Uploaded by Geraldine Mae Brin Dapyawin

Q3 ARALIN 2 ANEKDOTA

advertisement
FILIPINO 10: IKATLONG MARKAHAN
ARALIN 2: PAGSULAT NG ORIHINAL NA ANEKDOTA
Pinakamahalagang Kasanayang Pampagkatuto:
1) Nasusuri ang binasang anekdota.
2) Naisusulat ang isang orihinal na komikstrip batay sa isang anekdota
3) Nagagamit ang kahusayang gramatikal, diskorsal at strategic sa pagsulat ang isang orihinal na
anekdota.
Ano nga ba ang Anekdota?
Ang anekdota ay isang kuwento ng isang nakawiwili at nakatutuwang pangyayari sa buhay ng
isang tao. Layon nito ay makapagpabatid ng isang magandang karanasan na kapupulutan ng aral. Ito’y
magagawa lamang kung ang karanasan o ang pangyayari ay makatotohanan. Isang malikhaing akda ang
anekdota. Dapat na ang bawat pangungusap ay kukuha ng interes ng mambabasa. Dapat na ang
panimulang pangungusap ay kapana-panabik. Ang isang magandang panimula ay magbibigay ng
pangganyak sa mambabasa at mahihikayat na ipagpatuloy ang pagbasa ng anekdota
Mga katangian ng anekdota:
A. Dapat maging makatotohanan ang paksa-dapat batay sa tunay na karanasan ang paksa.
B. Dapat maging kapana-panabik.
C. Dapat may isang paksa lamang.
D. Sa bawat pagwawakas ng anekdota, dapat isinaalang-alang ang kakintalang maiiwan sa
kaisipan ng mga mambabasa
E. Dapat maging payak ang pagbibigay ng di pangkaraniwang pangyayari.
F. Tuwirang isinusulat ang anekdota
G. Dapat magtaglay ng kongkretong pangalan, aktibong pandiwa at ilan lamang ang pang-uri at
pang-abay ang mga pangungusap.
Mga uri ng anekdota:
A. Ang anekdotang hango sa tunay na buhay ng isang tao - nagbibigay sa mga mambabasa ang
pagkakataong lalong makilala ang pansariling buhay ng taong iyon.
B. Ang anekdotang hindi hango sa tunay na buhay - madalas na katatawanan ngunit madalas ding
may mahalagang tinutukoy.
Ang mga pangyayaring isinasalaysay sa anekdota ay minsang nagiging pabula na rin, ngunit
dahil sa ang mga tauhan ay hindi hayop kundi mga tao, ito’y kapanpaniwala na rin. Ang layunin ng
anekdota ay mang-aliw, makapagturo, at makapaglarawan ng ugali at tauhan.
Mga halimbawa ng anekdota:
MULLAH NASSREDDIN
Isinalin sa Filipino ni Roderic P. Urgelles
Si Mullah Nassreddin na kilala bilang Mullah Nassr-e Din (MND) ang pinakamahusay sa pagkukuwento ng katatawanan sa
kanilang bansa. Lagi itong naaalaala ng mga Iranian na dating mga Persiano noong sila ay mga bata pa. Libo-libong kuwento ng
katatawanan ang naiambag ni Mullah Nassreddin sa kanilang lipunan. Tinagurian din siyang alamat ng sining sa pagkukuwento dahil
sa mapagbiro at puno ng katatawanang estilo sa pagsulat. Nagpasalin-salin sa bibig ng mga tao ang kaniyang mga naisulat mula
noon magpasahanggang ngayon.
Naimbitahan si Mullah Nassreddin upang magbigay ng isang talumpati sa harap ng maraming tao. Sa pagsisimula niya,
nagtanong siya, “Alam ba ninyo ang aking sasabihin?” Sumagot ang mga nakikinig “Hindi”, kung kaya’t kaniyang sinabi “Wala akong
panahong magsalita sa mga taong hindi alam ang aking sasabihin,” at siya ay umalis. Napahiya ang mga tao.
Inanyayahan siyang muli upang magsalita kinabukasan. Nang muli siyang tanungin ang mga tao ng katulad na katanungan
ay sumagot sila ng “Oo”, sumagot si Mullah Nassreddin “Kung alam na pala ninyo ang aking sasabihin, hindi ko na sasayangin ang
marami ninyong oras” muli siyang umalis. Ang mga tao ay nalito at nataranta sa kaniyang naging sagot.
Sinubukan nila muli na anyayahan si Mullah Nassreddin upang magbigay ng pahayag at muli siyang nagtanong “Alam ba
ninyo ang aking sasabihin?” Handa na ang mga tao sa kanilang isasagot ang kalahati ay nagsabi ng “Hindi”, at ang kalahati ay
sumagot ng “Oo”, kung kaya’t muling nagsalita si Mullah Nassreddin “Ang kalahati ay alam ang aking sasabihin, kaya’t kayo ang
magsasabi sa kalahati na di alam ang aking sasabihin,” at siya ay lumisan.
MONGHENG MOHAMETANO SA KANIYANG PAG-IISA
Mula sa mga Anekdota ni Saadi Persia (Iran) ni: Idries Shah
Salin sa Filipino no Roderic P. Urgelles
Isang araw, ang mongheng Mohametano ay nag-iisa at namamanata sa disyerto. Ang Sultan naman na namamaybay sa
kaniyang ruta, sa kaniyang nasasakupan ay matamang nagmamasid sa mga tao. Nakita nia na hindi nagtaas ang kanyang ulo ang
Mongheng Mohametano habang dumadaan siya.
