Si Juan Tamad ay kilalang tauhan sa mga kuwentong bayan. Siya ay inilalarawan bilang isang batang may angking katamaran at kahinaan ng isip. Sa isang nayon ay may isang inang simpleng naninirahan sa kubo. Siya ay abala sa mga gawaing bahay, samantalang ang anak niya na si Juan ay walang ibang alam gawin kung hindi ang matulog. Si Juan ay isang batang napakakupad at sobrang tamad, ito ang dahilan kung bakit siya binansagan ng kanyang ina ng “Juan Tamad”. Isang araw, ibig kumain ni Juan ng bunga ng bayabas, ngunit sa halip na pitasin niya ito ay pinili niyang humiga sa ilalim ng puno at hintaying bumagsak ang bunga ng bayabas. Nakita ng isang dalaga ang kanyang ginagawa at sa paglapit ay pinitas niya ang bunga ng bayabas. Siya ay si Maria na kilala bilang si Mariang masipag. Sinabihan niya si Juan na mali ang maging tamad, nang imulat ni Juan ang kaniyang mata ay tunay na humanga siya sa karikitan ni Maria. Kinabukasan ay umakyat ng ligaw si Juan kay Mariang masipag, agad naman siyang kinapanayam ng ina ni Maria at tinanong kung bakit siya ay nakilala bilang “Juan Tamad” kaya’t ibinahagi ni Juan ang mga kadahilanan kung bakit siya tinawag na Juan Tamad. Unang dahilan: Noong siya ay pinagtinda ng kaniyang ina ng puto dahil sa sobrang init ng araw at kapaguran ay pinili niyang mamahinga kaysa magtinda. Habang nagpapahinga ay kinakain ni Juan ang paninda para malaman kung ito ay talagang masarap. Maya-maya ay nakita niya ang dalawang gutom na palaka. Naawa siya sa mga ito kaya pinakain niya ang lahat ng tinda niyang puto. Binitbit niya ang mga palaka sa kanyang pag-uwi sa pag-aakalang hindi siya mapapagalitan ng kaniyang ina. Nagalit ang kaniyang ina sa ginawa niya at pinagbabato siya ng mga kagamitan sa bahay. Ikalawang dahilan: Noong naapektuhan ng pagkalat ng galis at garapata ang kanilang nayon, kabilang ang ina ni Juan. Hirap lumabas ng bahay ang kaniyang ina dahil sa sobrang pangangati, kaya inutusan niya si Juan na magbenta ng palayok sa palengke. Sa hindi inaasahang pangyayari at hatid ng kaantukan, ay nahagip si Juan ng nagbibisikletang si Mariang Masipag. Humingi ng paumanhin si Maria dahil nabasag ang palayok na bitbit ni Juan. Ginawan ni Juan ng paraan ang nabasag na palayok, dinikdik nya ito nang pinong-pino at ibinalot sa dahon. Ibinenta niya ito sa palengke bilang pulbos na panggamot sa pulgas. Binili ito ng mga tao, ngunit nang malamang hindi iyon totoong gamot ay nagalit ang mga tao at dinumog si Juan. Umuwi si Juan na taglay ang maraming sugat. Hinanap ng ina ang napagbentahan sa palayok, ngunit nagsinungaling na naman si Juan kaya’t nagalit lalo ang kaniyang ina. Bilang kaparusahan kay Juan, siya ay pinaluhod sa asin upang magtanda. Pagkatapos nito ay inutusan ng ina si Juan na bumili ng asin upang may magamit sa pagluluto. Sa daan pauwi, natanaw ni Juan ang ilog. Nagdalawang-isip siyang maligo dahil maaaring manakaw ang dala niyang asin. Ngunit naisip niyang ilubog ang asin na malapit sa dalampasigan habang siya ay naliligo. Nang makita niyang natunaw ang asin ay umuwi siyang bitbit ang supot at sinabi sa ina na ito ay nanakaw. Galit nag galit na naman ang kanyang ina. Nagpatulong si Juan sa panliligaw kay Mariang Masipag, taliwas sa kagustuhan ng ina ng dalaga. Isang araw, inutusan ng ina na bumili si Juan ng alimango sa palengke. Nang siya ay nasa tapat na ng bahay si Maria ay inutusan ni Juan ang mga alimango na mauna nang umuwi