Aguhon/ Kumpas Diretso lang anak, sa kaliwa, diretso ulit. Hindi ko mabilang kung ilang beses iyang sinabi sa akin ng aking ina noong ako'y masugid niyang tinuturuang maglakad. May mga pagkakataong naihahakbang ko ang aking mga paa sa kung saan ang ituro niya ngunit mas madalas iyong nagpupumilit ang mga itong pumunta sa kung saan. Malinaw pa rin sa aking isipan kung paanong nagkakabanggaan ang aking tuhod dahil sa paekis ekis na paggalaw ng aking mga binti dahil sa hindi ako magkaintindihan kung saan ba ang kanan at ang kaliwa. Buti na lamang kamo at talagang masugid si ina. Pinagpatuloy niya ang paggabay sa aking paglakad hanggang sa nakabisado ko na ang mga turo niya at umaayon na ang galaw ng aking mga paa sa tamang direksyon. Nasanay akong ganoon, na mayroong nagpapatnubay sa aking bawat paghakbang. Ito ang gawin mo, ito ang makabubuti sa iyo. Ito ang tama, magtungo ka rito. Patuloy lamang ako sa paglakad kasabay ng pagtakbo ng orasan. Hanggang dumating ang panahon na humihina na ang mga tinig na gumagabay sa akin. Sa paghina noon, lumalakas naman ang boses ng mundong nagsasabing. Napakalakas na tulad ng umaalingawngaw na huni ng ibong tunog ng iyong alarm clock, marahil ay pinaparating nito na oras na upang ang isipan ko ang mismong umalam kung saan dapat pumunta. Mahirap pala ang tumanda, nagmistula akong isang iskawt na nawalan ng kumpas sa kalagitnaan ng kagubatan. Nang akoy tanungin kung ano ang gustong marating at kung anong landas ang tatahakin ay walang maisagot kundi ang kabilaang pag iling. Pag iling na nagpapahiwatig ng pangingusap na 'hindi ko po alam'. Kapag pala tumanda ka, haharapin mo ang mga ganoong katanungan kung saan kailangan mong suriin ang mapa ng iyong puso at isipan nang sa gayon matukoy mo ang destinasyon na nais mong marating. Kinakailangan ko nang suyurin ang mundo ngunit ang tanging alam ko lamang ay ang kanan at kaliwa. Sapat ba iyon sa ganitong sitwasyon? Sa aking pag iisip isip naalala ko ang dating ginagawa ni ina at nasagot ko ang tanong na ito na 'posible'. Dati, ang mga direksyong namumutawi sa kanyang mga labi ang aking tinatahak, ngayon sinasabi na lamang niya ang napakraming direksyon at ako na ang bahala kung ano ang nais kong tunghin. Sa katunayan ang kanan at kaliwa, timog o hilaga, pala ang pundasyon ng lahat. Ang pagtitimbang sa mga ito ang aking kinakailangan sa madaling sabi, ang dapat kong matutunan ay ang pagdedesisyon. Nakaguhit na nga pala ang mapa ng mga posibilidad at ang kailangan ko na lamang ay alamin kung saan aayon ang aking mga paa. Iyong landas na kapag tinahak ko ay hindi magbubungguan ang aking mga tuhod. Iyong landas na alinsunod sa takbo ng aking isip. Hindi pala ako nawalan ng kumpas bagkus, ngayon pa lamang ako magkakaroon nito, at iyon ay nararapat na gawa ko mismo at sa aking mga kamay naroroon. Ganon pala, darating ang panahon na kailangan mong magdesisyon.