ANG FILIPINO BILANG WIKANG PANTURO NG KASAYSAYAN NG PILIPINAS O ALINMANG BAHAGI NITO* ni B. R. Rodil Abstrak Tatlumpu’t siyam na taon akong gumamit ng Tagalog at Bisaya sa pagtuturo ng kasaysayan sa loob at sa labas ng klasrum at hanggang ngayon na retirado na ako patuloy ko pa rin itong ginagawa sa iba’t ibang porum sa buong bansa. Anim na mahalagang bagay ang natutunan ko sa karanasang ito. Una, napatunayan ko na hindi kapos sa bokabularyo ang ating mga wika sa larangan ng diskursong intelecktuwal. Pangalawa, mas madaling ituro ang kasaysayan lalo ang kasaysayan ng Pilipinas at Mindanao sa sariling wika, mas nadarama, tumatalab, interactive at buhay, ika nga. Pangatlo, higit na matalino ang mga estudyante kung sariling wika ang ginagamit. Pang-apat, kapansin-pansin na habang nagiging matatas ang mga estudyante sa pagpapahayag ng kanilang dandamin at pag-iisip, lalong tumataas ang kanilang pagtitiwala sa sarili. Panlima, hindi sagwil ang paggamit ng iba’t ibang sariling wika sa klasrum, nagiging tulay pa nga ito para maappreciate ng mga kabataan ang yaman ng iba’t ibang kultura. Panghuli, sa paggamit ng ating sariling wika sa paaralan, at sa ating mga transaksyon sa labas tulad ng pamahalaan at komersyo maipapagpatuloy natin ang pinasimulang pakikibaka ng ating mga ninuno laban sa puwersa ng kolonyalismo. Para po sa isang guro at manunulat ng kasaysayang tulad ko, hindi simpleng bagay ang usapin ng Filipino bilang wikang panturo ng kasaysayan, lalong-lalo na ang kasaysayan ng ating bansa. Masalimuot po at madugo ang naging takbo ng ating kasaysayan at hindi maiiwasang sa pagtalakay ng wikang panturo, maging ito ma'y Ingles o Filipino, maraming iba pang mahahalagang isyu ang sumasabit, isa na rito ang nilalaman. Ang akin pong paksa ay nahahati sa apat na bahagi ayon sa sumusunod: 1) Ang papel ng edukasyon sa pambansang kaunlaran. 2) Ang kahalagahan ng wikang Filipino sa pagtuturo ng kasaysayan ng Pilipinas o alinmang bahagi nito. 3) Ang kahalagahan ng wastong datos ay makabayang pag-unawa sa kasaysayan. * Binigkas sa 1st Philippine Cnference-Workshop on Mother Tongue-Based Multi-Lingual Education, Capitol University, Cagayan de Oro City, February 18-20, 2010. Binagong edisyon ito ng papel sa Seminar-Workshop tungkol sa "Paggamit ng Filipino Bilang Wikang Panturo", 23-25 Pebrero 1989, Mindanao State University-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT), Siyudad ng Iligan. Retiradong Propesor ng Kasaysayan, Departamento ng Kasaysayan, College of Arts & Social Sciences, MSU-IIT; taong 1971 pa nagsimulang gumamit ng Filipino sa pagtuturo ng Kasaysayan; mananaliksik at manunulat ng kasaysayan ng Mindanaw. Email: ompong42@yahoo.com 1 4) Pakinabang sa Filipino bilang wikang panturo sa kasaysayan ng Pilipinas a o alinmang bahagi nito. Ang Papel ng Edukasyon Sa Pambansang Kaunlaran Kung babalikan po natin sumandali ang kasaysayan, lalong-lalo na noong panahon ng Amerikano, kapansin-pansin po na ang edukasyon ay may palagiang papel sa kabuuang pagpaplano. Para po kay Presidente William McKinley ay kailangan ito "to fit the people for the duties of citiazenship and for the ordinary avocations of a civilized community"1 Para po naman kay Heneral Arthur McArthur na ama ni Douglas McArthur at siya noong namumuno sa mga tropang Amerikano at kaharap sa larangan nina Heneral Aguinaldo, ito'y katuwang ng estratehiya militar. Wika niya: I know nothing in the department of administration that can contribute more in behalf of pacification