Pagbuo ng Registri sa Larang ng Ekonomiks: Isang Hakbang Tungo sa Intelektuwalisasyon Tereso S. Tullao, Jr. PhD Pamantasan ng De La Salle – Maynila Pambansang Kongreso 2016 Intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino Agosto 2016 Introduksiyon Sa isang wikang nauunawaan ng mahigit sa 90 porsiyento ng mamamayan ng ating bansa (Gonzalez, 1998), kahit na 35% lamang sa mga pamahayan ang gumagamit nito (Albert, 2013), ang intelektuwalisasyon ng wikang Filipino ay isinasagawa upang mapanatiling buháy ang wika, mapatatag ito at lalo pang mapaunlad. Sa pagbubungkal ng wikang Filipino, kasama na ang intelektuwalisasyon nito, nakapag-aambag ang wika sa ating pagkakilanlan bilang tao, nakapagpapalakas ito sa ating lipunan at naisusulong nito ang ating bansa sa tungo sa malawak na kaunlaran. Bilang isang ekonomistang Filipinong naniniwala sa kakayahan ng ating wika na maging instrumento ng integrasyon ng ating bansa, tumalima ako sa hamong makapag-ambag tungo sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino sa disiplina ng ekonomiks. Ang aking hamak na kontribusyon ay naisagawa sa aking pagtuturo, pananalumpati, pananaliksik, at paglalathala gamit ang wikang Filipino bilang midyum ng komunikasyon sa loob ng halos tatlong dekada. Sa maikling sanaysay na ito ilalahad ko ang mga hamong hinarap sa aking paglalakbay at ibabahagi ang mga resulta ng mga hakbang isinagawa sa daan tungo sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino sa disiplina ng ekonomiks. Apat ang mga pangunahing layuning nais tukuyin ng sanaysay na ito. Una, makapagbigay ng mga makabuluhang dahilan tungo sa intelektuwalisasyon ng Filipino lalo na sa pananaw ekonomiko. 1 Ikalawa, balangkasin ang mga pamamaraan na ginamit sa pagbuo ng registry ng mga termino sa larang ng ekonomiks. Ikatlo, maibahagi ang mga hakbang na isinagawa matapos ang pagbuo ng registry. Ika-apat, ilahad ang mga hamong hinaharap ng pagsulong ng wikang Filipino sa larang ng ekonomiks at makapagbigay ng ilang panukala sa patuloy na intelektuwalisasyon nito. II. Intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino at Integrasyon ng Lipunan Higit pa sa ambag ng wikang Filipino sa ating pagkakilanlan, ito ay susi sa pag-uugnay ng mga mamamayang Filipino. Isa sa mga dahilang iminumungkahi ng ilang siyentistang panlipunan sa mabagal na pagsulong ng lipunan ay ang kahinaan ng integrasyong panloob (Boeke, 1953; Tullao, 1994). Maraming sektor, grupo ng mamamayan at lugar ay hindi magkaka-ugnay batay sa magkakaibang layunin at sari-saring dahilan. Bunga ng mga dibisyong ito, magkakaibang layunin ang tinutukoy ng mga magkakahiwalay na bahagi ng isang lipunan. Sa aspekto ng wika sa ating bansa, ang wikang ginagamit sa komersiyo, politika, edukasyon, kultura at iba pang sektor ng ating lipunan ay ang wikang Ingles na naiiba sa wikang Filipino na nauunawaan ng mas nakararaming Filipino. Sa paggamit ng wikang Ingles mistulang hinihiwalay ang maraming Filipino, na mulat lamang sa wikang Filipino at iba pang wikang lokal, sa mga pangunahing kalakarang panlipunan. Ang pagtanggi sa paggamit ng wikang Filipino ay nakabatay sa mababang antas ng pagiging intelektuwalisado nito kahit ito ay nauunawaan ng nakararaming Filipino. Sa kabilang dako, ang malalim na antas ng pagiging intelektuwalisado ng wikang Ingles ang pangunahing sanhi ng pangingibabaw nito bilang wikang ginagamit at kumokontrol sa mahahalagang sektor ng ating lipunan. Ang paggamit ng dayuhang wika ang isa sa mga