Modyul 15: Mga Isyung Moral Tungkol sa Kawalan ng Paggalang sa Katotohanan Bilang tao, inaasahang maging matapat at gawing makabuluhan ang buhay sa abot ng ating pagsisikap na makamit ito. Ito rin ay hakbang tungo sa maayos at mabuting pamumuhay na may pagmamahal sa katotohanan. Ang pagsasabi ng totoo ay mahalaga sa paninindigan ng katotohanan. Ang wala sa isip ay hindi dapat isawika dahil sa ganitong paraan, ang pagsisinungaling o hindi pagkiling sa katotohanan ay magaganap. Ayon kay Sambajon Jr. et al (2011), ang pagsisinungaling ay ang hindi pagkiling at pagsangayon sa katotohanan. Ito ay isang lason na humahadlang sa bukas at kaliwanagan ng isang bagay o sitwasyon na nararapat na mangibabaw sa pagitan ng mga tao sa isang grupo o lipunan. May tatlong uri ng kasinungalingan: ito ay ang Jocose Lie, Officious Lie, at Pernicious Lie. Ang lihim naman ay pagtatago ng mga impormasyon na hindi pa naibubunyag o naisisiwalat. Ito ay pag-angkin ng tao sa tunay na pangyayari o kuwentong kaniyang nalalaman at hindi kailanman maaaring ihayag sa maraming pagkakataon nang walang pahintulot ng taong may-alam dito. May mga uri ng lihim na hindi basta- basta maaaring ihayag: natural secrets, promised secrets at committed or entrusted secrets. Ang Hayag ay kung ang lihim ay ipinangako o kaya ay sinabi ng pasalita o kahit pasulat. Ang Di hayag ay nangyayari kapag walang tiyak na pangakong sinabi ngunit inililihim ng taong may alam dahil sa kaniyang posisyon sa isang kompanya o institusyon. Ang Mental Reservation ay ang maingat na paggamit ng mga salita sa pagpapaliwanag na kung saan ay walang ibinibigay na tiyak na impormasyon sa nakikinig kung may katotohanan nga ito. Ito ay paraan ng paggawa ng kasinungalingan. Ang pagbibigay nang malawak na paliwanag sa maraming anggulo ng mga isyu upang ang nakikinig ay makakuha ng impormasyon sa isang pahayag na walang katotohanan. Ang iba pang mga paraan sa pagtago ng katotohanan ay sa pamamagitan ng pag- iwas (evasion) at paglilihis ng mga maling kaalaman (equivocation). Ang pagsasabi ng totoo ay nagpapahayag sa mas malalim na pag-iisip, pananalita, at pagkilos bilang isang taong nagpapahalaga sa katotohanan. Mula sa matalinong pag-iisip at pagpili, ang pagiging totoo ay solusyon sa mga posibleng hidwaan, mga pagkakaiba-iba sa pananaw, hindi pag-uunawaan, mga sakit ng kalooban at kahihiyan at nakababawas ng pagkakahiwa- hiwalay sa pagitan ng bawat isa tungo sa pagkamit ng kapayapaan at maayos na samahan. Isa sa mga moral na isyu ay ang plagiarism, ito ay isang paglabag sa Intellectual Honesty. Ito ay isyu na may kaugnayan sa pananagutan sa pagpahayag ng katotohanan at katapatan sa mga datos, mga ideya, mga pangungusap, buod at balangkas ng isang akda, programa, himig, at iba pa ngunit hindi kinilala ang pinagmulan bagkus, nabuo lamang dahil sa ilegal na pangongopya. Ito ay maituturing na pagnanakaw at pagsisinungaling dahil inaangkin ang hindi iyo. Intellectual Piracy ang paglabag sa karapatang-ari (copyright infringement) at naipakikita sa paggamit nang walang pahintulot sa mga orihinal na gawa ng isang taong pinoprotektahan ng Law on Copyright mula sa Intellectual Property Code of the Philippines 1987. Ang paglabag ay sa paraan ng pagpaparami, pagpapakalat, pagbabahagi, at panggagaya sa pagbuo ng bagong likha. Ang piracy ay isang uri ng pagnanakaw o paglabag dahil may intensiyon para sa pinansiyal na dahilan. Ang whistleblowing naman ay isang akto o hayagang kilos ng pagsisiwalat mula sa tao na karaniwan ay empleyado ng gobyerno o pribadong organisasyon/korporasyon. Whistleblower naman ang tawag sa taong naging daan ng pagbubunyag o pagsisiwalat ng mga maling asal, hayagang pagsisinungaling, mga immoral o ilegal na gawain na naganap sa loob ng isang samahan o organisasyon. Ang pagpapahayag ng katotohanan ay tunay na mabuti at matuwid na gawain at walang pasubali na isa itong moral na obligasyon ng bawat tao. Ang pagmamahal sa katotohanan o ang pagiging makatotohanan ay dapat maisabuhay at mapagsikapang mapairal sa lahat ng pagkakataon. Dahil sa kawalan ng paghahanap ng katotohanan, ang kasinungalingan ang nangingibabaw. Ito ngayon ang hamon sa bawat tao – maging instrumento tungo sa katotohanan at magsikap na mapanindigan nang may katuwiran ang piniling pasiya at mga pagpapahalaga.