Jens Aldrich L. Reyes 2015-46181 BA Development Studies Kom II Kalusugang Mental dito sa Pilipinas: Umuunlad Ba? Bakit sa dinamirami ng paksa sa mundo bakit kalusugang mental ang napili? Noong ako’y nasa hayskul pa ay nakaranas ako ng depresyon at sobrang nahirapan ako sa mga panahong iyon at buti na lamang ay mayroon akong mga kaibigan para ako’y tulungan. Dumaan sa isipan ang iba pang nakararanas ng ganoong sitwasyon at doon nagsimula ang aking interes sa kalusugang mental. Nais alamin ng papel na ito ang kalagayan ng kalusugang mental dito sa Pilipinas mula sa taong 2012 hanggang 2016. Nais din nito na mapalaganap ang mga konsepto, kamalayan, at pagiging bukas-isip ng mambabasa sa kalusugang mental at ang kalagayan nito. I. Ang kalusugang mental ay isang parte ng tao na madalas ay hindi nabibigyang halaga. Una sa lahat ay, ano nga ba ang kalusugang mental? Ayon sa World Health Organization, ang kalusugang mental ay ang estado ng kaginhawaan kung saan ang indibidwal ay nakikita ang kaniyang mga abilidad, kayang harapin ang mga normal na istres ng buhay, kayang magtrabaho nang produktibo, at kayang makapag-ambag sa kaniyang komunidad (Herman, H., Moodie, M. & Saxena, S., 2005). Maaari ding sabihin na ang isang indibidwal na malusog sa aspektong mental ay madalas inilalarawan bilang nasa loob ng estado ng pagkabalanse at taglay ang sikolohikal na “pagkabuo”. Pagdating sa kalusugan ay mayroong itong katunggali. Alam naman natin na sa aspekto ng kalusugan ay mayroong mga karamdaman at disabilidad na mararanasan ng kahit sinong indibidwal. Ang karamdamang mental, mas kilala bilang “sakit sa isip”, ay isang kondisyon kung saan naaapektuhan ang ating kalusugang mental nang negatibo. Depresyon, PTSD, bipolar, Alzheimer’s, at marami pang iba ay mga halimbawa ng karamdamang mental. Ayon kay Shahani (2014), ganoon din ang mental na disabilidad ngunit ang pinagkaiba ng dalawa ay ang mental na disabilidad ay isang talamak na kondisyon na nililimita lahatlahat ang panlipunan na panksyon ng pasyente kompara sa karamdamang mental na kaya pang gamutin at madalas ay tumutungo sa malaking pagbabago. Kasama ang mental na kaginhawaan sa kahulugan ng kalusugan. Ayon din sa WHO, ang kalusugan ay ang estado ng kompletong pisikal, mental, at panlipunang kaginhawaan at hindi lamang kawalan ng karamdaman o kahinaan (Herman, H., Moodie, M. & Saxena, S., 2005). Nakikita na integral ang aspekto ng mental na kaginhawaan upang masabing malusog ang isang tao. Mahalaga ring tandaan na hindi lamang sa kawalan ng sakit umiikot ang kalusugan. Hindi lamang dahil wala tayong karamdamang mental ay pinapabayaan na natin ang ating kalusugang mental. Ayon sa libro na isinulat ni Ladrido-Ignacio at Tronco (2000), sa loob ng estado ng kalusugang mental ay kailangan ang malakas 1|Reyes na pangangatawan, organisadong isipan, ang mga nararamdaman ay nasa ayos, ang ugali ay tugma at nasa lugar, at ramdam ng indibidwal na siya ay kasapi sa isang pangkat at nagagawa niya ang kaniyang mga tungkulin sa loob nito. Maraming kondisyon ang kailangan masunod upang masabi ng isang indibidwal na siya ay malusog sa aspektong mental. Makikita rin natin ang relasyon ng kalusugang mental sa kalusugang pisikal at kalusugang panlipunan. Nabanggit na mahalaga ang pisikal na kaginhawaan sa kalusugang mental at bise-bersa. Kapag tayo ay nagkakaroon ng malulubhang sakit, naaapektuhan nito ang ating pag-iisip. May mga kaso kung saan ang mga nagkakaroon ng malulubhang sakit ay nakararamdam ng kawalan ng pag-asa o kaya ay depresyon. May impluwensiya rin ang kalusugang mental sa ating katawan. Mayroong mga pisikal na karamdaman na nagdudulot ng komplikasyon sa ating mental na kaginhawaan tulad ng depresyon. Importante rin ang kalusugang panlipunan sa ating kalusugang mental. Ang kapaligiran at ang pakikitungo ng lipunan ay may malaking epekto