Iniulat nina: CABAUATAN, Jane Kyla L. REYES, Jorri Venico D. Ipinasa kay: Ms. Vera Nasayao Talambuhay Ni Jose Rizal Ilang daan taon na rin ang nakalipas nang sakupin ng pamahalaang Kastila ang bansang Pilipinas. Mahigit tatlong daang taon ang tiniis ng mga Pilipino sa kamay ng mapanlupig na mananakop. Nagbingibingihan at nagbulag-bulagan ang mga Pilipino sa maling pamamalakad ng pamahalaan at ng simbahan. Mula sa matagal na pagkakahimbing ay umusbong ang pangalan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Protacio Mercado Rizal Alonzo Y Realonda. Isa siya sa mga bayaning nagbuwis ng buhay makamit lamang ang kalayaang matagal nang minimithi. Binaril siya sa Bagumbayan na ngayon ay Luneta noong Disyembre 30, 1896. Dahil sa kanyang pagkamatay, lalong nag-alab ang damdaming makabayan ng mga Pilipino. Sino ang mag-aakalang ang isang sanggol na isinilang noong Hunyo 19, 1861 sa Calamba, Laguna ay siyang hihiranging pambansang bayani. Hindi rin naman kataka-taka sapagkat bata pa lamang si Jose ay kinakitaan na siya ng kakaibang galing at talino. Pinanday ni Teodora Alonzo Y Realonda ang kanyang pampitong anak na si Jose sa kagandahang-asal tulad ng pagdarasal. Hinasa na siyang magbasa ng kanyang butihing ina nang siya ay tatlong taong gulang pa lamang. Naging katuwang din ng kanyang ina ang panganay na anak na si Saturnina sa pagtuturo ng abakada. Naging mabilis naman ang kanyang pagkatuto kaya sa gulang na tatlo ay nabasa na niya ang Bibliya sa kanilang tahanan. Nang si Jose ay tumuntong sa gulang na pito siya ay nakasulat na ng isang dula na binili ng gobernadorcillo ng Paete, Laguna sa halagang dalawang piso. Hindi rin nagpahuli si Jose sa pagsulat ng tula. Sa gulang na walo ay naisulat niya ang tulang “Sa Aking mga Kabata” na tumatalakay sa kahalagahan at pag-ibig sa wika. Pinag-aral siya ng kanyang amang si Don Francisco Mercado Rizal sa Biñan, Laguna sa gulang na siyam na taon. Dahil sa kanyang angking talino ay natutuhan na niyang lahat ang itinuro ng kanyang guro na si Justiniano Aquino Cruz. Habang pinaghahandaan ni Jose ang gagawing pagsusulit sa Maynila sa ilalim ng pagtuturo ni Lucas Padua ay napiit naman ang kanyang ina dahil sa paratang na pagtulong sa paglason ng kapatid na si Jose Alberto sa kanyang kabiyak. Kasabay ng masamang balitang ito ay ang paggarote naman sa tatlong paring martir noong Pebrero 17, 1872. Dahil sa mga pangyayaring ito ay naitanim na sa murang edad ni Jose ang kawalan ng hustisya. Samantala, nakapasa naman si Jose sa pagsusulit sa Mataas na Paaralan ng San Juan de Letran. Subalit bigla na lamang nagbago ang isip ng kanyang ama at ang nais na paaralan para sa kanyang anak ay sa Ateneo. Hindi sana tatanggapin si Jose dahil nahuli siya sa pagpapatala at ang kanyang kaliitan ay napuna rin. Mabuti na lamang at tinulungan siya ni G. Manuel Xeres upang makapag-aral siya sa Ateneo Municipal de Manila. Dito na niya ginamit ang apelyidong Rizal. Sa panahong ginugol niya sa paaralang ito ay marami siyang naisulat na tula. Hinangaan rin siya sa larangan naman ng paglilok. Nakamit naman niya ang isa sa pinakamataas na marka sa kanyang asignatura nang siya ay nasa huling taon sa nasabing paaralan. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Pamantasan ng Santo Tomas noong 1878. Medisina ang kinuha niyang kurso upang magamot na rin ang nanlalabo nang mga mata ng kanyang ina. Nang magkaroon ng timpalak sa pagsulat ng tula ay nakamit niya ang unang gantimpala sa pagsulat ng tulang “A La Juventud Filipina.” Nang tumuntong si Rizal sa ikatlong taon sa medisina ay umibig siya sa kanyang pinsang si Leonor Rivera. Bagama’t ipinagbawal sila ay naging magkasintahan at ito ang sinasabing una niyang pag-ibig. Nang matapos niya ang ikaapat na taon sa medisina ay ipinagpatuloy niya ang pagtuklas ng karunungan sa Unibersidad Central de Madrid. Ang kursong kinuha niya sa nasabing bansa ay Medisina at Pilosopiya at Panitikan. Sa bansang ito naman naitatag ng mga Pilipino at Kastila ang samahang CirculoHispano-Filipino. Maraming bansang napuntahan si Rizal tulad ng Hong Kong, Macau, Belhika, Amerika, Madrid, Paris at iba pa. Mula sa mga bansang ito ay marami siyang natutuhan mula sa kanilang wika, kultura, at pamumuhay.Nakulong si Rizal sa Fuerza Santiago dahil sa pagsulat ng ilang lathalain na tumutuligsa sa mga prayle kabilang na rito ang pagsulat ng El Filibusterismo na inihandog niya sa tatlong paring martir. Mula rito ay inilipat si Rizal sa Dapitan. Apat na taon siyang nanirahan dito simula Hulyo 17, 1892 hanggang Hulyo 31, 1896. Naging mabunga ang pamamalagi niya rito sapagkat nakapagtayo siya ng paaralan at pagamutan. Ginamot niya ang mga taong may karamdaman lalo na ang mga mahihirap at hindi siya kailanman tumanggap ng anumang kabayaran. Tinuruan din niya ang ilang mga bata kung paano bumasa at sumulat maging ang iba’t ibang wika na alam ni Rizal ay kanyang itinuro. Gumawa rin siya ng patubig upang may malinis na maiinom ang mga taong naninirahan dito. Ang Dapitan ang naging piping saksi sa marubdob na pagmamahalan nina Rizal at Josephine Bracken. Bagama’t hindi sila tinanggap ng simbahan upang magpakasal, ipinagpatuloy pa rin nila ang kanilang matamis na pag-iibigan Buod Ng Noli Me Tangere Halos lahat ng tao ay nais makadalo sa inihandang hapunan ni Kapitan Tiago para sa pagdating ng kanyang mamanuganging si Ibarra na nag-aral nang pitong taon sa Europa. Kabilang sa mga panauhing dumalo ay sina Tenyente Guevarra, Padre Damaso, Padre Sibyla, ang mag-asawang Doña Victorina at Don Tiburcio, at iba pang mga panauhin. Nang dumating si Ibarra sa tahanan ni Kapitan Tiago, ang lahat ay humanga sa kanya subalit nang batiin niya si Padre Damaso ay hindi man lamang ito tumayo. Hindi na lamang niya pinansin ang kura. Nang sila ay nasa hapag-kainan ay napag-usapan ang pag-aaral niya sa Europa. Sa ikalawang pagkakataon ay hiniya na naman siya ni Padre Damaso. Naging mahinahon pa rin si Ibarra at nanaig pa rin ang kanyang pagtitimpi. Agad naman siyang nagpaalam upang tapusin ang maraming bagay. Sa kanyang paglalakad ay narating niya ang Liwasang