than the immediate institution of a comprehensive system of education, such as recommended by the general superintendent. The matter is so closely allied to the exercise of military force in these islands that in my annual report I treated the matter as a military subject and suggested a rapid extension of education facilities as an exclusively military measure.2 Para po naman kay Koronel Harold Elarth, isa sa mga namuno sa kampanya militar dito sa Mindanaw: The children, however, were proving more suspceptible, and the system of primary schools, already in operation in the larger towns and villages, was now enlarged and extended... The aims and purposes of the American government were more widely disseminated by this method than by any other. With the older generation held in check by armed force and the younger being trained in these schools, civilization and a semblance of law and order began to spread over Moroland.3 Dalawa ang mukha ng edukasyong ipinatupad ng Amerikano dito. Sa isang panig ito ay instrumento para sa paghubog sa isipan ng kabataan tungo sa masunurin at kapakipakinabang na mamamayan. Sa kabilang panig naman, ito ay isang kasangkapang pangmilitar na nakatuon sa pagwasak ng paninindigan ng mga nakikibakang Pilipino laban sa kolonyalismo. 1 H. de la Costa, S.J., Readings in Philippine History (Manila: Bookmark, 1965). P. 252. Mula sa Report of the War Department noong 1901 na nakapaloob sa aklat ni W. Cameron Forbes, The Philippine Islands (Boston and New York: Houghton Mifflin, 1928) Volume I, p. 423. 3 Harold H. Elarth, Ed., The Story of the Philippine Constabulary, 1904-1935(Los Angeles, Calaifornia: Globe Printing Company, 1949) p. 113. 2 2 Sa programang pang-edukasyon ng mga kolonyalistang Amerikano, mahalaga ang papel at hindi maiiwasang usapin ang paggamit ng wikang Ingles. At dito nagsimula ang ating suliraning tinatalakay ngayon. Sa mula't mula pa, ang Ingles ay ipinataw na sa atin. Una ay inirekomenda ito ng Schurman Commision kay Presidente William McKinley noong Enero, 1900, at ito nama'y ipinaloob ng Presidente sa kanyang instruksyon sa Taft o Second Philippine Commission na siyang naatasang magtatag ng gobiyerno sibil noong 1901. Wika pa ni McKinley sa huli: In view of the great number of languages spoken by the different tribes, it is especially important to the prosperity of the islands that a common medium of communication be established, and it is obviously desirable that this medium should be the English language. Especial attention should be at once given to affording full opportunity to all the people of the Islands to acquire the use of the English language.4 At sa report ng Secretary of Public Instruction noong 1914 ay idinetalye and kahalagahan ng Ingles bilang wikang panturo: (1) Linguistic unity is the most important step toward national unity; (2) English means contact with ideals compatible with democratic government; (3) English is the commercial language of the world, especially in the Far East.5 Dahilan sa kahalagahan ng papel ng edukasyon sa kanilang patakarang kolonyal, ang posisyon ng pangulo ng Dapartamento ng Edukasyon ay hindi nila binitiwan o kaya'y hindi ipinagkatiwala sa mga Pilipino hanggang sa huling sandali, o noong 1935 lamang. Ganito rin ang kanilang patakaran sa dalawa pang sensitibong posisyon, ang opisina ng Gobernador Heneral at ang Commander the Philippine Constabulary. At ano naman ang naging resulta ng kanilang patakarang kolonyal sa edukasyon? Hindi na natin