Ilang p WESLEYAN An Autonomous Methodist University Mabini Ext., Cabanatuan City, Nueva Ecija 3100 KOLEHIYO NG MGA SINING AT AGHAM Instruksyong Modyular sa kursong Fili 2- Filipino sa Iba`t Ibang Disiplina MODYUL 1 Aralin 1. FILIPINO BILANG WIKANG PAMBANSA I. Introduksyon May malaki at mahalagang gampanin ang wika sa isang lipunan. Ang iba`t ibang mga gawain sa lipunan ay nagkakaroon ng katuparan at kaganapan dahil sa wika., pasulat man ito o pasalita. Ito ang pangunahing instrumento upang ang mga tao ay magkaunawaan, magkaugnayan at patuloy na makisangkot sa mga gawaing panlipunan. Anumang ideolohiya ang mayroon sila ay madaling naibabahagi o naisasalin dahil sa wika, positibo man ito o negatibo. Walang larangan sa lipunan ang hindi nangangailangan ng wika sapagkat bahagi na ito ng pang-araw-araw na proseso ng buhay ng tao. Hindi mapasusubalian ang papel na ginagampanan ng wika mula sa tahanan, sa paaralan, sa pamayanan at sa pamahalaan. Samakatuwid, nagpapatuloy sa pag-iral ang lipunan dahil sa wika. Wika ang kaluluwa ng isang bansang malaya. Ayon kay Dr. Jose Rizal “ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay daig pa ang malansang isda.” Sino nga ba ang magmamahal sa wika kundi tayo ring mga Pilipino. Mga inaasahang Matutuhan sa Kurso (Learning Outcomes) Sa pagtatapos ng araling ito Inaasahang maisasagawa ng mga mag-aaral mga sumusunod na bunga ng pagkakatuto ( learning outcome) 1. Maipaliwag ang ugnayan ng mga function ng wikang Filipino bilang wikang Pambansa, wika ng bayan at bilang wika ng pananaliksik na nakaugat sa pangangailangan ng sambayanan. 2. Nakapagbibigay ng malalim na pagpapahalaga sa gampanin ng wikang Filipino sa iba`t ibang gawaing panlipunan. Pagtatampok ng Aralin (Overview) Ano ba ang gampanin ng wikang Filipino bilang wikang Pambansa? Ano naman ang role ng wikang Filipino sa ating Lipunan? At gaano kahalaga ang gampanin mg wikang Filipino sa larangan ng Pananaliksik? Ilan lamang ito sa mga tanong na may maraming sagot na di sigurado kung tama o mali. Ito ang mga tanong na tiyakang sasagugutin sa modyul na ito. Halinat basahin ang kabuuan ng modyul na ito upang ganap nyong maunawaan at makilala ang mga gampanin ng wikang Pilipino sa bansa, sa pananaliksik, sa bilang wikang Pambansa. ll. Pagtalakay sa Aralin READ PANUTO: Bago natin simulan ang pagtakay sa paksa. Sagutan muna ninyo ang mga panimulang gawain ibaba. Panimulang Gawiain Blg. 1. 1. Panoorin sa Youtube ang isa sa mga tampok na dokumentaryo na isinagawa ng Investigative Documentaries ng GMA na may pamagat na “ Ang Estado ng Wikang Filipino” a. Siyasatin ito nang Mabuti at itala ang mahahalagang ideya na makukuha mo buhat dito. b. Balikan ang panahon na ikaw ay kasing-edad ng mga batang nasa video. Pareho ba ang inyong karanasan sa wika? Sa iyong palagay, bakiy ganito ang estado ng wikang Filipino. Ibahagi sa talagayan conference. PANUTO: Basahing mabuti ang mga sumusunod na paksa. Itala ang mga mahahalagang impormasyon. At sagutan ang pagtataya sa ibaba. Filipino Bilang Wikang Pambansa Ano ang wikang Pambansa ng mga Pilipino? Tagalog, Pilipino o Filipino? Bakit ba iba-iba ang nagiging sagot sa tanong na ito? Kung sa mga dayuhan ito itatanong ay madali at magaang tanggapin na hindi iisa ang kanilang kasagutan sapagkat hindi naman ito ang kanilang sariling wika at maaaring bahagi ng kanilang interes o kaya`y wikang