Aralin 3 Pag-asa: Susi Para sa Minimithing Pangarap Ano kaya ang nararamdaman ng isang batang lumalaban sa isang paligsahan tulad ng nasa larawan? Maliban dito, ano rin kaya ang mararamdaman ng: • Isang mag-aaral na mang-aawit na pilit na inaabot ang napakataas na tono. • Isang batang kasali sa quiz bee. • Isang batang nakaranas ng lindol, baha, o landslide. Tunghayan ang mga larawang tagpo sa ibaba at bigyan ng pagsusuri. 1. Ano ang problema ng bawat bata sa larawan? 2. Paano kaya nila tinatanggap ang mga problemang ito? 3. Isa-isahin ang iyong mga naging damdamin habang ito ay iyong binabasa at sinusuri. Gawain I May mga pagkakataon na sinusubukan ang ating kakayahan at pagtitiwala natin sa ating sarili. Ang pagkakaroon natin ng pag-asa at positibong pananaw ay makatutulong upang makamit natin ang ating minimithi . Gawain 2 A. Pumili ng isa sa mga nakasulat na sitwasyon at sagutin ang mga tanong. Isulat sa kuwaderno ang iyong sagot. 1. Dahil sa hindi pagkakaunawaan ng pamahalaan at pangkat na di sang-ayon dito, napilitang lumikas ang mga mamamayan sa ligtas na lugar. Isa sa mga batang ito ay si Rowena. 2. Nakatanggap ng sulat si Lelet na hindi siya pinalad na makasama sa mga magiging scholar sa susunod na pasukan. Sagutin ang mga tanong: 1. Kung ikaw ang batang nasa sitwasyon na iyong pinili, paano mo maipakikita ang pagkakaroon ng pag-asa? 2. Paano mo masasabi na mahalaga ang pagkakaroon ng pag-asa? B. Bumuo ng limang pangkat. Pagmasdan ang bawat bata na nasa larawan at suriin ang kanilang sinasabi. Pagkatapos ay sagutin ang mga tanong na nasa ibaba ng mga larawan. Isulat ang napagkasunduang sagot ng inyong grupo sa isang malinis na papel na ilalathala ng lider ng bawat grupo. Mga tanong: • Sa inyong palagay, ano ang minimithi ng bawat bata sa larawan? • Ano rin kaya ang kanilang gagawin upang magkaroon ng katuparan ang kanilang minimithi? Paano natin mailalarawan ang salitang pag-asa? Pumili ka ng isa mula sa mga mungkahing gawain sa ibaba at gawin ito. 1. Kung ang pag-asa ay isang lutuin, gumawa ng recipe para dito. Isipin mo ang mga kakailanganin upang ang isang tao ay magkaroon ng pag-asa. Halimbawa, lakas ng loob. Ilang kutsara nito ang kakailanganin? Bigyan ito ng pamagat na “Recipe ng Pag-asa.” 2. Gumawa ng maze o mapa tungkol sa pag-asa. Kung ang pag-asa ay isang lugar, ano-ano ang madaraanan mo upang marating ang lugar na ito? Ano-ano din ang mga bagay na dapat mong baunin o dalhin sa iyong paglalakbay? Tandaan Natin Mahalagang magkaroon ng pag-asa (hope) ang bawat batang tulad mo. Gayunpaman, hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng pag-asa. Kailangan mong magsumikap at gawin ang kinakailangan upang makamit ang iyong minimithi. Pag-asa ang siyang nagiging gabay natin sa pagbuo ng ating mga pangarap at pagsusumikap na makamit ito. Kung minsan ay hindi nangyayari ang ating inaasahan ngunit hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Nararapat lamang na tanggapin mo ito nang maluwag sa puso. Kung minsan naman may mga bagay na gusto mong mangyari pero hindi agad natutupad. Dahil ikaw ay nananalig, nagtitiwala, at nagdarasal sa Diyos, unti-unti mo itong makakamit at matutupad. Lalo na kung ito ay para sa ikabubuti ng lahat. Mahal ka ng Diyos at masaya Siya kapag nakita ka Niya na masaya o maligaya. Patuloy kang manalangin sa Diyos. Sabihin mo sa Kaniya ang nadarama ng iyong puso. Huwag kang mawawalan ng pag-asa. Kung hindi man matupad ang iyong minimithi, may inilaan Siyang higit na makabubuti para sa iyo. Isabuhay Natin Gawain 1 1. Bago ka matulog ay itala mo sa iyong kuwaderno kung paano mo hinarap ang isang pagsubok gaya ng hindi pagpasa sa pagsusulit, hindi napiling lumahok sa isang paligsahan at iba pa. 2. Ipaliwanag mo kung paano naging mahalaga ang pagkakaroon ng pag-asa sa pagkakataong iyon. 3. Ibahagi mo ito sa iyong mga kamag-aral sa susunod na araw.