kailangan pang maghanap. Sa mga tabi-tabi ay pangkaraniwan na nating maririnig hanggang ngayon ang hinaing ng maraming magulang: "Ano ba naman ang anak kong ito, graduate na ng college ay pautal-utal pa rin kung umingles." "Mabuti pa sa 'yo 'yong batang Amerikano, maliit pa ay mahusay nang mag-Ingles." "Papaano ka anak makakapasa sa interview kung ganyan ang Ingles mo; sayang lang ang ipinagpaaral ko sa 'yo." Kahit na ang ating mga titser ay madalas nating marinig na nagmumura o kaya'y pinagtatawanan ang Ingles ng kanilang mga estudiante. At me dagdag pa mandin na "Napakatanga talaga!" Hindi naman natin sinasabi, pero alam natin na kapag ang isang gradwado ay mahina sa Ingles, at ipinagdidiinan pa natin ito, para na rin nating sinabi na "mahina sa Ingles, pangit ang edukasyon; mahusay sa Ingles, mataas and kalidad ng edukasyon." At eto pa nga. Hanggang ngayo'y kinakailangan pa nating pagdebatehan kung nararapat ba o hindi na gamitin wikang panturo ang Filipino sa mga kursong tulad ng kasaysayan, 4 5 De la Costa, ibid., p. 252. Report of the Philippine Commission, 1914 (Washington: Government Printing Office, 1914) p. 269. 3 Pilosopiya, agham at iba pa. Kapansin-pansin na mismo sa ating panahon ay hindi pa nagkakasundo ang mga namamalakad sa pamahalaan at mga guro kung ano ba talaga ang papel ng edukasyon sa pambansang kaunlaran, at maging sa wikang panturo na dapat gamitin dito. Iba and layunin ng mga kolonyalistang Amerikano dito at hindi na dapat pagtakhan kung ipinilit man nilang ituro ang Ingles at ipagamit na wikang panturo, panggobierno at pangkomeryso. Ang tila naguguluhan ay tayo na mismo. Para sa akin ay sapat ng ebidensya na hanggang ngayo'y pinagdedebatehan pa natin kung dapat ba o hindi na gamiting wikang panturo ang Filipino. Para ano nga ba? Napapansin ba natin na ang mga maunlad na bansa kailanman ay hindi nagtalo tungkol sa bagay na ito? Ang Kahalagahan ng Filipino sa Pagturturo ng Kasaysayan ng Pilipinas o Alinmang Bahagi Nito Noong 1971 pa po ako nagsimulang gumamit ng Filipino sa pagtuturo ng kasaysayan, lalong-lalo na sa kasaysayan ng Pilipinas. Noon po ay damang-dama sa Kamaynilaan ang diwa ng nasyonalismo at ang pag-iingles maging sa loob ng klase, lalong-lalo na sa mga kurso sa kasaysayan, ay kadalasang sinasalubong ng simangot ng mga estudiyante o kaya'y masasakit na salitang tulad "Kolonyal", "Pare, tagasaan ka ba?", "Dayuhan!" o kaya'y tuwirang pagtuya. Marami ang natatawang napapaiyak nang pinagbotohan sa Constitutional Convention o Con-Con kung anong wika ang dapat gamitin sa deliberasyon, kung Ingles ba o Filipino. Nanalo ang Filipino subalit napagkayarian pa rin na Ingles ang magiging wika ng deliberasyon. Nais ko po sanang ikuwento sa inyo ang isang pangkaraniwan ko ng karanasan sa MSUIligan Institute of Technology. Sa pagsisimula po ng bawat semestre sa kursong Kasaysayan ng Pilipinas o kaya'y Kasaysayan ng mga Kapatid nating Moro ay inuusisa ko sila tungkol sa kanilang pagunawa sa kasaysayan. Halimbawa po: What is history?" Ang pangkaraniwang sagot po ng mga estudiante ay: "History is a written record of events past and present". May mangilan-ngilang nagdaragdag ng "and future". Bago po ako magbigay ng anumang komentaryo, tinatanong ko muna sila sa Bisaya o Tagalog. Unsa may buot ipasabot sa kasaysayan? O ano ang ibig sabihin ng kasaysayan? Tuwiran at walang pag-aatubili ang sagot: Kasaysayan! Ano ang ibig sabihin nito, sukli ko naman. Mga panghitabo niadtong unang panahon o mga pangyayari noong unang