sa kanilang bahay at sabay sinabing sa pangalawang kanto lumiko ang mga ito at sa pangpitong pinto, doon makikita ang kanilang bahay. Matapos ang pangyayaring iyon, masaya siyang nagpunta sa bahay ni Maria upang umakyat ng ligaw. Nakita si Juan ng ina ni Maria kaya naman pinauwi niya ito sa kadahilanang hinahanap na siya ng kaniyang ina at upang maiwasang mahawa si Maria sa katamaran ni Juan. Nang makauwi si Juan ay hinanap ng ina ang mga pinabiling alimango. Laking gulat ni Juan dahil hindi pa nakarating ang mga alimango. Napaupo sa tabi ang kaniyang ina, lumong-lumo sa nangyari at dala ng katandaan ay sumakit ang puso niya dahil sa paulit-ulit na gawain ng anak. Dahil sa pangyayaring iyon, napagtanto ni Juan na kailangan na niyang magbago. Nakita ni Maria ang buong pagbabago ni Juan. Mas inuuna na ni Juan ang mga importanteng bagay bago ang layaw. Lalong hindi na siya ang dating Juan na walang pagpapahalaga sa oras at sa magulang. Ito ang simula ng kaniyang pagbabago. Sinubok ng mga magulang ni Maria ang katatagan at determinasyon ni Juan. Pinagtrabaho nila ito at matagumpay naman na naisagawa ni Juan ang lahat at palagi na siyang gumagawa ng tama. Naikasal sila ni Mariang Masipag at nang tumagal ay hindi na “Juan Tamad” ang tawag sa kaniya kung hindi “Juan Tama” dahil tama na palagi ang ginagawa niya. Ang katamaran o kawalan ng pagnanais o pag-ayaw sa pagsisikap o pagtatrabaho; pagkabatugan; kakuparan ay likas sa mga Pilipino. Ang katamaran ay masasabi nating kawalan ng kapakinabangan ng isang tao, bukod rito ang katamaran ay hindi paggawa ng isang bagay nang hindi maayos. Ito ay konektado sa pagiging makupad.Ito ay sakit na mahirap mapagaling, sakit na pinaka-natatandaan ngunit hindi minamana. Batay din noong unang panahon sa mga taong nakasasaksi ng mga katamaran ng mga Pilipino. Ang Kahirapan ay hindi bunga ng isang dahilan lamang. May mga nagsasabi na mahirap tayo dahil sa katamaran, may nagsasabi rin na dahil wala tayong sapat na pinag-aralan, mayroong isinisisi iito sa gobyerno. Ang iba naman ay isinisisi sa mahirap na magulang at mayroong mga nag-aakala rin na ito ay kapalarang hindi na natin mapapalitan. Walang silbi ang paghahanap ng masisisisi. Lahat tayo ay responsable sa sarisarili nating buhay. Hindi na natin pwedeng pagbintangan ng katamaran ang lahat ng mahirap, at wala rin tayong karapatan husgahan ang sinuman, kahit pa totoong siya ay tamad. Walang tao ang ipinanganak na tamad, dahil kung sakaling mayroon, wala siya pananagutan sa kalagayan niyang iyon. Dahil iyon ay likas at hindi niya pinili. May pananagutan lamang ang isang tao sa kanyang mga desisyon, hindi sa kaniyang kalikasan o kapansanan. Ang katamaran ay bungang paghubog na tinanggap ng tao mula sa sa kanyang kapaligiran. Hindi niya pinili iyon, nangyari iyon sa kanya. Sa kabilang banda, lahat ay pwedeng mapag-aralan. Anuman ang mali sa nakasanayan natin ay magagawa nating mapalitan ng bagong kasanayan. Ang problema lamang ay kung hindi natin nakikita na may problema tayo. Dito papasok ang pagmamalasakit natin sa isa’t isa. Kailangan natin magtulungan na hanapin ang mga personal na problema na nagpapanatili sa atin sa hindi tamang kalagayan. Unang-una na dito ang pagpapalayaw sa atin ng mga magulang at mga nakatatanda. Inaakala nating may karapatan tayo sa mga tinatanggap natin, at nagiging dahilan ito para maging kampante tayo na ang mga magulang natin ang sumusuporta