sa pag-iisip ng indibidwal. Kapag ang isang indibidwal ay mayroong hindi magandang relasyon sa kanyang lipunan, malaki ang tiyansa na magkaroon ito ng karamdamang mental dahil mas gugustuhin nito ang maging mag-isao kaya ay maaapektuhan nito ang tingin sa kaniyang sarili. Ganoon din ang epekto ng karamdamang mental. Mas pipiliin ng indibidwal na mapag-isa at isarili ang kaniyang problema. Mawawalan siya ng interes sa pakikihalubilo sa kaniyang kapuwa. Ang kalusugang mental ng indibidwal ay mayroon ding impluwensiya sa ugali at pag-iisip ng mga tao sa paligid niya. Mga pamilya, kaibigan, at mga kakilala ng isang nakararanas ng karamdamang mental ay maaari ding magkaroon ng karamdamang mental dala ng istres at lungkot. Konektado ang kalusugang mental nating lahat kaya ang kamalayan ng bawat isa ay mahalaga sa pagpapaunlad ng kalusugang mental ng lipunan. Upang maprotektahan ang kalusugang mental ng mga mamamayan ay mayroong mga batas o lehislasyon ang pamahalaan para sa kalusugang mental. Ang mahalagang layunin ng lehislasyong kalusugang mental ay mapangalagaan, mataguyod, at mapabuti ang buhay at mental na estado ng mga mamamayan (Freeman, M., Pathare, S. & World Health Organization, 2005). Dahil ang mga mayroong karamdamang mental ay bulnerable sa diskriminasyon at pang-aabuso, krusyal ang lehislasyong kalusugang mental para sa ikabubuti ng kalagayan ng mga indibidwal. Ayonsa artikulo na sinulat ni Bonalos at Tordecilla (2016), ang isang batas sa kalusugang mental ay magpapahusay ng serbisyong kalusugang mental, mapapangalagaan ang karapatan ng mga mayroong karamdamang mental, at makabubuo ng bagong pambansang konsehong kalusugang mental. Kinakailangan din nito na aralin ng mga mag-aaral ng medisina ang kalusugang mental. Pagkatapos ng pagtalakay sa mga konseptong ito ay ating titingnan ang mga ito sa konteksto ng Pilipinas. 2|Reyes II. Ang kalagayan ng kalusugang mental dito sa Pilipinas mula sa taong 2012 hanggang 2016 ay patuloy na nagbabago at umaasenso ngunit may mga isyu na kailangang resolbahin. Ang karamdamang mental dito sa Pilipinas ay isang penomenang hindi natin napapansin. Ayon sa artikulong sinulat ni Crisostomo (2012), sinabi ni Romeo Enriquez na ang mga Pilipino na mayroong karamdamang mental ay tinatayang nasa 0.5% hanggang 1.5% ng populasyon ayon sa internasyonal na pagtatantiya ngunit walang datos na maaaring magamit. Ayon naman sa sinulat na artikulo ni Magtubo (2016), tinatayang 17% hanggang 20% ng mga Pilipino na nasa gulang ang nakararanas ng karamdamang saykayatriko habang 10% hanggang 15% ng mga batang Pilipino, edad 5 hanggang 15, ang nakararanas ng mga problema sa kalusugang mental. Sabihin nating tama ang pagtantiya noong 2012, nagkaroon ng pagtaas ng mga kaso ng karamdamang mental pagkalipas lamang ng ilang taon. Pinapakita lamang nito kung gaano kabilis tumaas ang bilang ng mga indibidwal na nagkakaroon ng karamdamang mental sa Pilipinas. Ang karamdamang mental ay pangatlong karaniwang sakit ng mga Pilipino at sa kada 100,000 na Pilipino, 88 na kaso nito ang iniulat ayon sa National Statistics Office. Ayon sa isang pag-aaral noong 2010, 14% ng 1.4 milyon na mayroong mga disabilidad ay mga tao na mayroong mental na disabilidad. Maaaring tumaas ito kasabay sa pagtaas ng mga karamdamang mental dito sa bansa. Ipinapakita lang nito na patuloy ang paglaganap at pagtaas ng bilang ng kaso ng mga karamdamang mental dito sa Pilipinas kung hindi ito matutugunan. Ayon sa artikulo na sinulat ni Dioquino (2014), 7.14% sa 942,098 na PWDs sa bansa ay nasa kategorya na nakararanas ng “Karamdamang Mental” kung saan 13,584 na tao sa ilalim nito ay nasa NCR. Pagkalipas lamang ng apat na taon ay ang porsyento ng mga taong mayroong mental na disabilidad ay nangalahati. Ang nangungunang karamdamang mental dito sa Pilipinas ay ang Schizophrenia. Ayon sa pagaaral