panahon, wika nila. Wala pa ring pag-aalinlangan. Kung ganoon, dagdag ko naman, ba't sa Ingles meron pa kayong "present" at saka "future"? At eto po ang nakakatuwa sa kanilang paliwanag. Kasi po, wika nila, 'yon ang itinuro ng titser namin. Eh ba't 'yong depinisyon ninyo sa Bisaya at Tagalog ay walang "ngayon" at "bukas"? Sagot po nila: Hindi po puede. Wala pong ganon sa Bisaya o Tagalog. Hindi po ganoon. Basta sinabing kasaysayan, nangyari na. Nagpatuloy po kami. Dagdag ko pang tanong: Bakit may "written record" sa Ingles, samantalang sa Bisaya at Tagalog ay wala? Ipinaliwanag po nila na maraming mga pangyayari sa ating kasaysayan ang hindi nakasulat. Ang mga ito'y pinag-uusapan ng 4 mga matatanda o kaya'y ikinukuwento sa mga kabataan. Wala sa libro ngunit totoong nangyari. Mapapansin po ninyo, kapag wikang katutubo ang ating ginagamit, wala ng maraming paliwanagan pa. Nagkakaintindihan na kaagad. Ngunit kapag Ingles naman, natutuliro ang mga bata, nagmumura ang titser, lalong tumatahimik naman ang mga estudiyante, at kamukat-mukat mo'y nagkakasakit ang titser dahil sa sama ng loob. At pagbalik, dadaanin na lang sa memory at objective exams. Ang mahina ang memory, bagsak; ang mahusay, pasa. Pero natutunan ba nila ang kasaysayan, ang kasaysayan ng sarili nilang bansa o ng kapitbahay nilang Muslim? Pangkaraniwa'y hindi. Ang natutunan nila’y facts and figures, names and places. Pero ang events, and pawis at dugo ng mga pangyayari, ang luha at sakit ng katawan ng mga tauhan ng kasaysayan, ng ating mga mga ninuno, ang kanilang mga motibo, bakit nila kinalaban ang Kastila, bakit nila minura ang mga Kano, halos lahat pong ito'y hindi nadarama ng mga estudiyante sapagkat ang wikang ginagamit ay wikang dayuhan, hindi natural, hindi bukal sa loob, hindi nadarama. Alam po natin sa ating Educational Psychology na ang pinamabisang paraan ng pagkakatuto o pagkakamit ng dunong ay 'yong natural, likas at nadarama. Pero sa kapipilit po natin na mag-Ingles, ano naman po ang nagiging bunga nito? Ang ating mga kabataan po ay mababaw o walang nadaramang pakikiisa o identification sa ating mga ninuno. Atin silang inilalayo sa kanilang ugat o pinagmulan. Pagkatapos ay tatagurian natin silang "tanga". Sa akin pong naging karanasan, ilang beses po akong nag-eksperimento. Sa mga eksamen po sa wikang Ingles, napansin ko na hirap na hirap silang isulat ang gusto nilang sabihin. Mali ang grammar, salat sa bokabularyo at ang lumalabas ay hindi 'yong gusto nilang ipahayag. Pati pag-iisip nila ay nagkakasalabid-salabid. Ngunit kapag Bisaya ang ginamit ng mga Bisaya, at Tagalog naman ng mga Tagalog, o kaya'y halo-halo, maluwag nilang naisusulat ang gusto nilang ipahayag, at hindi sila nagkakaproblema sa grammar. Sa pamamagitan po nito ay nadeskubrihan ko na ang ating kabataan ay hindi isang laksang tanga. Sa ating pagpipilit na mag-Ingles, nakatuwaan na lang po siguro natin na pahirapan ang ating sarili. Huwag po sana tayong magpakamartir. Ang Ingles na lang po sana ang gawin nating martir, hindi ang ating sarili. Ang Kahalagahan ng Wastong Datos at Makabayang Pag-unawa sa Kasaysayan Dahilan po sa ating kolonyal na karanasan, hindi po maiiwasang ang ating kasaysayan ay mabahiran ng kolonyal na pag-iisip at pananaw. Sapagkat unang-una po, ang pinakamalaking bahagi ng mga pangyayari sa ating bansa ay isinulat ng mga banyaga sa wikang banyaga. At samakatuwid and diwang banyaga ay malalim na nakapaloob sa mga ito. Sa atin pong pagsisikap na gawing Pilipino ang ating