sa ating mga pinansyal na pangangailangan kahit hanggang sa tayo ay tumanda na. Gastos nila simula kindergarten hanggang huling taon sa kolehiyo. Sila na rin ang bahala sa hanap-buhay natin at kung sakaling nawawalan man tayo ng trabaho. Sa madaling salita, habambuhay tayong alagain ng mga magulang natin. Sa unang tingin, parang ang bait nina Nanay at Tatay kung ganito sila mag bigay ng suporta sa atin, pero hindi ito mabuti. Ito mismo ang isa sa mga dahilan kung bakit mahirap tayong mga Pilipino. Masyadong masipag at mabait sina Nanay at Tatay; ayaw nila problemahin ng mga anak ang tungkol sa mga gastusin sa paaralan, sa bahay, at sa iba pa dahil dapat pagtuunan nila ang kanilang pag-aaral. Yun ang ikalawang dahilan: ang konsepto natin ng pag-aaral dahil dito halos binababalewala ang una at pangmasmatagalan nilang paaralan – ang loob ng tahanan. Dito tayo natutong tumayo, lumakad, magsalita, gummamit ng kubyertos, kumanta, umakyat kung saan-saan, tumakbo, sumigaw, maghilamos, magmumog, maghugas ng kamay, maligo, magsuklay, magbihis, magwalis, maghugas ng pinggan, magligpit ng kama, magmano, gumamit ng po at opo, at halos lahat ng alam natin bilang bata. Nagumpisa lang tayong pumasok sa school para lalong matutong magsulat, magbasa, at magbilang, hinayaan na tayong iwan ang iba pang praktikal na kaalaman. Pangatlong dahilan ay hindi mapagdesisyunan ng mga magulang kung hanggang kalian tayo dapat maturuan tungkol sa mga bagay na “pangmatanda.” Mas madalas, ang interes na ipinapakita ng mga anak sa gawaing “pangmatanda” ay itinuturing na pakikialam, paglalaro, pang-aabala, at kung ano pa man maliban sa natural na kagustuhang matuto at lumago. Ang laging sagot ng mga magulang sa anak ay, “Bata ka pa,” “Paglaki mo, ikaw lahat ang gagawa niyan,” “Huwag na, lalo lang magtatagal,” “Hindi ito laruan,” at iba pa. Maraming beses na mangungulit ang mga bata, pero kapag nagtagal-tagal, mapapagod din sila matanggihan at mapahiya. Lilipas ang panahon at mawawala ang interes nila sa mga hindi nila masubukan. Kapag kailangan na nilang gawin, ayaw na nila. Dahil doon, masasabihan silang tamad at kung ano-ano pa, malungkot man pero ito ang katotohanan. Ayaw magpaabala ng magulang para sa ikatututo ng anak, pagkatapos ay aasa na paglaki nila ay bigla na lang silang magiging interesado at marunong sa mga bagay na kailangan nilang gawin. Kung hindi ay mamarkahan silang tamad, na lalo lang bumubura sa natitira nilang interes na matuto dahil inaakala nilang sila ay mga nilalang na tapos na - hindi pwedeng magbago. Ang resulta nito sa lipunan? Sandamukal na mga tamad at mahihirap, na walang bakas kung bakit sila mahirap at kung bakit sila tamad. Trahedya, hindi ba? Pero hindi pa huli ang lahat. Sa halip na magyabang tayo kung sino ang mas masipag, masikap, o may nararating. Magtulungan tayong tuklasin ang sarili, palakasin ang loob ng isa’t isa, at sama-samang umahon. Isa pa, walang matagumpay na mayabang. Kapag may nakita kang mayabang, gaano man kalaki ang kinikita niya, malalaman mo na malayo pa siya sa totoong tagumpay. Kaya kung tagumpay talaga ang hangad natin, umpisahan nating iwan ang kayabangan at paunlarin ang malasakit sa kapwa. Sa aklat ng mga Kawikaan, ay inilalarawan ang isang taong tamad. Kumakatha siya ng mga hadlang sa sarili niyang isip upang mabigyang-katuwiran ang pagtanggi niyang simulan ang isang proyekto. “Ang daan ng tamad ay tulad ng bakod