na isinagawa ni Dr. Tomas Bautista, 42% ng mga lumahok na pasyente na kasama sa kaniyang pagaaral ay mayroong Schizophrenia kung saan ay karamihan ay mga lalaki mula sa 20 hanggang 44 na taong gulang. Ang Schizophrenia ay isang karamdamang mental na maaari maging mental na disabilidad kapag hindi naagapan. Ayon kay Bautista, makikita sa datos na itinatayang mahigit isang porsyento ng total na populasyon ng bansa ang mayroong Schizophrenia na madalas ay nagbubunga mula sa hindi pagkabalanse ng mga kemikal sa utak. Kadalasan, ang mga mayroong Schizophrenia ay nakararanas ng mga guni-guni o delusyon at nagpapakita ng labis na abnormal na pagkilos. Ang mga ito ay nagbubunga ng sobrang pagkabahala at pagkawala sa tamang katinuan. Ayon din sa pag-aaral, 15% ng mga lumahok na pasyente ay mayroong bipolar disorder na sinusundan naman ng substance abuse na mayroong 6%. Ang iba pang mga karamdamang nakita sa pag-aaral ay major depressive disorder, anxiety disorder, schizoaffective disorder, acute at transient disorder, at stimulant related disorder. 3|Reyes Ang isa pang karamdamang mental na laganap sa Pilipinas ay ang depresyon kung saan mahigit 4.5 na milyong Pilipino ang mayroon nito noong 2015. Ito ang pinakamataas sa buong Timog-Silangang Asya at ang malungkot pa ay isa lamang mula sa tatlong nakararanas ng depresyon ang hihingi ng tulong mula sa isang espesyalista, ayon sa WHO. Ang isang-katlo ay walang kamalayan sa kanilang kondisyon. Ayon sa artikulo na sinulat ni Crisostomo (2012), ang relasyon ng pamilya ang nakikitang karaniwang sanhi ng mga karamdamang mental ng mga Pilipino. Sabi ni Romeo Enriquez, presidente ng Philippine Psychiatric Association o PPA, ang pagkakaroon ng isang dysfunctional na pamilya ang karaniwang problema na hinaharap ng mga Pilipino. Mayroon ding mga psycho-social stresses katulad ng ekonomik, interpersonal, at intrapersonal na relasyon. Ang lehislasyon na gumagabay sa kalusugang mental dito sa Pilipinas ay ang Pambansang Polisiya ukol sa Kalusugang Mental ng Department of Health. Ayon sa DOH (n.d.), ang Pambansang Polisiya ukol sa Kalusugang Mental ay masusunod sa pamamagitan ng isang programang pangkalusugang mental na inuuna ang pagpapaunlad ng kalusugang mental, pagpapangalaga ng mga karapatan at kalayaan ng mga taong may karamdamang mental, at pagbawas ng pasan at kahihinatnan ng mababang kalusugang mental at mga karamdaman at disabilidad sa kalusugang mental at utak. Ang polisiyang ito ay nagsisilbing patnubay para sa mental health care ng Pilipinas at nagbigay ang DOH ng mga stratehiya para dito. Ang mga estratehiya na ginagamit ng DOH ay ang mga sumusunod: Pagpapaunlad ng Kalusugan at Adbokasiyang Pangkalusugan kung saan ay pinapalalim nito ang adbokasiya at mga impormasyong multimedia, edukasyon at stratehiyang pangkomunidad na para sa publiko, pasyente ng kalusugang mental at mga pamilya. Pagbigay ng Serbisiyo kung saan ay papaunlarin ang mga serbisyong kalusugang mental sa parehong pambansang at lokal na antas. Polisiya at Lehislasyon kung saan ay bubuo ng mga pambansang lehislasyon, gabay at mga program standards na nagbibigay diin sa pagkabuo ng isang epektibong sistema kung saanay makakukuha ng tamang serbisyong pangkalusugan ang mga mayroong karamdamang mental. Pagsuporta sa Pag-unlad ng isang Research Culture and Capacity na tungkol sa kalusugang mental na makatutulong sa pagkaintindi nito. Pagbuo ng mga Public-Private Partnership Pagkabuo ng Database ng Sistema ng Impormasyon Pagbuo ng mga Modelong Programa para malaman ang epektibong programa para sa mga LGUs kasama ang tulong ng ibang mga organisasyon. Pagsusubaybay at Pagsusuri ng mga programa para makabuo o maayos ang mga layunin at programa. 