kasaysayan sa pamamagitan ng paggamit ng Filipino bilang wikang pansulat at wikang panturo, kinakailangan din po at hindi maaaring ihiwalay ang pagsasa-Filipino ng interpretasyon nito. Hindi po ibig 5 sabihin na dapat nating isakripisyo ang kawastuan ng mga datos. Ang nangyari po ay nangyari na at hindi na puedeng baguhin. Nais ko pong bigyang-diin ang bahaging ito ng ating talakayan sa pamamagitan ng isa pang kuwento. Noon pong isang gabi ay naisipan kong basahin ang aklat sa Sibika at Kultura na ginagamit ng ating mga kabataan sa ikatlong baytang ng elementarya.6 At ang aking nabasa ay makapanindig-balahibo. Ang aklat po ay nahahati sa tatlong bahagi: Pambansang Pagkakakilanlan, Pambansang Pagkakaisa at Pambansang Katapatan. Sang-ayon sa mga may akda, ito raw ay inihanda "upang matugunan ang mga pangangailangan ng mag-aaral ayon sa Bagong Kurikulum sa Mababang Paaralan. Nilalayon nito na malinang ang mga kaalaman, paniniwala at pagpapahalaga tungo sa pagkakaroon ng pambansang pagkakakilanlan, pambansang pagkakaisa at pambansang katapatan.7 Naririto po ang ilan sa mga nilalaman nito o nakaligtaang ipalaman dito. Sa ilalim po ng Pambansang Pagkakakilanlan ay binanggit ang mga naninirahan sa iba't ibang rehiyon ng bansa. Sa Rehiyon IX po ay hindi binanggit ang mga Subanen na siyang katutubo ng buong paninsula ng Zamboanga. Sa Rehiyon XI ay sinabing "ang mga naninirahan... ay binubuo ng mga Tagalog, Visaya, Ilokano, Pampango at Muslim".8 Saan po napunta ang labing-isang katutubong tribu ng Mansaka, Mandaya, Manobo, Mangguwangan, Dibabawon, Ata, Bagobo, Tagakaolo, Bla-an, T'boli at Ubo? Wala pong binanggit. Sa Rehiyon XII naman daw ay "mga Muslim ang naninirahan" at "may mga Ilokano at Tagalog ding naninirahan sa ilang pook dito".9 Nasaan ang mga Manobo at Teduray? At tungkol naman sa mga Kristiyano rito, ang kinakailangan lamang ay isang silip sa senso para malaman na karamihan ng mga naninirahan dito ay mga Bisaya. Papaano po tayo, lalong-lalo na ang ating mga kabataan, magkakaroon ng pambansang pagkakakilanlan kung ang mismong naninirahan sa ating bansa ay hindi natin matukoy ng wasto? Sa ilalim po naman ng Pambansang Pagkakaisa ay katakot-takot ang pagkakalat na ginawa ng mga may-akda sa datos ng kasaysayan. Sinasabi sa isang pahina na "Iisa ang ating nakaraan. May isang kasaysayan ang ating bansa." Ito na nga po ang ipinaghihimagsik ng ating mga kapatid na Moro, ng mga katutubo sa Kordilyera at ng mga Lumad sa Mindanaw: naiiba ang kanilang kasaysayan; hindi sila nasakop ng mga Kastila. Maling-mali po ang isinasaad ng dalawang pangungusap. Dili kinahanglan nga isalikway nato ang makasaysayanong agi sa atong mga kaigsuunan aron kita magkahiusa! Hindi na kinakailangang balewalain natin ang ating mga kapatid para lamang tayo magkaisa! Sa pagsasalaysay naman po kung papano nagkaroon ng tao ang ating kapuluan, ginamit ng mga may akda ang "migration theory".10 Unang dumating daw ang mga Negrito, 6 Rosalinda R. Belarde, Eleanor D. Antonio, Emilia L. Banlaygas, Alegria S. Flora at Leonora L. Oriondo, Pilipinas and Bansa Natin [Batayang Aklat sa Sibika at Kultura] 3 (Quezon City: Rex Bookstore, 1988). 7 Ibid., p. iii. 8 Ibid., p. 97. 9 Ibid., p. 101. 10 Ibid., 116-123. 