FILIPINO Mangha, pagsang-ayon, at galak - iyan ang mga pangunahing reaksyong napukaw sa aking damdamin habang pinanonood ko ang nasabing video. Labis akong namangha sa bawat salita at pananaw ng mga guro ukol sa wikang Filipino sapagkat kakikitaan ang mga iyon ng labis nilang pagmamahal sa ating wika. Hindi ko tuloy mapigilang maisip na sana ay lahat ng Pilipino, katulad nila sa larangan ng pagtataguyod sa ating wika. Dahil kung ganoon nga, tiyak na hindi na mapipigilan ang pag-unlad ng ating bansa. Isa pang nakakuha ng aking atensyon ay ang pahayag ni Ginang Aquino na ang wika ang kaluluwa ng bansa. Nang mamutawi ang mga katagang iyon sa kanyang labi ay hindi ko na talaga naiwasang hindi maantig sapagkat lubhang totoo ito - ang wikang Filipino ang ating pagkakakilanlan. Namangha rin ako sa kung paano tinalakay sa video ang kahalagahan ng wikang Filipino sa buhay ng isang mag-aaral na tulad ko. At sa kanilang pagtalakay dito ay hindi ko na napigilan ang lubos na pagsang-ayon. Tunay na ang wikang Filipino ang magpapakita sa ating mga mag-aaral ng tradisyong ating pinanggalingan gaya ng sinabi ni Ginang Cleto. Ito ang tulay sa pagitan ng mga mamamayan at mga mananaliksik. At sa pamamagitan nito, nalilinang ang ating katauhan.