4|Reyes Isang resulta ng polisiyang ito ay ang pagkabuo ng Philippine Health Information System on Mental Health Conditions. Ito ay ang unang nabuong sistema ng impormasyon tungkol sa mga kaso ng iba’t ibang mga klase ng karamdamang mental, mental na disabilidad at iba pa. Nailagay na ito sa sampung pampublikong ospital at apat na pampribadong ospital. Gamit ng sistemang ito ay nakita ni Dr. Tomas Bautista ang mga nangungunang karamdamang mental. Ayon sa namuno ng proyekto na si Prof. Maria Lourdes Amarillo, ang mga gumawa sa PHIS ay umaasang makatutulong ito sa pagbuo sa mga polisiya at magbibigay ng mas magandang pag-unawa sa estado ng kalusugang mental at sa pangangalaga nito sa bansa. May dalawang pasilidad na nagbibigay ng mental health care sa lungsod ng Mandaluyong. Una ay ang Sanctuary na isang apat na hektaryang pasilidad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang pangmatagalang layunin nito ay maisama pabalik ang mahigit na 132 na babae na mayiba’t ibang mental na disabilidad sa lipunan sa pamamagitan ng pagbigay sa kanila ng therapy sessions at pangkabuhayang pagsasanay. Ang National Center for Mental Health ay isang 47 hektaryang pasilidad na mayroong 4,200 na kama at naglilingkod sa mahigit 56,000 na outpatients kada taon. Kasama pa ang mahigit 3,000 na inpatients na nakatira sa 35 pabilyon ng NCMH. Ang dalawang ito ay ang dalawang pangunahing pasilidad na nagbibigay ng mental health care sa buong NCR. Ang 4,200 na kama ng NCMH ay bumubuo sa 5,465 kama na kapasidad para sa karamdamang mental ng DOH. Ang natitira ay ipinamamahagi na sa buong bansa. Anim na rehiyon sa bansa ang walang mga inpatient na saykayatrikang pasilidad kaya madalas ay kailangan pang lumuwas papuntang Mandaluyong ang mga mayroong karamdamang mental o mental na disabilidad. Nakalulungkot din na P150 lang kada kama ang inilalaan na pondo ng DOH sa NCMH. Ganoon ang sitwasyon sa Sanctuary na madalas ay lumalagpas sa kapasidad ang pasilidad kada araw at kahit sa gitna ng gabi ay tumatanggap pa rin sila ng mga pasyente. Ayon sa papel na isinulat ni Tuliao (2014), dito sa Pilipinas ay mayroong 4 na pangkalahatang propesyon na legal na kinikilala na nagbibigay ng serbisyong kalusugang mental: mga propesyonal ng guidance and counselling, mga sikologo, panlipunang manggagawa, at mga nasa ilalim ng medikal na propesyon. Makikita sa talaan sa ibaba ang bilang ng mga propesyon sa kada 100,000 ng pangkalahatang populasyon. Propesyon Bilang sa kada 100,000 ng populasyon Saykayatrista 0.40 Saykayatrikong nars 0.40 Medikal na doktor na hindi dalubhasa sa 0.17 5|Reyes saykayatriya Sikologo 0.14 Panlipunang manggagawa 0.08 Occupational therapist 0.08 Para sa inpatient units, iniulat ng WHO na mayroong 19 na saykayatrikong inpatient units na nakabase sa mga komunidad na mayroong 1.58 na kama kada 100,000 at 15 na residensyal na pasilidad pangkomunidad na mayroong 0.61 na kama o lugar kada 100,000. Para naman sa outpatient units, mayroong 46 na pangkalusugang mental na pasilidad para sa mga outpatient na nagsisilbi sa 124.3 kada 100,000 at pasilidad na panggamot na nagseserbisyo sa 4.42 kada 100,000. Para naman sa school counselors, ang naiulat na counselor-client ratio ay 1:800 hanggang 1000. Mas kaunti sa 500 ang mga saykayatristang sertipikado sa bansa at 91 sa mga iyon ay sa NCMH nagtatrabaho. Mahahanap sa loob ng iba’t ibang pampublikong pasilidad pangkalusugan ang mga pasyente ng kalusugang mental. Ang mga pasilidad na ito ay may iba’t ibang mandato. Halimbawa, ang Sanctuary ay pinapatakbo ng DSWD samantalang ang NCMH ay pinapatakbo ng DOH. Nagdudulot ito ng isang mental health care system na putol at hindi magkakatugma. III. Maraming mga problemang hinaharap ang kalusugang mental dito sa Pilipinas. Pahapyaw na nakita ang ilang problema ng kalusugang mental dito sa Pilipinas tulad ng pagtaas ng kaso ng karamdamang mental at kakulangan sa pasilidad. Isa pang problema dapat talakayin ay ang istigma at laganap na diskriminasyon