na matinik na palumpong.” (Kaw 15:19) Ang tingin niya sa kaniyang atas ay isang daan na puno ng matitinik na palumpong na napakahirap daanan. Pagkatapos ay gumagawa siya ng katawa-tawang mga pagdadahilan para sa kaniyang kakuparan na sinasabi: “May leon sa labas! Sa gitna ng mga liwasan ay papaslangin ako!”, anupa’t para bang sa gawain niya ay may naghihintay na panganib na hindi naman talaga umiiral (Kaw 22:13). Kalimitan na ang katamaran ay may kasamang karuwagan, isang pagaatubiling may halong takot (Mat 25:26 tlb sa Rbi8, 2Ti 1:7). Bagaman ang tamad ay pinayuhan at inudyukan na ng iba, pumipikit siya sa kaniyang higaan katulad ng isang pinto sa paikutan nito, kagaya ng isa na hindi makabangon. Napakatamad niya anupa’t hindi niya masubuan ang kaniyang sarili. “Itinatago [niya] ang kaniyang kamay sa mangkok na pampiging; labis siyang nanghihimagod upang ibalik iyon sa kaniyang bibig.” (Kaw 26:14, 15; 19:24) Nangangahulugan lamang ito na bagaman may kakayahan ang isang tao upang gawin ang isang bagay, mas pinili lamang niya ang dumepende sa ibang tao at huwag tumayo sa pamamagitan ng kaniyang dalawang paa, bukod rito ay nililinlang lamang niya ang kaniyang sarili, samakatuwid imbis na pagnilayan ang kaniyang mga kilos bagkus ay iniisip niya sa sarili niyang puso na tama siya. Ang gayong indibidwal ay gumagawa ng mapanlinlang at ‘di- makatotohanang mga pangangatuwiran. Maaring isipin niya na makapipinsala ang trabaho sa kaniyang kalusugan o na siya ay pagod na pagod kaya’t ipinagpapabukas na lamang ang isang gawain. Nadarama niya na sa anumang maliit na bagay ang nagawa niya ay nagawa na niya ang kaniyang bahagi, gaya rin ng iba. Bagaman madaling masasagot ng marunong ang kaniyang sariling paningin, anupa’t nadarama niyang ang mga taong ay mangmang dahil nagpupunyagi sila at sinisikap nilang pasiglahin siya ng gumawa rin sa gayon ー Kaw 26:13-16. Ang taong tamad ay walang “kasiyahan sa sarili” o pagkakontento sa pagkain at pananamit (1Ti 6:6-8). Sa halip ay nagnanasa siya ng mga bagay- bagay na higit pa sa pagkain at pananamit. “Ang tamad ay nagnanasa ngunit ang kaniyang kaluluwa ay wala ni anuman (Kaw 13:4). Wala siyang konsiderasyon sa kaniyang kapwa at handa siyang ipagawa sa iba ang kaniyang gawain, anupa’t hinahayaan pa niyang ibang tao ang maglaan ng mga bagay na inaasam niya ー Kaw 20:4. Bagaman maaring iniisip ng tamad na magsisipag siya sa kalaunan, ang binga ng kaniyang katamaran ay biglang darating sa kaniya at magiging huli na ang lahat, sapagkat siya ay sinasabihan: “Kaunti pang tulog, kaunti pang idlip, kaunti pang paghalukipkip ng mga kamay sa pagkakahiga, at ang iyong karalitaan ay tiyak na darating na tulad ng isang mandarambong, at ang itong kakapusan na tulad ng lalaking nasa sandatahan.”ー Kaw 6:9- 11. Maging sa literal man o sa makasagisag na diwa, ang paglalarawan sa kalagayan ng taong tamad ay totoo: “Dumaan ako sa tabi ng bukid ng taong tamad at sa tabi ng ubasan ng taong salat sa puso. At, narito! Ang lahat ng mga iyon ay tinubuan ng mga panirang-damo. Tinakpan ng mga kuliti ang pinakaibabaw nito, at ang batong pader niyo ay nagiba.” “Dahil sa matinding katamaran ay lumulundo ang biga, at dahil sa pagbababa ng mga kamay ay tumutulo ang bahay.”—Kaw 24:30, 31; Ec 10:18. Ang sinumang umuupa sa taong tamad, o ang sinumang kinakatawanan niya, ay tiyak na madidismaya, mayayamot, at malulugi, sapagkat “kung paano ang sukà sa mga ngipin at kung paano ang usok sa mga mata, gayon ang taong tamad sa mga nagsusugo sa kaniya.”