TUESDAY, MAY 30, 2006 Kulturang Popular, Buhay at Karanasan (Vol 1 Intro) Introduksyon sa Serye ng Libro: Kulturang Popular, Buhay at Karanasan sa Pang-araw-araw Mula Pagbangon Hanggang Pagtulog (unang serye, para sa Vol. 1) Mula sa ating paggising at pagtulog, ang substansya ng kulturang popular ang siyang gumigiya sa ating buhay-paghinga, pagtibok ng pulso’t puso, pagtunaw ng pagkain at pagkagutom, pagkaantok at pagkasigla, pagtawa at pag-iyak. May malaking pagtataya ang kulturang popular sa ating katawan bilang behikulo para masulong ang pagdanas sa lipunan, kasaysayan at (post)modernisasyon. Hindi nga ba’t ang ating katawan ang siyang sintomas at manifestasyon ng pagkalalim na tagos ng malaganapang kulturang popular sa ating buhay? Pero higit pa sa biolohikal na oberdeterminasyon ng kulturang popular sa ating katawan, may mas malalim na sugal ang kulturang popular sa pagsubstansya—paghubog at pagpapalaman, o pagpapalawak at pagpapalalim—sa ating kamalayan. Makakapasok ba tayo sa mall nang hindi man lamang naaambunan, basang-basa pa sa karanasan sa mga produkto ng kulturang popular? Makakaalis ba tayo sa ating bahay na hindi nakakapagpahid ng isang daan at isang produkto sa ating katawan? Bakit tila tayo kulang kapag nakalimutan natin ang ating cellphone? Hindi ba’t nabuhay naman tayo na wala ito sa nakaraan? Bakit hindi tayo mabuhay sa hinaharap—o isang araw man lamang—na walay sa teknolohiyang ito? Bakit para tayong nanghihina kapag hindi tayo nakainom ng ating pang-araw-araw na adiksyon sa bitamina at energy drink? Bakit tayo conscious kapag nakaligtaan nating magdeodorant, na kahit hindi naman tayo pagpapawisan ay tila automatiko ang panunumbalik ng putok sa katawan? Bakit tayo tila nasa loob ng pelikula kapag conscious tayong pinapanood tayo at nagugustuhan natin ito? Bakit iba ang ating pagkatao kapag magkakasama ang kabarkada at kaopisina natin (sa pagkakataong nasa labas tayo ng opisina) kaysa sa pang-araw-araw na kasama natin ang ating kapamilya? Bakit tila nadanas na rin natin ang mga nadaranas ng mga karakter na pinapanood natin sa telebisyon at pelikula? Bakit nasaulo natin ang mga kantang sinusuka natin? Bakit hindi na natin ibig ang mga kantang bigla na lamang nagustuhan din ng mga jologs? Bakit sumasagi sa isip natin ang pagpapakamatay at pumatay? Bakit tayo nananaginip ng gising? Bakit hindi tayo makatulog nang hindi nagpapahid—na naman—ng isang daan at isang produkto sa ating katawan? Ang kulturang popular ay may kapangyarihang lumikha ng kulang at sobra sa atin. Sa paratihan, ipinamumukha nito ang ating kasalatan sa ideal na ginawang masibong pamantayan ng panggitnang uri na pamumuhay. Panggitnang uri ang pamantayan ng kulturang popular dahil ito ang nililikhang ideal na imahen na maaring makamit ng mayoryang nananatiling mahirap sa bansa. Ang pagsna-snatch o hold-up ng cellphone, halimbawa, ay maaring tignan bilang paghihiganti ng masa sa inaakala nilang normal na bahagi ng (middle-class na) buhay. Ang kulturang popular ang nagbibigay ng normative function sa mga produkto, na tila kinakailangan ito ng mga tao hindi lamang para mapabuti ang buhay, kundi mismo, para mabuhay. Ang panggitnang uri din ang pamantayang maaring bumaba ang nakakataas na uri. Masyado namang malungkot ang buhay kung iilan lang silang nagkukuwentuhan ng bagong Louis Vitton bag o Channel na pabango. Tila mula CK at Bench hanggang Axe ang nagiging kolektibong amoy ng nagnanais makaangat sa nakararami. Ang kulturang popular ay ang kultura ng panggitnang uri at para sa marami, mayroon itong kaakibat na dilemma ng naturang uri—parating nakakasapat lamang