sa mga nakararanas ng karamdamang mental. Ang mga termino tulad ng “baliw”, “abnormal”, “may sapak sa ulo”, at “abnoy” ay ilan lamang sa mga salita na idinidikit sa mga may problema sa kanilang kalusugang mental. Sabi naman ni Senadora Grace Poe na iniisip pa rin na hindi sakit ang depresyon ngunit isang bagay na mawawala na lang bigla at dahil sa rason na iyon ay marami pa ring tao na nakararanas nito ay nahihiyang humingi ng tulong. Masasabi rin ito sa iba pang karamdamang mental na minsan ay iniisip ng iba na “pag-iinarte”, “pagdadrama” o kaya “pagiging tamad” lamang. Ang mga ito ay halimbawa ng pampublikong istigma. Ang pampublikong istigma ay nagiging pribadong istigma kapag ito ay sinasarili ng indibidwal. Ito ay nagreresulta sa pagbaba ng self-worth at self-efficacy, kahihiyan, mababang self-esteem, at ang pagdadalawang-isip sa paghingi ng paggamot. Ang pribadong istigmang mga Pilipino ay nakaaapekto nang negatibo sa intensyon sa paghingi ng propesyonal na tulong. Ito rin ay namamagitan sa relasyon ng pampublikong istigma at ugali tungo sa paghingi ng propesyonal na tulong. Dahil dito ay maaaring lumala ang karamdamang mental ng isang indibidwal o kaya ay mapabayaan ang kaniyang kalusugang mental. 6|Reyes Isa pang epekto ng istigma ay ang loss of face. Ayon kay Tuliao (2014), ang loss of face ay tinutukoy bilang pagbabanta sa o kawalan ng panlipunang integridad ng isang tao, lalo na kapag may kaugnayan ito sa mga panlipunang relasyon at sa panlipunang kalagayan ng isang tao.Kaya ang pagpreserba o pagpapanatili ng face ay isang malaking salik ng motibasyon na nakaiimpluwensiya sa mga indibidwal na sumunod sa panlipunang mores at iwasan ang negatibong impresyon ng ibang tao. Dahil sa istigma ay mas pinipili na lamang ng indibidwal na i-sarili ang kaniyang karamdamang mental at hindi humingi ng tamang tulong upang hindi ito makaranas ng diskriminasyon o kaya ay itaboy ng lipunan. Kahit man sa pagkabuo ng PHIS-MHC ay nagkakaroon ng kakulangan ng datos para sa pagbuo ng mga solusyon bunga ng mababang pag-ulat ng mga kaso ng karamdamang mental dulot ng istigma. Kapag mababa ang mga naiuulat na mga kaso ng mga karamdamang mental, hindi nakikita ang kahalagahan sa paggawa ng mga sagot para sa mga ito. Sinabi rin ni Dra. Dina Nadera ng Philippine Psychiatric Assosciation na mayroong kakulangan ng impormasyon kaya hindi matiyak kung gaano kalala ang sitwasyon. Ang kakulangan sa datos din daw ang rason kung bakit hindi umuunlad ang serbisyo dahil mababa lamang ang bilang at hindi nakikita ang pangangailangan nito. Kung wala ring serbisyo ay walang maiuulat na mga kaso ng karamdamang mental. Nakikita natin ang siklo ng problema ng kakulangan sa datos ng kalusugang mental. Dahil nga sa kakulangan sa datos ay maaaring hindi rin nakikita ng pamahalaan ang pangangailangan na paunlarin ang kalagayan ng kalusugang mental kaya kakaunti lamang ang mga proyekto ukol sa kalusugang mental at ang kawalan ng batas ukol dito. Hindi rin nabibigyan ng subsidiya ang paggamot para sa kalusugang mental kaya mahal ang presyo ng pagpapagamot na minsan ay umaabot sa P200 hanggang P300 kada araw. Hindi naman sinasabi na hindi sinusuportahan ng pamahalaan ang kalusugang mental. Masasabi lamang na mahina o hindi ganoong kalakas ang suporta ng pamahalaan dito dahil sa paniniwala na mas mahalagang tugunan ang ibang aspekto ng kalusugan kaysa kalusugang mental. Maraming mga senador ang sumusuporta sa kalusugang mental tulad nina Risa Hontiveros, Pia Cayetano, at Grace Poe ngunit hindi ito sapat upang tumuloy-tuloy ang pag-unlad ng kalagayan ng kalusugang mental. IV. Sa kabutihang palad ay may mga solusyon para sa mga problema na hinaharap ng kalusugang mental. Ang isang epektibong solusyon ng mga problemang ito ay ang pagpapatupad ng isang batas ukol sa kalusugang mental. Sa kasalukuyan ay isang