dahilan ng mahinang pagbubuo ng ating lipunan. Marami sa ating mga mamamayan sa iba’t ibang sektor at lugar ang hindi nakikinabang sa mga biyaya ng kaalaman sa paggamit ng nangingibabaw na dayuhang wika. Isang panukala ng maraming lider at intelektuwal ng ating bansa na gamitin ang wikang Ingles bilang wikang pamagitan na magbubuo sa 2 ating lipunan. Maraming dahilang pinagbabatayan ang panukalang ito. Una, ang Ingles ay tinatanggap bilang isang intelektuwalisadong wikang malawak ang gamit sa agham, kultura, politika, ekonomiya at iba pang dimensiyon ng isang lipunan. Ikawala, ang Ingles ay ginagamit na sa maraming sektor ng lipunang Filipino sa mahigit na sandaang taon. Ikatlo, ang Ingles ay itinakda ng ating Konstitusyon bilang isa sa mga opisyal na wika ng ating bansa. Ikaapat, hindi lamang may potensiyal na pag-ugnayin ang mga mamamayan sa loob ng bansa, mabisa rin ang wikang Ingles sa eksternal integrasyon dahil ito ay isang wikang internasyonal. Batay sa mga nabanggit na dahilan, marubdob ang pagsusulong ng mga politiko at iskolar ng bayang ito na paunlarin ang pagtuturo ng wikang Ingles upang lalo itong lumaganap at magamit ng lahat ng mga mamamayang Filipino. Ang problema sa panukalang nabanggit ay ang mapanglaw na karanasan natin sa pagpapatupad nito. Sa mahigit na 100 taóng pagkahumaling natin sa wikang Ingles mula pa sa pananakop ng mga Amerikano hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nito nabubuo ang lipunang Filipino dahil malayo ang wikang ito sa kamalayan at karanasan ng mga ordinaryong Filipino. Marami pa rin sa ating mga mamamayan ang hindi nakauunawa at nakapagsasalita nito. Ang pagtataguyod ng edukasyong billinguwal ay isang patunay sa kahinaan ng wikang Ingles na maisulong ang mabisa at makabuluhang edukasyon para sa kabataang Filipino. Kahit na naiuugnay ng wikang Ingles ang maraming Filipino sa ibang bansa, mahina pa rin ito sa integrasyong panloob ng ating lipunan. Bunga nito, ang wikang Ingles ay nagiging instrumentong mapanghiwalay sa maraming sektor lalo ang mga di aral at maralitang Filipino. Ang kabilang panukala ay ang paggamit at pagpapaunlad ng wikang Filipino. Batay sa lumalakas na pagtanggap ng wikang Filipino at lumalaking bahagi ng bansa ay nakauunawa nito, mabigat ang potensyal ng wikang Filipino na maging wikang mapag-ugnay at mapagbuo. Malaking bahagi ng midya lalo na ang radyo at telebisyon ay pinatatakbo sa paggamit ng wikang Filipino kahit mailap pa rin ang mga broadsheet at social media dahil Ingles ang nangingibabaw na wika sa mga midyang nabangit. Samantala, ang mga pelikulang Filipino ay malawak na ring gumagamit ng wikang Filipino sa maraming dekada. Ngunit makitid pa rin ang paggamit ng wikang Filipino sa edukasyon lalo na sa mga kolehiyo at pamantasan. 3 Dahil makitid pa rin ang paggamit ng wikang Filipino sa iba’t ibang larangan at sektor ng lipunang Filipino, kinakailangan ang intelektuwalisasyon nito upang ang potensiyal nitong maging instrumento sa pagbubuo ng ating lipunan ay maisakatuparan. Ayon sa pagtataya ng yumaong Bonifacio Sibayan (1999), isang bantog na Filipino iskolar ng wika, hindi kukulangin sa 100 taon bago maging intelektuwalisado ang wikang Filipino. Isa sa matinding problema sa pagpapatupad nito ay ang pagtanggi ng maraming iskolar, propesor, intelektuwal, at pinuno ng ating bansa sa paggamit ng wikang Filipino sa kanilang disiplina at sektor dahil sila ay mga aral sa wikang Ingles at higit na magaan itong gamitin sa kanilang mga