pinag-aaralan. Subalit kung sa isang Pilipino ito itatanong, ang iba-ibang kasagutan ay tunay na nakapanlulumo. Ikaw alam mob a ang sagot sa tanong na ito? Kilala mo ba ang sarili mo bilang Pilipino? Ano nga ba talaga ang wikang Pambansa ng mga Pilipino? Bakit nga ba nagdudulot ng kalituhan sa maraming Pilipino ang simpleng tanong na ito? Mahalagang muling sipatin ang kasaysayan ng wikang Pambansa upang maging ganap ang pag-unawa rito. Ang pagnanais at pangangailangan na magkaroon ng isang wikang Pambansa ay nagsimula nang magkaroon ng kasarinlan ang Pilipinas mula sa kamay ng mga dayuhang sumakop dito. Ang wikang Pambansa ang nagiging sagisag ng ganap na kalayaan ng bansa at ito ang magsisilbing instrumento upang ang diwa at dila ng mga Pilipino ay lumaya sa kolonyalismo. Ito ang pangarap ng noo`y pangulo ng Pamahalaang Komonwelt na si Manuel L. Quezon kasama ng sambayanan. Ang wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Sa konstitusyon ng 1935, iniatang sa kongreso ang mabigat na pananagutan ng paglinang sa isang pambansang wikang panlahat batay sa isa sa mga katutubong wika. Ang pagkapili sa Tagalog bilang batayan ng wikang Pambansa ay bunga ng mga pag-aaral at masusing pananaliksik ng mga kagawad ng unang Surian ng Wikang Pambansa ( na ngayon ay tinawag na Komisyon ng Wikang Filipino) na hinirang ng Pangulong Quezon sa bisa ng Batas Komonwelt Bilang 184 na pinagtibay noong 1936 alinsunod sa itinadhana ng konstitusyon. Napatunayan nila ang wikang ito ang may pinakamaunlad na kayarian, mekanismo at literature at tinatanggap at ginagamit ng nakararaming Pilipino. Kaya`t sa pamamagitan ng Kautusang Tagapagpaganap ay ipinahayag ni Pangulong Quezon ang Wikang Pambansa ng Pilipinas na Batay sa Tagalog noong 1939. May kahabaan, kaya`t pinaigsi ito sa Wikang Pambansang Pilipino, dakong 1946, at wikang Pilipino , 1951. Noong 1959, ang kalihim ng Edukasyon ay nagbatas na Pilipino ang katawagan gamitin, kahalintulad ng tawag sa Espanyol para sa Espanya, Ingles sa Inglatera at iba pa. Sa Konstitusyon ng 1973, ang pananagutan ng paglinang sa wikang Pambansa ay ipinaubaya rin sa Pambansang Kapulungan, lamang, sa pagkakataong ito, ang pambansang wikang panlahat na kikilalanin sa tawag na “ Filipino” ay inaasahan at minamarapat na mahango sa mga katutubong wika at diyalekto ng bansa. Inisip ng mga tagapagbalangkas ng konstitusyon ng 1973 ang isang pambansang wikang hindi papanig sa anuman o alinmang etniko-linggwistikal na grupo. Ang kaisipang pantay-pantay na pagkatawan sa paglinang ng isang pambansang wika ay hindi matatawaran. Ang panaginip na wikang “Filipino” na itinakda ng Konstitusyon ng 1973 ay isang konseptwal na wika na nanatiling gayon lamang sa loob ng humugit-kumulang sa labintatlong taon(1973-1986)( Abad at Rueda) Filipino Bilang wika ng Bayan Walang ibang wika ang epektibong makapaglalahad at makapasasanay ng tungkol sa kaakuhan ng isang lahi kundi ang sarili nitong wika. Subalit tanungin mo ang ilang Pilipino at mabibigo kang sila`y umayon sa pahayag na ito. Ganito ang kalagayan ng pambansang wika sa sarili niyang bayan. Kinukutya, minamaliit, ikinahihiya. Ayon kay Antonio P. Conteras (2014) “Tunay ngang nakapanlulumo na hanggang sa ngayon ay marami pa tayong pinadaraanang hidwaan at bangayan para manahan ang isang wikang Pambansa sa ating kamalayan at mapapaisip ka lalo kapag malaman mong ang mga