6 sumunod ang mga Indones, at huling dumating ang mga Malay. Matagal na pong ibinabasura ng mga antropolohista ang teoryang ito sapagkat salat ang pundasyon sa realidad. Kung sila naman po ay hindi sumasang-ayon, sana naman ay banggitin nila na ang bagay na ito ay teorya o haka-haka lamang. Binanggit pa mandin na "mayroon ding batas ang ating mga ninuno... Ang Kodigo ni Maragtas at Kodigo ni Kalantiao, ang mga batas na nakasulat."11 Sa isang detalyado at mabusising pananaliksik na isinagawa ni Dr. William Henry Scott,12 binigyang-diin niya na walang ebidensya sa kasaysayan na may mga ganitong isinulat na mga kodigo sa ating kapuluan noong bago pa dumating ang mga Kastila. Ni walang ebidensya na may pinunong nagngangalang Kalantiao na nabuhay noong unang panahon. Ganon din ang kodigo ni Maragtas. Samakatuwid ay mga kuwentong bayan lamang ang mga ito at hindi maituturing na totoong pangyayari sa kasaysayan. Sa iba pang pahina ay tinukoy rin na "hari" si Lapu-lapu at "kaharian" ang kanyang nasasakupan. Gayundin ang kay Raha Soliman: sa isang parapo na may siyam na linya ay apat na beses siyang tinawag na "Haring Soliman".13 Wala pong ganito sa ating kasaysayan at kultura. Idinagdag pa rin nila na "sinakop" ang Pilipinas "ng mga Kastila".14 At sapagkat walang paliwanag na ibinigay, kaagad iisipin ng hindi nakakaalam na mambabasa, lalong-lalo na ang mga kabataan sa ikatlong baytang, na nasakop tayong lahat. Hindi po totoo ito. Matagumpay na nakibaka ang mga katutubo ng Kordilyera at mga kapatid nating Moro sa Mindanao at Sulu. At marami pa rin pong mga Lumad na katutubo ng Mindanao ang matagumpay na nakaiwas sa kolonyalismong Kastila. Tinuran pa rin sa bandang unahan na higit na nakararami ang mga Hapon, "kaya noong 1942 ay nakuha ng mga Hapon ang maynila."15 Totoong ito po ang ikinalat na balita ni Heneral Douglas McArthur. Subalit ayon po sa pananaliksik ni Teodoro Agoncillo tungkol sa ikalawang digmaang pangdaigidig dito sa Pilipinas at inilimbag noong 1965, at maituturing na siyang pinakalamalawak at pinakadetalyadong pag-aaral tungkol sa panahon ng Hapon dito sa ating bansa: Actually, McArthur had between 75,000 and 80,000 men, while Homma at Lingayen had about 45,000.16 At bilang panghuli po, nabanggit pa rin ng mga may-akda: "Sa tulong ng mga Amerikano, ang mga Pilipino ay nagtayo ng mga paaralang pampubliko sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas. Dito sila natutong magsalita, bumasa at sumulat sa English."17 Ginamit po nila ang salitang "tulong" at sa pamamagitan nito, ng isang salita lamang, ay 11 Ibid., p. 124. William Henry Scott, Pre-Hispanic Source Materials for the Study of Philippine History (Quezon City: New Day Publishers, 1984). Revised Edition. Una itong lumabas noong 1968. 13 Ibid., pp. 134-136. 14 Ibid., pp. 134-136. 15 Ibid., p. 197. 16 Teodoro Agoncillo, The Fateful Years: Japan's Adventure in the Philippines, 1941-1945 (Quezon City: R.P. Garcia Publishing Company, 1965) Volume I, p. 109. 17 Belarde et al, ibid., p. 181, 12 7 nabaligtad ang pangyayari sa kasaysayan. Ang mga Amerikanong kolonyalista po ang may gusto na magpunta rito at manatili rito, hindi tayo. Kinailangan nilang magpadala ng 126,468 na mga sundalo, gumastos ng $300 milyon at pumatay ng humigit-kumulang sa 1/6 ng ating populasyon sa Luzon at sa Kabisayaan, at humigit-kumulang sa 20,000 Moro sa Mindanao at Sulu para lamang masunod ang kanilang layuning sakupin ang ating kapuluan. At ginamit nila ang "universal education" upang maiayon ang ating kaisipan sa kanilang kolonyal na layunin. Sila ang may gusto, at sila ang may utos, at sila ang nagsabatas ng Act No. 74 na siyang batayan ng pagkakatatag ng Bureau of Public Instruction. Matay ko man pong isipin, hindi Amerikano ang tumulong sa atin, kundi