Binondo na wala pa ring pagbabago simula nang siya ay umalis. Sa kanyang pagmumuni-muni ay dumating si Tenyente Guevarra. Ikinuwento niya kung paano namatay ang ama ni Ibarra sa loob ng bilangguan. Naisalaysay din niya na ang dahilan ng pagkakabilanggo ng kanyang ama ay dahil sa pagtulong sa isang batang hinabol ng artilyero dahil sa pangungutya sa kanya. Nang makita ng ama ni Ibarra na ang bata ay sinisipa ng artilyero agad niyang tinulungan ang bata. Habang ipinagtatanggol ng kanyang ama ang bata ay bigla na lamang natumba ang artilyero at tumama ang ulo nito sa bato. May mga haka-hakang ang artilyero ay pinalo. Ayon naman sa ilan siya ay itinulak. Matapos ang mahabang pagsasalaysay ng tenyente ay tumungo si Ibarra sa Fonda de Lala, ang kanyang pansamantalang tinutuluyan ng binata. Sa kanyang pagmumuni-muni ay nakita niya sa kanyang balintataw ang kanyang amang naghihirap sa bilangguan habang ang isang binata ay nagpapakasaya. Kinaumagahan ay dinalaw ni Ibarra ang kanyang kasintahang si Maria Clara. Magkaniig ang magkasintahan sa asotea at binalikan nila ang masasayang alaala noong sila ay musmos pa lamang. Agad namang nagpaalam si Ibarra upang dalawin ang puntod ng kanyang ama. Subalit laking gulat niya nang malamang nawawala ang libingan nito. Napag-alaman niya sa sepulturero na pinahukay ang bangkay ng kanyang ama upang ilipat sa libingan ng mga Intsik. Dahil sa natuklasan ni Ibarra nagmadali siyang umalis at sa kanyang paglalakad ay nakasalubong niya si Padre Salvi. Sa pag-aakalang ang kurang ito ang lumapastangan sa kanyang ama ito ang napagbuntunan niya ng galit. Agad namang ipinaliwanag ni Padre Salvi na ang may kagagawan ng lahat ay si Padre Damaso. Bagama’t nakaranas ng kasawian sa buhay si Ibarra ay kinalimutan niya ang lahat ng ito sa halip ay ipinagpatuloy ang magandang hangarin ng kanyang ama at ito ay ang pagpapatayo ng paaralan. Lumapit si Ibarra kay Pilosopo Tasyo upang isangguni ang binabalak niyang pagpapatayo ng paaralan. Pinayuhan siya ng matanda na kailangan niyang tumulad sa isang rosas na sumusunod sa direksiyon ng ihip ng hangin upang hindi maputol ang tangkay na nangangahulugan lamang na kailangan niya ng makakapitan upang hindi mabuwal. Habang isinasagawa ang pagbaba sa paglalagay ng unang bato sa paaralan ay muntik nang masawi si Ibarra. Mabuti na lamang at pinayuhan siya ni Elias na mag-ingat. Binantaan niya si Ibarra na huwag lalayo sa kura at iwasang lumusong sa hukay at mapalapit sa batong ihuhugos. Dahil sa tulong ni Elias ang nasawi ay ang taong madilaw. Matapos ang trahedyang ito ay tumungo si Ibarra sa kanyang tahanan upang magpalit ng damit. Pumunta si Elias sa tahanan ni Ibarra upang ipagtapat ang ginawa niyang pagliligtas sa binata at upang paalalahanan na rin na huwag itong mabanggit kapag nag-imbestiga ang pamahalaan. Pinaalalahanan din siya ni Elias na mag-ingat dahil siya ay may mga kaaway. Samantala, nang matapos ang pagbabasbas sa paglalagay ng bato sa itinatayong paaralan ay nagbigay ng isang marangyang pananghalian si Ibarra para sa mga