pag-aalinlangan ay nakikita lamang sa mga elitistang uri o sa mga uring intelektwal o nagpapakaintelektwal at hindi sa kamalayan ng mga ordinaryong mamamayan…” Bakit nangyayari ang ganito? Dalawa ang maituturing na dahilan ng patuloy na pagaalinlangan sa kakayahan ng Filipino. Una ay ang kaisipang Kolonya, lubos na nabighani ang mga Pilipinong kabilang sa mataas na uri o ang mga tinatawag na elitista sa wikang dayuhan. Nadodominahan ng wikang ingles ang karamihna sa mga institusyong panlipunan sa bansa. Mula sa mga ahensya ng pamahalaan, kalakalan, komunikasyon, midya at Sistemang pang-edukasyon. Mataas ang pagtingin sa wikang Ingles ngunit hindi sa wikang sarili. Hindi naman masam ang matuto ng wikang Ingles bilang pangalawang wika sapagkat ito ang pandaigdigang daluyan ng komunikasyon. Sa pamamagitan nito ay nagkakaroon ng kasangkapan at kapangyarihan ang mga Pilipino sa kanilang pamumuhay at paghahanapbuhay saan mang panig ng mundo sila naroon. Ang masama ay ang magpailalim dito at hayaang sakupin ang kamalayan ng wikang dayuhan at tuluyang talikdan ang sariling kaluluwa at kalinangan. Ikalawa ay ang kaisipang rehiyonal, dahil sa pagiging multilinggwal ng bansa ay sumibol ang kaisipang ito. Nagsimula ito nang maitadhana ang Tagalog bilang batayan ng wikang Pambansa hanggang sa ito ang maging nukleyus ng wikang pambansang Filipino. Sa sitwasyong ito ay masasalamin pa rin ang hayagang pagtanggi sa wikang Filipino ng mga hindi Tagalog sapagkat pinaniniwalaang ito ay Tagalog pa rin na may ibang pangalan. Sa gitna ng mga ito, ano ang papel na ginagampanan ng Filipino sa bansa at sa lipunang Pilipino? May puwang pa ba ang Filipino bilang wika ng bayan? Mainam na muling balikan at sipatin ang mga probisyon pangwika sa mga dati at sa umiiral na konstitusyon ng bansa. Narito ang mga probisyon sa Konstitusyon kaugnay ng wikang opisyal: Konstitusyon ng 1935, artikulo XIII, Seksyon 3: Ang pambansang Asemblea ay gagawa ng mga hakbang tungo sa debelopment at adaptasyon ng isang pangkalahatang pambansang wika na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika. Hanggat walang ibang itinatadhana ang batas, ang Ingles at kastila ay patuloy na mga wikang opisyal. Konstitusyon ng 1973, artikulo XV, Seksyon 3: Ang Saligang Batas na ito ay dapat ipahayag na opisyal sa Ingles at Pilipino at isalin sa bawat dyalektong sinasalita ng mahigit sa limampumng libong taong-bayan, at sa kastila at Arabik. Sakaling may hidwaan, ang tekstong Ingles ang mananaig Ang Pambansang Asemblea ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pormal na pagpapatibay ng panlahat na wikang Pambansa na tatawaging Filipino. Hanggang wala ibang itinatadhana ang batas, ang Ingles at Pilipino ay magpapatuloy na mga wikang opisyal. Konstitusyon ng 1987, Artikulo XIV, Seksyon 6-9: Seksyon 6. Ang wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa batay sa umiiral na mga wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika. Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opsyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon Seksyon 7. Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga`t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles. Ang mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon. Dapat itaguyod nang kusa at opsyonal ang Kastila at Arabik. Maliwanag na makikita sa tatlong konstitusyon na kasama ng wikang Filipino ang Ingles sa pagiging wikang opisyal ng bansa. Dahil sa pagiging wikang opisyal ng Filipino at Ingles, Ito rin ang nagsisilbing wikang panturo sa bansa. Tinatawag na wikang panturo ang opisyal na wikang ginagamit sa pagtuturo sa pormal na edukasyon. Sa pamamagitan ng mga wikang ito ay mahusay at matagumpay na nailalahad ng guro ang mga aralin at maliwanag naman itong nauumawaan at natututuhan ng mga mag-aaral. Ito rin ang wikang ginagamit sa pagsulat ng mga aklat at pagbuo ng iba`t ibang kagamitang panturo. Bukod dito ay ginagamit din ang mga rehiyon na wika sa pagtuturo bilang mga wikang panulong at sa pagpapatupad nga ng Kurikulum ng k to 12 sa bansa ay binigyang-pagpapahalaga ang paggamit ng unang wika bilang wikang panturo sa kindergarten hanggang grade 3. Ito ang tinatawag na Mother Tongue-based Multilingual Education (MTB-MLE) na nakasaad sa Department Order No. 16, s. 2012 ng Department of Education na may kabuuang pamagat na Guidelines on the Implementation on the Mother Tongue Based- Multilingual Education. Bunga ito ng maraming mga pananaliksik at pag-aaral na nagmumungkahi ng paggamit ng unang wika bilang wikang panturo sapagkat sa wikang ito nakapag-iisip nang analitikal at kritikal ang isang mag-aaral. Kung pagninilayang mabuti ay hindi naman dapat na maging isyu at maging sanhi ng hidwaan ang mga usapin kaugnay ng wikang banyaga, wikang rehyunal at wikang Pambansa. Hangga`t batid ng isang Pilipino ang papel at gamit ng mga wikang ito sa kanyang araw-araw na gawaing komunikatibo kailanman ay walang wikang magiging mataas at makapangyarihan kaysa sa isa. Walang wikang magiging magkalaban. Ngunit sa reyalidad ay hindi nga ganito ang nangyayari. Sarado ang isip ng marami lalo na ang mga kabilang sa mataas na antas ng lipunan at maging ang karamihan sa mga nanunungkulan sa pamahalaan. Hanggat may mga Pilipinong naghahayag ng lantarang di pagpabor sa wika ng bayan at nag-aalis ng puwang nito sa lipunan ay tunay ngang bukod tanging ito lamang ang pambansang wikang kailangan pang ipagtanggol at ipaglaban sa sariling bayan. Filipino Bilang Wika ng Akademya`t Pananaliksik Isang malaking hamon sa wikang Filipino gayundin sa mga tagapagtaguyod ng wikang ito ang inilabas na CHED Memo No. 20. Series 2013 na kung saan ay nakalahad na walang asignaturang Filipino sa bagong kurikulum ng CHED subalit sa pagpupunyagi at pakikipaglaban ng mga tagapagtaguyod ng wikang Filipino ay napagtagumpayan ang labang ito. Nagkapit-kamay ang mga propesor mula sa iba`t ibang kolehiyo at Pamantasan sa buong kapuluan kasama ng iba`t ibang samahang pangwika particular na ang Tanggol Wika sa pangunguna ng Pambansang Alagad ng Sining na si Dr. Bienvenido Lumbera sa pagsampa ng kaso sa korte Suprema. Kinatigan ng koerte Suprema ang kasong ito sa pamamagitan ng pag-isyu ng TRO o Temporary Restraining Order noong Abril 21, 2015. Bunga nito ay naglabas ng panibagong memorandum ang CHED. Ito ay ang CHED Memo No. 4, Series of 2018 na siyang dahilan kung bakit may Filipino at Panitikan pa rin sa Kolehiyo ngayon. Sa tagumpay na ito ay lalong dapat itanghal ang kakayahan at kapangyarihan ng wikang Filipino hindi lamang bilang wika ng komunikasyon kundi bilang wika ng akademya at ng mga iskolarling gawain gaya ng pananaliksik. Higit na mararamdaman ang kakanyahan ng wikang pambansa kung gagamitin ito bilang wika ng mga pananaliksik na magtitiyak sa pag-angat ng kamalayan ng mga Pilipinong nasa laylayan sa lipunan. Ang mga pananaliksik na nasa wikang Filipino ang tunay na magbibigay ng pakinabang sa mga mamamayan sapagkat gagap nila kaagad ang kahulugan lalo pa`t ang gagamiting mga pamamaraan at metodo ay iyong angkop sa diwa at kulturang Pilipino. Ang hangaring ito ay maaari ng simulan at bigyan-katuparan ng mga estudyante upang sa kanilang kabataan ay mamulat at Makita na nila ang kabuluhan ng paggamit ng sariling wika tungo sa isang gawaing kapaki-pakinabang. Isa itong mabuting paraan ng paghubog sa kanila upang kanilang malandas ang pagbuo ng maka-Pilipinong pananaliksi na hindi malayo sa kanilang diwa at wika na nakaangla sa pangangailanagan ng mga mamamayang Pilipino. Malaki at makabuluhan ang gampanin ng pananaliksik sa buhay ng lahat ng tao. Ang mga pagbabagong nararanasan at tinatamasa sa kasalukuyan ay bunga ng pananaliksik. Lahat ng mga bagay na tinatangkilik ngayon ng mga tao ay nagkaroon nang higit na kahusayan dahil sa gawaing ito. Bawat larangan sa lipunan ay umuunlad dahil sa pananaliksik. Ang larangan ng medisina ay hindi rin humihinto sa pagtuklas at pananaliksik sa mga gamot at proseso tungo sa pagpapabuti ng kalagayan ng kalusugan ng tao at pagpapagaling sa mga karamdamang nagpapahirap sa mga tao. Patuloy rin ang pananaliksik ng mga Edukador upang higit na mapaghusay ang kurikulum ng edukasyon sa bansa tungo sa paghubog nang higit na responsible at kapaki-pakinabang na mga mamamayan. Gayundin ang pagbuo ng Iba` ibang kagamitang pampagtuturo na magpapadali at magpapabilis sa gawain ng pagtuturo at pagkatuto. Walang larangan ang hindi nagsasaliksik. Lahat ay nagnanais ng progreso kaya naman nagpapatuloy ang gawaing ito. Kaya naman sa kasalukuyang panahon, ang bawat isa lalo na nag mga estudyante ay hinihubog at sinasanay sa gawaing ito upang sila man ay magkaroon ng ambag o kontribusyon sa pagpapabuti ng buhay ng mga tao. Ang mga estudyanteng Pilipino ng Siglo 21 ay hindi lamang nag-aaral ng tungkol sa pananaliksik kundi mga mananaliksik na rin mismo na gumagamit ng maka-Pilipinong teorya at mga metodo. (REFLECT) Repleksyon: Pagplanuhang mabuti kung paano mailalahad sa pamamagitan ng isang Dayagram o larawan ang Filipino bilang wika ng bayan, wikang Pambansa at wika ng pananaliksik. ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ ______________________________________________________________________________ PAGTATAYA SA NATUTUHAN (ASSESSTMENT) (RESPOND) Upang tiyak na ganap mong nauunawaan ang paksang tinalakay, sikaping mong sagutin nang tama ang kasunod na gawain, 1. PAGKILALA: Kilalanin kung ano o sino ang tinutukoy sa sumsunod na aytem. Isulat sa patlang ang iyong sagot.( 10 puntos) ________________1. Ito ay isang instrumentong unti-unting pinaghusay ng mga tao sa matagal na panahon at sa kasalukuyan ay itinuturing na siyang pinakamapananaligang paraan ng pagtuklas, paggamit at pagpapaunlad ng ibayo pang kaalaman. _______________.2. Samahan ng mga guro, propesor at iba pang tagapagtaguyod ng wikang Filipino na kaipaglaban upang mapanatili ang Filipno sa kolehiyo. _______________3. Tumutukoy ito sa paggamit ng mga rehiyonal na wika sa pagtuturo bilang wikang panulong at wikang panturo sa kindergarten hanggang grade 3 sa bansa. _______________4. Kautusang tagapagpaganap na nakapanig sa wikang Ingles at isinulong sa