polisiya lamang ang gumagabay sa mental health care ng Pilipinas. Ito ay nagsisilbing patnubay lamang at hindi nagbibigay ng karampatang proteksiyon at seguridad sa karapatan ng mga mayroong karamdamang mental. Hindi rin ito nagbibigay ng tama at 7|Reyes kongkretong paraan ng pakikitungo at paggagamot sa mga mayroong karamdamang mental. Ang pagkakaroon ng batas ukol sa kalusugang mental ay sinisiguro ang pagkabuo ng sistema kung saan ay may mga enforceable na karapatan na nag-aalaga ng mga taong may karamdamang mental mula sa diskriminasyon at iba pang paglabag sa karapatang pantao na isinasagawa ng pamahalaan at mga pribadong indibidwal at sinisiguro nito ang patas at pantay na pagtrato sa lahat saan mang antas ng buhay sila ay nabibilang.Ito rin ay magbubuo ng isang konseho kung saan ito ang mangunguna sa pagtugon sa mga isyu ng kalusugang mental at ang mamumuno sa pangangasiwa ng mental health care. Mas mapapatibay din ng batas ukol sa kalusugang mental ang mga polisiya sa hinaharap dahil mayroon na itong sinusundan na legal na balangkas at mas masisiguro nito ang implementasyon ng mga layunin ng batas. Hindi matibay ang polisiya kung wala itong batayang batas kaya ay integral sa kalagayan ng kalusugang mental ang pagkakaroon ng batas tungkol dito. Ang polisiya at batas ay dalawang komplementaryong paraan para mapabuti ang pangangalaga at serbisyo ng kalusugang mental ngunit kung walang pampolitikang kapasyahan, sapat na kagamitan, angkop na gumaganang institusyon, serbisyong tulong pangkomunidad, at bihasa na tauhan, ang pinakamabuting polisiya at lehislasyon ay mayroong maliit na kabuluhan. Lahat ng polisiya sa kalusugang mental ay kinakailangan ng pampolitikang suporta para matiyak ang lehislasyon ay maisagawa nang tama. Ang pampolitikang suporta ay kailangan din para maiamenda ang mga batas pagkatapos itong maipasa para maitama ang mga hindi ninanais na sitwasyon na maaaring kumontra sa layunin ng polisiya (Freeman, M., Pathare, S. & World Health Organization, 2005). Kahit anumang galing ng isang batas ay hindi ito aasenso kung walang pampolitikang suporta. Ang mga nasa posisyon sa pamahalaan ay ang mag-iimplementa at gagabay sa mga programa at serbisyo na magpapabuti sa kalagayan ng kalusugang mental kaya dapat ay isinasapuso nila ang adbokasiyang ito. Sinisiguro rin nito na ang administrasyon at ang mga nasa posisyon ay iniisip ang kapakanan ng tao at ang hinaharap. Ang pampolitikang suporta ay susi sa pag-asenso ng serbisyong kalusugang mental at pagtanggal ng kakulangan ng isang batas para sa kalusugang mental. Kapag buong-buo ang suporta ng pamahalaan, ang pag-unlad ng kalagayan ng kalusugang mental ay sigurado at tuloy-tuloy. Si Bise-Presidente Leni Robredo, sa panahon ng kaniyang termino bilang kongresista noong ika16 na Kongreso, ang huling naghain ng isang Mental Health Bill (House Bill 5374) na may katumbas sa Senado (Senate Bill 2910) na isinulat ni Senadora Pia Cayetano. Wala sa dalawa ang pumasa. Ang kawalan ng batas ay hindi bunga ng kakulangan sa pagsubok kung hindi ay sa mababang tingin nito ng ibang mga opisyal ng kongreso. Ang pinakaunang bersyon na naipasa noong 1980’s ay inakda ni Senador Orlando Mercado. Imbis na batas, ang nagsisilbing gabay sa serbisyong kalusugang mental ay ang 8|Reyes Philippine Mental Health Policy na pinirmahan ni dating kalihim ng kalusugan na si Manuel M. Dayrit noong 2001. Mga pahayag ng polisiya ang mga sumusunod: pamumuno sa sektor ng kalusugang mental, pamantayan para sa kalidad na pangangalaga sa kalusugan, pag-unlad ng yamang-tao, at pagpapalakas at paglahok, bukod sa iba pa. Kahit patuloy na nababasura ang mga ito ay patuloy pa rin ang laban para sa pagkabuo ng isang batas ukol sa kalusugang mental. Ang mga Non-Government Organization o NGOs ay solusyon din sa mga problema na hinaharap ng kalusugang mental. Isa