Nagalit ang Sultan at nagwika “Ang nakasuot ng balabal ay walang pakiramdam, tulad niya ng hayop, hindi siya nagtataglay
ng paggalang at kababaang loob.”
Kung kaya’t ang vizier o ministro ay nagwika “Mongheng Mohametano! Ang Sultan ng buong mundo ay nagdaan sa iyong
harapan. Bakit di mo siya binigyan ng kaukulang paggalang?”
Sumagot ang Mongheng Mohametano, “Hayaan mong ang Sultan ang magbigay ng paggalang para hanapin ang
magbebenepisyo sa kaniyang magandang gawa. Sabihin mo sa kanya, ang hari ay nilikha para sa kagalingan ng kaniyang
nasasakupan at hindi nilikha ang mamamayan para paglingkuran ang Sultan.”
ANG TSINELAS
ni Jose Rizal
Maganda ang dagat at ang ilog sa aming bayan sa Laguna. Bughaw na may halong luntian kapag walang sigwa. Ang tubig
sa wawa ay napapaligiran ng mga kawayang sumasayaw na tila umiindak kapag nahihipan ng hangin. Ang mga bangkang may
layag ay parang mga paru-parong puti na naghahabulan. Ang bangka ay karaniwang gawa sa kahoy na inukit sa matibay na kahoy
na nakukuha sa aming gubat. Kung minsan ito ay may dalawang katig na gawa sa matitibay at mahabang kawayan upang ang
bangka ay hindi gumiwang kapag ito ay nakatigil sa tubig.
Karamihan sa gamit nito ay pangingisda nguni’t sa aming lalawigan, ang ay ginagamit namin sa paglalakbay lalo na sa
pagtawid sa ibayo ng dagat. Mas mabilis ito kaysa gumamit ng kalabaw o ng karetela.
Naalala ko pa noon kasalukuyang kaming nakasakay sa bangka nang humulagpos ang isa kong tsinelas. Ang tsinelas ay
ang gamit namin sa pagpasok at pagpunta sa mga lakaran kung saan ang bakya na gawa sa kahoy ay hindi nararapat.
Mabilis itong inanod sa tubig bago ko nahabol para kunin. Malungkot ako dahil iniisip ko ang aking ina na magagalit dahil
sa pagkawala ng aking tsinelas.
Tiningnan ako ng nagsasagwan nang kinuha ko ang aking isa pang tsinelas at dali dali kong itinapon sa dagat, kasama ang
dasal na mahabol nito ang kapares na tsinelas. “
Bakit mo itinapon ang iyong isa pang tsinelas?” tanong sa akin ng kasamahan ko sa bangka. “Isang tsinelas ang nawala
sa akin at walang silbi sa makakakita. Ang isang tsinelas na nasa akin ay wala ring silbi sa akin. Kung sino man ang makakuha ng
pares ng tsinelas ay magagamit niya ito sa kaniyang paglakad.
Napatingin ulit sa akin ang mama. Marahil naunawaan niya ang isang batang katulad ko.
SA MUNDO NG KALITUHAN
Anonymous
Ang inaasahan natin ay kadalasang hindi nangyayari...at ang hindi inaasahan ang madalas na mangyari... Ang mundo ay
puno ng hiwaga. Maaaring ika'y magtanong kung bakit madalas nila itong sabihin.Puno ng kababalaghan..puno ng mga hindi
maipaliwanag na pangyayari...puno ng kung ano ano pa...
Minsan ay nagkwento ako ng isang anekdota sa aking mga estudyante...tungkol sa isang pamilyang pinaglalayo ng hindi
maayos na komunikasyon. Tinanong nila ako ng hindi ko inaasahan. "Ma'm..ano po ba ang anekdota?" Akala ko pa naman ay
itatanong nila kung paano ang gagawin upang magka-ayos ang mga pamilyang nagkakasiraan dahil sa hindi mabuting paguusap.
Hanggang sa napunta ang usapan sa kung ano ang halimbawa ng mga anekdota..kung saan makakabasa ng maraming
anekdota...kung saan ito ginagamit....kung ano ang mga aral na hatid nito...kung paano sumulat ng isang anekdota....kung ano ang
paborito kong anekdota...kung sino ang nagturo sa akin upang gamitin ang anekdota sa pagtuturo....at lahat ay tungkol sa anekdota.
At tuluyan ng nalayo ang leksyon tungkol sa komunikasyon sa mga pinag-usapan sa klase.Ganyan nga ang buhay sa
mundo. Sa dami ng mga pwedeng mangyari, maaaring mawala tayo sa pokus. At kung mawala tayo sa pokus, nangyayari ang hindi
dapat asahan.At saka natin sabihin..na ang buhay ay puno ng kababalaghan..puno ng hindi maipaliwanag na pangyayari. Hindi kaya
nawala lang tayo sa pokus kung kaya nangyayari ang mga bagay sa buhay natin. ... ang mga hindi natin inaasahan?
INAASAHANG AWTPUT: ISKRIP MO, IGUHIT MO
Panuto: Gumawa ng isang orihinal na komik-strip batay sa anekdotang “MULLAH NASSREDDIN.”
Lagyan ng diyalogo ang mga lobo ng usapan.
INAASAHANG AWTPUT: PAGSULAT NG SARILING ANEKDOTA
Panuto: Sumulat ng sariling-akdang anekdota. Maaaring ito ay hango sa sariling karansan at may
layuning magpakilala ng pansariling buhay upang magbahagi ng aral o kaya naman ito ay may layuning
magpatawa o mang-aliw. Lagyan ng pangmalakasang pamagat.
s
Download