komunikasyon at transaksiyon. III. Intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino at Di Pantay na Impormasyon: Isang Pananaw Ekonomiko Ang ekonomiks ay isang agham panlipunan natutungkol sa paglikha at paggamit ng yaman. Ito rin ay itinuturing isang disiplina tumutukoy sa mekanismo ng alokasyon at isang agham ng pagpili sa paggawa ng mga desisyon. Bakit mahalaga ang wikang Filipino sa paglikha at paggamit ng yaman? Wika ang ginagamit bilang instrumento sa komunikasyon. Sa paglikha at paggamit ng yaman, may wikang ginagamit ang mga aktor sa negosyo at ibang bahagi ng lipunan at ekonomiya sa pagsasagawa ng mga transaksiyon. Kapag ang wikang ginagamit sa mga transaksiyon ay hindi alam ng mga aktor, nagkukulang kundi man nawawalan sila ng sapat na impormasyon upang makagawa ng angkop na desisyon. Bunga ng kakulangan ng sapat na impormasyon, nagdudulot ito ng di optimal na antas sa paglikha at paggamit ng yaman na nauuwi sa mababang antas ng kagalingang panlipunan. Sa ekonomiks, ang ganap na impormasyon ay kinakailangan upang maipatupad ang episyenteng paggamit ng mga yaman. Ang episyenteng paggamit ng yaman ay ang angkop na alokasyon upang matamo ang pinakamataas na antas na kagalingang panlipunan sa harap ng kakapusan ng mga yaman. Kapag ang impormasyon ay hindi ganap o hindi pantay na ipinamamahagi sa lahat ng aktor ng mga transaksiyon, maaaring pagsamantalahan ng mga nakaaangat sa kaalaman ng impormasyon ang mga nagkukulang sa impormasyon. Ang di pantay na distribusyon 4 ng kaalaman ay di lamang dahilan ng maling alokasyon at ekploystasyon nauuwi rin ito sa mababang antas ng kagalingang panlipunan. Upang maunawaan ang ibinubunga ng maling alokasyon, magbigay tayo ng mga halimbawa ng mga resulta ng pagsasamantala at eksplotasyon mula sa di-ganap o di pantay na pamamahagi ng impormasyon. Noong pananakop ng mga Kastila at gayundin sa pananakop ng mga Amerikano, ang mga aral, eskritor lalo na ang mga abogado at iba pang maalam sa wikang Español at Ingles ang namantala sa pamímilí ng mga lupain dahil ang mga kondisyon sa pamímilí ay nakasulat sa Español o Ingles. Ito ang naging batayan ng pagmamay-ari ng malalawak na lupain ng mga aral sa iba’t ibang bayan sa buong kapuluan. Sa larangan ng medisina at parmasyutika, ang mga instruksiyon sa paggamit ng gamot ay nakasulat sa wikang Ingles. Dahil dito, nauuwi ito sa maling paggamit at pag-inom ng gamot dahil hindi sapat ang kaalaman ng mga may sakit sa wikang Ingles. Sa kabilang dako, dahil ang mga doktor natin ay arál sa Ingles, posibleng magkaroon ng maling diagnosis ng sakit kung ang mga pasyenteng hindi nakauunawa sa Ingles ay tinatanong sa wikang dayuhan. Kaya’t marami sa mga duktor ang nag-aaral muli upang maisalin ang mga terminong medikal na malapit sa kamalayan ng mga ordinaryong Filipino. Ito ay ginagawa upang makuha ang tunay na diagnosis sa mga karamdaman ng kanilang pasyente. Sa larangan ng batas, may mga nasasakdal na nahahatulang mabilango dahil hindi nila alam ang kanilang karapatan. Kadalasan, ang mga pagdinig sa kaso ay isinasagawa sa wikang Ingles na dayuhan sa mga maralita at di-arál na nasasakdal. Sa kasalukuyan, ang mga transaksiyon sa mga institusyong pananalapi at pamahalaan na nakasulat sa wikang Ingles ay mistulang isinasantabi ang mga hindi makauunawa sa wikang Ingles. Paano magkakaroon ng pagkakataon ang mga maralita na mabiyayaan ng kasaganaan ng bansa? Dahil dito mahirap ipatupad ang mapagtanggap ng paglaki dahil ang mga nasa hangganan o