ay ang Philippine Psychiatric Association o PPA. Ang nangungunang nagtutulak sa pagkapasa ng mental health act ay ang PPA na nagsimula ng isang online na petisyon na ang tawag ay #MHActNow. Gumawa ng video ang PPA kung saan ang iba’t ibang mga artista at kilalang indibidwal ay inaadbokasiya ang pagkapasa ng mental health act at ang pagkakaroon ng isang batas sakalusugang mental. Nangunguna rin ang PPA sa pagpapalaganap ng kamalayan at edukasyon tungkol sa kalusugang mental sa pamamagitan ng iba’t ibang programa tulad ng online na materyales, educational discussions, at iba pa. Ang isa pang NGO na tumutulong sa pagpapalaganap ng edukasyon tungkol sa kalusugang mental ay ang Natasha Goulbourn Foundation o NGH. Ayon sa artikulo na isinulat ni Lapeña (2015), ang hindi pagtanggap ng Katolikong Simbahan at ang kaugnay na kahihiyan at istigma sa pamilya ang isang bagay na sinusubukang malutas ng NGF sa pamamagitan ng pag-uusap sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para mabigyan ng Katolikong libing ang mga nagpakamatay. Dahil wala pa ring pambansang programa para sa pagpigil ng pagpapakamatay, pampublikong edukasyon ang madalas na ginagawa ng mga grupo tulad ng NGF at PPA. Noong 2016 ay pumirma ang DOH ng isang kasunduan kasama ang NGH upang maitatag ang “Hopeline”. Ang Hopeline ay isang 24/7 na suicide counselling hotline na layunin na tulungan ang mga taong nakararanas ng depresyon. Sa pamamagitan ng pagkonekta sa kanila sa mga tagapayo at mga propesyonal sa kalusugang mental, sasagutin ng mga ito ang mga tawag at kakausapin ang nasa kabilang linya para mabigyan ito ng payo, impormasyon, at suporta. Kung kailangan ng tumawag ng tulong na hindi maibibigay ng mga sinanay na “crisis responders”, ang tumawag ay sinasangguni ng mga responders sa isang medikal na pasilidad. Mayroong siyam na crisis responders ang NGF dito sa Metro Manila. Ang huling NGO ay ang Philippine Mental Health Association o PMHA. Tulad ng NGF at PPA ay inaadbokasiya rin ng PMHA ang pagpapalaganap ng karunungan, kamalayan, at pagmamalasakit sa kalusugang mental sa pamamagitan ng iba’t ibang programa. Noong 2012 ay bumuo ng isang relepsychiatry program ang PMHA kung saan ang pangkalahatang practitioners ng mga nasa probinsya ay 9|Reyes nakapagkonsulta sa mga saykayatriko sa Maynila sa pamamagitan ng video conferencing. Tinuruan sila kung paano magreseta ng mga saykayatrikong gamot para sa kanilang mga pasyente. Ang pinakamahalagang solusyon sa mga problemang hinaharap ng kalusugang mental ay ang tamang edukasyon para sa mamamayang Pilipino. Ang pagbibigay ng tamang edukasyon ay ang pangmatagalang sagot sa istigma kung saan ay lubos na maiintindihan ng mga Pilipino ang sitwasyon ng mga nakararanas ng karamdamang mental at mental na disabilidad at magreresulta ito sa pagbaba ng kaso ng diskriminasyon. Kailangan ay turuan ng mga pangunahing konsepto ang mga Pilipino upang sila ay maging mulat sa posibleng epekto ng kanilang mga kilos at gawain. Dapat din ay pahalagahan ng mga nasa medikal na sector ang kalusugang mental. Ayon sa libro na isinulat ni Ladrido-Ignacio at Tronco (2000), pinapakita ng mga ilang pag-aaral mula sa buong mundo na kayang isama ng primary health care workers ang kalusugang mental bilang parte ng mga serbisyong pangkalahatang kalusugan. Posible ang integrasyon nang hindi napababayaan ang mga nakilala bilang pangunahin at mahalagang mga problema sa kalusugan. Mayroong mga maikli at mahusay na ginawa na mga programa sa pagsasanay na dinisenyo para hindi lamang makilala ang mga problemang saykayatriko at/o kalusugang mental sa kanilang mga pasyente, kundi magkaroon din ng kaunting antas ng kakayahan para sa paghawak ng mga problemang ito ang primary health care workers. Nakikita na kayang ilagay ang kalusugang mental sa isa sa mga pangkalusugang prayoridad nang hindi nadadamay