—Kaw 10:26. Ang katamaran ng makupad ay magdudulot sa kaniya ng kapahamakan sa bandang huli, sapagkat “ang paghahangad ng tamad ang papatay sa kaniya.” Hinahangad niya ang mga bagay na hindi marapat mapasakaniya o mga bagay na mali. Maaari siyang mapahamak kung tatangkain niyang kunin ang mga iyon. Anuman ang kalagayan, ang paghahangad niya kasabay ng katamaran ay naglalayo sa kaniya sa Diyos na siyang Bukal ng buhay.—Kaw 21:25. Ang tamad na Kristiyano ay hindi nililinang ang mga bunga ng espiritu na makapagpapasigla at makapagpapakilos sa kaniya sa katunayan ay nagdudulot ng kapahamakan sa kaniyang sarili (Gaw 18:25). Binibigyang-kasiyahan niya ang mga pagnanasa ng laman. Hindi magtatagal at maaaring lalakad na siya nang walang kaayusan, anupa’t “walang anumang ginagawa kundi nanghihimasok sa mga bagay na walang kinalaman” sa kaniya.—2Te 3:11. Sa sinaunang kongregasyong Kristiyano, isang kaayusan ang itinatag upang mabigyan ng materyal na tulong ang mga nagdarahop, lalo na ang mga babaing balo. Wari ay ang ilan sa mga nakababatang babaeng balo ay nagpahayag ng pagnanais na gamitin ang kanilang kalayaan bilang mga balo upang masigasig na makabahagi sa ministeryong Kristiyano. Maliwanag na ang ilan ay binigyan ng materyal na tulong na ayon sa alituntuni ng bibliya ay, “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho, huwag din naman siyang pakainin.” (2Te 3:10) Ang ulo ng pamilya ay dapat na maglaan para sa kaniyang sambahayan, at ang asawang babae ay hindi dapat kumain ng “tinapay ng katamaran” (Kaw 31:27; 1Ti 5:8). Ngunit sa halip na gamitin nila nang wasto ang kanilang natamong higit na kalayaan at panahon, sila ay naging mga batugan, walang pinagkakaabalahan, at nagsimulang magpalipat-lipat ng mga bahay. Sila ay naging mga tsismosa at mga mapanghimasok sa buhay-buhay ng ibang tao, na nagsasalita ng mga bagay na hindi dapat. Sa dahilang ito, tinagubilinan ng apostol na si Pablo ang tagapangasiwang si Timoteo na huwag ilagay sa talaan ng mga tutulungan ang gayong mga tao kundi hayaan silang mag-asawa at gamitin ang kanilang lakas at mga kakayahan sa pagpapalaki ng mga anak at sa pangangalaga ng isang sambahayan.— 1Ti 5:9-16. Nagpayo ang Kasulatan laban sa katamaran sa pag-aaral gayon rin sa lubos na pagunawa natin sa mga layunin ng Diyos, at sa pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano. Sinaway ng apostol na si Pablo ang ilang ‘di-sumusulong na mga Kristiyanong Hebreo, “Naging mapurol [makupad] kayo sa inyong pakikinig. Sapagkat bagaman dapat nga sanang maging mga guro na kayo dahilan sa panahon, kayo ay muling nangangailangan na may magturo sa inyo mula sa pasimula ng mga panimulang bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos; at kayo ay naging gaya ng nangangailangan ng gatas, hindi ng matigas na pagkain.” (Heb 5:11, 12) Ipinaalaala rin niya: “Huwag magmakupad sa inyong gawain. Maging maningas kayo sa espiritu.”—Ro 12:11. Ayon kay Jesus ay may babangong isang uri ng mga tao na mag-aangking mga lingkod niya ngunit magiging makupad at balakyot, anupa’t hindi sila magsisikap na palaguin ang mga kapakanan ng kanilang Panginoon sa lupa. Sa pagbabalik ng Panginoon, kukunin niya ang mga ipinagkatiwala nito sa kanila at ipatatapon sila sa kadiliman sa labas at hihirangin bilang mga “walang kabuluhang alipin” —Mat 25:18, 24-30.