laylayan ng lipunan ay hindi nakikibahagi sa mga biyaya sa paglikha at paggamit ng yaman bunga ng pangingigbabaw ng wikang Ingles bilang wikang pantransaksiyon. Samakatwid, pangalawang argumento sa pangangailangan ng intelektuwalisasyon ng wikang Filipino ay ang pagtugon sa problema ng 5 di pantay na impormasyon. Kung ang wikang Filipino ay intelektuwalisado, ang mga kundisyon sa paglikha at paggamit ng yaman ay ipinaaalam sa wikang mulat at alam ng lahat. Dahil dito, nagiging susi ito sa integrasyon at mapagtanggap na pagsulong ng ating lipunan dahil ang lahat ay nabibigyan ng pagkakataon sa pagbubungkal ng yaman batay sa impormasyong pantay pantay na ipinamamahagi sa mga mamamayan. Ang pagpapatupad ng intelektuwalisasiyon ng Filipino ay hindi lamang nakabatay sa pag-aaral ng wika ngunit ang higit na mahalaga ayon kay Gonzalez (1998) ay ang paggamit nito lalo na ng mga intelektuwal at mga kumokontol ng mga pangunahing sektor ng ating lipunan. III. Pagbuo ng Registry ng mga Termino sa Ekonomiks Bilang pagtalima sa kundisyon at hamong inilahad ni Gonzalez (1998) nagdesisyon akong gamitin ang wikang Filipino sa aking disiplina. Ang unang ginawa ko ay maghanap ng mga diksiyonaryong Filipino na naglalaman ng mga terminong sa larang ng ekonomiks upang magamit sa aking pagtuturo at pananaliksik. Ang Maugnayin Talasalitaan PangAgham: Ingles-Pilipino (1969) ay nakaakit sa akin. Una, maraming terminong ginagamit sa ekonomiks ang nakapaloob sa obrang ito. Ikalawa, ito ay isinagawa ng mga eksperto sa agham at teknolohiya sa pamumuno ni Gonzalo del Rosario (1969), isang iskolar mula sa Araneta University Foundation at kasapi ng National Academy of Sciences. Kahit na ang talasalitaang nabuo ay may basbas ng institusyong pang-agham at isang seryosong proyekto, hindi ako nakumbinse sa kanilang pagsasalin ng maraming termino sa ekonomiks sa wikang Tagalog. Halimbawa, ang economics ay isinalin na agimatan batay sa matandang salitang Tagalog na agimat na nangangahulugan ng pagtitipid at wastong paggamit. Ang social science ay naging ulnayan at hindi ko alam kung bakit. Narito pa ang ibang salitang kundi man hindi na ginagamit ay mahirap maunawaan: sarilakal (monopoly), baliwasan (trade), pananaid (consumption), untilakal (oligopoly), at marami pang iba. Dagdag pa rito, may ilang pang kakulangan akong napansin sa obra ni del Rosario (1969). Una, ito ay isa lamang pagsasalin ng mga salitang ekonomiks sa wikang Tagalog at walang ibinibigay na 6 kahulugan sa mga salitang isinalin. Ikalawa, ang mga salitang ginamit ay halos walang pangkasalukuyang gamit o currency. Ikatlo, kahit na ang mga salita ay malikhaing isinalin, hindi ito praktikal. Bunga ng mga kakulangang nabanggit, binalak kong palawakin ang talasalitaan at gumawa ng diksiyonaryo sa pamamagitan ng pagbibigay ng kahulugan sa bawat salita. Upang ito ay maging praktikal, hindi lamang binigyan ng kahulugan ang mga salitang isinasalin, bagkus ay gumamit ng mga salitang madaling maunawaan at may pangkasalukuyang gamit. Nagsimula ang aking paglikom ng registry ng mga termino sa ekonomiks noong 1976 sa isang proyektong pananaliksik bilang isang assistant professor ng ekonomiks sa De La Salle University (DLSU). Kasama ang mga estudyanteng sumusulat ng kanilang tesis at matapos ang isang taon ang proyektong pananaliksik ay nakabuo ng halos 400 salita sa ekonomiks na kumakatawan sa pangunahing sangay ng disiplina. Matapos ang mahigit na 12 taon, nakumbensi ko ang Phoenix Publishing House na