ang ibang aspekto ng kalusugan. V. Ang kalusugang mental dito sa Pilipinas ay patuloy na uunlad kung ipagpapatuloy lang ang pagsuporta sa NGOs, pagsuporta ng pamahalaan, at pagbibigay ng wastong edukasyon sa mga Pilipino. Ang kalagayan ng kalusugang mental dito sa Pilipinas mula sa taong 2012 hanggang 2016 ay nagpapakita ng pag-unlad ng bansa pagdating sa aspektong pangkalusugan. Tumaas man ang kaso ng karamdamang mental ay bumaba naman ang kaso ng mental na disabilidad. Ang pagkabuo ng Philippine Health Information System on Mental Health Conditions ay isang tanda ng pag-asenso at isang hakbang sa tamang direksiyon. Ang patuloy na paglaban ng iba’t ibang NGOs at mga mambabatas para sa isang batas ukol sa kalusugang mental ay isa ring halimbawa ng ating pagtahak para sa ikabubuti ng lipunan. Kapag ating sinuportahan at sinamahan ang mga NGOs sa kanilang adhikain, patuloy ang pagsuporta ng pamahalaan sa kaunlaran ng kalusugang mental, at tuloy ang pagpapakalat ng kamalayan ukol sa kalusugang mental sa mga Pilipino, ay tiyak na darating ang araw na ang kalusugang mental ay mapahahalagahan at hindi malilimutan. 10 | R e y e s Sanggunian: Bonalos, P. & Tordecilla, K. (2016, July 8). Mental health to be a DOH priority. CNN Philippines. Nakuha mula sa http://cnnphilippines.com/news/2016/07/07/mental-health-doh-priority.html Crisostomo, S. (2012, August 2). ‘Family ties usual cause of mental illness among Pinoys'. The Philippine Star. Nakuha mula sahttp://www.philstar.com/headlines/2012/08/02/833977/family-ties-usual-cause -mental-illness-among-pinoys Department of Health Philippines. (n.d.). Mental Health Program. Nakuha mula sahttp://www.doh.gov.ph /national-mental-health-program Dioquino, R. J. (2014, July 23). PHL’s first mental health information system rolled out. GMA News. Nakuha mula sahttp://www.gmanetwork.com/news/story/371642/lifestyle/healthandwellness/phl-s-first-mental -health-information-system-rolled-out Freeman, M., Pathare, S. & World Health Organization. (2005). WHO Resource Book on Mental Health, Human Rights and Legislation. Nakuha mula sahttps://books.google.com.ph/books?hl=en&lr=&id =616HbUCHKyMC&oi=fnd&pg=PA1&dq=Mental+Health+in+the+Philippines+books&ots=6o91MXgSyw &sig=c8tOsKkIQtsyfhowCiSUPCfj13s&redir_esc=y#v=onepage&q=Mental%20Health%20in%20the %20Philippines%20books&f=false Herman, H., Moodie, M. & Saxena, S. (Ed.). (2005). Promoting Mental Health: Concepts, Emerging, Practice. Nakuha mula sahttp://www.who.int/mental_health/evidence/MH_Promotion_Book.pdf Ladrido-Ignacio, L. & Tronco, A. T. (2000). Mental Health Care in the Community. Quezon City, Philippines. Megabooks Company Lapeña, C. G. (2015, July 17). SPECIAL REPORT: Suicide and the Pinoy youth. GMA News. Nakuha mula sa http://www.gmanetwork.com/news/story/524070/lifestyle/healthandwellness/special-report-suicide -and-the-pinoy-youth Magtubo, C. A. (2016, September 2). Mental Health in the Philippines: By the numbers. Nakuha mula sa http://today.mims.com/topic/mental-health-in-the-philippines--by-the-numbers?country =philippines&channel=gn-health-wellness Shahani, L. R. (2014, Marso 18). Breaking stigma: The question of mental health reform. GMA News. Nakuha mula sa http://www.gmanetwork.com/news/story/352189/news/specialreports/breaking-stigma-the -question-of-mental-health-reform Tuliao, A. P. (2014). [Mental health help seeking among Filipinos: a review of the literature]. Faculty Publications, Department of Psychology. Nakuha mula sahttp://digitalcommons.unl.edu/cgi/viewcontent.cgi ?article=1792&context=psychfacpub Uy, J.R. (2015, Hunyo 8). Schizophrenia top mental disorder afflicting Filipinos who seek help, says study. Philippine Daily Inquirer.Nakuha mula sahttp://newsinfo.inquirer.net/696823/schizophrenia-top-mental-disorder -afflicting-filipinos-who-seek-help-says-study 11 | R e y e s