Camp Tinio National High School Camp Tinio, Cabanatuan City Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang Akademik MELC: Nabibigyang-kahulugan ang akademikong pagsulat. CS_FA11/12PB-0a-c-101 Specific LC: Nauunawaan ang kalikasan, layunin at paraan ng pagsulat ng iba’t ibang anyo ng sulating ginagamit sa pag-aaral sa iba’t ibang larangan Topic: Kahulugan, kalikasan, at katangian ng pagsulat ng sulating akademik/ Unang markahan/ikatlong linggo Guro: Ma. Cristina G. Mateo S.Y 2020-2021 Sa nakaraang modyul ay nabatid mo na ang iba’t ibang anyo ng akademikong pagsulat. Ngayon naman, mababatid at maisasaalang-alang mo ang iba’t ibang pamamaraan at paghahanda ng pananaliksik ng sinumang nagsasagawa ng akademikong pagsulat. Mga Dapat na Isaalang-alang sa Paghahanda at Pananaliksik ng Akademikong Pagsulat 1. Katangian ng Mananalilsik/Manunulat 2. Etika at Responsibilidad ng Mananaliksik/Manunulat 3. Pag-iwas sa Plagiarism: Krimen sa Akademikong Pagsulat Mga Dapat na Isaalang-alang sa Paghahanda ng Akademikong Pagsulat 1. Katangian ng Mananaliksik/Manunulat Marapat lamang na angkinin ng kahit sinumang manunulat o mananaliksik ang sumusunod na mga katangian, lalo sa paghahanda ng kritikal na mga dokumento at artikulo: a. Matiyaga – walang katapusan ang paghahanap ng mahahalagang mga datos na makatutulong sa kaniyang sulatin, ito man ay sa lehitimong mga personalidad, institusyon at mga nakalimbag na materyal. b. Sistematiko – may tamang pag-iiskedyul at pagsasaayos ng mga appointment sa kakapanayamin at/o pupuntahang mga lugar. Mahalaga ang tamang pagbabalangkas ng oras sa pananaliksik. c. Maingat – mahigpit na isinasaalang-alang ang balidasyon ng facts o datos ng pananaliksik, kredibilidad ng mga pinaghanguan ng detalye (kung ito ba ay mapagkakatiwalaan at eksperto na sa partikular na larang/disiplina), may pagtitimbang sa mga panig ng pagsisiyasat o walang biased pagdating sa paglalahad ng detalye, higit sa lahat ay ang malinaw na paglalahad ng motibo, kongklusyon, puna, rekomendasyon sa isinagawang pananaliksik. d. Kritikal – hindi lahat ng nakalap na datos ay isinasama sa pananaliksik. Mainam na maging mapanuri ang mananaliksik kung ang nakuhang datos ba ay napapanahon, may relevance o kaugnayan sa kasalukuyang pananaliksik, may kabuluhan sa susunod pang mga mananaliksik, at higit sa lahat mapakikinabangan ng sinumang nag-aaral ng partikular na larang. Hindi lamang basta-basta tumatanggap ng mga datos, manapa’y sinusuri, sinisiyasat, at pinaglilimiang mabuti ang kabuluhan ng mga nakalap na datos. Mahusay siya sa pagaayaw-ayaw ng mga detalye. e. Matapat – walang itinatagong pagkilala sa mga orihinal na ideya mula sa pinaghanguang mga datos. Hindi inaangkin ng manunulat na ang kaniyang mga nakuhang datos ay pagmamayari niya at may iba nang personalidad/institusyon ang nagmamay-ari na nito. 2. Etika at Responsibilidad ng Mananaliksik/Manunulat Sa kahit na anong sitwasyon, marapat lamang na isaalang-alang ng kahit na sinuman ang “kagandahang-asal” at “wastong pag-iral” sa pakikitungo sa kapwa. Ganito rin sa pagsulat at pananaliksik. Narito ang mga etika at responsibilidad ng mananaliksik/manunulat: a. Kilalanin na ang mga ideyang inilagay sa pananaliksik/pagsulat ay hindi nanggaling sa iyo o may orihinal ng nagmamay-ari ng mga ito. b. Huwag basta-basta kumuha ng mga datos ng walang permiso sa mga mapagkakatiwalaang tao/institusyon. Lumiham, tumawag sa telepono o mobile, mag-email at ayusin ang iskedyul bago ang itinakdang panayam. c. Magpokus lamang sa paksa ng interbyu. Iwasang langkapan ng personal at negatibong pagsipat ang mga obserbasyon. d. Pagtiyagaang daanan ang proseso ng pagsulat. Huwag manipulahin ang mga datos at pagsikapang kunin ang mga detalye sa tamang panahon at pagkakataon. e. Huwag na huwag dayain ang mga impormasyon. Masusukat dito ang integridad at kredibilidad ng mismong gumagawa ng pananaliksik. Maging obhetibo sa lahat ng pagkakataon. 3. Pag-iwas sa Plagiarism: Krimen sa Akademikong Pagsulat Isang kalapastanganan sa akademikong pagsulat ang pagkopya ng mga konsepto at ideya, pagsipi ng mga orihinal na gawa nang walang pagkilala at/o paghingi ng pahintulot sa tunay na mga may-akda. Plagiarism ang tawag dito. Paano maiiwasan ang plagiarism? a. Lagi’t lagi, isama ang pangalan ng awtor/institusyon at petsa ng pagkakasulat ng mga dokumento. b. Iwasan ang maya’t mayang pagsipi sa mismong pahayag (verbatim). May iba’t ibang uri ng pagtatala (buod o presi, halaw, mula active patungong passive voice, at marami pang iba). Muli, kilalanin at isama ang pangalan ng awtor at petsa ng pagkakasulat/pagkakalathala ng datos o ideya. Gawain 1 Ilahad mo rin kung paanomo sila mahihikayat na maging responsable sa pagsulat ng pananaliksik at iba pang mahahalagang dokumento? _______________________________________________________________ _______________________________________________________________ _______________________________________________________________ _______________________________________________________________ _______________________________________________________________ TANDAAN: Lagi nating isasaalang-alang na ang epektibong mga sulatin gaya ng pananaliksik at iba pang akademikong pagsulat ay nakasalalay sa magagandang katangian ng mismong manunulat at ang kaniyang malawak na kasanayan sa pagsulat. Huwag ding kaliligtaan na mahalagang salik ang pagsangguni sa mapagkakatiwalaang tao/eksperto/institusyon sa piling mga larang at disiplina, na siyang magsisilbing giya at gabay sa mabisa at episyenteng pagsulat. Mahalagang matutuhan ang mga paghahanda at pananaliksik sa iba’t ibang anyo ng akademikong pagsulat sapagkat: _______________________________________________________________ _______________________________________________________________ _______________________________________________________________ _______________________________________________________________