sila ang ating tinulungan na matupad ang kanilang hangarin dito sa atin. Maging ito po ay maituturing na alanganin pa rin sapagkat ginamitan nila tayo ng armadong lakas. Wala po akong hangad na siraan ang mga may akda ng aklat sa Sibika at Kultura. Ang tanging nangingibabaw po sa aking isipan ay ang epekto ng kanilang mga kamalian sa ating kabataan, lalo pa't ang aking anak ay isa sa mga ito. Kung susundan po natin ang lohika ng mga kamaliang ito, hindi na po ako magtataka sa naging resulta ng isang survey na aking isinagawa sa aking anim na klase sa Kasaysayan ng mga Moro noong pangalawang semestre ng 1983-84. Ang aking mga estudiante na nagmula sa iba't ibang parte ng Mindanaw at Sulu ay halatang naguguluhan. Tinanong ko po sila kung ano ang tingin nila sa mga Amerikanong kolonyalista sa panahong 1898 hanggng 1946. Sa kabuuang 117 estudiante, 34 o 29.06 porsiyento ang sumagot na itinuturing nilang kaaway ang mga ito; 45 o 38.46 porsiyento ang nagsabi na kaibigan, at 38 naman o 32.48 porsiyento ang nagwika na kaaway at kaibigan. Sa madali't salita po, hindi naiintitindihan ng karamihan ang tunay na katangian o buod ng kolonyalismo. At mali pa mandin ang kanilang mga datos. Mapapansin ito sa mga paliwanag na kanilang ibinigay. Naito po ang ilang sa pinaka-komun. "Giluwas kita nila sa kamot sa mga Katsila" o "Iniligtas nila tayo sa kamay ng mga Kastila; "They saved us from the Japanese"; "They gave us formal education through the establishment of free schools"; "Gitabangan kita nila aron mo-develop ang atong nasud"; o "Tinulungan nila tayo upang umunlad ang ating bansa." Dahilan po sa mga pagkakamali sa aklat na nabanggit, ewan ko na lamang kung papaano makakamit, pagdating sa dulo ng aklat, ang mga layuning "malinang ang mga kaalaman, paniniwala at pagpapahalaga tungo sa pagkakaroon ng pambansang pagkakakilanlan, pambansang pagkakaisa at pambansang katapatan". Ang malaking aral po na napulot ko sa librong ito ay hindi sapat na gumamit ng wikang Filipino bilang wikang pansulat at wikang panturo, napakahalaga at hindi maaaring isa-isantabi ang wastong datos at interpretasyon nito. Kung ang isang guro po ng kasaysayan o ng sibika at kultura ay kapwa hindi maingat sa datos at talamak pa sa mentalidad kolonyal, halos imposible po yata na makapagturo ito ng diwang makabansa. Dito ko po naiintindihan kung gaano kahalaga ang mga seminar na tulad ng idinaraons natin ngayon. Dapat ko ring idagdag na makalipas ang sampong taon, tapos na ng kolehiyo ang aking anak, nabalitaan ko na ang kanyang eskwelahan noong elementarya ay ito pa ring aklat na ito sa Sibika at Kultura ang ginagamit. 8 Pakinabang sa Filipino Bilang Wikang Panturo sa Kasaysayan ng Pilipinas o Alinmang Bahagi Nito Ang kasaysayan po ng ating bansa o alinmang bahagi nito ay bunga ng isang mahabang proseso. Kasama sa pag-usbong at pagyabong ng bansang ito ang pagkabuo ng ating pambansang diwa, ng ating pambansang pagkakakilanlan, ng ating pambansang katapatan. Ang lahat ng ito'y nasasalamin sa ating kani-kanyang wika, maging sa pagkukuwento, pagtuturo, pagpapahayag ng galit o pagpapahayag ng pag-ibig o sa pagpapatawa. Ang ating sariling wika ay musika sa ating pandinig, nadarama, tumatalab. Madalas nga'y nagkakaintindihihan na kaagad kahit wala pang sinasabi. Totoong napakaraming wika sa ating bansa at totoo ring kailangan natin ang isang pambansang wika. Kaagad itong ginamit ng mga kolonyalistang Amerikano upang maipatupad ang paggamit ng Ingles, hindi lamang sa paaralan kundi pati