ang kita, madalas kulang pa nga na magbibigay sa gitnang uri ng afinidad sa uring anakpawis (working class) pero sa taas ng kanyang aspirasyon at pangarap sa buhay, ang kanyang identifikasyon naman ay tungo sa pribilihiyadong uri. Ito ang bind ng kultura ng panggitnang uri— dahil wala siyang nakakasapat na materyal na batayan para makamit ang kanyang pangarap, paratihan lamang inilulugar niya ang kanyang sarili sa pasakit para sa pangako ng temporal na kasiyahan. Nabubuhay ang panggitnang uri para sa posibilidad na makamit ang pangako ng pag-angat, ng pag-igpaw sa kanyang mismong uri. At sa kolektibong aspirasyon na ito, tanging si Cinderella (one-in-a-million) ang makakamit ng pangarap na makaahon sa kinasasadlakang kumunoy ng lipunan. Tunay tayong mababaliw sa kaligayahan kapag tayo ang nanalo sa Who Wants to be a Millionaire, Game ka na ba? o Weakest Link. Pero masaya na tayo sa panonood ng iba—yung mismong contestant—at sa posibilidad ng pag-ahon ng isa sa ating uri. Ang kulturang popular ay hindi libre. Ito ay isang karanasan na tanging ang may kapasidad bumili at magbayad ang makakadanas. Sa nakararami, ang pagdanas ay nagaganap lamang sa kanilang kamalayan. Sa sobrang gusto nila itong maranasan—ang bagong amoy, bagong modelo ng Nokia, bagong skin whitener, bagong jeans, bagong buhay—ay mas nadanas pa nila ito. Paulit-ulit itong umaalingawngaw, sumasalat, namumutiktik, nakikinita, nalalasahan--paulit-ulit na nila itong nadaranas—sa kanilang utak. Rehersado na ang kanilang pagdanas kahit hindi pa ito aktwal na nadanas. Ang kulang na nga lang ay ang materyal na gratification sa karanasan—na sa akto lamang ng pagbili magkakaroon ng release ang matagal at paulit-ulit nang pagmamaniobra sa karanasan, na sa pang-araw-araw ay nirerepress at ino-oppress naman. Itong akto ng pagbili—na tila minamaliit ng maykaya—ang siyang nagpapaiba sa karanasan sa kulturang popular. Hindi naman lahat ay may kapangyarihan nito, lalo na sa isang lipunang di hamak na mas marami ang mahirap kaysa maykaya. Kaya ang maykaya ay may pasaporte sa mga produkto at arena ng kulturang popular samantalang ang mahirap ay kailangan na lamang makuntento sa posibilidad nito, na kahit papapaano’y sa tanang buhay niya ay makakapag-Jollibee at MacDo siya. At ito naman ay ipinapangalandakang abot-tanaw, abot-kamay na pangarap para sa nakararami. At ito ang karanasan sa malling, isang kakatwang pang-araw-araw na kaganapan sa mga syudad sa bansa. Una, ang malls ang bagong sentro ng publikong buhay. Dito nagaganap ang sosyalisasyon ng mg tao tungo sa panlipunang relasyon (kitaan ng mga kaibigan, book fair, profesyonal na serbisyo, tulad ng dentista, travel agent, dollar exchange, at iba pa). Sa kawalan ng mga parke sa syudad, ito na ang pasyalan, me pera man o wala, maayos lang ang pananamit ay makakapasok pa rin sa loob ng mall. Sinababi na ang mall ay democratizing device sa lipunan—pinagpapantay-pantay nito ang akses ng mga tao sa mabuting (nabibiling) pamumuhay kahit pa ito ay mito lamang. Ang maykaya pa rin ang ideal na konsumeristang mamayan sa lipunan ng mall. Ikalawa, ang malls ang nagpapakita ng produksyon ng magic sa intermittent na yugto ng komodifikasyon—sa gitna ng produksyon at resepsyon ng mga komoditi. Ang pagkapasok sa mga tindahan sa mall ng mga produkto ay dobleng pagtatanggal sa moda ng produksyon nito—una, ang mismong produkto ay maaaninagan ng kawalan ng anumang bahid ng paggawa at aktwal na produksyon (ang mga isda sa sardinas ay hindi makakakitaan kung paano ito pinagsiksikan sa maliit na lata, paano nagkaroon ng sarsa, at nawalan ng daliri ang manggagawa