kilalang tao sa lipunan. Sa pagkakataong ito ay muli na namang nagtagpo ang landas na Ibarra at Padre Damaso. Hinamak ni Padre Damaso ang ama ni Ibarra. Hindi na pinalampas ito ni Ibarra, agad niyang sinunggaban ang kura, kinuha ang kutsilyo upang siya ay patayin. Ang lahat ay nahintakutan, tanging si Maria Clara lamang ang lumapit upang siya ay pigilan. Matapos ang tagpong ito si Ibarra ay lumayo. Dahil sa nagawa ni Ibarra siya ay itiniwalag ng simbahang Katoliko at sa pagkakataong ito ay mariing iniutos ni Padre Damaso kay Kapitan Tiago na sirain ang pagpapakasal ni Maria Clara kay Ibarra. Pinagbawalan din si Maria Clara na makipagusap sa kasintahan. Ang nais ipakasal ni Padre Damaso kay Maria Clara ay ang kamag-anak niyang si Linares mula sa Espanya. Samantala, kinausap ng Kapitan Heneral si Ibarra dahil nais niyang purihin ang ginawa nitong pagpatayo ng paaralan. Sinabihan siya ng Kapitan Heneral na siya na ang gagawa ng paraan para makausap ang Arsobispo upang mawala ang pagiging excomulgado niya. Nang magkaroon ng kaguluhan sa kuwartel si Ibarra ang itinuturo na may pakana ng lahat. Siya ay ibinilanggo bagama’t ang buong katotohanan ay wala siyang kinalaman sa pangyayaring ito. Lahat ng mga taong nakadaupang palad ni Ibarra ay natakot na sila ay masangkot. Habang si Maria Clara ay nagmumuni-muni sa asotea ay biglang dumating si Ibarra. Siya ay tinulungan ni Elias upang makatakas. Kinausap ni Ibarra nang masinsinan si Maria Clara. Hindi maalis na magdamdam si Ibarra kay Maria Clara dahil ang sulat niya ang ginamit upang siya ay idiin. Ipinaliwanag naman ni Maria Clara na ang sulat ni Ibarra ay ipinalit lamang niya sa mga sulat ng kanyang ina na natagpuan ni Padre Salvi sa kumbento. Ipinagtapat niya na ang sulat na ito ay naglalaman ng lihim ng kanyang pagkatao, natuklasan niya na siya ay anak ni Padre Damaso. Matapos ang madamdaming pag-uusap ng magkasintahan ay nagpaalam na si Ibarra at tuluyan nang lumayo ang bangka. Tinugis ng mga guwardiya sibil sina Elias at Ibarra. Pinaulanan ng bala ang kanilang bangka. Pinahiga ni Elias si Ibarra sa bangka at tinabunan ng maraming damo. Tumalon sa lawa si Elias upang iligaw ang mga tumutugis sa kanila. Nang mabasa ni Maria Clara sa pahayagan ang pagkamatay ni Ibarra, nawalan na siya ng pag-asa sa buhay. Hiniling niya kay Padre Damaso na nais niyang magmongha. Bagama’t ayaw ni Padre Damaso, napilitan na rin itong sundin ang kahilingan ng kanyang anak dahil kung hindi niya susundin ang nais ni Maria Clara, ito ay magpapakamatay. Nadatnan ng isang lalaki si Basilio na tumatangis dahil sa pagkamatay ng kanyang ina. Inutusan ng lalaking sugatan si Basilio na kumuha ng kahoy upang sila ay sunugin ng kanyang ina. lamang nakikita ang pagbubukang-liwayway ng kanyang inang bayan. Kayong makakakita, batiin ninyo siya at huwag kalilimutan ang mga nalugmok sa dilim ng gabi!” Nang magmongha si Maria Clara si Padre Damaso ay tumira na sa Maynila. Nang malaman ni Padre Damaso na siya ay ililipat sa napakalayong lalawigan upang maging kura dinamdam niya ito. Kinabukasan nakita na lamang siya na isa nang malamig na bangkay. Samantala si Padre Salvi ay naninirahan na rin sa Maynila. Hinihintay na lamang na siya ay maging obispo. Labis naman ang pangungulila ni Kapitan Tiago simula nang pumasok sa kumbento si Maria Clara. Ipinasiya niyang manirahan na lamang sa San Diego upang mapag-isa. Nahumaling siya sa sabong at paghithit ng apyan. Si Doña Victorina naman ay nahumaling sa pangungutsero. Ang kanyang asawang si Don Tiburcio ay hindi na nanggagamot. Samantala si Linares naman ay sumakabilang buhay dahil sa sakit na iti. Naging tenyente na may gradong komandante naman ang alperes. Bumalik na siya sa Espanya. Nang iwan naman ng alperes si Doña Consolacion siya ay nahumaling sa pag-inom at paninigarilyo ng tabako. Wala namang ibang balita kay Maria Clara maliban sa ilang haka-haka na siya ay patay na. Wala namang makapagsasabi sa tunay na sinapit ng kaawa-awang dalaga. Kasaysayan Ng Noli Me Tangere Ang mahalagang kasaysayan ng Noli Me Tangere ay magsisilbing daan tungo sa pagkakaunawa natin sa mga nangyari sa mga Pilipino noong panahon ng pamamalagi ng mga Kastila sa Pilipinas. Naipamalas ang kabayanihan ni Dr. Jose Rizal sa kanyang katapatan at katatagan sa larangan ng panulat tulad ng kanyang nobelang Noli Me Tangere. Nabasa ni Rizal ang The Wandering Jew, Ang Hudyong Lagalag ni Eugenio Sue. Ang pagkakabasa ng nasabing akda ay nagganyak kay Rizal upang gawin ang nobela. Nang mabasa rin niya ang aklat na Uncle Tom’s Cabin ni Harriet Beecher Stowe, hinggil sa pagmamalupit ng mga puting Amerikano sa mga Negro. Lalong tumindi ang pagnanais niya na makabuo rin ng isang aklat na tatalakay sa kalagayan ng mga Pilipino sa kamay ng mga Kastila. Dahil dito ay iminungkahi niya sa mga kababayang Pilipino na sumulat ng isang nobela subalit ang magandang balak ay hindi naisakatuparan. Bagama’t hindi niya nakuha ang suporta ng mga kababayan, ipinagpatuloy pa rin niya ang pagsulat ng nobelang ito. Ang Noli Me Tangere ay hinango niya sa Bibliya na ang ibig sabihin ay “Huwag Mo Akong Salangin.” Ito ay isang nobelang panlipunan na ipinapakita ang kanser ng lipunan. Dahil sa maselan ang isyung tinatalakay dito walang Pilipinong naglakas ng loob na sumalang. Naging matapang si Jose Rizal sapagkat inilantad niya ang mga kabulukan ng pamahalaan at simbahan. Ang Noli Me Tangere ay isinulat ni Rizal sa Madrid sa gulang na dalawampu’t apat na taong gulang. Sinimulang naisulat ang nobela sa Madrid, ipinagpatuloy sa Paris at tinapos sa Germany noong Pebrero 21, 1887. Ang lahat ng pagtitiis ay nagawa ni Rizal tulad ng pagtitipid sa pagkain upang mailaan ang pera sa pagpapalimbag ng nobela. Si Maximo Viola ay nagpahiram ng halagang 5300.00 kay Rizal at si Paciano ay nagpadala ng halagang 51,000.00 para sa pagpapalimbag ng nobela. Sa imprenta Lette sa Berlin ipinaimprenta ang nobela. Ang nobelang ito ay inialay niya sa Inang Bayan bilang sagisag ng pag-ibig sa tinubuang lupa. Sa kasalukuyan ang orihinal na manuskrito ay nasa pag-iingat ng The National Library. Buod Ng El Filibusterismo Ang Bapor Tabo ay maingat na naglalakbay patungong Laguna mula sa Maynila sa kabila ng kanyang kahirapan sa pagsalunga sa agos at liko-likong daan ng Ilog Pasig. Sa kubyerta nito ay lulan ang mga Reverendos na sina Padre Sibyla, Padre Salvi, Padre Camorra, at Padre Irene. Kausap nila si Quiroga na isang negosyanteng Intsik, at si Doña Victorina. Ang donya ay patungo ng Laguna upang hanapin ang kanyang asawang si Don Tiburcio. Sa ibaba ng kubyerta, sakay sina Padre Florentino, isang paring Pilipino, na kasama ang kanyang pamangking si Isagani, isang makata. Sakay rin si Basilio na ngayon ay isa nang mag-aaral ng pagkadoktor sa kalinga ni Kapitan Tiago. Kasama nila sa ibaba ng kubyerta ang karamihan sa mga Intsik at mga Pilipino na ang ilan ay mga mag-aaral. Ang pangunahing tauhan sa nobela ay si Simoun, isang nagbabalatkayong mag-aalahas na walang iba kung hindi si Ibarra. Isa siya sa mga pasahero ng Bapor Tabo na nasa kubyerta. Sa mga huling pangyayari sa Noli, si Ibarra ay tinugis ng mga guwardiya sibil ngunit sa tulong ni Elias, siya ay nakaligtas. Ang kayamanang ibinaon ni Elias sa kagubatan ng mga Ibarra ay kanyang hinukay at siya ay nagtungo sa Cuba. Nakilala niya roon ang mga matataas na Kastila. Sa tulong ng kanyang mga impluwensiya at ng kanyang kayamanan, siya ay naging makapangyarihan. Pagkatapos ng labingtatlong taon, siya ay nagbalik ng Pilipinas sa katauhan ni Simoun, isang mayamang mag-aalahas at tagapayo ng Kapitan Heneral. Ang kanyang tunay na hitsura ay tinatakpan ng malaking salamin sa mata na kulay asul at siya ay laging nakasombrero ng bastipor. Ang kanyang pangalan sa pagbabalik niya ng Pilipinas ay Simoun. Sa kanyang pagbabalik, dalawa lamang ang kanyang layunin: ang ibagsak ang kapangyarihan ng Espanya sa Pilipinas at iligtas si Maria Clara sa kumbento ng Sta. Clara. Ang tunay na katauhan ni Simoun at ang kanyang mga layunin sa kanyang pagbabalik ay nalantad kay Basilio nang sila ay magkita sa kagubatan na dating pag-aari ng mga Ibarra at ngayon ay pag-aari na ni Kapitan Tiago. Noon, si Basilio ay dumadalaw sa libingan ng kanyang inang si Sisa samantalang hinuhukay ni Simoun ang naiwang natitirang kayamanan na ibinaon ni Elias. Ngunit, ang layunin ni Simoun na paghihimagsik laban sa mga Kastila ay hindi naisakatuparan dahil sa pagkamatay ni Maria Clara na kanyang nalaman mula kay Basilio. Ito ang naging dahilan upang makalimot siya sa hudyat ng pagsisimula ng himagsikan. Si Isagani, ang pamangkin ni Padre Florentino ay naging kasintahan ni Paulita Gomez, ang magandang dalaga na pamangkin ni Doña Victorina. Sa kasawiang-palad, si Paulita ay naipakasal kay Juanito Pelaez. Siya ang isa sa mga magaaral na masigasig na nagtataguyod ng Akademya ng Wikang Kastila kasama niya sina Macaraig, Tadeo, Pecson, Juanito, Sandoval na isang Kastila, at si Basilio. Ngunit ang huli, sa kabila ng kanyang pagsang-ayon sa adhikain ng samahan ay hindi madalas nakakasama sa mga pagpupulong o gawain ng akademya dahil sa kanyang pag-aalaga kay Kapitan Tiago at pagaaral bukod pa sa alam niyang pinaghahanap siya ng mga guwardiya sibil dahil sa bintang noon sa kanilang magkapatid ng pagnanakaw. Ang Akademya ng Wikang Kastila ay hindi naisakatuparan ayon sa kagustuhan ng mga mag-aaral na kasapi dahil ang naatasang magbigay ng panukala ukol dito ay si Don Custodio na tinatawag ding “Buena Tinta” ni Ben Zayb na kanyang kaibigan at isang mamamahayag. Maliban sa mga nabanggit pang mag-aaral ay si Placido Penitente. Isang matalinong mag-aaral ng Unibersidad ng Sto. Tomas na mula sa Tanauan, Batangas. Ngunit dahil sa hindi magandang pamamalakad ng karamihan ng mga propesor sa nasabing unibersidad, si Placido ay hindi na pumasok ng paaralan na lingid sa kaalaman ng kanyang ina. Nakatagpo niya si Simoun sa perya habang siya ay naglilibot dahil ayaw na niyang pumasok sa paaralan. Mula noon, naging kaanib na siya ni Simoun. Pagkatapos magpagaling ni Simoun mula sa kanyang pagkakasakit, muli niyang inihanda ang lahat ng kanyang kailangan sa kanyang balak na paghihimagsik. Sa pamamagitan niya ay naipakasal si Paulita kay Juanito. Sa araw ng kasal, nagtungo si Simoun sa bahay ni Kapitan Tiago na ngayon ay pag-aari ni Don Timoteo Pelaez na ama ni Juanito. Dala ni Simoun ang regalong lampara na magpapasabog sa buong kabahayan. Naroroon ang mga taong tinitingala sa lipunan tulad ng Kapitan Heneral at mga prayle. Ang pagsabog ng kabahayan ang magiging hudyat ng himagsikan. Sina Simoun at Basilio lamang ang nakababatid ng lahat sapagkat ang huli ay sumang-ayon na sa una tungkol sa paghihimagsik dahil sa mga naranasan nitong mga kaapihan tulad ng pagkakabilanggo nang walang kasalanan. Si Isagani na nag-iisa sa kanyang kalumbayan ay nasa labas ng bahay ni Kapitan Tiago at nagmamasid sa araw ng kasal nina Paulita at Juanito. Sa gayong ayos siya nakita ni Basilio na nagpayo sa kanyang lumayo sapagkat nalalapit na ang pagsabog ng lampara. Ito ang dahilan kung bakit pinasok ni Isagani ang bahay, inagaw ang lampara, at itinapon sa ilog. Walang nakakilala sa kanya dahil sa bilis ng mga pangyayari. Ngunit, ito ang naging daan upang matuklasan ng mga maykapangyarihan ang binalak na paghihimagsik ni Simoun. Si Simoun ay pinaghahanap ng mga maykapangyarihan ngunit hindi nadakip. Siya ay nakatakas dala ang kanyang kayamanan ngunit hindi nakaligtas sa pananakit ng mga taong nagakalang niloko niya sa pagkakaroon ng himagsikan. Sugatan siyang nakarating sa bahay ni Padre Florentino na nasa tabi ng dagat. Hindi naglaon, nabatid din ng mga maykapangyarihan ang kanyang kinaroroonan. Ang tenyente ng mga guwardiya sibil ay nagpadala ng telegrama kay Padre Florentino na nagsasabing dadakpin nila si Simoun, patay man o buhay ito. Ayaw magpadakip ni Simoun nang buhay kaya’t uminom siya ng lason. Ngunit, bago siya nalagutan ng hininga, ikinumpisal niya ang kanyang tunay na pagkatao at hangarin kay Padre Florentino na ikinagulat ng huli. Ang kayamanan ni Simoun ay inihagis ni Padre Florentino sa dagat at sinabing “Sana ay itago ka ng kalikasan ng dapat at pahintulutan ka lamang ng Diyos na matagpuan ng tao kung gagamitin ka para sa isang banal at dakilang layunin.” Kasaysayan ng El Filibusterismo Ang nobelang El Filibusterismo ay sinimulang isulat ni Rizal noong 1887 sa Calamba nang magbalik siya sa Pilipinas. Ipinagpatuloy niya ang pagsusulat nito sa Madrid, Paris, at Brussels. Noong Marso 29, 1891, pagkatapos ng tatlong taon, natapos ni Rizal ang manuskrito nito sa Biarritz, isang lungsod sa Pransiya. Noong Hulyo 5, 1891, si Rizal ay nagtungo ng Ghent, isang kilalang unibersidad sa Belgium, sa dalawang dahilan: una, upang doon ipalimbag ang nobela sa kadahilanang higit na mababa ang halaga ng pagpapalimbag sa Ghent at ikalawa, upang iwasan si Suzanne Jacoby. Sa tahanan nina Suzanne tumira si Rizal nang siya ay nasa Brussels, Belgium dahil sa mataas na uri ng pamumuhay sa Paris. Dito niya nakilala sina Jose Alejandro at Edilberto Evangelista, mga mag-aaral ng pagkainhenyero sa Unibersidad ng Ghent. Si Alejandro ang nakasama ni Rizal sa isang maliit na silid na kanilang inupahan dahil sa mababang halaga ng upa nito upang makapagtipid. Noong Setyembre 18, 1891, ipinalimbag ni Rizal ang nobelang El Filibusterismo sa F. Meyer Van, Loo Press dahil sa ito ang nag-alok sa kanya ng pinakamababang halaga sa pagpapalimbag ng kanyang nobela bukod pa sa maaari niya itong bayaran nang hulugan. Ngunit sa kabila nito, nakaranas pa rin ng kakulangan ng pondo si Rizal kung kaya’t ang pagpapalimbag ay natigil. Ang kinita niya sa pagsanla ng kanyang mga alahas, ang dalawang daang pisong pinagbilhan niya ng mga kopya ng Sucesos de las Islas Filipinas ni Morga bukod pa sa ipinadadalang pera ni Basa sa kanya ay hindi nakasapat sa pagpapalimbag. Ang naging kalagayan ni Rizal sa pagpapalimbag ng El Filibusterismo ay nakarating kay Valentin Ventura at siya ay kaagad na nagpadala ng pera. Dahil sa tulong pinansyal ni Valentin Ventura, natapos ang pagpapalimbag ng nobela. Si Rizal ay kaagad na nagpadala ng dalawang kopya kina Basa at Sixto Lopez sa Hong Kong pagkatapos mailimbag ang nobela. Ang orihinal na manuskrito na may dedikasyon at sarili nitong lagda ay ipinadala niya kay Valentin Ventura sa Paris bilang tanda ng kanyang pagtanaw ng utang na loob at pasasalamat. Bukod kina Basa, Lopez, at Ventura, si Rizal ay nagpadala rin ng kopya sa kanyang mga kaibigang sina Ferdinand Blumentritt, Mariano Ponce, Graciano Lopez Jaena, T. H. Pardo de Tavera, Antonio at Juan Luna at marami pang iba na nagbigay ng kanilang papuri sa kagandahan ng nobela. Dahil sa kagandahan ng nobela, ito ay hinangaan sa loob at labas ng Pilipinas. Ang pahayagang La Publicidad ng mga Pilipino sa Barcelona ay naglathala pa ng papuri ukol sa nobela. Bukod pa rito, ito ay inilathala nang kaba-kabanata sa El Nuevo Regimen, pahayagan ng Madrid, noong Oktubre 1891. Ang nobelang El Filibusterismo ay inihandog ni Rizal sa tatlong paring martir na sina Padre Gomez, Padre Burgos, at Padre Zamora. Sa kanila inihandog ni Rizal ang nobela sa kadahilanang hindi maalis sa kanyang isipan ang kawalan ng katarungan ng kanilang kamatayan.