay magsisilbing Ikalawang Araw ng Kagitingan sa “Bagong Henerasyon” ng mga Pilipino. Magiting! Matatag, at buo ang loob. Mapagkalinga sa isa’t isa at may matibay na pananalig sa Diyos. Sa Bataan itinatag ang last line of defense laban sa mga Hapon. Ngayon ang ating mga “Bagong Bayani” ang mga frontliners ang ating last line of defense laban sa Covid-19. Ang giyera ay naipanalo hindi lamang ng mga frontliners natin kundi ng buong sambayanan. Kailangan po nating tulungan ang ating mga bagong bayani—ang ating mga doctor, nars at mga healthworkers na nagbuwis ng kanilang buhay upang gamutin ang mga kapwa natin Pilipino na dinapuan ng virus. Ang pagpuksa ng Coronavirus ay laban nating lahat. Sama-sama nating malalampasan at madadaig ang hamon ng panahong ito. Walang Pilipino na tatawaging magiting na nag –iisa. Sama-sama tayo! Tulong – tulong tayo! At sa pag gabay ng diwa ng mga bayani ng Bataan, hawakkamay tayo sa pagbangon mula sa pagkalugmok na dulot ng pandemya. Mapanalunan natin ito. Anumang banta sa kapayapaan ngayon, ano mang banta sa kalusugan dulot ng pandemya ay kaya nating sugpuin. Tayo po ay magkaisa at magtulungan. Maging responsible at kumapit tayo sa pag-asa. Ang bukas ay hindi pa natin nasisiguro. Bawat landas na tatahakin at may tinik na nagsisilbing hamon ng ating kakayahang kumilos bilang mga mamamayan. Pero sa gabay at ehemplo ng kabaynihan at kagitingan ng mga bayani ng ating lahi matitiyak natin ang matagumpay na landas na ating tutunguhin. Ang kagitingan ng ating mga bayani ang ating sandigan sa pakikipagsapalaran sa pagbabagong dulot ng Covid19. Pananalig sa Diyos ay paigtingin pa natin. Ipagdasal natin na pagkalooban tayo ng Diyos ng ibayong lakas para makabangon muli. Ako. Ikaw. Tayong lahat. Gawin nating pinakamabisang kalasag o depensa ng ating Inang Kalahi ang alaala ng kagitingan na ating mga bayani. Iisipin natin na hindi hadlang ang pandemya sa pagsulong sa kapakanan at pagtaguyod ng malawakang kapayapaan. Kailangan natin ang matibay na kooperasyon at ugnayan gaya ng ating mga magigiting na bayani sa pagpapatupad ng pambansang batas na taos-puso nating sundin upang mabigyang-tuldok ang pandemyang ito. Magkaisa tayong lumaban ng buong tapang. Sa sama-sama nating pagharap sa kalaban na hindi natin nakikita,humuhugot tayo ng inspirasyon mula sa mga halimbawang ipinamalas ng mga bayani at sundalo natin. Hindi tayo dapat panghinaan ng loob. Hindi ito panahon para sumuko, sapagkat ang pagsuko ay karuwagan. Pagsikapan nating tapatan ang katapangan nila na lumaban hanggang sa kahuli-hulihan sa panahong sinusubok ang ating katatagan. Tulad ng isang katagang binigkas ng isa sa magigiting na anak ng ating bayan, “Bataan has fallen, but the spirit that made it stand cannot fall.” Nawa’y maging tanda ang kagitingan ng ating mga bayani upang magpunyagi pa tayo sa pagkamit ng pagkakaisa at pagtutulungan tungo sa magandang bukas. Sa isip, sa salita at sa gawa, itaguyod at ipagpatuloy pa natin ang pagbabayanihan tungo sa malaya at ligtas na bansang Pilipinas. Magtatagumpay Tayo ! Maraming salamat Po ! At Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!