na rin sa gobierno at komersyo. At ngayon nga, tayo mismo sa ating pagtatalo ang siya pang nagiging tagapatanggol ng mga katwirang ginamit ng mga Amerikano noong una. Isa na rito ang madalas nating inuulit-ulit sa ating sarili at sa isa't isa na ang wikang Filipino o alinmang wika sa Pilipinas ay hindi pupuedeng gamitin sa akademya. At sa kauulitkauulit, ang argumentong ito'y unti-unting naging aswang na ginagamit nating pantakot sa ating sarili. At ang atin namang ginagamit na tabing o security blanket ay ang wikang Ingles. Sa kabilang panig naman, alam natin sa ating pang-araw-araw na karanasan sa klase na ang ating ginagawang pagpipilit sa Ingles ay paulit-ulit ding tumatalbog, hanggang sa isinusuka na natin ang ating mga estudiante dahilan sa kanilang katangahan. Ipinipilit natin na normal at natural ang paggamit ng Ingles, samantalang ang mismong karanasan natin ang nagsasabing hindi. Maliwanag po sa akin ang magiging pakinabang natin kung Filipino ang gagamitin natin at hindi na pagtatalunan na wikang panturo ng kasaysayan ng ating bansa o alinmang bahagi nito. Gaya po ng nabanggit ko sa abstrak, tatlumpu’t anim na taon na akong gumagamit ng Tagalog at Bisaya o pinaghalong Tagalog, Bisaya at Ingles, sa pagtuturo ng kasaysayan sa loob at sa labas ng klasrum at hanggang ngayon na retirado na ako patuloy ko pa rin itong ginagawa sa iba’t ibang porum sa buong bansa. Anim na mahalagang bagay ang natutunan ko sa mahabang karanasang ito. Una, napatunayan ko na hindi kapos sa bokabularyo ang ating mga wika sa larangan ng diskursong intelektuwal. Sa unang tatlong buwan lamang ang problemang ito. Habang tumatagal, tayo na mismo ang makakadiskubre ng wastong salita. Pangalawa, mas madaling ituro ang kasaysayan lalo ang kasaysayan ng Pilipinas at Mindanao sa sariling wika, mas nadarama, tumatalab, interactive at buhay, ika nga; ito ang ating tulay sa nakalipas. Pangatlo, higit na matalino ang mga estudyante kung sariling wika ang ginagamit; kabisado nila ang kanilang bokabularyo at grammar, at ang natural na takbo ng kanilang pag-iisip ay nahubog sa kanilang sariling wika. Hindi na nila kailangang pagpawisan pa para maipahayag ang laman ng kanilang isip. Pang-apat, kapansin-pansin na habang nagiging matatas ang mga estudyante sa pagpapahayag ng kanilang damdamin 9 at pag-iisip, lalong tumataas ang kanilang pagtitiwala sa sarili. Sa umpisa lamang sila nakakadama ng pag-aalanganin sa dahilang hindi nila ito nakasanayan. Pero oras na makita nila na okay lang sa titser na gamitin ang kanilang wika, para silang gripo na kapag nabuksan, tuloy-tuloy na ang daloy. Panlima, hindi sagwil ang paggamit ng iba’t ibang wikang Filipino sa klasrum, nagiging tulay pa nga ito para ma-appreciate o madama ng mga kabataan ang yaman ng iba’t ibang kultura. Nadidiskubrihan din nila na marami palang pagkakapareho sa kanilang mga wika. Siyempre malaking bagay kung ang mismong titser ay marunong ng iba’t ibang wika; siya kasi ang magsisilbing tulay o tagasalin sa umpisa. Panghuli, malalim pa rin ang pagkakaugat ng puwersa ng kolonyalismo sa ating kaisipan at kamalayan. Sa paggamit ng ating sariling wika sa paaralan, at sa ating mga transaksyon sa labas tulad ng pamahalaan at komersyo maipapagpatuloy natin ang pinasimulang pakikibaka ng ating mga ninuno laban sa puwersa ng kolonyalismo. Kung ginamit ng mga Amerikano ang Ingles upang tayo’y masakop, puede rin nating gamitin ang ating sariling mga wika upang tayo’y lumaya at yumabong bilang bansa. # 8 Enero 2010 10