Naisulat sa kasaysayan ng Pilipinas ang EDSA People Power Revolution dahil sa paglapastangan sa mga karapatan ng mamamayang Pilipino. Sa kabila nito, ito ang naging dahilan kung bakit nagkaisa ang mga Pilipino. Ang pagkakaisang ito ang nagpaalis sa diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos. Ito ang nagsilbing palatandaan ng pagbabalik ng kalayaan at demokrasya ng sambayanang Pilipino nang walang bakas ng dugo ang dumanak. Maaaring matitiis ng mga tao ang katiwalian, ngunit ang pag-insulto sa kanilang dignidad ay hindi nila palalampasin. Sa pagkawala noon ng kapangyarihan at karapatan ng mamamayan, naramdaman ng mga Pilipino na ang kanilang dignidad na mismo ang pilit na tinatapakan.