sa pabrika nito); ikalawa, dobleng magical sa pagkadispley nito sa mall bilang lunan na may orihinaryong orkestradong magic na kapaligiran. Hindi nga ba’t mas natutuwa ang mallers dito kaysa sa aktwal na plaza sa kanilang pinanggalingang bayan? Dahil mas kontrolado ang mga marka ng gitnang uri sa mall—air con, kawalan krimen, maayos na pananamit at dekorum sa lahat ng nasa loob nito, kalidad ng serbisyo—ay mas naiibigan ito bilang parang life-choice ng mga tumatangkilik nito kaysa, halimbawa, sa usok at traffic sa labas, delikadong paglalakad sa sidewalk, maduduming pagkain sa kalsada, namamalimos, at iba pa. Ang mall ay espasyo ng posibilidad ng panahon—na kahit hindi lubos na maunlad ang bansa ay may showcase ng posibilidad ng kaunlaran, mga oasis of love sa duhaging bansa, at ang engrandeng posibilidad na hihigit sa lahat—ang porma ng bansa kapag ito ay ganap na maunlad na bansa. Sino ang aayaw na ang buong Kamaynilaan ay maging higanteng mall, tulad ng orkestrasyon para sa luntiang syudad sa Singapore o mga high-tech science na syudad sa Japan, halimbawa? E di magiging one big shopping showcase tayo ng Asia. Pero ang realidad ay hindi mangyayari ito dahil napakaliit ng aktwal na gitnang uri sa bansa. Kaya ang mall ay pribiliheyadong espasyo ng kaunlaran, ng display ng gitnang uring kabuhayan at ng mismong gitnang uring kapangyarihang makabili. At sa naratibo ng shopping spectacle, nagiging korolaryo ang buhay ng mga mababang uri, lalo na ang mga nagtataguyod ng lifestyle sa mall, ang libo-libong subcontracted laborers nito. Nabubura ang moda ng produksyon nila dahil ang mismong kalakaran ng pagtingin sa mall ay tungo sa gentrified na visualisasyon. Tunay na malawak ang sakop sa ating kamalayan ng kulturang popular. Binibigyan tayo ng mga bagong pangangailangan at desire, na dati naman nga ay hindi natin kinailangan. Dahil sa masibo nitong pagpapalaganap—walang takas sa cellphones, halimbawa, sa pang-araw-araw na ads at komersyal ng mga kompanya nito, sa mismong mga taong tumatangkilik nito, sa iba’t ibang larangan ng buhay na ating ginagalawan, tulad ng mall, tiangge, palengke, opisina at skwelahan—walang hindi mababahiran ng kaakibat nitong karanasan: paano ba dinadanas (paano hihinga at mag-iisip) ang karanasang dulot ng ibinebentang produkto? Ano ang transformasyong magaganap sa pagbili nitong produkto? Bakit kulang pa rin kahit na nakabili na? Dahil ba sa may mas magandang brand at modelo? Dahil ba ang bago ay ginagawang luma kaagad sa kulturang popular na kinapapalooban natin? Bakit kulang pa rin kahit na labis na? Sa introduksyong ito, nais kong ipaliwanag ang mga komponent na bumubuo ng kulturang popular at ang paraan ng pagdanas dito. Paano ba natin muling imamapa ang karanasan nang hindi lang natin ito dapat tanggapin bilang nandiyan na, isang given sa ating buhay, na sa ayaw at sa gusto natin ay sapilitan tayong ipinapasabay dahil tila walang ibang siwang para sa kontra-pagkilos at kontra-kamalayan? Paano ba nanormalisa ang ating karanasan sa mall, cellphones at mismong panggitnang uring buhay? Sa muling pagmapa lamang tayo makakakita ng siwang para sa indibidwal at kolektibong pagbabago at transformasyong pangkamalayan at panlipunan. Kung hindi ito, para tayong automatons o robotics, na bawat kable, kalamnan at microchip na bumubuo sa atin, ay mas ginagawa tayong sunod-sunuran kaysa matuklasan natin ang ating historikal na pagkatao. Tulad si Neo sa pelikulang Matrix, kinakailangan nating pumili sa pula at asul na kapsula—para matunghayan natin ang loob ng artiface o manatili sa ating kamangmangan—at matapos, kung pipiliin nating