ilathala ang naunang DLSU bersyon. Nailimbag ang Diskyunaryo sa Ekonomiks: Ingles-Filipino (1990) matapos ang ilang pagbabago at pagsasapanahon ng mga salita. Pinalawak din ang pagpapaliwanag ng mga konsepto, salita, at termino sa wikang Filipino. Noong 2008, nagkaroon ng ikalawang edisyon ang Diksyunaryo sa Ekonomiks: Ingles- Filipino. Lalo pang pinalawak ang naunang edisyon sa pamamagitan ng pagdaragdag ng maraming salita. Ang ikalawang edisyon ay binubuo ng halos 1400 salita na ginagamit sa iba’t ibang bahagi ng disiplina ng ekonomiks. Mula nang sinimulan ko ang proyektong ito, makikita ang pagbabago ng wikang Filipinong aking ginagamit. Ito ay patunay na buhay at nagbabago ang ating wika. May limang pamamaraan ang ginamit sa pagbuo ng diksiyonaryo (Tullao, 2009). 1. Episyenteng pagbaybay ng salitang Ingles sa Filipino Sa harap ng pangingibabaw wikang Ingles sa larangan ng negosyo, komersiyo at ekonomiya, maraming salitang Ingles ang tinatanggap at nauunawaan ng mga ordinaryong Filipino bunga ng paggamit ng mga ito sa iba’t ibang midya ng komunikasyon sa kasalukuyan. Tunog 7 lamang ang magkakahawig sa pagitan ng orihinal at salin na termino ngunit nagkakaiba ang baybay. Episyente ito dahil madaling isalin bunga na rin ng malawak na paggamit ng Ingles sa ating lipunan sa kasalukuyan. Halimbawa, ang interes reyt ay katanggap tanggap na salin para sa interest rate. Samantala, ang supply ay nagiging suplay at demand ay nanatiling demand. Marami pang salitang Ingles ang ginamit ngunit ipinaliwanag sa wikang Filipino. 2. Paggamit ng salitang Español Sa mahigit na 300 taong pananakop ng Espanya sa ating bansa, maraming salitang Español ang nakapaloob na talasalitaang Filipino. Dahil dito, maraming salitang ekonomiko na isinalin sa wikang Español ay ginamit sa diksiyonaryo. Halimbawa, ang globalization ay naging globalisasyon, samantala, ang unemployment ay desempleo, at ang industrialisation ay isinalin na industriyalisasyon. Ganyan din ang nangyayari sa ibang salita tulad ng inflation na ginamit ang salitang Español na implasyon; commerce ay komersiyo, production ay naging produksiyon, distribution ay naging distribusyon at ang transaction ay isinaling transaksiyon. Madali itong maunawaan dahil ang tunog Espanyol ay tinatanggap bilang tunog Filipino. 3. Paggamit ng maugnaying pamamaraan Maraming salita at terminong ginagamit sa ekonomiks na kathang isip na sumasalamin sa mga konsepto at diwang patunggol sa paglikha at paggamit ng yaman. Ginaya ko ang malikhaing pamamaraan ni del Rosario (1969) dahil ang mga salitang Ingles na isinalin ay malikhain ding binuo ng mga dayuhang ekonomista. Halimbawa, ang input ay naging kabuo, samantalang ang output ay nabuo. Maraming salitang ekonomiko ang ginagamit ang panlaping iso na nangangahulugan ng konsepto ng kapantayan. Halimbawa, ang isoquant ay naging pantay dami, samantalang ang iso utility ay isinalin bilang pantay kasiyahan, isoprofit ay pantay tubo at ang isocost ay naging pantay gastos. 