panahon ni pangulong Aroyo. ______________5. Ilang porsyento ang ibinababa ng National Achievement test sa Filipino noong 2012 kung ihahamabing sa resulta noong 2011? ____________6. Dito inihmabing ni Virgilio Almario ang wikang Filipino sa bahaging kanyang panayam sa Investigative Documentaries. ____________7. Ito ang CHED Memo na resulta ng pagkatig ng korte Suprema sa Tanggol wika. ____________8. Ito ang dapat na maging papel ng wikang Filipino ayon kay Virgilio Almario sa kanyang panayam sa Investigative Documentaries. ____________9. Ito ang Resulta ng NAT 2013 sa pagbasa sa Filipino? ____________10. Pinaniniwalaang sa kanya nagmula ang orihinal na konsepto ng wikang Filipino. II. TAMA O MALI: Pusuan ( ) ang pahayag kung ito ay tama at ekisan (X) naman kung mali .( 10 puntos) ___________1. Kay Lope k. Santos nagmula ang ideya na ang magiging wikang Pambansa ng Pilipinas ay dapat na ibatay sa lahat ng umiiral na wika sa bansa. ___________2. Ang batas komonwelt blg 184 ang nagbigay daan sa pagtatatag ng Surian ng wikang Pambansa. ___________3. Nakasaad sa konstitusyon ng 1987 na ang wikang Pambansa ng Pilipinas ay makikilalang Filipino. ___________4. Ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 263 ang nagbigay pahintulot sa pagpapalimbag ng diksyunaryo at balarila ng wikang Pambansa. ___________5. Ang batas Komonwelt Blg. 570 ang nagpahayag ng Tagalog ang siyang magiging batayan ng wikang Pambansa. ___________6. Ayon sa probisyong pangwika ng konstitusyong 1987 ay dapat itaguyod nang kusa at opsyunal ang kastila at arabik. ___________7. Ang pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB_MLE) ay itinadhana ng Department Order No. 16 s. 2012 ng Department of Education. ___________8. Pinaniniwalaan na ang mabagak nap ag-unlad ng literasi ay sanhi ng paggamit ng pangalawang wika sa pagtuturo. __________9. Sa kasaysayan ng wikang Pambansa, ang Filipino ang siyang nagkaroon ng ibang panawag. __________10. Wikang opisyal ang tawag sa wikang itinadhana ng batas upang maging wika sa mga opisyal na komunikasyon ng pamahalaan sa loob at labas ng bansa. BUOD Mahalaga ang pagkakaroon ng wikang Pambansa sa isang bansang malaya. Ang gampanin ng wikang Filipino sa bayan ay ang maibahagi sa mamayan nito ang mga mahahalagang impormasyon na kailangang mabatid ng sambayanan. Sa pamamagitan din ng paggamit ng wikang Filipino sa pananaliksik ay maibabahagi ng mga dalubhasa ang kanilang kagalingan sa bagay bagay na ang makikinabang ay ang mga mamamayang nasa laylayan ng lipunan. Mas mauunawaan at maiintindihan nila ang mag bagay bagay sa bansa. Ang Tagalog, Pilipino at Filipino ay ang ating mga wikang Pambansa sa bawat panahon. Sa kasalukuyan ayon as 1987 konstitusyon Artikulo IV seksyon 6 ang wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino.. Mga Sanggunian Almario, Virgilio S. 2014. Madalas itanong Hinggil sa Wikang Pambansa. Komisyon sa Wikang Filipino. Manila. Angeles, cristina I. 2017, Panadaylahi 1. Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Plipino. Pandya-lahi Publishing House. Muntinlupa City. Antonio, Lilia F. at Ligaya tiamson-Rubin 2003. Sikolohiya ng Wikang Filipino. C&E Publishing , Inc. Quezon City. Conatantino, Pamela C. At Monico M. Atienza (ed) 1996. Mga piling Diskurso sa wika at Lipunan. University of the Philippines Press. Quezon City. Inihanda ni : PROP. EVANGELINE I. AGPOON