sumulong, ay wala nang muling pagbabalik sa dati. Sundan din natin ang white rabbit… May anim na bahagi ang seryeng ito tungkol sa kulturang popular: Volume 1. Kulturang Mall. Ang mall ay isang media na nagdudulot ng sosyalisasyon tungo sa gawi ng isang transnasyonal na mundo. Paano tayo tinuturuan ng kultura ng mall? Paano ugma ang pagtingin at malling sa transnasyonal na mundo at realidad sa isang di pa lubos na transnasyonal na lipunan? Volume 2. Disaster, Droga at Skin Whitener. Ang mundo ng kulturang popular ay mundo ng politikal. Mayroong nakikinabang sa mga itinuturong kaisipan at kagawian. Ano ang sigalot na dulot ng pagkabagsak ng mga eroplano at sunog sa Ozone? Bakit bigla itong nakakalimutan? Paano tayo lumilikha ng popular na alaala sa kultura ng droga? Bakit gusto nating pumuti? Volume 3. Si Darna, ang Mahal na Birhen ng Penafrancia at si Pepsi Paloma. Mga babae ang imahen ng kulturang popular at mass consumption. Ang ang sinasabi ni Darna hinggil sa paghahanap ng tinig ng kabataang manunulat? Paano magkatulad ang pagsalat sa Birhen ng Penafrancia at ang konsert ng South Border? Paano si Pepsi Paloma naging magandang buhay at lalong naging magandang kamatayan? Volume 4. Ang Bago, Bawal at Kasalukuyan. Kahit pa ang kulturang popular ay dinadambana na para sa lahat, marami pa ring komplex na usapin na kaakibat nito. Kailang nagiging bago ang bago? Ano ang ipinagbabawal sa baliw? Ano ang kasalukuyang sining sa espasyo ng mall at kasaysayan sa komiks? Volume 5. Paghahanap ng Virtual na Identidad. Ang pagtangkilik ang siyang nag-uugnay sa atin. Ito ang dahilan kung bakit tayo nagkakaroon ng identidad, virtual man. Paano hinuhubog ng bida sa pelikula, ng retro fashion at computer games, at ng mall para tayo magkaroon ng virtual na identidad? Ano ang challenge sa pangkulturang gawain sa edad ng globalisasyon? Volume 6. Lalakeng Pin-up, GRO at Macho Dancing. Mahirap maging lalake sa kasalukuyang edad. Kailangan mong maging feminisadong lalake para mapanatili ang pribilihiyadong posisyon sa lipunan. Ano ang sinasabi ng proliferasyon ng lalakeng pin-ups at magazines? Bakit mayroon nang lalakeng GRO? Ano ang ikalawang yugto ng macho dancing sa gay bars? Nais kong pasalamatan ang U.P. Office of the Vice Chancellor for Research and Development para sa pagkaloob ng grant para makumpleto ang mayorya sa sanaysay na ito. Mayorya sa mga sanaysay ay unang kabuuang inilathala sa koleksyong Sa loob at labas ng mall kong sawi/kaliluha’y siyang nangyayaring hari: Ang Pagkatuto at Pagtatanghal ng Kulturang Popular (Quezon City: University of the Philippines Press, 2001). Nagpapasalamat din ako sa National Commission for Culture and the Arts, Henry Sy Professorial Chair, Lily Monteverde Professorial Chair, sa mga organisasyon at indibidwal na naghimok sa akin na pag-isipan ang mga isyu ng kulturang popular na tinalakay sa seryeng ito. Gayundin, pasasalamat din sa aking mga mag-aaral ng mga kurso sa panitikan, pelikula at kulturang popular na siyang tunay na may higit na karanasan sa mga isyu rito, at sa aking mga kaguro sa U.P., Ateneo de Manila at De La Salle University, para sa paghihimok na lalo pang paunlarin ang talakayan hinggil sa kulturang popular. Ang serye ng libro tungkol sa kulturang popular na inilathala ng Anvil Publishing ay bawas sa hayag na teoretikal na diskusyon at organisado batay sa mga tematikong usapin. Tinatangka nitong makaabot sa mas malawak na mambabasa. Malugod kong pinasasalamatan sina Karina Bolasco, Ani Habulan at Leng ng Anvil para sa kanilang suporta sa proyekto. Posted by ROLANDO B. TOLENTINOat 12:56 AM No comments: