Paglalagom ng Makabagong Balarila ng Pilipino ni Teresita Ramos ni Kiko Bautista, MA Araling Pilipino Ipinasa kay Prop. Althea Enriquez para sa kursong Fil 201 Unibersidad ng Pilipinas Diliman Introduksyon Sa pag-aaral ng wika, mapa-first o second language man ito, mahalaga ang papel ng mga guro upang maitimo sa kaisipan ng mag-aaral ang epektibong paggamit nito. Higit sa pormalidad ng mga kanon ng lenggwahe, pinakamainam na maisaalang-alang ang yutilidad ng wika sa pang-araw-araw na buhay. Sa ganitong paraan ay mas nagiging apresyable ang pag-aaral ng wika, na naikokonekta sa mga praktikal na karanasan ng manggagamit. Pangunahing papel ng wika ang maging instrumento sa komunikasyon ng tao. Kaya’t marapat lamang na matalas ang obserbasyon ng isang guro sa mga emosyon at aktibidad ng pangkaraniwang mamamayan upang lalong mahasa ang kanilang kasanayan sa paghahayag ng sarili. Ang pag-aaral ng wikang pambansa sa larangan ng pagtuturo ay sadyang matrabaho. Batid ito ni Dr. Teresita Ramos, na dalubwika ng Tagalog sa University of Hawaii at Manoa. Ang kanyang background bilang isang major ng edukasyon at Ph.D. sa linggwistiks ay naging instrumental upang iorganisa ang programa sa Filipino sa nasabing unibersidad. Sa loob ng ilang dekada, nakapagsulat siya ng 20 aklat na may kaugnayan sa pag-aaral ng Tagalog, mula basic hanggang sa mas advans at kumbersasyunal na gamit nito. Malawak ang audience ni Ramos. Bagamat ang Makabagong Balarila ay nakasulat sa Tagalog at isinulat para sa mga katutubong mayroon nang kaalaman sa wika, ilan pa sa kanyang mga akda ay partikular na isinulat para sa mga mag-aaral niya sa Hawaii. Bagamat magkaibang media of instruction ang kanyang ginamit para sa mga aklat na ito, maliwanang na idinisenyo ang kanyang grammar books upang masanay sa idyomatikong kumbersasyon sa Tagalog na nakapokus sa simpleng gamit ng wika (U of Hawaii-Manoa, 2011). Ang mga aralin ay nadevelop upang himukin ang interaksyunal na kalikasan ng komunikasyon. Naglahad si Ramos ng mga sitwasyong makabuluhan sa buhay ng mga tao, na siyang humihimok sa estudyante na mag-isip ng mga kahulugan at ng epekto ng kanilang sasabihin sa kapwa. Nangibabaw kay Ramos ang engaging na atake sa pagtuturo ng Tagalog/Pilipino. Dito’y nangibabaw ang katangian ng wika bilang isang output na pinagsumikapang tipunin ayon sa mutwal na mga kondisyon. Kung gayon, masasabing siya ay may konsiderayon sa kung paanong ang wika ay gagap ng mga mananalita. Mas matimbang ang sosyal na gamit ayon sa hinihingi ng panahon kaysa sa mga kumbensyon ng pormal na paggamit ng wika. Normal sa pedagohiya ang pag-alam sa span of learning ng mga estudyante sa pag-absorb ng mga nakalilitong konsepto. Para sa mga estudyante, ang pag-aaral ng una o bagong wika ay tungkol sa mga abstraktong batas sa gramatika at pagbigkas. Ang epektibong pagkatuto ay nakadepende sa kakayahan ng guro na ipresenta ang mga patakarang ito sa gramar sa mga yunit na madaling iproseso. Dahil ang mga mag-aaral ng wika ay may iba’t ibang kultural na pinanggalingan, nagiging kakatwa ang mga batas ng grammar sa pananaw ng estudyante. Ang atake ng mga kagaya ni Ramos—na ang espesyalisasyon ay edukasyon—ay sa posibilidad ng mag-aaral na bumuo ng simpleng ekspresyon at teksto sa makabuluhang paraan. Balangkas na Teoretikal Dahil ang atake ng pedagohiya ay sa pag-alam ng wika base sa gamit ng pamayanan, nararapat lamang na maging marunong ang guro sa mga pangkaraniwang karanasan nang sa gayon ay hindi nakabase sa ilusyon ang pagkatuto ng mga estudyante. Ang mga lantad na katangian ng gramar ay inaangkop sa lantad na konteksto, halimbawa ay sa pagpepresenta ng maraming posibilidad na gamit na naaayon sa sitwasyon. Bilang isang functional-situational na dulog sa gramar ng Tagalog/Pilipino, ang Makabagong Balarila ni Santos ay isang mainam na referens sa paggalugad ng mga halata at di-halatang katotohanan hinggil sa aplikasyon ng gramar. Ang functional linguistics ay malaki ang pakinabang sa maraming dalubwika dahil nakasentro ito sa pagiging epektibo ng pananalita at sa maksimisasyon ng mga umiiral na patakaran. Sinasabing ang wika ay nananahan sa iba’t ibang porma kapag gumagalaw sa isang partikular na konteksto gaya ng klasrum, korte sibil, o operating room ng isang ospital. Ang pagiging epektibo nito ay nasa pagtatangkang pumagitna sa mga proseso kung saan ang wika ay sangkot (Halliday & Webster, 2009). Bagamat mapapansin ang pagkakaiba sa istilo ng pananalita, ang mga kumbensyon ay nananatiling pareho. Ang integridad ay usapin ng function, na umiiral bilang isang katangian ng kabuuang sistema ng wika. Wika at pokus. Ayon kay Halliday at Webster (2009), may kahirapan sa pagpapanatili ng balanseng perspektiba ng wika. Ito ay dahil ang pokus ng manggagamit ng wika ay lumilipat mula sa mga partikular na sitwasyon hanggang sa mga sistemang nasa ilalim nito. Magkagayunman, ang sistema, partikular ang sistema ng semiotics (pilosopikal na teorya ng mga simbolo), ay nagpapahiwatig ng relasyon ng sistema sa mga kumplikadong aspektong pisikal, fisyolohikal, sikolohikal, at kultural. Sa functional na pag-aaral ng gramar, tinuturing ang konteksto ng mga gamit bilang kaisa ng sistemang linggwistiko. Ang mga problemang kinakaharap ng manggagamit ng wika ay hindi lamang ng usapin ng kawalan niya ng kakayahang sumunod sa sistema, kundi maging sa pagbabasa niya ng (kon)teksto. Gamit ng teorya. Para sa mga guro ng wika mula elementarya hanggang kolehiyo, sinusuportahan ng functional grammar ang tradisyunal (o mutwal) na dulog ng mga tao hinggil sa gramar at fonetiks. Dahil dito, natutulungan ang mag-aaral na matagumpay na magpakahulugan sa wika. Ang pag-aaral ng function ay direkta sa pag-aaral ng kahulugan, kaya naman ang mga mag-aaral ay kayang iugnay ang (hilaw na) wika sa nilalaman. Nagbibigay ang functional grammar ng mga paraan kung saan ang karanasan ng tao sa ibang elemento ng wika ay pwedeng iaplay sa iba pang elemento, kahit pa walang karanasan ang tao sa ikalawa. Istruktura Ponolohiya. Ang wikang Tagalog ay binubuo labing-anim (16) na katinig, limang (5) patinig, at pitong (7) diptonggo. Gaya ng presentasyon ni Schachter at Otanes (1974), binigyan ni Ramos ng klasipikasyon ang bawat katinig bilang pasara (stop), pasutsot (fricative), pailong (nasal), pagilid (lateral), pangatal (trill), at mala-patinig (semi-vowels). Ang mga patinig naman ay grinupo base sa taas at sulong ng dila. Tinalakay din ang mga kambal-katinig. Masasabing malaking bilang ng mga salitang may kambalpatinig ay pawing mga hiram na salita sa Ingles, Espanyol, at Tsino. Morpolohiya. May dalawang bahagi ang presentasyon ng morpolohiya: (1) kabuuan ng salita, (2) mga bahagi ng pananalita, at (3) paglalapi sa mga salitang batayan. Gaya ng mga naunang aklat sa gramar ng Tagalog, prinesenta ang esensyal na papel ng mga paglapi, pag-uulit (reduplication), at pagtatambal sa pagbubuo ng ibang mga salita. Ang mga nabuong salita mula sa tatlong teknik na ito ay mayroon nang bagong kahulugan. Sa mga bahagi ng pananalitang prinesenta ni Ramos, kapansin-pansin ang paghihiwalay niya sa pamparami at pamilang bilang hiwalay na bahagi ng pananalita sa pang-uri. Ito ay dahil pansemantikang maaaring ibukod sa ibang bahagi ng panalita ang dalawang ito. Mapapansing ang kaantasan ng mga pang-uri ay hindi hindi katulad ng sa pamilang o pamparami. Sa mga pang-uring hindi pamilang o pamparami, naipapakita ang papel ng panlapi o pang-abay sa pagbibigay-kaantasan. Payak na pangungusap. Sinasabi ni Ramos na may dalawang uri ng pangungusap sa Tagalog/Pilipino: pagpapanaguri (predicational) o pagtitiyak (identificational). Sa uring pagpapanaguri ay nauuna ang panaguri sa simuno (o ang pinag-uusapan), samantalang sa uring pagtitiyak ay nauuna naman ang simuno. Ang pangkaraniwang pangungusap sa Tagalog ay ang pagpapanaguri. Pandiwa, aspekto , pokus, at simuno. Ang aspekto ng wika ang nagsasaad kung ang aksyon ay nagsimula na o hindi. Ang aspekto ay nadedetermina ng infleksyon na maaaring paglalapi o pag-uulit. Gaya nina Schachter at Otanes, pinili ni Ramos ang aspekto kaysa verb tenses sa pagrerepresenta ng oras. Pinaliliwanag na ang pagbabanghay ng pandiwang Tagalog ay sa aspekto at hindi sa panahunan. Ang tatlong aspekto ni Ramos ay naganap na – kilos na nasimulan o natapos na gaganapin – kilos na hindi pa naisasagawa nagaganap – kilos na nasimulan na subalit hindi pa natatapos Ang mga pandiwa na hindi nagsasaad ng aspekto ayon sa oras ay pawatas/neutral. Halimbawa nito ang mga pandiwang may panlaping “mag” na hindi nag-uulit ng unang pantig ng gaya ng “maglaba”. Sinasabing ang pokus ay tumutukoy sa kaugnayang pambalarila na natatagpuan sa pandiwa at sa isang kaganapang pandiwang may pananda sa pokus na “ang”. Ang kaugnayang ito, na siyang tinuturing na simuno ng pangungusap ay maaaring tagaganap, tagatanggap, ganapan, kalaanan, o pangganap. Konklusyon Isang mahalagang bagay na dapat itanong sa sarili ay kung paanong ang teorya ay bumebenta sa isang dalubwika. Ito ba ay patungo sa makabuluhang direksyon kung saan naipakikilala ang mga hindi hayag na impormasyon hinggil sinusuring gramar? Ito ba ay maaaring maging instrument sa pagkatuto? Sa loob ng mahabang panahon na sinuri ang mga wikang uniiral sa bansa, masasabing sa Tagalog/Pilipino/Filipino na ang pinakamalaking interes ng mga nag-aral ng wika. Sa mga punto na inilatag ni Ramos hinggil sa simuno, mababanaag ang relasyon nito sa pokus ng mga ibang awtor sa kung alin ang simuno ng pangungusap. Ayon kay Bloomfield at mga linggwista noong panahon ng Amerikano, ang nominative case na “ang” ang siyang naghuhudyat ng simuno. Sinasabi naman nina Schachter at Otanes, walang simuno (sabjek) ang Tagalog kundi paksa. Ayon naman sa mga mas bagong awtor, ang aktor na siyang tagaganap ng kilos ang siyang simuno. Ang ebolusyon ng sabjek ay nagsisimula sa pormalistikong pagtrato ng tradisyunal na gramaryan sa simuno patungo sa kakayahan ng bawat aktor (mapa-tagaganap o tagatanggap) na maging simuno. Kapansin-pansin sa naging pagtrato ni Ramos sa simuno ang layon at gamit ng wika. Sinasabing gaya ng aspekto ng Tagalog na hindi nakakulong sa pangkaraniwang dimensyon ng oras (i.e. naganap, nagaganap, magaganap), ang simuno ng Tagalog ay hindi nakakulong sa (1) mga nominal na pangngalan at (2) tagaganap ng kilos. Dalawa sa mga halimbawang magpapatotoo (naka-italize ang simuno) ay: Nawala ang nasa kanya. (pariralang pang-ukol ang simuno) Bilhin mo ang tinapay. (tagatanggap ang simuno) Ang mga argumentong naipresenta ni Ramos, na kumakawala sa tumbasan, ay lubhang nakatutulong sa mga mag-aaral ng wika na magprodyus ng maayos na pasalita at pasulat na wika nang hindi nag-iisip sa Ingles. Sinusuportahan nito ang gamit ng functional grammar na gabay sa paghahayag ng saloobin (Woods, 2001). Ang isang suliranin na kinakaharap ng mag-aaral ng wika sa functional grammar ay ang malawak na bilang ng mga aktibidad na dapat isaalang-alang ng wika. Paano babasahin ng mag-aaral ang konteksto kung ang pag-alam niya sa basikong istruktura ay problematiko? Magkagayunman, hindi naman mahirap na unawain kung bakit ang lingk ng mga elemento ng wika sa konteksto ng mananalita ay kaakit-akit sa isang gramaryan ng Tagalog. Ang surface structure ng isang payak na pangungusap sa Tagalog ay malapit sa deep structure na ipinaliliwanag sa functional linguistics. Nais kong tapusin ang artikulong ito sa pagsasabi na ang aklat ni Teresita Ramos ay may pagtingin sa kailan, paano, at kanino ang mga pormang inilakip sa kanyang materyal. Ang Makabagong Balarila ay naging matagupay sa paggalugad sa makabagong teknik kung saan mas matimbang ang kakayahang makipagtalastasan kaysa pormalidad. Mga Batis: Halliday, M.A.K. (2009). Language and Education: v. 9 (Collected Works of M.A.K. Halliday). London: Continuum International Publishing Group Ltd. Möller, Armin (2012). “Palaugnayan ng Wikang Filipino”. Retrieved from <http://www.germanlipa.de/wika/ug_J.htm#UB> No author (n.d.). “Functional Grammar for Teachers. Retrieved at <http://manxman.ch/moodle2/course/view.php?id=4/> Ramos, Teresita (1972). Makabagong Balarila ng Pilipino. Maynila: Rex Book Store. Schachter, Paul (1977). “Review of the Case System of Tagalog Verbs by Teresita Ramos.” Language Vol. 53, No. 3 (Sep., 1977), pp. 707-711. Published by the Linguistic Society of America. Retrieved from <http://www.jstor.org/stable/413191> University of Hawaii (2011). “Dr. Teresita Ramos Profile.” Retrieved at <http://www2.hawaii.edu/~teresita/index.html>