4. Angkop na salitang Filipino Kung may angkop na salitang Tagalog na katapat ng mga salitang ekonomiko, ito ay ginagamit bilang salin. Halimbawa, ang sabwatan ay ginamit bilang salin sa collusion, yaman para sa wealth, kita sa income, karalitaan para sa poverty. Mayaman ang wikang Filipino sa mga 8 salitang ginagamit sa mga ordinaryong transaksiyon. Halimbawa, ginamit ko ang salitang utang patungkol sa loan o credit, sangla naman para sa mortgage at pag-iimpok sa savings. Marami sa angkop na salitang Tagalog ay ginamit din sa talasalitaan ni Del Rosario (1969) tulad ng katatagan (stability), kagalingan (welfare), buwis, (tax) halaga (value), gugulin (expenditure) at marami pang iba. 5. Ang konsepto at hindi ang salita ang isinasalin. Sa pamamaraan ng pagsasalin, hindi ang salita ang isinasalin bagkus ay ang konsepto. Nagpapahiwatig ito na ang dapat magsalin ay hindi mga eksperto ng wika ngunit ang mga eksperto sa disiplina. Ito ay akma sa pananaw ni Gonzalez (1998) na ang mga Filipinong intelektuwal sa disiplina ang pagpapaunlad ng wikang Filipino. Kailangan ang kaalaman ng isang eksperto ng disiplina upang malaman ang kahulugan ng mga salita. Ang paggamit ng konsepto ay kinakailangan upang iwasan ang ang katawa-tawang salin tulad halimbawa ng liquid asset bilang tumutulong ari. Ngunit ang angkop na salin ay malasaping yaman. Dahil dito ang indifference curve ay isinalin bilang kurba ng pantay kasiyahan. Ang marginal cost ay karagdagang gastos at hindi laylayang gastos. Maraming termino ang isinalin ayon sa kahulugan ng konsepto tulad ng sweldong handang tanggapin para sa reservation wage; hangganan sa produksiyon bilang salin ng production possibilities frontier, pamimili ng panagot para sa open market operation, balanse ng mga bayaring internasyonal para sa balance of payments, produktibong sangkap para sa factor inputs, pangangapital para sa investment at hilaw na sangkap para sa intermediate inputs. IV. Mula sa Registry Tungo sa Intelektuwalisasyon Matapos ang pagbuo ng registry ginamit ko ang isinaling salita sa diksiyonaryo sa aking pagsusulat, pananaliksik, pagtatalumpati, panayam, at pagtuturo. Marami pa rin kakulangan ang diksiyonaryo ngunit kailangan na itong gamitin dahil sa paggamit lamang nito makikita ang mga kakulangan nito at kung papaano ito maiwawasto. Sa ganitong paggamit at pagwawasto, ang wikang Filipino ay nagiging intelektuwalisado. 9 Kabilang sa sumusunod ang mga obrang naging hamak na ambag ko sa mahabang proseso ng intelektuwalisasyon. a. Pagsusulat ng mga Aklat at Teksbuk 25 Taon Tungo sa Intelektwalisayon ng Filipino (2012) De La Salle Publishing House. Koleksyon ng mga panayam profesoryal na isinulat at binigkas sa wikang Filipino sa loob ng 25 taon. Unawain Natin ang Ekonomiks sa Diwang Filipino (2014, 2003, 1998, 1990) Phoenix Publishing House at SIBS Publishing House. Mula sa mga terminong kinalap sa mga naunang diksiounaryo sa DLSU at Phoenix Publishing House, nakapaglathala ng isang aklat sa mataas na paaralan. Ang aklat ay nasa ika-apat na edisyon at ginagamit sa buong bansa. Ekonomiya, Tao, Mundo at Ekonomistang Guro. (2002) DLSU Press. Koleksyon ng mga sanaysay at kolum mula sa Diyaryo Filipino at Tantiyahan. Ginagamit bilang babasahain sa kurso sa Panimulang Ekonomiks. Mga Prinsipyo sa Ekonomiks, (1996) Phoenix Publishing House. Isang aklat para sa mga mag-aaral sa kolehiyo. May tatlong pangunahing bahagi ito: maykorekonomiks, makro ekonomiks, at ekonomiks ng kaunlaran. Tungo sa Patakarang Industriyal ng Pilipinas (1993). DLSU Press. Isang aklat mula sa mga sanaysay na isinulat tungkol hamon sa industriyalisasyon ng Pilipinas. Hango sa mga sanaysay na isinulat ko nang ako ay bumibisitang profesor sa Institute for Training, ng Minsitri ng Kalakalan at Industriya ng Japan. b. Pagsusulat sa mga Akademikong Journal i. Malay. Marami sa aking mga panayam profesoryal ay unang nalathala sa journal ng DLSU sa araling Filipino. c. Pagsusulat ng kolum sa pahayagan i. Tantiyahan: Diyaryo Filipino ii. Ating Suriin: Pinoy Periodiko d. Midyum na Ginamit sa mga Panayam Profesoryal, Konferensya, Panayam at Pulong 10 i. Halos 30 Panayam Profesoryal ang binigkas at naihain sa apat na dekadang pagtuturo ii. Mahigit sa 100 papel at talumpati sa mga seminars ang binigkas sa wikang Filipino iba’t ibang lugar sa bansa sa loob na apat na dekada e. Midyum na Ginamit sa Pagtuturo. i. Nakagawa ng mga silabus at materyal sa pagtuturo 1. Panimulang Maykro ekonomiks 2. Panimulang Makro ekonomiks 3. Ekonomiks ng Kaunlaran 4. Pandaigdigang Ekonomiks 5. Ekonomiks ng Edukasyon V. Kongklusyon Sa mga guro, profesor at mananaliksik sa ekonomiks na naghahanap hanggang ngayon ng registry ng mga termino sa disiplina sa wikang Filipino, ito ang aking tugon: May diksyunaryo na akong naisulat at marami na rin ang nakapagsulat ng aklat sa ekonomiks sa wikang Filipino. Sa mga nagdududa kung kayang gawin ang mag-ambag tungo sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino sa ekonomiks, ito ang aking sagot sa inyong pangamba. Kung kaya ni Tullao, kaya ng kahit sino. Naghihintay lamang ang registry na gamitin ninyo at palawakin. Hindi lamang ang isang tao ang magpapalawak ng wikang Fillipino. Kailangan ang mga intelektuwal ng bansang ito na mag-usap, hindi lamang sa isang kumprensiya tulad nito ngunit sa iba’t ibang midyum tulad ng mga journal at gamit ang social midya. Puwede tayong gumawa ng mga blog gamit ang wikang Filipino sa pagtalakay sa mga isyung bumabalot sa ekonomiya ng Pilipinas. Hindi nagtatapos ang intelektuwalisayon ng wikang Filipino kay Tullao bagkus ito ay pinasimulan lamang niya. Ito ang hamon ko sa inyo, kung ang aking obra ay napakapayak, palawakin ninyo. Kung hindi ito napapanahon, baguhin ninyo. Kung ito ay kalat, ayusin ninyo. Kung ito ay makitid, palawakin ninyo. Kung ito ay hindi praktikal, gawin ninyong makabuluhan. Hindi ako magagalit sa inyo bagkus ay magpapasalamat pa dahil sa inyong mga kritisismo at tugon sa mga kakulangan ng aking hamak na obra, ang wikang Filipino ay nagiging intelektuwalisado. 11 Hindi ko hangad ang maging tanyag sa aking mga obra, ang tanging layunin ko ay mapaunlad ang wikang Filipino at maging wikang pandiskursyo sa lahat ng disiplina. Wikang magiging tulay sa integrasyon ng ating lipunan at wikang instrumento ng mapagtanggap na pag-unlad ng lahat. Sanggunian Albert, J. (2013) Many Voices, One Nation: The Philippine Languages and Dialects in Figures. http://www.nscb.gov.ph/sexystats/2013/SS20130830_dialects.as p, Retrieved 06 July 2016 Boeke, J. (1953). Economics and Economic Policy of Dual Societies. New York: Institute of Pacific Relations. Del Rosario, G. (1969). Maugnaying Talasalitaang Pang-Agham: InglesPilipino. Manila: New Day Publishers Gonzalez, A. (1998). Language planning in multilingual countries: The case of the Philippineshttp://www.sil.org/asia/ldc/plenary_papers/andrew_g onzales.pdf#search='andrew%20gonzalez%20fsc'. Retrieved 06 Juy 2016 Sibayan, B. (1999) “The Intellectualization of Filipino”, Philippine Linguistic Society Tullao, T. (2009). Pagsasaling-wika sa Ekonomiks at Kalakalan. Salin-Uri: Panimulang Pagmamapa ng mga Larangan ng Pag-aaral ng Pagsasalin sa Filipinas. Ikatlong Sourcebook ng Sangfil. Galileo Zafra. Patnugot.Sanggunian sa Filipino.UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman and National Commission for Culture and the Arts. Tullao, T. (1994). “Integrasyon ng Ekonomiya: Susi sa Kaunlaran.” Malay. Vol. 12 No.2 12 13