Bakit Binabanggit sa Bibliya na 12 ang Tribo ng Israel Samantalang 13 Tribo Talaga Ito? Natatandaan pa ba natin ang 12 anak na lalaki ni Jacob (o nang maglaon ay tinawag na Israel)? Sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, Dan, Neptali, Gad, Aser, Isacar, Zebulon, Jose, at Benjamin. Gayunman, labing-isa sa mga magkakapatid na ito ay may tribong ipinangalan sa kanila, maliban kay Jose. Ang isinama sa pagbilang ng tribo ay ang kanyang mga anak na sina Efraim at Manases Bakit? Noon, ang panganay na anak ay may karapatan sa dalawang bahagi ng ari-ariang naiwan ng ama. Sa 1 Cronica 5:1 ipinapakita na tumanggap si Jose ng dobleng bahagi sa mana bilang panganay matapos mawala ni Ruben ang katayuang ito dahil dinungisan niya ang higaan ng kanyang ama. Kaya naman naging ama siya ng dalawang tribo—ang Efraim at Manases, na ang bawat isa ay itinuring na ulo ng tribo. Kaya kung tutuusin 13 ang bilang ng mga tribo sa Israel. Kung gayon, bakit 12 tribo ang madalas banggitin sa Bibliya? Ito ay sa 2 kadahilanan: 1. Ang unang dahilan ay mababasa sa Bilang 1:49, 50. (Basahin): “Ang tribo lang ni Levi ang hindi mo irerehistro, at huwag mong idagdag ang bilang nila sa ibang mga Israelita. Atasan mo ang mga Levita sa tabernakulo ng Patotoo at sa lahat ng bagay na ginagamit para dito. Bubuhatin nila ang tabernakulo at lahat ng kagamitan nito, at maglilingkod sila roon,at magkakampo sila sa palibot ng tabernakulo.” Nakita natin sa teksto, hindi kasama ang mga Levita sa bilang ng 12 tribo na ang pangunahing atas ay maglingkod sa hukbo. Ano ang atas ng mga lalaki sa tribo ni Levi? Sila ay may pribilehiyo para maglingkod sa tabernakulo ni Jehova at nang maglaon ay sa templo, oo lahat ng gawain may kinalaman sa Dalisay na pagsamba, sa kanila iyon nakaatas. 2. Ang ikalawang dahilan ay binabanggit sa Bilang 18:20-24 na kung babasahin natin, ipinapakita na ang mga Levita ay hindi binigyan ng mana at bahagi sa Lupang Pangako dahil si Jehova ang kanilang bahagi at kanilang mana. Kawawa naman kung iisipin… Saang dako sa Lupang Pangako masusumpungan ang mga Levita? Basahin natin ang Josue 21:41. “Ang lahat ng lunsod ng mga Levita SA LOOB ng lupaing pag-aari ng mga Israelita ay 48 lunsod kasama ang mga pastulan ng mga ito.” Maliwanag, sila ay binigyan ng dako (ito yung 48 lunsod) sa loob ng lupaing pagaari ng mga Israelita. May naaalala po ba tayong hula dito mga kapatid? Hindi ba bina banggit sa Gen 49:7 may kinalaman sa hula ni Jacob bago siya mamatay tungkol sa anak niyang si Levi, na ‘magkakaroon sila ng bahagi sa Jacob, ngunit pangangalatin sila sa Israel.’ At gayon nga ang nangyari gaya ng ating tinalakay. Kaya sa dalawang dahilang ito, karaniwan nang hindi kasama ang tribo ni Levi kapag itinatala ang mga tribo. Naging maliwanag sa atin kung bakit madalas na binibilang na 12 ang mga tribo ng Israel, at hindi 13.—Bilang 1:1-15.